Kinabukasan, pagkagising ko, masakit na masakit ang ulo ko. Nakita kong nasa tabi ko si Mike na himbing na himbing na natutulog habang nakapatong ang binti at braso sa katawan ko. Napairap na lang ako at dahan-dahang tinanggal ang mga braso at binti niya sa akin. Huwag na kayong magtaka. Sanay na sakin 'yan at ganoon din ako.
Tatayo na sana ako ng bigla niya akong hinila pabalik at niyakap nang mahigpit.
"Hoy, Mike. Kadiri ha! Lumayo ka nga. Masakit pa ulo ko." reklamo ko habang tinutulak siya palayo.
"Kaya nga dito ka muna, Prinsesa. Matulog ka muna sa tabi ko." sabi niya.
Bigla akong nanghina sa tinawag niya sakin.
Prinsesa...
"Hanggang ngayon ba naman Mike, buhay pa 'yung Prinsesa mong tawag sa akin na 'yan?" tanong ko.
"Oo naman. Diba sabi ko dati, nung mga bata pa tayo, Prinsesa kita?"
**
Nakita ko na naman ang mga batang bully. Kinuha nila ang PSP ko.
"Hoy! Akin na nga 'yan! Bakit mo ba kinukuha 'yan? Wala ka bang ganyan?!" tanong ko sa batang mataba na kumuha ng PSP ko na may kasamang dalawa pang batang lalaki.
"Akin na lang 'to!" sabi ng matabang bata.
"Hoy! Ibalik mo nga sakin 'yan! Hindi naman sayo 'yan eh!" sabi ko at hinabol ko sila.
"Akin na 'to ngayon. Bleh!" sabi nila sabay takbo.
Napaiyak na lang ako. Pero syempre, hindi ako nagpapatalo kaya binato ko ng bato na medyo maliit 'yung bata tapos tinamaan siya sa ulo.
"Aray!" reklamo niya.
Tiningnan niya ako nang masama.
"Bakit mo ako binato ha?!"
"Kasi kinuha mo yung PSP ko!" sigaw ko sa kanya. Bigla niya akong sinuntok.
"Aray!"
Napaupo ako sa sahig. Sinipa niya pa ako nang malakas kaya naman lalo akong naiyak.
"Sa susunod, wag mo akong kakalabanin! Kapag sinabi kong sakin na'tong PSP mo, sakin na 'to!" sabi niya tapos umalis na siya.
Naiwan akong iyak ng iyak habang nakaupo sa sahig. Tinitingnan ko lang sila habang naglalakad palayo sa akin.
Ilang sandali pa ay may nakita akong hindi inaasahan.
"Hoy mga panget! Bakit niyo pinapatulan yung babae ha?!" sigaw ni Mike sa kanila.
"Babae?! Eh mas mukha pa ngang lalaki sayo yan eh!"
"Kahit na! Kawawa naman pala kayo, wala kayong laruan na tulad ng sa kanya! Mga bakla siguro kayo kaya niyo pinapatulan niyo yung babae!"
Nanatili pa rin ako sa pwesto ko, umiiyak, habang pinapanood sila.
Susuntukin na sana ng matabang bata si Mike pero nakaiwas si Mike tapos si Mike ang sumuntok ng sumuntok doon sa baboy na yun pati sa dalawang kasama niya.
Lumapit sa akin si Mike ng dala-dala niya yung PSP ko. Umupo siya sa harap ko. Pinunasan niya yung luha ko at ngumiti sakin.
"Eto na yung PSP mo, Prinsesa."
"Prinsesa?" nagtatakang tanong ko.
"Oo. Prinsesa kita. Simula ngayon, ililigtas na kita palagi sa kanila."
Lalo akong naiyak. Niyakap ko siya.
"Sorry. Sorry kasi palagi kitang inaaway. Sorry, Mike. Sorry." sabi ko habang iyak nang iyak.
"Okay lang 'yun!" tumawa siya.
Umalis siya sa yakap at tumalikod sa akin.
"Sakay ka." sabi niya.
"Ha?"
"Sakay ka na sa likod ko. Uuwi na tayo, Prinsesa."
Napangiti ako. Tapos, sumakay na ako sa likod niya.
**
Hindi ko maiwasang mapaluha dahil siya, kahit inaway ko siya nung umpisa, pero kinabukasan at sa mga sumunod na araw, palagi niya akong kinakausap. Kinakaibigan niya ako pero wala akong ibang ginawa kundi awayin siya. Tapos iniligtas pa niya ako sa mga bully na yun dati. Doon nagsimula ang pagiging magkaibigan namin.
"T-Tumigil ka na nga. Mga bata pa tayo noon. Malalaki na tayo, Mike." sabi ko saka tumayo. Lalabas na sana ako nang magsalita siya.
"Sabi ko sayo, prinsesa kita. Kahit na gaano ka kamukhang lalaki, prinsesa kita. Kahit na magka-boyfriend ka na, prinsesa pa rin kita. Kahit magkaroon na tayo ng sari-sariling pamilya, prinsesa pa rin kita. Kahit matatanda na tayo, prinsesa pa rin kita, Gabriella. 'Yan ang tatandaan mo. Habang-buhay kitang prinsesa.
"Habang-buhay na may Prinsesa Gabriella sa puso ko. Palagi kitang ililigtas. Kahit saan. Kahit gaano ka pa katapang, kahit gaano ka pa kagaling makipag-bugbugan. Ililigtas parin kita. Bestfriends tayo 'di ba?"
Naluha ako sa mga sinabi niya. Sa tinagal-tagal ng panahon, ngayon na lang ulit ako umiyak. Sa tinagal-tagal ng panahon, ngayon na lang niya ulit sinabi sakin 'yan.
"O-Oo naman. B-Best friends tayo eh. Sige, aalis na ako." sabi ko saka mabilis na lumabas ng kwarto niya.
Sa paglabas ko ng kwartong 'yon, doon ko na ibinuhos lahat. Sakit, hinanakit, lahat na. Mixed emotions. Ang gulo ko kahit alam ko naman ang dahilan kung bakit ko nararamdaman lahat ng 'to. Maliwanag pa sa sikat ng araw yung dahilan kung bakit ako nagkakaganito.
At alam kong bawal 'to.
Nang makauwi na ako sa bahay, dumiretso ako sa kwarto ko. Nakasalubong ko pa si Kuya pero hindi ko na lang siya pinansin.
"Good morning, dude!" masayang bati niya sakin.
Nagtaka siya ng hindi ko man lang siya binigyan ng tingin. Dire-diretso lang ako sa kwarto ko at saka humiga. Tinitigan ko yung kisame ng kwarto ko.
Narinig kong bumukas ang pinto ko. Hindi ko 'to nilingon dahil alam ko naman kung sino 'yun.
"Gabriella, may problema ba?"
Hindi niya ako tinatawag sa dude dahil alam niyang seryoso ako. Kaya seryoso na rin siya. Umupo siya sa tabi ko habang ako ay nakahiga parin.
"Wala. Masakit lang ulo ko." sabi ko at tinakpan ng unan yung mukha ko.
"Talaga? 'Yung ulo ba talaga yung masakit?"
"Oo. Hang over." Simple kong sabi.
Alam kong marami pang sasabihin 'yan kaya pinikit ko na lang ulit yung mga mata ko dahil sesermonan lang ako niyan tungkol sa pag-inom ko.
"Sakit 'no?" sabi niya.
Napadilat ako. Alam ko kung anong ibig sabihin niya.
"Torpe mo, dude eh. Bakit di ka umamin? Malay mo 'pag umamin ka, gumaan na 'yang pakiramdam mo."
"A-Ano bang sinasabi mo d'yan, Gregorio?"
"Huwag ka na ngang magmaang-maangan, dude. Kuya mo ako. Kahit pagbali-baligtarin ang mundo, ako ang higit na nakakakilala sa'yo. Higit kay Tatay, higit kay Mike."
Tumulo na ang luha ko. Pero hindi ko 'to pinapahalata. Sinigurado ko na kapag nagsalita ako, hindi niya mahahalatang umiiyak ako. Nakapatong pa rin 'yung unan ko sa mukha ko.
"H-Hindi ko alam 'yung sinasabi mo."
"Haay. Sige. Sabihin na natin na kunwari, hindi ko alam. Pero nanghingi ka ng advice kunwari. Eto lang masasabi ko, dude. Umamin ka na. Ako nahihirapan sa 'yo eh. Tigilan mo na yung pagsusuot ng mga damit na panlalaki. Tigilan mo ng umakto na para kang one of the boys kahit hindi naman talaga. Tama na, dude. Alam ko, nahihirapan ka na rin. Tigil na. Umamin ka na." mahabang sabi niya.
"Ayoko. Natatakot ako."
"Bakit ka matatakot? Ano bang natatakot kung sasabihan mo siya ng mahal kita? Wala namang horror sa likod ng salitang 'yon ha?" sabi niya.
Hindi ako nagsalita. Nagbuntonghininga siya.
"Gusto mo ng sagot sa salitang 'yon hindi ba? Pero bakit ka ba nanghihingi ng sagot doon kung una sa lahat, hindi naman tanong 'yon? Dude, ang mahalaga, masabi mo sa kanya 'yung nararamdaman mo. Huwag mo nang isipin na hindi niya ibabalik sa'yo 'yung salitang sasabihin mo. Hindi mo kailangan ng sagot doon."
Umiling ako.
"Masisira ang pagkakaibigan namin. Mawawala siya sakin. Hindi niya ako mamahalin pabalik kasi tomboy ako." giit ko. Hinaplos niya yung braso ko.
"Kung tunay siyang kaibigan, hindi ka niya iiwan. Kung mahalaga talaga ikaw sa kanya, hindi siya mawawala sa buhay mo. Huwag mong sabihin na hindi ka niya mamahalin pabalik dahil lang sa tingin niya ay tomboy ka. Kung mangyayari man 'yun, may ibang dahilan."
Tumayo siya at naglakad.
"Huwag mo nang isipin 'yun. Alam kong may magandang babaeng nagtatago sa maskara na katauhan ng lalaki. Alam kong may mabuting babaeng nakatago sa likod ng porma mong mukhang lalaki. Alam kong may totoong babaeng nagtatago sa maluluwag na t-shirt, cap at sapatos na panlalaki. Tigilan mo na ang pagsoot ng maskara na 'yan dahil alam kong hindi mo na nagugustuhan ngayon 'yan. Huwag ka nang umiyak." sabi niya bago ko narinig na sumara ang pinto.
Napahagulgol na ako ng iyak. Ang hirap. Ang sakit na. Tama si Kuya. Pero kahit anong gawin niya, hindi ako aamin. Hinding hindi.
Alam kong may magandang babaeng nagtatago sa maskara na katauhan ng lalaki.
Iyak lang ako nang iyak. Ayoko. Hindi ako aamin. Hindi ngayon. Hindi bukas. Hindi sa mga susunod na araw.
Hinding-hindi ko aaminin sa kanya kung gaano na kasakit ang nararamdaman ko ngayon.
Wala akong balak umamin sa kanya. Habang-buhay kong itatago sa puso ko ang nararamdaman ko sa kanya.
Habang-buhay kong itatago at ililihim sa kanyang mahal na mahal ko siya.
**