CHAPTER 2

1211 Words
“IT MUST be fate!” “Sa wakas, mawawala na rin ang sumpa sa iyo ng tadhana Anastasha Fajardo.” Tumango-tango lang si Sasha sa pinagsasabi ng mga kaibigan at ka-opisang sina Cindy at Dahlia habang pinagmamasdan ang trinket na nakasabit sa dulo ng cellphone.  Na-late na nga siya kanina pero binalewala na lang niya iyon.  Hindi na talaga maiiwasan iyon dahil na rin sa mga nangyari sa kanya kanina.  Isa pa, ayos na rin iyon dahil nakilala niya ang isa sa mga lalaking rare creations ng Diyos para sa mga kababaihan. “Sayang nga lang at hindi ko nalaman ang pangalan niya.” “Okay lang iyon.  E, di abangan mo na lang siya bukas.  And this time, Sasha, please lang, itanong mo na ang pangalan niya.” “O kaya naman, tingan na lang natin ang cellphone niya at tayo na mismo ang humanap ng kasagutan sa ating mga katanungan.” Inilayo niya sa mga ito ang cellphone. “Ilang beses ko na rin sinabi sa inyong hindi puwede?  That’s invasion of privacy.” “Hindi iyon magiging invasion of privacy kung hindi naman niya malalaman ang ginawa natin,” katwiran ni Cindy. “Oo nga,” sang-ayon naman ni Dahlia.  “Kaysa naman tumanganga ka diyan at titigan lang iyan.” “Ayoko pa rin.  Keeping its privacy is the least thing I can do for him for saving me.”  Hinihintay kasi niyang tumawag ang may-ari ng cellphone upang maibalik iyon nang maayos dito.  Pero hanggang ngayon nga ay hindi pa rin ito tumatawag.   “Pinaandaran mo pa kami ng English diyan.”  Bumalik na si Cindy sa harap ng computer nito at ipinagpatuloy ang iniwang trabaho bago siya kinulit kanina.  “Hindi nga pala ako naniniwala na kasing guwapo ng sinasabi mo ang lalaking nakita mo sa tren.  Wala kang proof.” “Proof?”  Kinalabit siya ni Dahlia.  “Baka may mga pictures diyan, tingnan natin.  O, titingnan na lang natin ang mga pictures, ha?  Hindi na tayo makikialam sa iba pang bagay diyan kaya pumayag ka na.” Kahit paano ay pumasok na rin sa isip niya ang bagay na iyon.  she wanted to see him again, kahit sa mga pictures lang.  At ang cellphone lang nito ang tanging paraan na makita niya itong muli.   “Para na rin malaman natin kung qualified pa bang pagnasaan ang lalaking iyon.”  Nilingon niya si Cindy.  Nagkibit lang ito ng balikat.  “Alam na natin na mayaman ang may-ari ng cellphone na iyan dahil hindi basta-basta ang brand ng fliptop phone na iyan.  Pero wala tayong alam sa status niya.  Malay mo may asawa na pala siya.  Usually sa mga cellphone maraming pictures ng mga dyowa at asawa o mga anak, di ba?” “Nakakainis ka, Cindy.  Panira ka talaga sa ilusyon ko.” Lumapit na uli ito sa kanya.  “So, buksan na natin iyan.  Itse-check lang natin ang mga pictures.  Pramis.” Nabuhay na nang tuluyan ang curiosity niya.  Kaya naman nagawa na rin niyang buksan ang cellphone para matigil na rin ang munting tinig na iyon sa kanyang utak na kanina pa nakikisali sa pagsusulsol sa kanya.  At daig pa niya ang binuhusan ng malamig na tubig nang sa pagbukas niya ng cellphone ay tumambad sa kanila ang malinaw na wallpaper niyon.   “Oh, my gosh!” bulalas ni Dahlia.  “That’s him?!  Ang guwapo!” “At ang ganda rin ng girl,” wika ni Cindy sabay tapik sa balikat niya.  “Mare, maganda ka rin naman pero walang laban ang beauty mo sa isang iyan.” “Sus!  Lamang lang naman kay Sasha iyan ng mga…sampung tulog.  Pero ang guwapo talaga ng lalaking ito.  Ang sarap pagnasaan.  Girlfriend kaya niya ang babaeng iyan?  Bagay sila, huh.  Hula ko mag-asawa na ang mga iyan.  Ang sweet ng pagkaka-akbay sa kanya nung girl, eh.” Asawa?  Habang tinititigan niya ang larawang iyon ay parang lalong bumibigat ang pakiramdam niya kaya isinara na niyang muli ang cellphone.  Parang gusto niyang mambato ng computer sa labas ng bintana.  Her friends noticed her depression and consoled her immediately. “Okay lang iyan, Sasha.  Marami pa namang guwapong lalaki diyan na walang magandang girlfriend.” “Yeah.  For sure, makakahanap ka uli ng isa na walang magandang asawa.” Nilingon niya ang mga ito.  “Kinakampihan nyo ba talaga ako o lalo lang iniinis?” “Kinakampihan.  At huwag kang mag-alala.  Pag-asa ang hatid namin sa iyo, kapatid.” “Kaya kung ako sa iyo, Sasha, iyo na lang ang phone na iyan.  Huwag mo ng ibalik.  Compensation dahil hinayaan na ng lalaking iyon na magnasa sa kanya.” “Teka, kasalanan ba ng lalaki iyon?” tanong ni Dahlia. “Kinakampihan mo pa siya, ganon?” tanong niya rito.  “Ako ang bigo dito.” “Sabi ko nga huwag mo ng ibalik ang cellphone,” bawi naman nito agad.  “Hay, bumalik na nga tayo sa mga trabaho natin.  Istorbo talaga ang mga lalaking iyan sa paghahanapbuhay.” Nagkanya-kanya na sila ng harap sa kanilang mga computer.  Client relations officers sila sa isang malaking land development firm na iyon.  Magkakatabi lang ang mga tables nila kaya madali silang naging magkakaibigan noong mga baguhan pa lang sila roon.  O kaya naman, pareho lang tagilid ang takbo ng mga utak nila kaya nagkakaintindihan sila.  Pero…nanghihinayang talaga siya sa nalamang may asawa na ang lalaking minsan niyang pinangarap.  Sayang dahil napakapihikan niya pagdating sa mga ganong bagay, tapos wala rin naman palang mangyayari.   Hay.  Minsan nakakainis din ang pagkakataon.  Magbibigay ng isang taong papangarapin mo pero sa huli, gigisingin ka lang pala sa isang bangungot.  Mabuti pa nga yung iba, may mga ilang araw na chance na nakakapagpantasya.  Siya, ilang isang oras lang.  Hay talaga.   Di bale na nga.  Meron pa naman sigurong iba na darating na libreng-libre kong pangarapin. Ilang sandali pa ay lunod na siya sa pakikipag-eskrimahan sa telepono sa mga kliyente at mga realstate agents.  At kung noon ay mabait pa siya sa mga ito sa kabila ng mga pambu-bully sa kanya na gawin ang kung ano-anong requests at utos ng mga ito, nang araw na iyon ay wala siyang panahong maging santa.  Sinagot at nangatwiran siya.  Kunsabagay, sawa na rin siyang maging sunud-sunuran sa mga ito na kung tutuusin ay sobra na sa dapat nilang ipagawa sa kanya.  Sa huli, she felt relieved.  Masarap din palang ipagtanggol ang sarili sa lipunan.   She looked at the cellphone with a woman’s trinket after putting down the phone.  Na-depress na naman siya.  Ibigay na lang kaya niya sa isang charity institution ang cellphone na iyon?  Para makalimutan na niya ang tungkol sa lalaking iyon sa tren.  Makakatulong pa siya sa ibang tao. “Cindy, meron ka bang alam na bahay-ampunan na malapit…”  Napansin niyang nakatanga lang ang babae sa nakasarang pinto ng dati nilang executive manager.  When she looked around, nakita niyang pareho ng reaksyon nito ang iba pa nilang kasamahan doon.  “Anong nangyayari?  Cindy!  Uy!” Nilingon naman siya ng kaibigan ngunit tila wala pa rin ito sa sarili.  “That guy from your cellphone…” “Hay naku, huwag mo na ngang ipaalala iyan—“ “Nandito siya!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD