NEZZIE JANE
"Antagal mo!"
Bungad agad ni Rusty sa akin nang pagkadating ko sa may kanto kung saan siya naghihintay. Halatang naiinip na ito base na rin sa ekspresyon na mababanaag sa mukha nito.
"Sorry, bebe. Dumating kasi 'yong anak ni Mayor na-chika pa ako kaya natagalan ako sa pag-alis. Pasensya na talaga," hinging paumanhin ko sa kanya sabay kurot ko sa pisngi niya. "'Wag ka nang magalit. Smile ka na, please?" pagsusumamo ko.
"Ano pa nga bang magagawa ko? Hays! Kung hindi talaga love ewan ko na lang," aniya na pinilit intindihin ako.
"Sorry na nga, eh!" At pinalungkot ang mukha ko na parang bata.
"Oo, na! Pinapatawad na kita."
"Yey!" reaksiyon ko at saka matamis na ngumiti sabay yakap dito.
"Tara na! Baka may makakita pa sa atin dito," ani Rusty at inabot sa akin ang extra helmet nito. Agad ko ring tinanggap iyon.
"Saan ba tayo pupunta?" tanong ko habang isinusuot ang helmet sa ulo ko.
"Basta," anito at tinulungan ako sa pagsusuot niyon.
"Okay, you're the boss!" sabi ko na lamang at hindi na muling nagtanong pa.
Inalalayan niya pa akong makasampa sa motor nito. Nang masigurong okay na ang pagkakaupo ko ay saka nito tuluyang pinaandar ang motor para kami umalis. Napakapit na lamang ako sa bewang nito.
Hindi ko alam kung saan niya ako dadalhin. Wala akong kaide-ideya. Pero kahit saan man kami pumunta ay sasama pa rin ako at hindi magrereklamo. Kahit saan pa kami makarating basta siya ang kasama ko ay ayos lang din. Sa ngayon kasi si Rusty lang ang pinakaimportanteng tao sa buhay ko. Siya ang kumukumpleto sa akin. Siya ang dahilan kung bakit ako masaya at inspired na magtrabaho. Never ko naramdaman na mag-isa no'ng naging kami at palagi na kaming magkasama. He completes me. 'Yong pinapangarap ko lang dati na mapansin ako pero ngayon boyfriend ko na.
Oh, 'di ba bongga!
Ang haba ng hair ko!
Ako na yata ang pinakamaswerteng babae sa balat ng lupa dahil sa kanya. Sa dinami-dami ba naman kasi ng nagka-crush dito dati, eh, ako pa talaga ang nagustuhan at niligawan niya. Eh, isa lang naman akong hamak at ordinaryong estudyante noon na nakiki-crush lang din sa kanya. Sinong mag-aakala na after how many years ay muli kaming magtatagpo. Mukhang we're meant for each other talaga.
Kahit na nga pinaubaya ko na siya dati dahil alam kong wala akong kalaban-laban sa iba. Pero heto na kami ngayon masaya, in love sa isa't-isa at nagsisimula nang bumuo ng mga pangarap na magkasama. Nakakatuwa lang talaga kung iisipin. Sadyang iba rin talaga ang alindog ko.
Char!
Habang lulan kami ng motor nito ay napapansin ko na ang dinadaanan namin. Puro kakahuyan na iyon at parang paakyat na. May sinusundan naman kaming daan kaso hindi lang ako pamilyar. Malayo na kasi iyon sa highway at labas na ng Poblacion. Hindi ko alam kung saan na kami banda at kung anong lugar na iyon. Pero sigurado akong nasa Las Navas pa rin kami.
First time kung makarating dito. At sa totoo lang naa-amaze at the same time nacu-curious ako. Wala akong ideya sa naghihintay sa amin. Hindi ko rin alam kung anong gagawin namin dito. Ito ang unang pagkakataon na dinala niya ako rito. Medyo nasanay na kasi ako sa mga pinagdadalhan nito na kung hindi restaurant ay sa mga tagong lugar kami kung saan walang nakakakita sa amin. Pero ngayon kasi ay iba, kaya medyo nagtaka lang ako at nanibago.
Papalubog na ang araw nang marating namin ang burol na iyon. At hindi ko lubos akalain na ganito pala kaganda ang lugar kapag nasa tuktok na. Hindi naman siya gano'n kataasan pero kitang kita na ang kabuuan ng Poblacion mula roon. Pero ang mas umagaw talaga sa pansin ko ay ang napakagandang sunset. Ang nag-aagaw na kulay kahel at itim. Namangha ako habang pinagmamasdan iyon. Hindi ko maiwasang hindi mapangiti dahil do'n. Napakagandang obra maestra.
Picture perfect.
Breathtaking.
Amazing.
Lahat na! Sa dinami-daming sunset ko nang napanood pero ito ang napaka-espesyal. Napaka-kakaiba at napaka-romantic dahil na rin sa presence ni Rusty. Wala na yata akong mahihiling pang iba.
"Nagustuhan mo ba?" tanong ni Rusty mula sa likuran ko dahilan para lumingon ako sa kanya.
"Oo naman, sobra!" masayang sagot ko. "Thank you, bebe. Hindi mo alam kung gaano mo ako pinasaya sa pagdala mo sa akin dito." Sabay yakap ko sa kanya.
"You're welcome, bebe. Alam ko kasing magugustuhan mo rito," ani Rusty at hinalikan ako sa noo.
"Paano mo pala alam dito?" tanong ko sa kanya.
"Matagal ko nang alam dito. Dito ako nagpupunta noon 'pag gusto kong mapag-isa. Kapag gusto ko ng katahimikan. This is my escape. At ikaw pa lang ang dinala ko rito," saad nito.
"Weeh? Talaga? Hindi nga?" reaksyon ko na parang ayaw kong maniwala. Tinitigan ko siya.
"Oo nga! Seryoso 'yan!" giit nito.
"Maniwala ako. Imposible 'yan. Bakit no'ng college pa tayo, eh, balita ko hindi ka nawawalan ng jowa."
"Nagpapaniwala ka naman do'n. Oo, siguro nakikita mo akong maraming kasamang mga babae dati, naririnig mong naging jowa ko si ganito o dine-date ko si ganyan pero ang totoo no'n wala talaga ako ni isang naging seryoso sa kanila. Lahat iyon kung hindi fling ay malamang na-chismis lang sa akin."
"Sa pogi mong 'yan? As in wala talaga? Ang gaganda nila kayang nali-link sa 'yo."
"Oo nga! Eh, anong magagawa ko eh, sa wala talaga akong nagustuhan ni isa sa kanila."
"Kahit noong mga panahong hindi pa tayo nagkikitang muli?" tanong ko.
"Yes! Wala talaga. Though may mga nagpapahaging pero never ako naging interesado. Not until na masilayan muli kita. Do'n ko na naramdaman ang kakaibang damdamin."
"Kung gano'n ba't wala ka nang paramdam after no'ng unang nagkita tayo?"
"Kasi hindi pa ako sigurado. Medyo magulo pa ang utak ko. Nag-aalangan pa ako. Pero habang tumatagal na-realize ko na at naging malinaw na sa akin ang lahat.
No'ng hindi na kita nakikita pa nanghiyang ako bigla sa pagkakataon. Do'n ko na napagtanto na mukhang ikaw na nga talaga. Ang babaeng hinihintay ko. Ang babaeng napapansin ko na dati pa. And that time naging sure na ako at parang ayaw na kitang pakawalan pa kaya kinapalan ko na ang mukha ko na i-text ka," pag-amin nito.
Hindi agad ako nakapagsalita dahil sa mga narinig ko. Tinitigan ko siya sa mga mata. Gusto kong makita kung seryoso ba talaga ito sa mga sinabi nito. Kung totoo ba ang lahat nang inamin nito. At nakita ko na mukhang hindi ito nagbibiro. Sa halip ay sinalubong niya rin ang mga tingin ko. Nagkatitigan kaming dalawa. Walang salitaan hanggang sa kapwa na naghugpong ang mga labi namin. We shared a kiss na tanda na pareho kami ng nararamdaman para sa isa't-isa. Marahan at punong-puno ng pag-iingat. Ilang segundong nagtagal iyon bago kami tuluyan na naghiwalay.
"I love you, bebe!" sabi ni Rusty pagkatapos ng pinagsaluhan naming halik.
"Mahal din kita, bebe ko!" tugon ko rito saka ngumiti.
"From now on, this would be our secret place. Tayong dalawa lang ang nakakaalam nito. Para lang sa atin ito. Itong lugar na 'to ang magiging saksi sa lahat at sa pag-iibigan natin."
"Tama! Dapat walang makaalam nito kahit na sino," sang-ayon ko sa sinabi nito.
Nagtagal pa kami roon at hinintay na tuluyang lumubog ang araw hanggang sa dumilim saka kami nagpasyang tuluyang umalis doon na masaya at lalong nagpatatag sa pag-ibig na namamagitan sa aming dalawa.
Linggo.
Naisipan kong puntahan si Verna sa mansyon nila. Alam ko kasing magagalit ito sa akin kapag hindi ako pumunta. Nangako pa naman ako sa kanya kaya kailangan kong tuparin iyon kahit na anong mangyare. Iniiwasan ko lang na magkaroon ito ng sama ng loob kaya pinagbibigyan ko na. Pinakikisamahan ko lang din siya dahil na rin sa utang na loob ko sa Papa niya.
Kakapasok ko lang sa bakuran nila nang pinagbuksan ako ng katulong. At base sa itsura ng kawaksi ay mukhang bago ito. Kaya siguro ay hindi niya ako kilala. Matagal-tagal na rin akong hindi napupunta rito simula no'ng umalis ako. Nagkikita naman kami lagi ni Ninong Mayor sa munisipyo kaya lahat ng mga gusto kong sabihin o mga kailangan ko sa kanya ay nasasabi ko na rin agad sa kanya. Hindi ko na kailangan pang pumunta rito at sadyain ito.
Nakakapanibago lang na makapasok muli rito sa mansiyon. Ang lugar kung saan ako lumaki, nagkaisip, nakitira at nabuo ang buong pagkatao. Napapangiti ako habang inililibot ang paningin sa buong paligid. Memories keep on flashing back on my mind. Bawat sulok yata niyon ay may naganap na pangyayare na masaya at malungkot. Tandang-tanda ko pa ang lahat.
Nagtuloy ako sa may garden kung saan daw naroon si Verna. Naabutan ko itong nakaupo sa isa sa mga upuang nakapalibot sa isang lamesa. Humihigop ito ng inuming nasa tasa at may box ng pizza na kanina pa nitong nilalantakan.
"Uy, Nez! Andiyan ka na pala," aniya nang makita akong papalapit sa pwesto niya.
Agad akong ngumiti ng simple at lumapit sa kinaroroonan niya. Saka umupo sa katapat niyang upuan.
"Pizza! Kuha ka!" alok pa niya sa akin. "Gusto mo juice o coffee?" tanong pa nito.
"Juice na lang," sagot ko.
"Manang, isang juice nga para kay Nez!" saad ni Verna sa katulong na nasa may 'di kalayuan.
Kumuha ako ng isang slice saka nilantakan iyon.
"Mabuti naman at naisipan mong ngayong dumalaw. I'm so bored na. Wala man lang magawa rito sa bahay. Wala man lang wi-fi connection. Data na nga lang ang gamit ko pero sobrang mahina pa rin ang signal. Napakaboring at napakatahimik ng bahay. Maloloka na ako," maarteng sabi ni Verna na umikot pa ang mga mata saka muling humigop sa tasang hawak na may laman na tsaa.
Gusto ko sanang sabihin sa kanya na sisihin niya ang tatay niya kung bakit hanggang ngayon ay wala pa ring development ang bayan namin. Kung bakit hindi man lang umuusad ang progreso. Tanungin niya na lang ang tatay niyang corrupt.
"Wala rin nga akong magawa sa tinutuluyan ko kaya pinuntahan na lang kita," sabi ko naman.
Napabuntong hininga ito.
"Kaya ayoko talagang umuuwi rito sa atin bukod sa napaka-boring na nga wala man lang matinong makausap," aniya.
"Bakit? Asan ang papa mo? Wala ba siya rito?"
"Para namang napirmi 'yan dito sa bahay. Eh, maya't-maya may kausap sa cell phone nito tapos aalis na lang bigla. Ni hindi pa nga kami nakapag-usap at nakapag-kamustahan ng matino simula nang dumating ako. Parang nagsisi tuloy ako kung bakit umuwi pa ako."
"Baka busy lang talaga siya. Alam mo naman si Ninong marami 'yong ginagawa. Parang hindi ka na nasanay sa kanya," saad ko.
"Mabuti pa nga 'yong ibang bagay nabibigyan niya ng time samantalang ako na anak niya na minsan lang din umuwi rito ni hindi man lang makamusta. Nakakatampo tuloy," reklamo ni Verna.
Maya-maya ay dumating ang katulong dala ang isang basong juice na hiningi ni Verna para sa akin. Naputol saglit ang usapan namin. Nagpatuloy lang uli kami nang makaalis na ang katulong.
"Intindihin mo na lang. Para sa iyo naman ang ginagawa niya."
"Ano ba kasing mga pinagkakaabalahan niya, ha? 'Di ba ikaw ang sekretarya niya? So, malamang may alam ka tungkol do'n," wika ni Verna.
Napa-inom ako ng juice dahil sa sinabi nito. Nang masigurong nalunok ko na iyon ay saka ako sumagot.
"Hindi ko alam. Wala akong alam sa iba pa niyang transakyon. 'Yong hawak at alam ko lang ay 'yong mga trabaho niya sa munisipyo aside do'n wala na akong alam lalo na sa mga personal business nito. Hindi ako nakikialam do'n at lalong wala akong alam," paliwanag ko.
"Ano ba 'yan?! Wala ka naman palang silbi. Akala ko naman may makukuha akong impormasyon mula sa 'yo since palagi kayong magkasama at nagkakausap."
"Kahit pigain mo pa 'ko wala ka talagang makukuha sa akin," sabi ko sa kanya. Dahil sa totoo lang kahit may alam ako ayoko ring sabihin. Bukod sa ayokong makisali doon ay mas lalong ayokong makialam. Wala na akong pake pa do'n. Bahala na silang mag-ama.
"Anyway, may balita ka pa ba sa ibang mga classmate natin?"
"Wala na rin masyado, eh. Hindi ko na nga alam kung nasaan na sila. Ay, oo, nga pala naalala ko, nagkita kami kamakailan ni Rose," kuwento ko.
"Rose? Sinong Rose?" ani Verna na hindi matandaan ang tinutukoy kong kaklase namin noon.
"Si Rose Geronimo 'yong kulot. 'Yong nilagyan mo dati ng bubble gum 'yong buhok niya," paalala ko sa pinagagawa nito.
"Ah, si Rose!" reaksiyon nito na parang naalala na niya ito.
"Tanda mo na?"
"Yes! So, what's about her?"
"Ayon, kinasal na siya. Si Ninong nga mismo ang nagkasal sa kanila."
"Talaga? Akalain mo 'yon. Kinasal na pala 'yong salot na 'yon." At tumawa pa na parang bruha. "Kunsabagay sa'n pa nga ba pupunta ang mga taga-rito sa atin kundi sa pag-aasawa na lang din. Magpaparami na lang ng mga anak na dadagdag sa populasyon ng bayan natin."
"Grabe ka naman sa kanya," sabi ko kay Verna.
"Eh, bakit? Totoo naman, ah. Kahit magpustahan pa tayo, eh," confident pa nitong sabi.
Hindi na ako sumagot at kumontra pa. Baka kung saan pa mapunta ang usapan namin. Alam ko rin namang hindi ako mananalo sa kanya kahit na makipagtalo pa ako. Hinayaan ko na lamang siya. Nilantakan ko na lamang muli ang slice ng pizza na hindi ko pa naubos.
"Uy, may naalala ako," aniya na parang natuwa bigla.
"Ano?"
"Hindi ano g*ga, kundi sino!" mura pa nito sa akin.
Kahit kailan talaga hindi ito marunong magpigil na hindi magbitaw ng masakit na salita. Wala itong pakundangan at wala itong pinipili. Kahit anong maisip nito ay lalabas talaga sa bunganga nito.
"Sino?" walang gana kong saad at uminom muli ng juice
"Si Rusty!" aniya na biglang nagningning ang mata at nabuo ang kakaibang ngiti sa labi.
Dahil do'n ay naibuga ko ng wala sa oras ang inumin ko pagkarinig ko sa pangalan na iyon!