NEZZIE JANE
"Ayos ka lang ba?"
Tanong ni Verna sa akin na halatang nag-alala sa boses nito. Pero imbes na sagutin ko ang tanong nito ay magkasunod na ubo ang lumabas sa bibig ko. Lumabas din sa ilong ko ang iniinom ko. Mabilis akong dumampot ng tissue na nasa mesa para punasan ang bibig ko. Nabigla ako sa sinambit na pangalan ni Verna. Sa dinami-dami ba naman ng pwedeng maalala ay si Rusty pa talaga. Hindi ko lang talaga inaasahan na iyon ang mababanggit nito. Tuloy hindi ko na napigilan pa ang sarili kong maibuga ang iniinom ko dahil sa gulat.
Hindi naman kaila sa kaalaman ko na mayroon ding crush si Verna kay Rusty noong nag-aaral pa kami. Halos patay na patay nga ito ito. Wala itong madalas na bukang bibig noon kundi puro si Rusty at siyempre sa akin niya iyon kinukwento at sinasabi dahil wala naman itong kaibigan kundi ako lang. Naaalala ko pa dati na kilig na kilig pa ito sa tuwing nakikita at nakakasalubong namin ito sa university. Pero no'ng nalaman nitong nali-link si Rusty sa ibang babae ay gano'n na lamang ang pagkadismaya nito dahil do'n. After no'n ay tumigil na ito sa pagku-kwento sa akin. Never na rin ako nakarinig pa sa kanya ng tungkol kay Rusty. Hanggang sa tuluyang nawala na ang pagka-crush niya rito at nabaling na sa iba.
Nang medyo nakabawi na ako ay saka ko uli siya binalingan.
"Okay lang ako, Vee. Nasamid lang ako sa iniinom ko," pagdadahilan ko.
"Akala ko kung napano ka na, eh. Nabanggit ko lang ang pangalan ni Rusty inubo ka na bigla diyan."
"Hindi, ah. Nasamid lang talaga ako," tanggi ko pa rin. Ayokong mahalata nitong apektado ako masyado.
"May balita ka pa ba sa kanya?" tanong ni Verna na halatang interesado.
"Huh? Ako? Wala!" mariing tanggi ko. "'Di ko na nga siya nakita at wala na akong narinig sa kanya after nating grumadweyt," pagmamaang-maangan ko pa kahit ang totoo ay updated talaga ako kay Rusty. Lalo pa simula no'ng naging opisyal na kaming magkasintahan. Lahat ng mga ginagawa at pinupuntahan nito ay sinasabi at pinapaalam nito sa akin. Kahit pa nga hindi naman kailangan. Hindi ko naman siya inoobliga na sabihin sa akin ang lahat ng mga iyon. May tiwala naman ako sa kanya. Pero sadyang honest lang siguro ito at ayaw lang niya na magduda ako sa kanya.
Pinilit kong maging kalmado dahil sa topic ng usapan namin. Hindi pa rin ako nagpahalata. Medyo kinakabahan ako sa mga pinagsasabi at tinatanong nito. Wala itong kaalam-alam na kasintahan ko na si Rusty ngayon at may namamagitan na sa amin. Ayokong malaman nito ang tungkol sa relasyon namin. Isa pa ay baka hindi rin nito magustuhan iyon kapag sinabi ko. Na ang dating crush na crush niya ay boyfriend ko na ngayon.
Sinabi ko rin sa kanya no'ng nakaraan na wala akong boyfriend kaya kailangan kong panindigan iyon. Alam ko na rin kasi ang ugali ni Verna at sigurado ako na magagalit ito. Mas pinili rin kasi namin ni Rusty na itago muna at sa amin na lang ang namamagitan sa aming dalawa. 'Yon ang napagkasunduan namin. Iniiwasan ko lang din ang mapag-chismisan sa trabaho.
"Nasaan na kaya siya, no? Single pa kaya siya? Sana wala pa siyang asawa," ani Verna habang nakangiti. Mukhang nangangarap ito nang gising. At may balak pang sulutin sa akin si Rusty. Char!
Tumikhim muna ako para magtanggal ng bara sa lalamunan ko bago ako muling nagsalita.
"Bakit mo naman siya hinahanap? I mean bakit mo naman siya naalala bigla?" curious kong tanong.
"Wala naman. Naalala ko lang siya bigla dahil sa usapan natin. Alam mo naman na type na type ko rin iyon dati pa saka ang pogi kaya no'n sobra," aniya pa.
Kunsabagay ay totoo namang ang sinabi nito.Ang pogi talaga ni Rusty noong nag-aaral pa kami kahit nga ngayon na boyfriend ko na siya. Kahit medyo nag-matured na ito ay ando'n pa rin ang kapogian at hindi pa rin naman nabawasan iyon. Kung baga sa alak ay habang tumatagal ay lalo itong naging masarap este gumagwapo. At wala namang duda roon. Kaya nga dahil din do'n ay madami rin ang naghahabol noon at kaya rin ito tinagurian na isa sa mga university heartthrobs dati.
"'Di ba?" ani Verna na napapangiti pa.
Napatango na lang ako bilang pagsang-ayon at hindi na sumagot pa. Tinignan ko si Verna. Ando'n pa rin kasi ang ngiti sa mga labi nito. Hindi ako natutuwa sa totoo lang. Napapa-isip tuloy ako sa mga tumatakbo sa utak nito. Hindi ko alam kung anong pinaplano nito. Hindi ko tuloy mapigilan na kabahan at mag-alala kapag malaman nito ang tungkol sa amin ni Rusty.
"'Pag may balita ka naman sa kanya, sabihan mo ako," muling saad ni Verna.
"Okay," sagot ko na lang saka muling kumagat ng pizza.
Gusto ko pa sanang sabihin na 'wag na siyang umasa. Pero ayoko na ring pahabain pa ang usapan namin. Bahala itong mamuti ang mata kakahintay sa balita kay Rusty dahil ang totoo wala akong plano na ipagbigay alam sa kanya ang alam ko. Dahil baka maging karibal ko pa siya.
Kinagabihan.
Kakahinto lang namin ni Rusty sa tapat ng isa sa pinaka-sikat na kainan sa katabing-bayan ng San Rafael. After ko manggaling sa bahay nila Verna ay ilang minuto lang ang itinagal ko sa tinutuluyan ko nang dumating naman ito lulan ng motor nito para sunduin ako. Hindi ko ine-expect ang biglaang pagdating nito. Wala naman kasi itong pasabi maging text o tawag na pupuntahan niya ako.
Ang pagkakaalam ko kasi ay luluwas ulit ito ng Maynila bukas para sa inaasikaso nito roon at maaga ang alis nito kinabukasan. Tuloy ay napilitan akong lumabas uli at sumama sa kanya. At as usual may pa-surprise na naman ito sa akin. Hindi talaga ito nauubusan ng mga pakulo. At natutuwa naman ako dahil do'n. Pinaparamdam niya talaga na mahal na mahal niya ako at gusto niya lang akong mapasaya.
Maingat akong bumaba ng motor niya saka ko tinanggal ang helmet na pinahiram nito.
"Anong gagawin natin dito?" tanong ko sa kanya ng tuluyang matanggal ang suot kong helmet.
"Ano pa? Eh, 'di kakain," sagot nito.
"Naku! Sana sinabi mo na lang na gusto mong kumain. Pinagluto na lang sana kita do'n sa bahay kanina. Gagastos ka pa."
"Ano ka ba?! Okay lang 'yon. Ayoko rin namang mapagod ka pa. Saka 'wag mong alalahanin ang gastos. Akong bahala, sagot ko 'to," anito saka kumindat pa.
"Wow! Dami pera, ah," biro ko pa sa kanya. "Baka binawasan mo pa ang pamasahe mo niyan para bukas."
"Hindi," tanggi nito. "Sariling pera ko 'to. Saka matagal ko nang pinag-ipunan 'to para madala kita rito."
Na-touch naman ako dahil do'n. Mukhang matagal-tagal na rin niya akong gustong madala rito kaya nag-ipon pa talaga ito. Medyo may kamahalan kasi ang mga pagkain dito sa pinagdalhan niya. At bukod do'n ay sikat na sikat din itong kainan na kahit do'n sa bayan namin sa Las Navas ay kilalang-kilala ito. Dinarayo ito ng mga magkasintahan na gustong ma-experience ang isang romantic dinner. Sobrang perfect kasi ng lugar para sa mga couple. Super romantic at super special daw ang pakiramdam 'pag nasa loob na. Base na rin sa mga naririnig kong kwento-kwento. Ngayon pa lang din kasi ako makakapunta rito. Kaya wala rin ako masyadong ideya.
"Kahit sa'n mo naman ako dalhin ay okay lang naman sa akin. Kahit diyan lang tayo sa tabi-tabi at kumain ng ihaw-ihaw, fishball at palamig ay ayos lang din sa akin. Hindi naman ako maselan sa pagkain. Hindi mo naman kailangang gumastos para lang mapasaya ako. Ikaw lang nga sapat na, eh. Isa pa ang mahalaga naman ay magkasama tayo," sabi ko saka ngumiti.
"Gusto ko lang kasi na maging espesyal ang gabing ito bago ako umalis dahil ilang araw din tayong hindi magkikita ulit."
"Weeh? Ang sabihin mo kasi mami-miss mo lang ako kaya gano'n," wika ko.
Napangiti si Rusty. "Parang gano'n na nga."
"Sige na, mag-park ka na muna. Hihintayin kita rito para sabay na tayong pumasok," saad ko.
"Okay, sige," tugon nito at agad na minaniobra ang motor nito papunta sa may parking area. Pinanood ko na lamang siya habang ginagawa iyon. Pagkabalik nito ay sabay na rin kaming pumasok sa loob.
Palabas na kami ng restaurant. Nabusog ako sobra dahil sa mga kinain namin. Halos puro masasarap at mga mahal pa ang inorder ni Rusty. Ilang beses ko siyang kinumbinsi na 'yong mura lang sana para hindi gano'n kalaki ang magiging bill namin pero ayaw nitong papigil. Okay lang daw kasi kami naman ang kakain at saka minsan lang naman daw iyon. Kaya tuloy ay wala na akong nagawa pa. Pinagbigyan ko na lang siya sa gusto nito.
Gano'n din ng pinipilit niya akong subuan. Nahihiya pa ako no'ng una at panay tingin sa paligid pero halos lahat din ng mga customer ay gano'n din. Sadyang napaka-sweet lang nito.
Ayoko rin kasi na magtampo ito. Ako na nga ang nilibre tapos ako pa ang mag-iinarte. Parang hindi naman yata tama iyon. In-enjoy ko na lang ang bawat sandali namin doon habang kumakain at pinapakinggan ang tumutugtog ng violin na pawang love song ang piyesa.
"Nag-enjoy ka ba?" tanong bigla ni Rusty sa akin ng tuluyan kaming makalabas ng kainan.
Bumaling ako sa kanya. "Oo, naman sobra. Busog na busog nga ako, eh. Thank you, ulit, ha?" saad ko sa kanya.
"Wala iyon," aniya. "'Di bale babalik uli tayo rito 'pag may pera na ulit ako."
"Don't worry, treat ko naman next time," pahayag ko.
"Naku! Nakakahiya. 'Wag na!" tanggi ni Rusty. "Ako ang lalaki kaya ako ang dapat gagastos at magbabayad sa susunod."
"Baliw! Hindi mo obligasyon na ilibre ako lagi. Unfair yo'n sa 'yo, dapat hati tayo, no?"
"Kahit na. Gusto ko pa rin," pilit pa rin nito.
"'Wag ka nang komontra pa. No if's, no but.," paninindigan ko.
"Okay, suko na. Sige na nga, hati na tayo," pagsang-ayon na lamang ni Rusty. Tanda rin na sumusuko na ito. Alam niya rin siguro na hindi ako papayag na gano'n na lang, na porke't girlfriend niya ako ay puro na lang libre nito.
"I love you," sabi ko kay Rusty.
Nakita kong ngumiti ito dahil do'n.
"I love you, too, bebe ko," tugon din nito.
Magkahawak kamay na kaming naglalakad papuntang parking area kung saan naroon ang motor ni Rusty nang bigla akong mapatigil sa paglalakad dahilan para mapatigil din si Rusty. Bigla akong nakadama nang pagkataranta nang mapansin ko ang babaeng makakasalubong namin na may kasamang lalaki.
Parang gusto kong tumakbo bigla at magtago dahil dito. Sa dinami-dami ba naman kasi ng pagkakataon, eh ngayon pa talaga. At hanggang dito pa talaga. Dito na nga ako dinala ni Rusty sa kabilang bayan para siguradong walang makakakilala at makakakita sa amin. At para sana malaya kaming makagalaw at wala nang inaalala pero wala pa rin pala. Useless din ang pag-iwas at pagtatago namin.
"May problema ba, bebe? Ayos ka lang ba? May masakit ba sa 'yo?" magkakasunod na mga tanong ni Rusty. May pag-aalala sa boses nito.
"'Yong babaeng makakasalubong natin, katrabaho ko 'yan," sabi ko sa kanya.
"Ano?! Ba't 'di mo sinabi agad?" anito at napatingin din sa tinutukoy kong papalapit sa amin. "'Di sana naiwasan na natin siya."
"Sorry, hindi ko rin napansin kanina."
Unti-unti nang palapit ang mga ito sa amin. Magku-kunwari pa sana akong hindi ko siya nakita at kilala pero huli na rin para umiwas pa dahil nakita na niya ako at mukhang nakilala pa. Nakita ko kasing ngumiti pa ito sa akin at kumaway pa. Halatang masaya itong makita ako rito.
Kilala ko ito. Siya si Apple na isa sa mga kasamahan kong nagta-trabaho rin sa munisipyo. Magkaiba lang kami ng department sapagkat nasa treasury office ito naka-assign. Hindi ko naman siya ka-close masyado pero kilala ko naman siya. Tamang ngitian at batian lang 'pag nagkakasalubong kami. Napadako rin ang tingin ko sa lalaking kasama nito. Hindi ko ito kilala. Ngayon ko pa lang kasi ito nakita pero naririnig ko rin na may lalaki itong dine-date. So, malamang ay baka ito na nga iyon.
"Nez!" Dinig ko pang tawag nito sa akin.
Hindi ko alam kung paano ko siya haharapin. Sigurado akong nagtataka ito kung bakit ako narito at kung sino ang kasama ko. Wala pa kasing nakakaalam na may kasintahan na ako. Ayoko lang kasi na pagchismisan sa munisipyo dahil do'n. Mabuti na ang wala silang alam sa personal kong buhay at maging sa buhay pag-ibig ko. Hangga't maari sana ay I want to keep my life and my lovelife as private. Napilitan akong ngumiti rin dito. Kahit pa nga sa loob-loob ko ay mukhang hindi maganda ang makita rin ito.
"Oy, Nez! Andito ka rin pala," pansin ni Apple sa akin. "Saan kayo galing? Ginagawa niyo rito?"
"Huh? Ah... oo!" kandabulol ko pang sagot. "Kumain lang kami diyan," dugtong ko pa.
Nakita kong mabilis na dumako ang tingin ni Apple kay Rusty na nasa tabi ko. Naramdaman kong magkahawak kamay pa rin pala kami. Bibitawan ko na sana iyon pero sadyang mahigpit ang pagkakahawak ni Rusty sa kamay ko. Hindi ko na magawang kumalas pa.
"Boyfriend mo?" curious pa nitong tanong. Halata din na iba ito makatingin. May kakaibang ngiti rin sa mga labi.
Ayoko sanang sagutin ang tanong nito dahil mukhang alam ko na rin naman na ang nasa utak nito. Baka hindi rin ito maniwala kung itatanggi ko pa. Napilitan akong tumango bilang pagkumpirma. Naramdaman kong mas humigpit ang hawak ni Rusty sa kamay ko dahil do'n na para bang suportado niya ako sa ginawa ko.
"Wow! Talaga? Congrats naman," masayang bati nito.
"Salamat," nahihiyang tugon ko.
"Ikaw, ha! Hindi ko alam na may boyfriend ka na rin pala."
Napangiti na lamang ako dahil sa tinuran nito.
"Oo, nga pala. Ba't pala kayo nandito?" pag-iiba ko. Ayokong sa amin lang matuon ang usapan.
"Kakain din. Nag-aaya kasi 'tong boyfriend ko kaya pinagbigyan ko na," ani Apple saka humilig pa sa kasama nitong lalaki.
"Ah, gano'n ba? Sige, enjoy kayo," sabi ko dahil ayoko nang pahabain pa ang usapan. Gusto ko nang tapusin dahil hindi na ako komportable pa.
"Pauwi na ba kayo?" muling tanong ni Apple.
"Oo," sagot ko.
"Sige, ingat kayo," pahabol pa nito at saka nila kaming nilagpasan na dalawa.
Mabilis kong hinila si Rusty patungo sa nakaparadang motor nito saka agad ding umalis.
Habang lulan kami ng motor nito pauwi ay tahimik lang ako habang nakakapit rito. Iniisip ko pa rin kasi ang nangyare. May pag-aalala dito sa dibdib ko dahil sa naging biglaang pagkikita namin ni Apple kanina. Alam ko na rin kasi na kakalat na iyon bukas at magiging laman na ako ng usapan sa buong munisipyo. May pagka-chismosa pa naman itong si Apple kaya siguradong magku-kwento ito sa iba. Lalo na kina Claire at Jackie na mga bff's nito. Ang mga certified na matatandang chismosa sa munisipyo.
Malamang din ay may dagdag at bawas na rin ang kwentong maririnig ko. Kaya expected ko na mangyayare iyon. Mukhang hindi na talaga mapipigilan pa ang tuluyang pagkalantad ng relasyon namin ni Rusty. Ang totoong namamagitan sa amin. Siguro nga ay panahon na rin na malaman iyon ng lahat.