NAALIMPUNGATAN si Nanay Ising sa malalakas na katok kaya siya napabalikwas ng bangon. Agad ding sinalakay ng kaba ang dibdib niya na hindi niya mawari lalo na nang makilala ang boses na sumisigaw sa labas ng tahanan nila.
Celso at Celia: Nay! Nay! Buksan niyo ang pinto! Naaaay! (Natatarantang sigaw at iyakan ng mga bata at sanggol)
Agad na ginising ni Nanay Ising ang iba pang mga anak na sina Noel at Rebecca.
Ising: Magsibangon kayo, mga anak! Dalian ninyo!
Nagulat naman ang dalawa nang mamulatan ang kanilang natatarantang Nanay. Hindi na hinintay pa ni Ising na tuluyang makabangon ang dalawang anak, halos patakbo na nitong tinungo ang pintuan (patuloy pa rin ang mga sigaw at iyakan sa labas) at marahas iyong binuksan.
Bumungad sa kanya ang panganay na si Celso kasama ang mag- iina nito na tila ba mga basang sisiw.
Ising: Mahabaging Diyos! Anong nangyari at bigla kayong napasugod ng ganitong dis oras ng gabi, anak?! Magsipasok kayo rito...at bakit nag- iiyakan ang mga apo ko?
Niluwangan ni Nanay Ising ang pagkakabukas ng dahon ng pinto..pinauna muna ni Celso na makapasok ang kanyang mag- iina habang palinga- linga sa paligid na tila ba may kung ano itong kinatatakutan.
Nang sa wakas ay nakapasok na rin si Celso ay mabilis at marahas nitong isinarado ang pintuan.
Rebecca: Kuya...ate Celia...anong nangyari?!
Agad na dinaluhan ni Rebecca ang dalawang pamangkin na sina Aida at Ana na patuloy pa rin sa pag- iyak. Si Noel naman ay nagtungo kusina upang magtimpla ng kape para sa mga di inaasahang bisita, isa iyon sa mga nakaugalian na sa lugar nila.
Ising: Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko, Celso. Anong dahilan at napasugod kayo? Kapapanganak lamang ng asawa mo..paano kapag nabinat iyan?
Nanatili lamang tahimik si Celia habang pinapadede ang sanggol nito na noon ay tumahan na rin sa pag- iyak.
Celso: Muntik nang mabiktima ng hayop na aswang na iyon ang pamilya ko, Nay! Mabuti na lamang at nagising ako agad ni Celia nang maramdaman niyang tila may naglalakad sa bubungan namin.
Ising: Iyan na nga ba ang sinasabi ko sa'yo..na dito muna kayo lalo at bagong panganak itong asawa mo. Ayan, dahil katigasan ng ulo mo, muntik ng mapahamak ang pamilya mo!
Celso: Huwag niyo na ho akong sermunan, Nay. Hindi na nga ako mapakali rito..lalo pa at natamaan ko ang aswang ng palaso mula sa aking pana. Ang hindi ko lang nasisigiro ay kung napuruhan ko iyon. At tama ang hinala niyo, Nay, ang aswang at yung dayo naming kapitbahay ay iisa! Si Roma..siya ang aswang na nagkakalat ng lagim dito sa ating lugar!
Ising: D- diyos ko! Sinasabi ko na nga ba!
Rebecca: Kuya..p- paano kung...
B- balikan ka ng a- aswang!?
Nagkatinginan sina Celia, Ising at Celso dahil sa tinuran ni Rebecca. Maging sila ay kinabahan sa posibilidad na balikan nga ng aswang si Celso ng lalo na at nasugatan iyon ng huli.
Noel: Magkape na muna tayo para naman mabawasan ang tensyon sa paligid...
Singit ni Noel na kararating lamang sa kusina. Kapagdaka ay ipinatong nito sa lamesitang naroon ang tray na yari sa kahoy na may lamang limang tasa ng kape, kung saan nakapatong din ang gasera.
Rebecca: Salamat lang kuya Noel..Kuya Celso, ate Celia, sasamahan ko muna sina Aida at Ana sa silid namin. Naabala yata ang tulog ng dalawang ito dahil sa mga nangyari.
Tumango ang mag- asawa at nagpasalamat kay Rebecca. Pagkatapos ay kanya- kanyang dampot ng tasa ng kape ang mga naiwan sa salas.
Ising: Doon na muna kayong mag- asawa pansamantala sa silid ko. Dito na lang kami ni Noel sa salas. Ang inaalala ko ay ikaw Celso, anak..paano nga kung balikan ka ni Roma?
Celso: Huwag niyo akong alalahanin, Nay . Kaya ko ang sarili ko. Ang mahalaga ay ligtas na ang mag- iina ko. Makakahinga na ako ng maluwag lalo na kapag nasa trabaho ako.
(Background music)
Kinabukasan ay sinamahan ni Noel ang kuya Celso niya upang kunin ang ilang mahahalagang gamit nila sa bahay ng mga ito. Bagamat maliwanag noon ay hindi pa rin sila naging masyadong kampanteng magkapatid. May mga tangan silang pangontra gaya ng bawang at asin. Kapwa may dala rin silang sanggut na na nakatali sa mga bewang nila.
Mga damit at iba pang mga personal na gamit ang kinuha ni Celso. Ikinandado rin niya ng maayos ang bahay nila kahit alam niyang hindi naman uso ang nakawan sa kanilang lugar.
Habang pauwi ay alerto ang dalawa lalo na nang mapatapat sila sa kubo na tinirhan ng dayong si Roma. Hindi nila maiwasang makaramdam ng kilabot at pangamba sa natuklasan sikreto ng dalaga. Sino nga ba ang mag- aakala na ang isang simple, mahinhin at magandang babaeng kagaya ni Roma ay may dugong halimaw pala...?!
(Background music)
KARANIWAN na kapag araw ng Sabado na ginagabi ng uwi si Celso. Araw kasi ng pagsahod. At dahil hindi naman konstruksiyon ang trabaho niya, wala siyang dadatnan na ulam sa bahay ng Nanay Ising niya.
Alas sais na halos nang matapos magpasahod ang foreman nila. Maaga pa kung tutuusin, pero nung mga panahong iyon lalo at nasa probinsya, maituturing ng malalim na gabi ang ganoong oras. Nagpasya si Celso na dumaan muna sa palengke. Mayroon na siyang kinontrata Biyernes pa lang na kakilala niyang kargador ng isda. Nang makita naman siya ng huli ay agad iniabot nito sa kanya ang isang kilong tilapia. Matapos maiabot ni Celso ang bayad sa kargador ay nagpasalamat muna siya rito bago tumuloy sa pag- uwi.
At dahil nga noong mga panahon na iyon, lalo na kapag bandang bukid ang bahay mo ay gasera lang ang gamit na ilaw. Iyon na ang nagsisilbing tanglaw sa mahabang magdamag.
Mabibilis ang mga hakbang ni Celso habang mag- isang tinatahak ang madilim na kalsada.
Bukod sa pagod siya at mabigat ang mga gamit na dala, sabik na rin siyang masilayan ang kanyang pamilya lalo na ang bunso nila na bagong silang pa lamang. Kapag kasi nakikita niya ang mga ito ay tila ba napapawi ang pagod niya sa maghapong pagtatrabaho.
Nang makalampas sa kalsada ay tinalunton naman niya ang mabatong daan patungo sa tahanan ng kanyang ina. May mga maririnig ng kuliglig ng mga panggabing insekto sa paligid. Sa tantiya ni Celso ay lampas alas siyete na ng gabi. Kaya nga lalo siyang nagmamadali kasi kailangan na ring maluto ang isdang dala niya dahil iyon ang ulam nila para sa hapunan.
Habang naglalakad ay nakaramdam bigla siya ng kaba at hindi niya mawari kung bakit. Basta bigla na lamang kumabog ang kanyang dibdib.
At maya- maya pa ay hindi inaasahan ni Celso nang bigla siyang may matanaw na pigura ng tao na naglalakad pasalubong sa kanya. Dahil nga kalat na ang dilim sa paligid, hindi niya gaanong maaninag yung masasalubong niya. Pero habang palapit sila ng palapit sa isat isa ay unti- unti niya ring namumukhaan kung sino ang taong iyon.
Celso : R- Roma?!
Mabilis na napamura si Celso at halos mabitawan ang mga dala lalo na nang mapansin niya ang tila biglang pagbilis ng lakad ni Roma! Napansin niya rin ang kakaibang anyo nito, na bagamat kagaya pa rin sa isang normal na tao, mapupula at nanlilisik ang mga mata ng dalaga. Gulo- gulo rin ang mahabang buhok nito. Marumi rin ang mga damit nito na tila ba isang linggo na itong hindi naliligo. At umuungol din ang babae na tila ba poot na poot sa kanya!
Batid ni Celso na tagilid ang sitwasyon..sa pagkakataong iyon ay sukol na sukol siya at wala rin siyang laban sa lakas ng isang aswang. Pabagsak niyang binitawan ang kahoy na kahon na naglalaman ng mga gamit nya sa pagkakarpintero. Pagkatapos ay mabibilis ang mga kilos kinuha niya ang kanyang lagari, screw driver at martilyo.
Pero bago pa siya makatayo ay dinaluhong na siya ng galit na galit na si Roma na hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kanya. Dahil doon ay nabitawan niya lahat ng balak niyang kunin na gagamitin sana niyang sandata laban dito at bumagsak siya sa mabatong daan..
Kinalmot siya ng babaeng aswang habang patuloy ito sa malakas na pag- ungol. Nagpambuno silang dalawa. Ngunit dahil higit na malakas si Roma...lalo na at mukhang malapit na itong magpalit ng anyo, nagtamo si Celso ng maraming kalmot mula rito.
Sa leeg, braso at dibdib.
Halos bumaon ang mga mahahaba at matutulis nitong kuko sa balat niya kahit pa may suot siyang damit. Sigurado si Celso, walang balak ang aswang na kainin siya o lapain. Sa nakikita niyang labis na pagkapoot nito sa kanya ay sigurado siya na ang talagang pakay nito ay ang patayin siya!
Roma: Akala mo ba, napuruhan mo ako, Celso? Akala mo ba mapapatay mo ako ng ganun ganun lang?! Isa kang hangal!
Sigaw nito sa malakas, malalim at nakakakilabot na tinig habang nanlilisik ang mapupulang mga mata na nakatitig kay Celso.
Roma: Dahil sa'yo, isang linggo na akong nagtitiis ng gutom! Kinailangan ko pang magpagaling dahil sa pagkakapana mo sa akin! Pero ngayon, tatapusin na kita! Para wala ng maging hadlang sa pagtikim ko ng mga sariwang dugo at laman. ng mga anak mo! (Malakas at tila nababaliw na halakhak)
Nakahiga si Celso sa mabatong daan habang nasa ibabaw naman niya ang aswang na si Roma. Pero dahil sa mga huling sinabi nito ay tila nagpanting ang kanyang tenga. Nagkaroon siya bigla ng lakas ng loob at pag- asa na labanan ang aswang dahil kung hindi ay manganganib ang buhay ng kanyang pamilya.
Kahit at masakit ang buong katawan dahil sa malakas na pagkakabagsak sa mabatong daan, pinilit niya pa rin, sa nangangatal na kamay na gumawa ng paraan upang malabanan ang aswang na nasa kanyang ibabaw. Tiniis niya rin ang mahahapding bahagi ng kanyang katawan na nakalmot nito at ang pandidiri sa mabahong laway nito na kanina pa tumutulo sa leeg niya.
Dahan- dahang kinapa niya mula sa kanyang pantalon ang tangi niyang pag- asa habang tahimik ding umuusal sa isip ng isang panalangin. Sinamantala niya na abala pa sa paghalakhak at pagdakdak ang aswang..agad niyang binuksan ang posporong kinuha sa bulsa, kumuha ng isang palito at agad iyong ikiniskis sa gilid ng kahon ng posporo upang makalikha ng apoy.
Tila naulinigan naman ng aswang ang pagkiskis niya sa palito at marahil ay naamoy rin ang usok kaya agad itong tumigil sa paghalakhak at nanlilisik ang mga matang binalingan siya. Ngunit pagkakita sa ningas na nagmumula sa palito ay tila ba nasilaw ito at napahiyaw ng malakas. Mabilis din itong umalis mula sa pagkakadagan kay Celso.
Hawak ng dalawang kamay ang sariling mukha na halos takpan ang mga mata, dahan- dahan at paatras na naglakad ang aswang patungo sa talahiban.
Naiwan si Celso na tila baliw habang nanatiling nakahiga...hindi napigilang maiyak sa tuwa.
May nakapagsabi kasi noon sa kanya na may hiwagang taglay raw ang liwanag mula sa posporo kaya takot dito ang mga aswang at iba pang masamang elemento.
Hindi alam ni Celso kung gaano katagal siyang nakahiga lamang doon at nakatingin sa kawalan. Ang totoo ay nabalot ng matinding takot ang buong pagkatao niya kanina habang papalapit pa lamang sa kanya ang aswang na si Roma.
Sino ba naman ang hindi masisindak sa halimaw na kagaya ng aswang? Sumagi talaga sa isip ni Celso na marahil ay katapusan na niya dahil sino ba naman ang aasahan niya sa ganoong sitwasyon at pagkakataon?
Maya- maya ay tila natauhan si Celso nang biglang kumislap ang isang bituin na nasa kalangitan. Tila ba isang senyales iyon. At noon niya lamang naalala ang Diyos.
Celso: Patawad po Diyos ko, kung minsan ay nakakalimot kami sa'yo. Maraming maraming salamat at hindi Mo ako pinabayaan na tuluyang mapahamak sa kamay ng aswang..
Naiiyak si Celso habang nakatitig sa malawak na kalangitan. Ang mga bituin ay tila ba nagsidamihan at nagdulot iyon ng liwanag sa madilim na paligid ng lugar na kanyang kinahihimlayan ng mga sandaling iyon.
Nang maalala ang pamilya at kung anong oras na ay dahan- dahang bumangon si Celso. Hinanap niya ang nakaplastic na tilapia na kasamang tumilapon ng mga gamit niya kaninang daluhungin siya ng aswang na si Roma.
Iniikot niya ang nanlalabong paningin..marahil ay epekto iyon ng walang tigil na pagdurugo ng balat niya lalo na sa parteng dibdib kung saan malalim ang naging pagbaon ng mga kuko ng aswang kaninang nagpapambuno sila.
Natagpuan niya rin ang hinahanap sa di kalayuan ng kahon ng gamit niya. Natapon sa lupa ang ilang piraso ng isda ngunit maaari namang linisin na lamang pagdating niya sa kanila.
Dinampot niya ang plastic at isinilid muli iyong mga isdang natapon sa lupa. Bagamat nanghihina at mabigat pa ang dala, pinilit niya pa ring maglakad pauwi sa bahay ng kanyang ina.
Sa awa at tulong ng Maykapal ay ligtas na nakarating si Celso kina Nanay Ising. Mahina siyang kumatok sa pinto dahil kanina pa siya nahihilo gawa ng pinagsamang pagod sa maghapon at sa pakikipagtunggali sa aswang .
Maya- maya pa ay narinig niyang may patungo na sa pinto upang buksan iyon.
Ising: O..bakit gabing- gabi ka na yata masya- - - (natigilan, napasinghap) C-Celso, anak. .a-anong nangyari s- sa'yo!? (Umuungol si Celso nang mahina dahil sa mga nararamdaman kirot). Noel! Rebecca! Tulungan niyo ako rito! Ang kuya ninyooo!
(Lalong napasigaw at nataranta si Ising nang paupong bumagsak si Celso sa may pinto)