KINAUMAGAHAN, dahil off ni Lucille at mananatili pa si Thrace ng ilang araw sa Maynila ay napagpasyahan nilang mamasyal. Pasakay na siya sa kotse nang madaanan niya ang guwardiya ng subdivision.
"Magandang umaga, Ma'am," bati nito.
"Magandang umaga din ho, Mang Elly."
"Mabuti ho at may naghatid sainyo kagabi. Grabe ang lakas ng ulan kagabi."
"Oo nga, ho."
"Hindi ko nga alam kung bakit sa sobrang lakas ng ulan kagabi ay nakatayo lang malapait sa bahay niyo si Sir Troy."
"Lumabas daw ho siya kagabi, eh. May binili daw."
"Naku Ma'am. Mula nang magpatrolya ako dito sa loob ay nakatayo na iyon sa labas na para bang may hinihintay. Hindi naman 'yun lumabas." Magkukuwento pa sana si Mang Elly kaya lang ay tumunog na ang walky talky nito at kinailangan nang umalis.
Nakaalis na ang guwardiya pero iniisip pa rin ni Lucille ang sinabi nito. Kung totoo ang sinasabi ni Mang Elly, hindi kaya hinintay talaga siya ni Troy sa labas kagabi? Kaya siguro basang basa na ang balikat nito dahil talagang matagal na itong nasa labas. Kung bakit nito iyon ginawa ay hindi alam ni Lucille pero ang alam niya ay naantig ang puso niya sa ginawa nito. Napangiti na lang siya at napasakay ng kotse.
Iyon din ang pagkakataon na dumaan din ang kotse ni Troy sa tapat ng bahay niya. Nakita siya nito at kumaway siya rito. Gustuhin niya mang kausapin ito dahil sa bagay na nalaman niya ay hindi rin nito hininto ang kotse nito. Baka ay papasok pa ito sa trabaho. Samantala ay tumawag naman sa kanya si Thrace kaya kinailangan niya nang umalis.
Sa loob ng dalawang araw na nasa Maynila si Thrace ay nanonood sila ng sine at pagkatapos ay kakain sila sa labas. Habang nakakasama niya ito ay mas natutuklasan niyang compatible nga silang dalawa dahil parehas sila ng mga gusto. Masaya siyang kasama si Thrace kaya siguro ay hindi na niya napansin ang mabilis ng paglipas ng dalawang araw. Matapos ay kinailangan na nitong bumalik sa Davao para sa trabaho nito.
Noong umagang iyon ay napagpasyahan ni Lucille na mag-gym lalo pa at weekend naman at wala siyang trabaho. Binagalan niya ang treadmill at ang pagtakbo niya hanggang huminto na iyon. Uminom din muna siya ng tubig mula sa tumbler na dala niya. Pero halos mabulunan siya nang mahagip ng kanyang mata si Troy. He was doing some spiderman plank crunch while a trainor is counting.
In a traditional plank position with his forearms on the ground, he brings his left knee towards his left elbow and repeats it on the other side until he completes one set. Parang lalo tuloy siyang nauhaw dahil sa nakikita niya. Sinaid niya na ang lamang tubig ng kanyang tumbler. Kulang pa iyon. Pero hindi niya na siguro kailangan ng tubig. Kailangan niya na lang panoorin ito dahil hindi niya na rin naman mapipigilan ang sarili.
Habang pinagmamasdan niya ito ay lalo niyang napansin kung gaano talaga kaganda ang katawan nito at talaga namang pinaglalaanan nito ng panahon para alagaan ang sarili. Pero worth it naman lahat.
"I mean, look at that back!" bulong niya sa sarili niya. Wala kasing damit ito pang-itaas habang nagwo-workout. She continued to admire his broad and sculptured shoulders, his beautifully cut biceps and ass flexing as he moves.
Oh! My Lord!
Parang gusto niyang pasalamatan ang sarili niya na hindi siya naging tamad ngayon at nag-gym siya. Atleast naman ngayon ay nakasaksi siya ng isang biyaya mula sa Diyos! Kaya lang ay bigla namang lumagabog ang dibdib niya sa kaba nang biglang tumingin sa kanya si Troy na para bang alam nitong pinanonood niya ito. Agad na nag-iwas siya ng tingin. Umupo siya sa isang bench at pakunwaring nagpipindot siya ng kung ano sa cellphone niyang agad niyang kinuha. Buti na lang at naroon sa tabi niya ang gym bag niya. Hanggang sa may huminto sa harap niya.
Nang mag-angat siya ng tingin ay bumungad sa kanya si Troy. Medyo nanghinayang siya dahil nakasuot na ito ngayon ng dri-fit shirt pero okay lang din. Okay na ring napagmasdan niya ang mukha nito na kahit pawisan ay hindi naman nabawasan ang ka-guwapuhan. Iniabot nito sa kanya ang isa pang tumbler.
"Mukhang nauuhaw ka...." sabi nito. "...uhaw sa akin," sabi nito saka ginawaran siya ng napakagandang ngiti na parang nakakapagpakiliti ng puso niya.
"Korni ha!" Inirapan niya ito. Tinanggihan niya rin ang tumbler na iniaalok nito. Napahalakhak na lang si Troy saka umupo ito sa bench sa tabi niya.
"Pasimple ka pa. Nakita kong tumitingin ka sa akin, eh. Mukhang nagwa-gwapuhan ka na," tudyo pa nito sa kanya. "Ano? Hindi na si Thrace ang crush mo, ako na?"
"Dream on!" natatawang tugon niya.
Pero hindi na siya nagdahilan dahil magmumukha siyang defensive. Eh totoo naman talagang nakatingin siya rito kanina.
"Kamusta pala? How was your date?" tanong nito sa kanya saka uminom ito ng tubig.
"Okay lang," aniya. Naalala niya tuloy ang kinuwento ni Mang Elly sa kanya dalawang araw na ang nakakaraan. "Nga pala, salamat pala nung isinukob mo ako sa payong mo. Hindi na ako nakapagpasalamat noon."
"Sus! Wala iyon. Papauwi lang din naman ako kaya isinabay na kita kaysa maulanan ka."
Hindi naman iyon ang tinutukoy ni Lucille. Ang tinutukoy niya ay ang paghihintay nito sa kanya noong gabing iyon pero hindi niya na sinabi kay Troy na alam niya na ang tungkol doon. Ide-deny lang nito iyon kung sakali.
"Basta, salamat," mnakangiting sabi niya.
"Walang anuman," tugon nito. "Bakit ka nga pala nandito?
"Wala. Tambay lang," sabi niya. "Ikaw?"
"Tambay lang din."
"Ayos pala, eh. Dalawa na tayong tambay," natatawang sagot niya.
"Mag-boyfriend ka na kasi para hindi ka na tumatambay," tudyo nito. "O kayo na ba ni Thrace? Mukhang napapadalas ang labas niyo, ah. Palagi kong naabutan sa bahay ni Mama si Tilly." Nahimigan niya ang selos sa tono nito pero hinayaan lang iyon ni Lucille.
"Hindi 'noh! But he's fun to be with."
Siguro ay nag-enjoy rin naman si Thrace dahil mas napadalas ang pagte-text nito sa kanya. Sa ngayon ay sa text na muna sila nag-uusap dahil bumalik na si Thrace sa Davao kaninang madaling araw para sa construction project nito doon. Sabi nito ay magpapabalik balik lang daw ito sa Maynila kapag may aasikasuhin ito sa ibang proyekto nito. Nagpasabi na rin ito na sa susunod nitong pagbalik ay bibisitahin siya nito.
"Nice," matipid na sagot nito. Pero nang tingnan ito ni Lucille ay wala man lang ngiti sa mga labi nito na parang hindi ito masaya sa sagot niya.
"Sa sobrang tagal mula nang makapag-date ako ay nakalimutan ko na ang feeling."
"Hindi ka nagka-boyfriend kahit minsan?" gulat na wika nito sa kanya. Napataas-kilay siya.
"Of course, I had. Pero niloko lang ako. Kaya ayun, nadala na ako at nag-focus na lang ako sa pag-aaral ko. Nagalit din kasi ang step Dad ko dahil napabayaan ko ang pag-aaral ko dahil doon."
"Mula noon ay hindi ka na nakipag-date?" Nang tumango siya ay bumakas ang gulat sa mukha nito.
"Bakit gulat na gulat ka naman yata?" natatawang wika niya.
"Wala naman. Inisiip ko lang naman kung bulag ba ang mga lalaki sa paligid mo, how can they not date someone as beautiful as you?!"
Infairness, simple lamang ang hirit nito pero kiniliti ang puso ni Lucille. Sa paraan pa lang kasi ng pagtitig nito sa kanya ay masasabi niyang nagagandahan ito sa kanya.
"Eh ganoon talaga. Isa pa, I had my priorities."
Hindi naman siya palakuwentong tao lalo pa tungkol sa buhay niya pero parang magaan sa loob niyang ikuwento kay Troy ang set-up ng pamilya niya at ang buhay niya sa mga Garcia. Alam niya namang mukhang boring ang buhay niya pero kung makapakinig naman ito sa kanya ay parang importanteng importante para dito ang sinasabi niya. And it warmed her heart. Ngayon niya lang kasi naramdaman na importante siya lalo pa at hindi naman niya iyon naramdaman sa pamilya Garcia dahil civil lang naman ang trato ng step dad ni Lucille sa kanya.
"Gusto ko lang maging proud sa akin si Papa. Kahit doon man lang ay makabayad man lang ako sa lahat ng mga ginawa niya para sa akin." dagdag niya.
"I'm sure he's already proud of you. Hindi lang niya siguro masabi. You are a good woman, Lucille. Bukod pa doon ay matagumpay ka rin sa karerang pinili mo. Sino ang hindi magiging proud doon?" sabi nito.
Alam niyang sinabi lang iyon para gumaan ang loob niya pero parang may mainit na bagay na lumukob sa puso niya dahil pinapalakas nito ang loob niya.
"Thank you, Troy," sinserong wika niya. "Kaya ayun. Kaya hindi ko na rin inisip magka-boyfriend pa dahil pinapatunayan ko ang sarili ko sa pamilya ko. Actually, hindi lang naman love life. Pati nga social life isinakripisyo ko. Kung hindi ko lang talaga ginustong mawala ang pagka-bad trip ko sa'yo noon, hindi pa ako sumama kina Alice sa club noong araw na iyon. That was the first time I went out."
Ngayon niya lang na-realize kung gaano pala kalungkot ng buhay niya talaga. Oo, naging maginhawa ang buhay niya sa mga Garcia pero tinanggalan niya rin naman ng kalayaan ang sarili niyang gawin ang mga bagay na puwedeng makapagpasaya sa kanya.
"Totoo?" tila hindi makapaniwalang wika nito.
"Oo. Bukod doon sa pagkakataong iyon, hindi ako nag-clubbing. Hindi rin ako lumalabas talaga masyado. Nito lang noong inaya ako ni Thrace na mamasyal. Pero hindi pa nga ako nakapuntang amusement park. Puro mga ngipin lang talaga ang kaharap ko araw-araw," natatawang wika niya.
"Kaya pala never kang na-tooth-tong mag-enjoy," biro nito sa kanya saka maluwang na ngumiti ito na para bang proud na proud ito sa joke nito.
It was a lame joke. Hindi talaga iyon nakakatawa kahit pa na-gets niya naman. Pero ang nakakapagpatawa na lang talaga sa kanya ay ang effort nitong mapasaya siya.
"Napaka-korni mo!" natatawang wika niya. Lalo pang napalakas ang halakhak nito nang hampasin niya ito sa braso. Ah! Napakasarap nitong kakuwentuhan. Napakasarap sa pakiramdam na nagtatawanan sila dahil pakiramdam niya ay ang gaan gaan ng buhay.
"Eh ano naman? Atleast napatawa kita," sabi pa nito sa kanya. "Dapat lagi kang ngumingiti. Mas gumaganda ka," dagdag pa nito.
Nahigit pa ni Lucille ang kanyang hininga nang marahan nitong pisilin ang kanyang pisngi at nginitian siya. Parang gusto niya tuloy kapain ang dibdib niya kung naroon pa ba ito sa tamang lugar nito o tuluyan na itong nahulog sa rib cage niya dahil sa pagpapa-cute ni Troy sa kanya!
"Ewan ko sa'yo! Mga luma na ang mga banat mo," natatawang napailing siya.
Tumayo na siya at akmang aalis nang bigla itong tumayo at hinawakan siya sa kamay. Bahagya pa siyang napaigtad dahil sa gulat sa ginawa nito.
"Gusto sana kitang ayain, Lucille."
"Saan?" kunut-noong tanong niya.
"To roam around. Para naman minsan sa buhay mo ay mag-enjoy ka," sabi nito sa kanya. Saglit niya itong pinakatitigan. Palagi na nga nitong iniintindi ang kalagayan niya at ngayon naman ay gusto nitong sumaya siya?
"Bakit mo ba ito ginagawa, Troy?" tanong niya.
Bakit ka gumagawa ng mga bagay na nagugustuhan ko? gusto niyang idagdag.
Hindi naman kasi manhid si Lucille. Sa kabila ng pang-aasar nito sa kanya noon at pagsasagutan nila, na-realize niyang naroon ito sa mga panahong kailangan niya. Handa itong tumulong sa kanya kahit hindi niya man hingin ang tulong nito. Lagi nitong iniisip ang kalagayan niya at kahit nagpapasimple lang ito sa mga kilos nito ay obvious namang nagmamalasakit ito sa kanya. It was as if her happiness is Troy's only priority. Kaya masisisi ba siya ng kahit sino kung magustuhan niya ito? Sa tingin niya ay hindi.
"Wala. Gusto ko lang makabawi sa'yo para sa lahat ng pambubuwisit ko sa'yo." Napangisi ito sa kanya. Sa totoo lang ay iyon din ang inaasahan niyang maging sagot nito. Pero namangha siya nang may idinagdag pa itong sinabi sa kanya. "And more importantly, I want you to be happy. You deserve that and more," sabi nito sa kanya.
Parang natunaw ang puso ni Lucille at hindi niya mapigilang mapangiti. See? Iyon na nga ba ang sinasabi niya. Mahalaga rito na mapasaya siya.
Sasagot na sana siya nang biglang may nag-text kay Lucille. Nang tingnan niya ang cellphone ay si Thrace iyon. Pero bago pa man siya makasagot ay inagaw na iyon ni Troy at ito na mismo ang naglagay niyon sa gym bag niya.
"Hindi ka mag-eenjoy kung maghapon ka lang tutunganga sa cellphone," anito.
She knew very well why he did that and somehow, she found it cute. Hindi niya napigilang mapangisi at mapailing.
"O, bakit tumatawa ka?" sita nito sa kanya.
"Hindi mo naman kailangang gawin iyon. Sasama naman ako sa'yo."
"Totoo?!" hindi makapaniwalang wika nito.
"Oo naman. Basta libre mo."
"Walang problema," nakangiting sagot nito sa kanya. "Magbihis na muna tayo tapos sunduin muna natin si Tilly kina Mama. Kailangan ko siyang isama," dagdag pa nito.
"Sige."
"Baka mamaya magbago ang isip mo, ha?"
"Hindi. Promise."
"Good. Gusto lang din kitang makasama," anito saka nginitian siya nang pagkaganda-ganda.
Bakit parang tumambling ang puso niya sa sinabi nito?! Kaya kung magreklamo man ang tiyanniya sa mga paru-parong nagliliparan doon ay hindi niya na kasalanan iyon.Kasalanan iyon ni Troy dahil aminin niya man o hindi, tumatalab na ang karismanito sa kanya.