"Mangkukulam!!!" sigaw ni Mike sa tapat ng bahay namin na technically, sa bahay nila.
Natutulog pa ako eh! Aayain lang akong magpalipad ng saranggola niyan sa park.
"Manahimik ka, Mike! Natutulog pa ako eh!" sigaw ko pabalik sa kanya at nagtalukbong ng kumot.
"Bumangon ka na d'yan! Kapag hindi ka bumangon, babasagin ko bintana mo!!!" sigaw pa niya. Hindi ko na lang pinansin.
Konti na lang, naibabalik ko na ang naputol kong tulog nang may narinig akong nabasag.
Ang bintana ko... basag.
Agad-agad akong bumangon at tiningnan siya sa baba at sinigawan. Nasa second floor kasi 'yung bahay ko. I mean... kwarto ko.
"Putaena mo kang kapre ka!!! Bayaran mo 'tong bintana ko! Mahigit sampung beses mo na 'tong binabasag, ah?!!" sigaw ko sa kanya. Nakita ko siya sa ibaba na may hawak na dalawang saranggola na ginawa namin last month.
"Oo! Pinapalitan ko naman, ah?! Bumangon ka na d'yan! Magpalipad na tayo ng saranggola!!!"
"Oo na!" sabi ko na lang tsaka naligo at nagbihis ng damit at s'yempre nag-cap.
Pagkababa ko, nakita ko na kumakain si Kuya at Tatay.
"Hoy, dude. Mukhang nabasag na naman yung bintana mo ha?" bati sa akin ni Kuya.
"Nabasag? Baka binasag ng kapit-bahay?" pag-kontra naman ni Tatay.
Nagtawanan pa sila. Inirapan ko na lang at lumabas ng bahay.
"Hoy brad! Kumain ka muna." pahabol na sabi ni tatay.
"Wag na. Nakakahiya naman sa natirang pagkain. Baka mabusog ako." sagot ko habang lumalabas ng bahay.
Ang konti na lang kasi talaga. Parang bata yung kakain. Jusko talaga yung mag-ama na yun! Parang hindi nila ako anak at kulang na lang, gutumin ako ha?
Sinalubong ako ni Mike ng may malapad na ngiti sa labi habang may bitbit na saranggolang kulay itim na ginawa namin.
"Good morning, Mangkukulam." sabi niya.
"Good morning ka d'yan. Libre mo ako ng agahan sa 7/11. Nagugutom na ako." sabi ko tsaka nauna nang maglakad sa kanya.
Humanda sakin bulsa ng kapre na 'to.
"Patay," bulong niya.
Napangiti nalang ako.
Nang nasa 7/11 na kami, Kinuha ko na yung mga usual na pagkain na kinakain ko rito kapag nag aagahan tapos large size na kape.
Ngayon, nandito na kami sa park at kumakain sa isang couple bench habang ang mga saranggola namin ay nasa isang gilid.
Kadiri 'no? Couple bench pa kami pumpwesto. Eh mukha kaming parehong lalaki. Tsaka. Kadiri talaga ha?
"Grabe ka talagang mangkukulam ka. Salot ka sa bulsa!"
"Grabe ha! Kamusta naman yung pagbato mo sa bintana ko?!" sarcastic na sabi ko. Ngumiti lang siya at nag-peace sign at kumain na rin.
Habang umiinom ako ng kape, nagsalita siya.
"Hoy Gab. Bakit hindi mo subukang magpaka-chixx tulad nung mga babaeng 'yun?" sabi niya.
Automatic naman na napabuga ako ng kapeng iniinom ko, sakto sa pagmumukha niya.
"Salamat ha? Salamat." sabi niya habang pinapahiran ng tissue yung mukha niya.
"Kasi naman ikaw eh! Maghilamos ka na lang d'un." sabi ko tapos tinuro yung faucet na medyo malapit sa amin. Pumunta naman siya ro'n.
Nakita ko 'yung mga batang nagpapalipad din ng saranggola. Napangiti ako sa alaalang pumasok sa isip ko. Naalala ko nung bata pa kami ni Mike. Ganun din kami.
Weekend nga pala ngayon kaya medyo madaming tao sa park. Kumain na lang ako. Dumating na siya at sinimulan na rin kainin ang natitirang pagkain.
"Gab kasi, sagutin mo na lang yung tinatanong ko sa'yo kanina. Gusto ko lang naman malaman kasi wala kang sinasabi sa akin."
Gusto ko na rin 'tong dagukan eh! Pero sumeryoso na lang din ako. Minsan lang 'to.
"Ayoko. Hindi ako kumportable." simpleng sagot ko.
"Bakit naman?"
"Kadiri kaya!"
"Sus. Ano kaya 'yung kadiri d'un. Talikod ka, men."
Tumalikod naman ako tulad ng sinabi niya. Tinanggal niya 'yung cap ko na siyang ikinagulat ko. Pero hindi ko na rin naman pinigilan. Binagsak niya 'yung buhok ko at sinimulang suklayin. Sinimulan niya itong suklayin ng dahan-dahan para siguro masiguradong hindi ako masasaktan. Pero...
"Aray, aray!" reklamo ko habang hawak yung part na sinusuklay niya. Nilingon ko siya.
"Grabe, Gab. Nagsusuklay ka pa ba?" hindi makapaniwalang tanong niya.
"Hindi. Bakit? Eh bakit pa? Tinatago ko lang rin naman sa loob ng cap ko." sabi ko.
Totoo naman eh. Napailing na lang siya at ipinagpatuloy ang ginagawa.
After twenty minutes, naramdaman kong hindi na masakit sa anit yung paghagod ng suklay na hawak niya. Hindi na sumasabit 'yung buhok ko sa suklay. Tiningnan ko 'yung buhok ko. Maganda pala. Medyo brown tapos makinang. Nakatalikod pa rin ako sa kanya.
"Ganda ng buhok mo. Babaeng-babae." sabi niya bigla.
"Mas maganda ako sa buhok ko."
Kahit naman boyish ako, may taglay rin akong katapangan ng hiya pagdating sa pagmumukha ko. Tinuktukan niya 'yung ulo ko ng suklay na hawak niya.
"Aray!"
"Ang kapal ng mukha natin no?"
Natawa ako.
"Harap ka nga."
Humarap naman ako.
Nung una, nanlaki pa ang mata niya. Parang gulat na gulat sa naging itsura ko. Ano nga bang itsura ko? Pero di nagtagal, ngumiti siya nang maganda. That genuine smile. Nilagay niya sa likod ng tenga ko yung buhok na kumawala dahil sa pag-ihip ng hangin.
"Sabi ko na, maganda ka eh. Ngayon lang kita nakitang ganyan kahit sampung taon na tayong magkaibigan." nakangiti niyang sabi.
"Alam mong kahit kailan, hindi ako nag-ayos hindi ba?" Natatawa-tawa kong sabi. Pinat niya lang yung ulo ko. Nagtaka naman ako don. "Ang weird mo." sabi ko sabay irap.
May kinuha siya sa bulsa niya at ikinabit sa ulo ko. Ano ba yan. Nakaka-asiwa. Kinapa ko ito ng may nakakunot na noo at nagtataka.
"Ano ba 'to?" tanong ko sa kanya.
"Clip. Binili ko 'yan sa mall. Sabi ni mama maganda daw eh. Kaya binili ko. Tapos binigay ko sayo. Sa prinsesa ko. Sa best friend ko." sabi niya.
Ayan na naman yung prinsesa na yan. Naalala ko last week nung nakatulog ako sa higaan niya at tabi kami. Nag-inuman kasi kami noon at birthday ng Kuya niya. Tinawag niya rin akong prinsesa that time.
Ngumiti ako nang mapait sa kanya at pinitik siya sa tenga.
"Aray."
"Nagiging madrama ka na. Lubay-lubayan mo kakanood ng Analiza ha?" pabiro kong sabi. Ngumiti siya.
"Tara na. Palipad na tayong saranggola." sabi niya. Ngumiti naman ako sa kanya at tumayo.
Nasa malayo ako sa kanya habang hawak ang lalagyan ng sinulid na nakakabit sa saranggola. Hawak naman niya 'yung saranggola ko.
"Pagkabilang ko ng tatlo, tumakbo ka ka?" sabi niya.
"Oo."
"1... 2... 3... Run!" sabi niya tapos ako naman ay tumakbo nang tumakbo sa loob ng park.
Nakaka-enjoy! Ang sarap sa pakiramdam! Nakangiti lang ako the whole time na tumatakbo ako habang matayog ang lipad ng saranggola ko. Nahagip ng mata ko si Mike na natatawa-tawa habang sinusundan ako ng tingin.
Paksyet! 'Yung buhok ko, nililipad na rin! Pero hindi ko na lang pinansin. Basta ako, masaya akong nagpapalipad ng saranggola ko.
Ang sarap talaga sa pakiramdam. Hinding-hindi ako magsasawang magpalipad ng saranggola kahit na gaano na ako katanda.
Ilang minuto na akong nagpapalipad. Hindi na ako ngayon tumatakbo. Hinahayaan ko na lang 'yung saranggola ko na nasa mataas habang masayang lumilipad. Nakita ko si Mike sa tabi ko. Nakalipad na rin 'yung saranggola niya.
"Tingnan mo Mike 'yung sakin, ang taas ng lipad!" masaya kong sabi.
"Mas mataas 'yung sakin oh!" sabi niya. Nakita ko nga na mas mataas yung kanya.
"Leche ka talaga!"
Tinawanan niya lang ako.
Matapos naming magpalipad ng saranggola, lumabas kami sa park pero dala pa rin namin 'yung saranggola namin.
"Ang saya talaga magpalipad ng saranggola 'no?"
"Oo. Kitang-kita ko nga kanina na sobrang saya mo habang tumatakbo ka. Ang ganda mo kanina, Gab. Para kang babaeng-babae."
Medyo natahimik ako. Pero may naalala ako.
"Mike! 'Yung sumbrero ko!" sabi ko nang nagpa-panic.
"Hayaan mo na 'yun. Dami mong ganun eh."
"Pero bigay mo 'yun!" sabi ko parin ng nagpapanic. Tumakbo ako pabalik sa park.
"Hoy Gab. Hahaha! Bumalik ka nga dito." sabi ni Mike nang natatawa-tawa.
Nilingon ko siya at nakita ko 'yung sumbrero ko na pinaiikot niya sa isang daliri niya habang tumatawa. Napangiti ako.
'Yun ang paborito ko sa lahat. Ibinigay niya sakin yun 4 years ago ng birthday ko. 'Yun 'yung kauna-unahang sumbrero na ibinigay niya sa akin. Kadalasan kasi, bigay ni Kuya at Tatay 'yung sinusuot ko. Tapos ayun. Binigyan niya ako.
Nung nasa tapat na niya ako, kinuha ko 'yung cap ko sa kanya at inihampas ko sa ulo niya.
"Aray ku!" reklamo niya.
"Tara na. Saan ba tayo pupunta?" sabi ko.
"Renta tayong bike." sabi niya.
"Ha? Eh may bike naman tayo sa bahay eh. Bakit magrerenta pa tayo? Sayang pera!"
"Ngayon ka pa nanghinayang sa pera samantalang kanina mo pa nawaldas ang pera ko."
Inirapan ko lang siya.
Nung nakarating na kami sa rentahan ng bike, kumuha siya ng dalawa.
"Saan mo gustong pumunta?" tanong niya sakin.
"Saan pa ba? Syempre sa pinakamagandang lugar na napuntahan nating dalawa." Natatawa-tawa kong sabi.
Nag-pedal na siya kaya sumunod ako sa kanya. Mabilis siyang magpedal kaya binilisan ko rin 'yung sakin. Sabay na kami. Huminto siya. Huminto rin ako.
"Bakit?" tanong ko.
Kinuha niya yung cap na suot ko tsaka siya ang nagsuot.
"Sinasayang mo ang pagod ko sa pagsuklay ng buhok mo. Tinatago mo pa yung pinakamagandang clip na ibinigay ko sayo. Huwag mong takpan nitong sumbrero na 'to. Bukas mo na lang ulit 'to isuot."
Tumango na lang ulit ako at ngumiti.
Nagsimula na ulit siyang magpedal kaya sinundan ko siya hanggang sa maging magkapantay na kami. Nasa kanan siya, nasa kaliwa ako.
Nandito na kami sa bungad ng lugar na pinakamagandang napuntahan naming dalawa. 'Yung lugar kung saan mukhang forest. Ang mga puno ay nakalinya sa kaliwa at kanan. Ang daanan ay kalsada na may nakakalat na mga dahon mula sa punong nakapalibot dito at malayang makakadaan ang bisikletang gamit mo. Walang gaanong pumupunta rito. Hindi kasi kilala ito.
Kami lang ang naka-discover ni Mike ng lugar na 'to dati nung bata kami dahil hinabol kami ng aso at dito kami napadpad. May malaking bahay siya sa pinakadulo. Parang mansyon. Pero walang tao rito kahit isa. Sayang. Sobrang ganda pa naman ng bahay na 'yon.
Ito na siguro ang lugar na pinakamagandang napuntahan namin. 'Yung lugar na 'to ang naging saksi sa pagiging masaya naming dalawa ni Mike.
"Gab." tawag sakin ni Mike habang nagbi-bike kami.
"Oh?" sabi ko naman.
Nilingon ko siya at nakitang nakalahad ang kaliwang kamay niya. May ngiti siya sa labi niya. Ngumiti rin ako at iniabot ang kanang kamay ko sa kamay niya. Magkahawak-kamay kami habang nagbi-bike. Sabay kaming sumigaw.
"Aaahhhh!!!" saka kami tumawa.
Bakit?
Wala lang. Trip lang naming sumigaw. Masarap sa pakiramdam 'yun lalo na sariwa ang hangin na humahampas sa mukha mo.
Nang makarating na kami sa parte ng lugar na 'yon kung saan kami nagpapahinga, bumaba na kami sa bike at inilagay sa gilid.
Nagtaka ako sa nakita ko pagkababa namin sa bike.
"Anong trip mo, Mike?" natatawa tawa kong sabi.
May nakita kasi akong picnic mat tapos may basket na ang laman ay mga pagkain.
"Wala lang. Minsan lang naman 'to Gab. Kaya lubus-lubusin na natin dahil malapit na tayong mag-college. Magiging busy na tayo."
Sabagay.
Naupo ako sa kumot. Siya rin umupo sa harap ko at inilabas ang mga pagkain.
"Ikaw nag-set?" tanong ko. Tumawa siya.
"Hindi. Pinaayos ko kay Kuya at sa Kuya mo habang na sasaranggola tayo." sabi niya.
"Alam nila 'to?" nagtataka kong tanong.
"Hindi. Tinuro ko lang sa kanila 'yung daan." napatango tango nalang ako.
Nagsimula na kaming kumain. Tanghalian na rin pala. 1:00 PM na eh. Gusto nyo bang malaman kung anong itsura ng lugar na kinalulugaran namin ngayon ni Mike?
Well, basta ito lang yung part kung saan napakaraming dahon. Yung pwede kang bumaon dahil sa sobrang dami ng dahon na nasa lupa. Ang maganda pa rito, hindi tuyo ang mga dahon. Kulay dilaw at brown siya. Mga dahon na nalalaglag mula sa puno.
Sana lang, huwag ibenta 'to ng may-ari. Kasi, kung ibebenta niya 'to, isa ako sa magiging pinakamalungkot na tao sa mundo. Kung sakali man na ibenta nila 'to, sisiguraduhin kong ako ang bibili nito. Ako ang makakabili nito. Pinapangako ko.
Nang matapos kaming kumain, inayos na namin yung picnic mat at mga pinag kainan saka inilagay lahat ng 'yon sa picnic basket.
Humiga kami sa bundok ng dahon. Si Mike naman, feeling yata nasa beach kami. Nilubog lang naman sa dahon yung katawan ko. Mula leeg hanggang paa tsaka ako pinicturan. Abnormal no?
Umupo na lang ako sa damuhan. Tumabi siya sakin. Nag-picture ulit kami ng nag-picture. Maganda naman cellphone niya eh. Samsung SIII. Padala sa kanya ng daddy niyang nasa abroad. Sana nga ganun na lang din cellphone ko eh. Kaso, di kasi ako mahilig sa cellphone.
Sa totoo lang, napakarami naming picture ni Mike. Mas marami pa sa picture namin ni Kuya at Tatay. Ang malala pa, pinapa-develop namin lahat ng 'yon! Madami kaming pera eh.
Sayang nga eh. Pero nilalagay namin sa photo album. Tapos 'yung mga pinakamagagandang shots, nasa scrap book. Pito na scrap book namin mula nung bata pa kami. Tapos yung photo album namin, 12 na. Ang dami no?
Nang matapos kami sa picture picture session, tumayo si Mike. Ako, nanatiling nakaupo habang nakatingin sa kanya.
"Magpapa-ulan ako ng dahon." sabi niya. Natawa na lang ako.
Kumuha siya ng maraming maraming dahon saka isinabog sa itaas, dahilan para hiwa-hiwalay silang bumagsak sa akin. Ang ganda.
"Gusto mo pa?"
Tumango ako nang may ngiti sa labi at inulit-ulit niya ang ginawang 'yon.
I spread my two arms like I am flying while my eyes are close.
Sa totoo lang, nawawala sa loob kong boyish nga pala ako kapag sobrang nag-eenjoy ako. Feeling ko, nasa isang eksena ako ng Korean Novela na Autumn in my Heart tsaka Winter Sonata. Nakaka-enjoy. Ang sarap sa pakiramdam.
Nang napagod na siya, umupo siya sa tabi ko.
"Nag-enjoy ka ba?" tanong niya sa akin. Ngumiti ako at tumango.
"Oo naman. Sobrang saya. Salamat."
"Tara. Matulog muna tayo." tapos nahiga siya sa bundok ng dahon.
Humiga rin ako sa tabi niya at ipinikit ang mga mata nang may ngiting totoo sa labi.
"Sweet dreams, Mangkukulam." sabi niya bigla. Alam kong nakapikit pa rin siya kaya di na ako nag-abala pang mag mulat ng mata at tingnan siya.
"Sweet dreams, Kapre." I said then I finally fell asleep.
--x
Kulay orange na ang kalangitan nang magising ako.
Sunset...
Tiningnan ko 'yung oras. 5:30 na pala ng hapon at nakita kong tulog pa rin si Mike. Mukhang pagod na pagod ah? Ginising ko na siya.
"Hoy, Mike. Tara na. Magga-gabi na." sabi ko habang niyuyugyog-yugyog ko siya.
Gumalaw naman siya at nagmulat ng mata. Nang makita niya ako, ngumiti siya.
"Uwi na tayo?" tanong niya. Ngumiti ako at saka tumango.
Isinoli na namin 'yung bike sa pinag-rentahan namin at naglakad kami pauwi habang dala-dala namin 'yung mga saranggola namin. Ganun pa rin 'yung ayos ko. Nakalugay ang buhok na gusot gusot na at may nakalagay na clip na kulay silver na puno ng diamonds. Kanina ko lang nakita nung nag picture-picture kami. Siya naman, bitbit 'yung picnic basket tsaka 'yung saranggola niya. Suot pa rin niya 'yung sumbrero ko.
Nagkwekwentuhan lang kami habang naglalakad pauwi. Malapit na kami sa bahay nang may narinig kaming napaka familiar na boses.
"Wow. Binata na kayo, mga pare. Kamusta? Ako'y nagbabalik." sabi niya habang nakatingin saming dalawa ng nakangiti. Nagkatinginan kaming dalawa at ngumiti tsaka namin dinamba 'yung taong to.
"Yves!"