MATAPOS ang matinding encuentro ni Celso at ng aswang na si Roma, mas lalo pang naging alerto ang buong pamilya nya.
Halos hindi na rin siya naggawi sa bahay nila na kung saan ay malapit lamang ang kubo na pinamumugaran ng dayong aswang.
Naglagay rin sila ng asin at dinikdik na bawang sa lahat ng sulok ng bahay ni Nanay Ising. Ang mga anak ni Celso na sina Aida at Ana ay hindi na rin nila halos pinapalabas kahit sa bakuran.
Ising: Huwag niyo ring aalisin ang inilagay ko na nakatiwarik na walis sa bawat pintuan dito sa bahay. Noel..maglagay ka rin ng kahit anong matalas na bagay sa may bubungan lalo na sa tapat ng higaan ng ate Celia mo.
Celso: Nay..hindi ba dapat nating bigyan ng babala ang mga kababarrio natin? Nang sa gayon ay makapag- ingat din sila.
Ising: Anak...naisip ko na rin ang bagay na iyan, kaya lamang..hindi tayo nakatitiyak kung maniniwala ba sila sa atin. Mas makabubuti siguro kung manahimik na lamang tayo dahil baka lalo lamang sumidhi ang poot ni Roma at balikan ka na naman. Hindi ka pa ba nadala sa nangyari sa'yo noong nakaraan? Labis kaming nagpapasalamat Poong Maykapal dahil nakauwi ka pa ng ligtas.
Celso: Ako man ay ganoon din, Nay. Kung nagkataong napatay ako ng aswang...baka hindi ko na kayo nakita at nakasama ulit, lalo na ang aking mag- iina. Hanggang ngayon nga ay hindi pa naghihilom ang mga tinamo kong sugat sa sagupaan namin, lalo na itong nasa bandang dibdib.
Ising: Kaya nga anak, ilihim na lamang muna natin ang lahat hanggat maaari. Ang pinakamahalaga ngayon ay ang ating pamilya. Lalo na ang mag- iina mo..
At ganoon nga ang ginawa ni Celso. Patuloy pa rin siya sa pagtatrabaho ngunit nakiusap siya sa kanyang amo na kung maaari ay uuwi na siya ng alas kuwatro. Mas inaagahan na lamang niya ang pasok para naman hindi siya makalamang sa iba pang mga katrabaho.
Ang mga naiwan naman sa bahay na sina Celia at Rebecca ay halos hindi na nagbubukas ng pinto kahit araw lalo na kapag sila lang ng mga bata. Kailangan din kasi ni Noel pumalaot paminsan- minsan para naman may katulong si Celso sa mga gastusin araw- araw. Si Nanay Ising abala rin araw- araw sa maliit nitong bukirin.
May mga pagkakataong nararamdaman nila sa gabi ang presensya ng aswang, ngunit dahil sa mga pangontra na inilagay nila ay tila tumigil na rin iyon sa pagtatangka sa buhay ng pamilya ni Celso. Nang mga sumunod na gabi kasi ay hindi na muling bumisita pa ang aswang kaya naman nakakatulog na sila ng mahimbing.
Hanggang isang araw ay ginimbal sila ng isang nakakakilabot na trahedya...
Noel: Nay! Kuya Celso!
(Humagangos galing sa labas)
Ising: Ano ka ba Noel, balak mo ba kaming patayin sa nerbiyos?
Kasalukuyang nag- aalmusal noon sina Celso. Araw ng Linggo kaya wala siyang pasok sa trabaho.
Noel: Nay! Iyong anak ng tanod na si Mang Estong, kahapon pa raw nawawala . At kaninang umaga, natagpuan nila sa ilog. Wakwak ang tiyan! Nawawala rin ang mga lamang- loob at iba pang mga bahagi ng katawan ng bata. Ang paniniwala nila ay nilapa ng mabangis na hayop!
Napasigaw sina Celia at Rebecca sa mga narinig mula kay Noel. Si Nanay Ising naman ay napausal ng pangalan ng Diyos habang si Celso ay mahinang napamura habang nakakuyom ang mga palad.
Celso: Talagang sobra na ang pamemerwisyo ng Roma na iyan dito sa ating lugar! Sigurado ako, hindi na matatahimik ang hayup na iyon hanggat hindi niya tayo nauubos lahat!
Celia: Celso..a- ang mga anak natin. N- natatakot ako para sa mga bata...
Hindi napigilang mapaiyak ni Celia sa labis na pangambang nadarama. Isa siyang ina na labis na nagmamahal sa kanyang mga anak, at kilala niya ang batang walang awang pinaslang ni Roma, kaklase iyon ng anak nilang si Ana.
Celso: Hanggat nabubuhay ako, Celia, walang maaaring gumalaw sa aking pamilya. Dadaan muna siya sa akin bago niya kayo mapakialaman.
Mababakas ang pinaghalong poot at determinasyon sa mukha ni Celso. Ngunit sa kaloob- looban niya, nakaramdam rin siya ng sundot ng konsiyensya. Kung nabigyan niya sana ng babala ang mga kababarrio nila, nakapag- ingat din sana ang mga ito. Wala sanang magulang na naulila sa anak...
Ngunit huli na para magsisi.
Celso: Alis muna ako , Nay. Noel, ikaw na muna ang bahala rito sa bahay.
Rebecca: S- saan ka pupunta, kuya?
Celso: Kapag pinanatili nating tikom ang ating mga bibig, maraming buhay ang malalagay sa panganib. Maraming magulang ang mawawalan ng anak..kakayanin ba iyon ng ating mga konsiyensya?
Walang kumibo ni isa man sa mga kapamilya ni Celso dahil sa tinuran niya. Maging ang ina niyang si Ising ay kababakasan ng pagsisisi sa mukha dahil ito ang nagsuhestiyon na ilihim nila ang tungkol kay Roma.
Ising: Sa palagay mo ba ay mapupuksa ninyo ang aswang, Celso? Ni hindi pa natin alam kung ano ang tunay na kakayahan nito.
Celso: Kaya nga kailangan ay magtulungan ang lahat at magkaisa, Nay. Kung hindi man natin siya mapuksa, kahit maitaboy man lamang natin siya pabalik sa kung saang lupalop man ng impyerno siya nanggaling!
Saglit na namayani ang katahimikan. Patuloy lamang sa pagkain ang dalawang bata dahil kabilin- bilinan sa kanila ng mga magulang na huwag makikinig at makikisabat sa usapan ng mga matatanda.
Noel: Sige na kuya, ako na ang bahala rito. Mag- iingat ka. Magdala ka na rin ng armas, mabuti na iyong sigurado. Baka mamaya makasalubong mo na naman si Roma.
Celia: Mag- iingat ka, Celso....
Bago tuluyang umalis ay nagtungo muna si Celso sa silid na tinutuluyan nila pansamantala ni Celia. Kinuha niya ang nakatagong balisong na hiniram niya sa kanyang katrabaho.
PAGKAALIS ni Celso ay agad na ikinandado ni Noel ang pinto.
Ising: Sige na Celia..kami na ang bahala rito sa kusina ni Rebecca. Asikasuhin mo na lamang ang mga bata.
Agad namang tumalima si Celia. Niyaya nito sina Aida at Ana na umalis na sa kusina habang karga- karga ang bunsong anak na pinangalanan ni Celso na Alexandro.
Si Noel naman, palibhasa ay pagod at puyat dahil galing sa laot ay naghahanda na sa pagtulog.
Aida: Nay...dito lang muna po kami ni Ana sa silid ni tiya Rebecca. Dito na lang po kami maglalaro para hindi magising si bunso...
Celia: O sige..titingnan- tingnan niyo rin ang kapatid ninyo rito sa duyan, ha. Magkukusot lang ako ng mga damit natin. Kailangang matuyo kaaagad iyong isusuot ng Tatay ninyo bukas.
Habang abala ang lahat sa kanya - kanyang gawain, masayang naglalaro naman sina Aida at Ana sa silid nina Rebecca.
Maya-Maya ay nakarinig si Aida na tila ba may sumisitsit sa kanila. Nang pakinggan niya iyon ng maayos ay napagtanto ng bata na nagmumula iyon sa labas ng bintana. Agad siyang sumilip doon at nagtatakang sinundan naman siya ni Ana.
At sumilay ang isang matamis na ngiti sa mga labi ni Aida nang makilala kung sino ang taong sumisitsit sa kanila sa labas. Nagtataka siya kung bakit hindi lumapit ang babae sa may bintana. Pero kahit malayo iyon ay hindi maaaring magkamali si Aida...
Aida: Aling Roma!
Matamis din ang mga ngiti ni Roma at labis na nasiyahan sa nakitang pagkasabik sa mga mata ng panganay ni Celso. Itinaas niya ang mga dalang kendi at laruan na siya niyang gagamiting pain para sa dalawang bata. Hindi siya makalapit ng husto sa bintana dahil malayo pa lang ay naaamoy na niya ang nakabudbod doon na asin at dinikdik na bawang.
Sa ilang linggong pagmamasid ay kabisado na ni Roma ang mga kilos ng mga tao sa bahay ni Nanay Ising. Batid niya na tuwing araw ng Linggo ay abala ang mga ito maliban kay Celso. Dahil nga walang trabaho ang huli ay ito ang mahigpit na nagbabantay sa mga anak nito habang ang tatlong babae ay abala sa paglalaba at sa kusina.
Hindi na talaga niya masikmura ang lasa ng mga hayop sa halos dalawang buwan na pananatili niya sa lugar. Kaya kagabi ay hindi na niya natiis na hindi tumikim ng sariwang dugo....at laman! At dahil nga matagal niya ring tinikis ang sariling gutom sa karne ng tao, hindi sapat ang pagkain niya kagabi sa anak ng tanod. Uhaw na uhaw pa rin siya sa sariwang dugo!
Kaya naman sasamantalahin niya ang pagkakataon na ito habang wala pa si Celso. Sinenyasan niya ang dalawang bata na lumapit sa kanya para maibigay niya sa mga ito ang kanyang pasalubong.
Ana: Ate..di ba mahigpit na bilin sa atin nina Tatay na huwag tayong lalabas kahit araw?
Inosenteng tanong ni Ana habang nakasampa sa bintana. Nauna ng bumaba sa kanya si Aida at sinesensyasan siya nitong magdahan- dahan dahil kapag nasagi niya ang tukod ng bintana, lilikha iyon ng ingay at mahuhuli sila ng mga kasama nila sa bahay sa kanilang ginagawa.
Aida: Sandali lang naman tayo, Ana. Kukunin lang natin iyong pasalubong sa atin ni Aling Roma. Matagal din natin siyang hindi nakausap kaya gusto ko rin siyang kumustahin.
Si Roma naman, mula sa kinatatakutan ay malawak ang pagkakangisi.
Roma: Konti na lang..konti na lang at mapapasaakin na rin ang mga anak mo, Celso...kaytagal kong hinintay ang sandaling ito...hmmmm(mahinang tawa ng pagkasabik at tagumpay)
Nang sa wakas ay makalapit sina Aida at Ana kay Roma ay agad niyang binigyan ang mga ito ng ginawa niyang kendi. Tuwang- tuwa at sabik na sabik na isinubo naman iyon ng dalawa, walang kamalay- malay na mayroon iyong pampatulog.
Maya-maya pa ay halos magkasabay na bumagsak ang dalawang bata ngunit maagap na nasalo ni Roma. Hindi na rin nag- aksaya ng oras ang dalaga at agad na umalis doon habang tangay sina Aida....at Ana.
LAYLAY ang mga balikat ni Celso habang naglalakad pauwi. Makulimlim ang langit, tila ba nakikisimpatya sa kalungkutan at kalungkutang nadarama niya. Gaya ng sapantaha ng kanyang ina, hindi siya pinaniwalaan ng mga kababarrio niya. Kinutya at tinawanan pa siya ng iba at sinabihang baka raw nasisiraan na siya ng bait.
Mapait na napangiti na lamang siya habang napapailing. Naputol ang pagmumuni- muni niya nang malapit na siya sa bakuran ng kanyang Nanay Ising dahil may nauulinigan siya na mga sigaw at palahaw. Binundol agad ng malakas na kaba ang kanyang dibdib at mabilis na tumakbo papasok ng bakuran nila. Halos balyahin niya ang pinto nang paglapit niya roon ay makumpirma niyang nagkakagulo ang kanyang pamilya sa loob.
Ising: Lakasan mo ang loob mo, Celia. Baka makasama sa'yo ang labis na pag- iyak. Mahahanap din natin ang mga apo ko...
Celia: Ang mga anak, ko, Nay. Ang mga anak ko! Sana ay hindi ko na lang sila iniwan!
Si Rebecca na siyang nakadiskubre na nawawala ang magkapatid ay hindi alam kung ano ang gagawin. Labis niyang ikinagulat ang pagsigaw ni Celso mula sa labas kasabay ng malalakas na pagkatok nito.
Nang sa wakas ay makabawi si Rebecca ay agad niyang pinagbuksan ang kuya niya. Si Noel na naalimpungatan dahil sa kaguluhan ay pupungas- pungas na bumangon at nagulat sa namulatang eksena.
Celso : Anong nangyari rito?! Nay, Celia!
Celia: C- Celso...ang mga a- anak natin...ang mga a- anak n- natin...!
Halos hindi masabi ni Celia kay Celso ang suliranin dahil panay ang iyak nito. Pati tuloy ang sanggol na karga ng babae ay napapalahaw na rin ng iyak. Halos takbuhin ni Celso ang silid nila upang tingnan sina Aida at Ana. Ngunit wala siyang naabutan doon kaya agad siyang lumipat sa silid nina Rebecca subalit wala rin doon ang dalawang bata.
Rebecca: Abala kasi kami ng Nanay sa kusina kuya..tapos si ate Celia naman nagkukusot ng mga damit niyo sa likod - bahay. Palagay naman ang loob namin kasi hindi naman lumalabas ang mga bata mula nung lumipat kayo rito...pero nung silipin ni ate Celia si Alexandro dahil umiiyak..nalaman niyang nawawala pala sina Aida at Ana...
Pagkarinig sa mga tinuran ni Rebecca ay at napahiyaw si Celso sa galit.
Celso: Romaaaa! Kapag may nangyaring masama sa mga anak ko, papatayin kitaaaa!
Ngunit huli na ang lahat...habang nagkakagulo sina Celso sa bahay ni Nanay Ising ay nagpapakabusog naman ang aswang na si Roma sa mga wala ng buhay na sina Aida at Ana sa loob ng butas- butas na kubong tinitirhan nito. Halos said na ang mga dugo ng dalawa subalit hindi pa rin tumitigil ang halimaw sa pagsipsip.
Maya- maya pa ay hindi siya magkandatuto kung sino ang uunahing kainin sa dalawa. Wala siyang itulak- kabigin dahil kapwa mabango, malinis at sariwa ang mga anak nina Celso at Celia, na nakahain sa kanyang harapan.
Pumalilanlang sa ere ang tila nababaliw na halakhak ni Roma dahil sa labis na pagkasabik...at tagumpay. Akala yata talaga ng hangal na si Celso ay mapipigilan siya nito sa kanyang mga plano!
Muling itong humalakhak bago tuluyang sinimulan ang salitang pagpapakasasa sa mga katawan ng mga kaawa- awang batang sina Aida at Ana.
GALIT na galit na sinugod ng magkapatid na Celso at Noel ang kubong pinamumugaran ng dayong aswang na si Roma. Wala silang maramdamang takot ng mga sandaling iyon lalong - lalo na si Celso.
Sa pinto pa lamang ay nakaamoy na sila ng tila malansa kaya naman lalo silang nagmadali na makapasok sa loob ng kubo. Tumambad sa kanila ang mga bahid ng dugo sa sahig na kawayan. Panay ang usal ng panalangin ni Celso na sana ay maabutan niya pang buhay ang kanyang mga anak.
Ngunit maliban sa mga nagkalat na dugo ay wala na silang ibang nadatnan sa loob. Wala na roon ang aswang na si Roma. Marahil ay tumakas na ito upang iligtas ang sarili lalo na at kalat na sa lugar ang tungkol sa lihim nitong pagkatao.
Celso: Saan dinala ng hayup na iyon ang mga anak ko!?
Nang matapos nilang halughugin ang kubo maging ang paligid niyon at hindi pa rin matagpuan ang hinahanap, naisip ni Celso na sundan ang bakas ng mga dugo sa sahig. Nang makita niyang tila patungo iyon sa ilalim ng papag na higaan ay parang tinambol na namang muli ang kanyang dibdib.
Buong lakas niyang iniangat ang papag kahit nangangatal ang kanyang buong katawan. Nadurog ang kanyang puso at gumuho ang kanyang mundo... nang tumambad sa kanya ang mga gutay- gutay na katawan ng kanyang mga anak...wakwak ang tiyan ng mga ito at halos humiwalay na ang mga ulo sa mga leeg ng mga ito.
Muntik na niyang mabitawan ang pagkakahawak sa papag kung hindi iyon naagapan ni Noel. Hindi kayang matagalang tingnan ni Celso ang kalunus- lunos na sinapit ng kanyang minamahal na mga anak. Hindi niya alam kung paano ipagtatapat ang lahat sa asawang si Celia.
Maging si Noel ay labis ding nanlumo sa nasaksihang sinapit ng kanyang dalawang inosenteng pamangkin. Kung alam lamang niya na ganoon ang mangyayari, sana ay tiniis na lamang niya ang antok at binantayan ang dalawang bata.
Punung- puno ng poot ang dibdib ni Celso..nais niyang magalit sa Diyos dahil hinayaan nitong mangyari iyon kina Aida at Ana. At matindi rin ang pagnanais niyang paslangin at pagbayarin ang halimaw na si Roma sa ginawa nito sa mga anak niya.
(Malalakas na Panaghoy nina Celso at Noel)
ISANG TAON ang nakalipas, malungkot na nakatunghay sina Celso at Celia kasama ang isang taong gulang na si Alexandro sa harap ng puntod nina Aida at Ana. Sa kanila ng trahedyang sinapit ng dalawa ay napagpasyahan pa rin ng buong pamilya ni Celso na bigyan ang mga bata ng maayos na libing.
Sinunog rin nila ang kubo na minsang pinamugaran ng mapaminsalang si Roma -- ang aswang na DAYO.