"Guys. Next Saturday will be our Graduation Ball and our theme for this year is ... Masquerade."
Agad namang nakagawa ng ingay ang naging anunsiyo ni Mrs. Recto. Kaniya-kaniya nang usap-usapan ang aking mga kaklase.
"Of course, you cannot go to a ball without a date kaya pwede ninyong dalhin ang inyong mga girlfriend. Please have your names listed sa admin office this Friday. Ililista na rin natin ang mga pangalan ng mga nobya ninyo at baka meron dito ang magkapareho ng girlfriend. Mahirap na baka magkagulo pa sa ball. Hindi natin alam." biro ng aming professor at agad namang napuno ng tawanan ang buong silid-aralan.
"This will be the most exciting part of your college journey but please ... walang away-away ha? I don't want troubles. It's a party. Let's have some fun." nakangiting saad niya at napuno na naman ulit nang hiyawan ang buong classroom namin.
"Sasali ka?" biglang tanong sa akin ni James habang ako naman ay nagliligpit na ng aking mga gamit.
"Ewan." saad ko at bigla kong napansin ang pagkalungkot ng kaniyang mukha.
"Okay. Hindi na rin siguro ako sasali." aniya
Hindi ko alam kung ayaw ko ba talaga o sadyang hindi ko lang kayang gawin. Lahat ng pupunta ay may kasamang girlfriend. Ako? Baka hindi kami matanggap ng lahat.
Napailing nalang ako dahil ayaw ko munang isipan ang mga bagay na ito. Tsaka, kailangan kong magtrabaho. Sayang ang pera kung dadalo pa ako sa pagtitipong iyon. Puro sayawan, kantahan, kwentuhan at kainan lang naman ang gagawin du'n eh.
"Sabay na tayo uuwi." saad ko sabay tayo mula sa upuan ko
"Wala kang trabaho ngayon?"
"Wala. Pinagday-off ako ni Miss V ngayon. Sa condo nalang tayo kakain." tugon ko at tumango lang ito sa akin. Pinagmasdan ko lang siyang tumayo mula sa kaniyang kinauupuan at nilagpasan lang ako. Sinundan ko lang siya sa kaniyang paglalakad hanggang sa makarating na kami sa kotse niya. Pumasok na kaming dalawa at sinimulan na niya itong paandarin.
Napakatahimik ni James ngayon. Ni hindi niya ako kinakausap o kinakamusta sa mga ginagawa o gagawin ko palang gaya ng dati. Ayaw kong mag-isip ng kung anu-ano pero hindi ko maiwasang hindi isipin na ang Graduation Ball ang dahilan kung bakit napakatahimik niya ngayon at hindi niya ako kinakausap. Nanahimik nalang din ako at itinuon ang aking atensiyon sa daan hanggang sa makarating na kami sa condo.
Tahimik pa rin kaming pumasok sa loob at nabibingi na ako kaya naisipan kong pumasok na muna sa banyo para makaiwas sa kaniya. Tumingin ako sa salamin at nakipagtitigan sa lalaking kaharap ko ngayon tsaka napabuntong hininga.
"Hindi ka pa ba handang ipakilala siya sa lahat?" bulong ko sa aking sarili at binuksan ko ang gripo. Naghilamos ako at ilang segundo rin akong nakipagtitigan ulit sa repleksyon kong basang-basa ngayon ang mukha.
Ewan! Hindi ko alam. Masaya naman ako kay James pero ibang usapan na ang ipapaalam namin sa lahat ang tungkol sa aming dalawa. Hindi ko pa tukoy kung anong magiging kahihinatnan nu'n.
Kumuha ako ng tissue sa gilid ko at pinunasan ang aking mukha. Huminga muna ako nang malalim bago ako lumabas ng banyo. Pagkalabas ko ay napansin kong nakapagbihis na si James ng pambahay.
Tahimik pa rin siya at tanging mga kaluskos at tunog ng mga gamit lang ang aking naririnig. Nagtungo ako sa drawer at kumuha ng aking pambahay na damit. Walang pag-aalinlangan na akong nagbihis sa loob ng kwarto.
Napasulyap ulit ako sa kaniya at nagbabasa lang ito ng libro. Hindi ko na rin siya kinausap at nagtungo na ako sa kusina para magluto ng hapunan namin. Nilabas ko na ang mga sangkap ng lulutuin kong ginisang alugbati. Pagkatapos kong magluto ay naghanda na ako sa mesa ng mga pagkain.
"Handa na ang pagkain. Kumain na tayo." tawag ko sa kaniya pero hindi pa rin niya ako pinapansin. Alam ko namang naririnig niya ako eh kasi malakas naman iyong boses ko.
Lumapit ako sa kaniya at kinuha ang librong binabasa niya.
"Lumalamig na ang pagkain." saad ko sabay lapag ng aklat sa side table niya. Tahimik siyang bumaba ng kama at nagtungo sa mesa.
Napakagat ako ng aking ibabang labi at nagbuntong-hininga tsaka ako nagtungo sa mesa at sinabayan siyang kumain.
Patuloy siya sa pagkain nang hindi man lang ako kinakausap o tinitignan.
"James." tawag ko sa kaniya pero nagpatuloy lang ito sa pagkain. "James!" Hindi ko na napigilan ang sariling magtaas ng boses sa harap niya. Ito lang ang naisip ko na paraan para makatingin siya sa akin nang diretso at napabuntong hininga nalang ako nang tumugon ito.
"May problema ba?" pagtataka kong tanong sa kaniya
"Ha? Wala naman." nakangiting saad nito
"James. Apat na taon na tayong magkasama kaya alam ko kung may problema ka o wala. Kaya sabihin mo na. Kanina mo pa ako hindi kinakausap eh."
"Wala nga sabi eh." aniya at nagpatuloy ito ulit sa pagsubo ng pagkain
"Dahil ba ito sa Grad Ball?" tanong ko at napansin kong bigla siyang natigilan sa pagsubo ng pagkain niya. Tumingin siya sa akin at nagbuntong-hininga.
"Hindi."direktang sagot nito sa akin.
"Eh ano nga ang problema? Bigla mo nalang akong hindi kinakausap nang maayos."
"Wala nga sabi eh. Kumain nalang tayo." aniya at sumubo ulit ng pagkain niya.
Ibinaba ko ang aking hawak-hawak na kutsara at hinawakan ang kaniyang mga kamay. Dahan-dahan naman niyang nilapag ang hawak na kutsara sa plato niya at tumingin sa akin.
"Hindi ko kayang ganito tayo. Kausapin mo naman ako." pagmamakaawa ko. Napansin ko ang pagbuntong hininga niya. mas hinigpitan pa niya ang pagkakahawak sa mga kamay ko.
"Alam ko naman kasi na hindi ka pa handa. Okay lang. Naiintindihan ko kung ayaw mo akong makasama sa ball."
"Kaya ka ba nagtatampo sa akin dahil du'n?"
"Ako nagtatampo? Bakit naman?" nakangising sabi niya. "Pero kapag sinabi ko bang nagtatampo ako, sasamahan mo ako? Magiging date kita?"
Napakabilis din magbago ng isip ng lalaking ito.
"James. Hindi naman sa ganu'n. Sayang lang din kasi ang trabaho eh kung pupunta pa ako sa ball. Wala naman tayong ibang gagawin du'n kung hindi ang kumain at makipagkwentuhan lang sa mga kaklase natin. Eh araw-araw naman tayo nagkikita-kita."
"Iyon lang ba talaga ang dahilan?"
"James."
"Kung nahihiya kang gawin akong ka-date, pwede naman tayong pumunta du'n nang solo diba? Mahalaga ang ball, Mark. Iyon ang huling pagkatataon nating mag-enjoy sa college bago tayo sumakay ng barko. Tsaka, hindi naman kailangan na may date sa ball para lang makapunta tayo. Ang mahalaga sa akin ay makasama kita sa gabing iyon at mag-enjoy tayo. Puro ka nalang trabaho kasi." saad niya
"Sige. Pag-iisipan ko." tugon ko
Humiwalay siya sa pagkakahawak ng kamay niya at hinawakan ang akinh mukha.
"Ang mahalaga sa akin ay ang makasama ka ... date man kita o hindi. Hmmm?" nakangiting saad niya at tanging pagtango lang ang aking naging tugon.
"Kumain na tayo ulit." saad ko.
Habang kumakain kami ay napansin ko ang pagtunog ng cellphone ni James na nasa ibabaw ng mesa. Kinuha niya ito at binasa.
Napansin ko ang gulat sa kaniyang mukha.
"Sino iyan?" tanong ko
"H-Ha? W-Wala. Bakit? Nagseselos ka ba?" nakangiting saad niya at nakipagtitigan lang ako sa kaniya. Hindi ko naman kasi alam kung paano ko sasagutin ang tanong niyang iyon. "Alam mo napakaseryoso mo. Bababa lang ako. May bibilhin lang ako."
"Ha? Ako nalang. Ano bang bibilhin mo?"
"Ako na. Hintayin mo nalang ako dito. Ano ba gusto mo?" tanong niya sabay tayo sa kinauupuan niya
"Sigurado ka? Kahit ano nalang. Bilisan mo at mag-ingat ka sa labas." paalala ko at tumango lang siya sa akin. Pinagmasdan ko lang siyang naglakad palabas at akmang pabukas na sana siya ng pintuan nang agad ko naman siyang tinawag.
"James!" tawag ko at lumingon naman siya
"Bakit?"
"Tawag ka kung may nararamdaman kang masama."
"Opo daddy." natatawang saad nito at agad nang lumabas ng kwarto. Narinig ko nalang ang pagsara ng pintuan. Napangiti nalang din ako habang iniisip ang naging reaksyon niya. Napaka-OA ko du'n.
Nagligpit na ako ng mga pinagkainan namin at hinugasan ang mga ito. Habang nagliligpit ako ay biglang sumagi sa akin ang gulat na mukha ni James nang may nabasa siya sa cellphone niya.
"Bakit kaya biglang lumabas iyon?" bulong ko sa aking sarili. "Baka bibili lang ng condom. Ewan." iniling-iling ko ang aking ulo para alisin ang mga tumatakbo sa isipan ko.
Nagtungo na ako sa banyo para magsipilyo at humiga na ako sa kama pagkatapos. Habang hinihintay ko si James ay nanonood muna ako ng mga fliptop videos pero nakailang beses na akong nanood ng fliptop videos ay hindi pa rin bumabalik si James. Tinignan ko ang oras sa cellphone ko at halos tatlumpong minuto na siya sa labas eh nasa tapat lang naman ng building ang convenience store na madalas binibilhan namin. Hindi ko tuloy maiwasang hindi mag-isip nang masama.
Tinawagan ko siya pero hindi ito sumasagot.
"Nasaan ka na? Ayos ka lang?"
"Tapos ka na bang bumili?"
"Marami ba iyang binili mo? Nahihirapan ka ba sa pagbitbit ng mga iyan? Sunduin na kita?"
"James? Ano na? Paakyat ka na ba?"
Pinaulanan ko na ng mga text messages si James pero wala akong natatanggap na kahit isang reply mula sa kaniya. Bigla tuloy akong kinabahan kaya naisipan ko nang lumabas ng kwarto. Bumaba na ako ng condo at natigilan nalang ako sa may lobby nang may nakita akong grupo ng mga lalaki sa labas ng convenience store.
"James?" bulong ko sa aking sarili nang maaninag ko ang mukha niya. Nanlaki bigla ang aking mga mata nang rumehistro sa akin ang mga mukha ng mga lalaking kausap niya ngayon. Sila iyong mga lalaki sa bar na nanuntok sa akin.
Anong ginagawa nila rito?
"James!" tawag ko sa kaniya at napansin ko naman na lumingon ito at ang mga lalaking kausap niya. Agad akong tumakbo sa kinaroroonan niya pero huli na ang lahat. Hindi ko na sila naabutan pa. Sinubukan kong habulin sila pero hinawakan niya ako sa kamay.
Pilit kong hinahabol ang aking mga hininga bago ko siya hinarap.
"Anong ginagawa nila rito? Bakit ka nila kinakausap? Ayos ka lang? Sinaktan ka ba nila?" walang preno kong pagtatanong sa kaniya habang hinahawakan ang kaniyang mukha at tinignan kong wala ba siyang pasa o sugat.
"Ayos lang ako. Ano pala ang ginagawa mo rito?"
"Anong pinag-uusapan ninyo? Tinakot ka ba nila? Gago ang mga iyon ha!" serysosong saad ko
"Tayo na. Ayos lang ako. Hindi nila ako sinaktan."
"Ano nga pinag-usapan ninyo?!" Hindi ko na napigilang magtaas ng boses dahil sa sobrang pag-aalala.
"Wala nga. Humingi lang sila ng tawad sa ginawa nila sa'yo."
"Paano nila nalaman ang .... si Rex. Hayop iyon."
"Ano ka ba? Walang kinalaman si Rex dito. Siya nga ang nakiusap sa kanila eh nga huwag na tayong guluhin ... na huwag ka ng guluhin." aniya pero hindi ako makapaniwala na gagawin niya iyon kaya natawa nalang ako.
"Bakit?" pagtataka niya
"Wala. Akin na iyan." tugon ko sabay kuha sa isang bag na bitbit niya. "Tayo na. Pumasok na tayo sa loob."
Humakbang na ako palayo pero napansin kong hindi siya nakasunod sa akin kaya napalingon ako sa kaniya.
"May problema ba?" tawag ko sa kaniya nang makita kong parang may malalim siyang iniisip.
"H-Ha? Wala naman. Pasensiya na." nakangiting saad nito nang mabalik ito sa kaniyang wisyo at lumapit na ito sa akin. Nagsimula na kaming maglakad at nagtungo na sa kwarto.
"Kanina pa kita tinatawagan. Nakailang text na ako sa'yo pero hindi mo sinasagot." sermon ko habang nilalapag ang bitbit kong bag at tumingin ako sa kaniya. "Hindi ba sabi ko sa iyo huwag na huwag kang lalapit sa kanila?
"Hindi ko napansin. Nakasilent kasi eh. Pasensiya na." malungkot na sabi nito kaya nagbuntong hininga ako tsaka ko hinawakan ang kaniyang magkabilang balikat.
"Tumingin ka sa akin." saad ko at agad naman niya akong sinunod. "Ayaw ko lang masaktan ka. Ayaw kong mapasama ka sa mga gulo ko. Pinangako ko sa iyo na poprotektahan kita kaya hindi ko hahayaan na saktan ka kahit kanino."
"Salamat. Ako rin naman eh. Ayaw kong masaktan ka, Mark at alam mo naman iyon, diba? Handa kong gawin lahat para sa'yo."
"Pero kung ikapapahamak mo, huwag na. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung may masamang mangyari sa'yo." sabi ko at ngumiti lang ito sa akin. Nagkatitigan kami at hindi ko maiwasang hindi mailakbay ang mga mata ko sa kaniyang mukha at lalung-lalo na sa kaniyang mga labi. Pinigilan ko ang sarili ko pero hindi nakapagpigil si James at naramdaman ko nalang ang paglapat ng kaniyang mga labi sa aking mga labi.
Bigla akong nakaramdam ng pagkainit ng katawan kaya hindi ko na napigilan ang sarili kong hindi tumugon sa mga halik niiyang iyon. Hinawakan ko ang kaniyang mga pisngi para maayos ko ang aking paghalik sa kaniya. Dinahan-dahan ko pa ang paghalik sa kaniyang mga labi para namnamin ang lasa ng mga ito.
"Mark." tawag niya sa akin nang humiwalay siya sa kaniyang paghalik.