Habang nakaupo ako sa gilid ng kusina, yakap-yakap ang tray ng baso at pitcher na puno ng non-spicy water, hindi ko mapigilang mapatulo ang luha ko kahit konti. Hindi ‘yung luha ng heartbreak, kundi ‘yung luha ng takot.
Paano na kung matanggal talaga ako?
Isang maling kape. Isang mainit na juice. Isang sili sa spa water. At baka bukas, tanggal na talaga ako.
"Kapag natanggal ako... saan ako pupunta?" bulong ko habang pinupunasan ko ang baso. "Wala akong babalikan sa Marinduque. At wala rin akong ipon!"
Lumingon ako sa gilid ng counter kung nasaan ang coin purse kong may lamang bente pesos, isang gintong button (na feeling ko napulot ko lang), at isang papel na may sulat ni Aling Doray: “Mira, make us proudness. Don’t burning anything.”
Proudness?
E kung sunog nga laging reputasyon ko sa mansyon?
Pero hindi ako susuko. Hindi puwedeng matanggal ako. Hindi talaga pwede.
Kaya habang abala sa taas si Don Quixotte, nag-isip ako.
Kailangan kong gumawa ng paraan. Kailangan kong ipakita na kailangan pa rin ako dito. Kailangan ko ng mission...
Bigla akong napatigil nang marinig kong nagsalita si Mirl sa hallway, “Mira! Come here, dali!”
Dali-dali akong tumakbo, tray pa rin ang hawak. “Yes po, Ma’am Mirl?”
“Nakita ko si Miko sa kwarto. Mukhang matamlay. Mukhang may lagnat.”
Si Miko?
Agad akong umakyat, iniwan ang tray sa may hagdan at sinugod ang kwarto ni Miko. Pagbukas ko ng pinto, andoon siya—nakahiga, nakakulubong sa kumot, pawis na pawis. Hindi ko na kailangang mag-thermometer. Kita ko sa mata pa lang niya—may lagnat nga.
“Hay naku, anak…” bulong ko habang nauupo sa gilid ng kama. “Anong nangyari sa’yo?”
Hindi siya kumikibo, gaya ng dati. Ni hindi siya tumingin sa akin. Nakatitig lang siya sa kisame, parang may iniisip na hindi ko maaabot.
Inilapit ko ang likod ng palad sa noo niya. Ang init!
Agad kong kinuha ang palanggana, nilagyan ng malamig na tubig, at pinigaan ng towel. Pinupunasan ko siya ng dahan-dahan habang naglalambing.
“Miko... you sickly-sick today, huh? Don’t worry, I will do the care-care of you, okay?”
Oo na, mali na naman grammar ko. Pero sana, naramdaman niya na sincere ako.
Bumaba ako agad at nagluto ng lugaw—‘yung simpleng bigas at asin lang, dahil wala nang ibang ingredients. Nilagyan ko ng itlog para sosyal.
Pagbalik ko sa taas, dala ko ang tray ng lugaw. “Miko, oh. Look oh, this is eggy-lugaw. It’s warm and nice and yummy.”
Nilapit ko sa kanya. Walang reaksyon.
“Please eat, baby,” lambing ko. “One spoon lang... please... for me?”
Isang kutsara. Walang reaksyon.
Pangalawa. Wala pa rin.
“Para kay sir Don Quixotte?”
Deadma.
“Para sa favorite mo na si stuffed dinosaur?”
Tahimik.
“Para sa BDO account ko na walang laman?”
Wala pa rin.
Niyakap ko siya ng mahigpit. Napakasakit, Kuya Eddie. Hindi dahil hindi siya kumain, kundi dahil alam kong may pinagdadaanan pa rin siya—‘yung trauma mula sa pagkamatay ng nanay niya. Naalala ko tuloy sabi ng isa sa mga maid dati: si Miko daw mismo ang nakakita kung paano binaril ang mama niya sa harap niya.
Simula noon, hindi na siya nagsalita. Hindi na rin siya ngumiti. At ngayon, ni lugaw ko ayaw kainin.
Pero hindi ako susuko.
“Alam mo, Miko…” bulong ko habang pinapahid ang pawis niya, “pag natanggal ako dito, wala na akong kita. Wala na akong pang-load. Hindi ko na rin mabibili ‘yung NFA rice na may libreng asin sa palengke.”
Huminga ako nang malalim, “Pero okay lang ‘yon. Basta okay ka.”
Tiningnan ko siya. Wala pa ring reaksyon. Pero... parang lumambot ang mukha niya kahit konti. Parang napansin niyang nag-aalala ako, kahit hindi siya nagsalita.
Kinuha ko ulit ‘yung kutsara.
“Miko, kung kakainin mo ‘to, promise ko... hindi na ako magpapakain ng sili sa bisita, okay?”
Wala pa rin.
“Promise ko rin, hindi na kita chichismisan habang natutulog ka... ang cute-cute mo kase!”
Napakagat ako sa labi. “Please, anak…”
At sa hindi ko inaasahan—dahan-dahan niyang ibinuka ang bibig niya.
Napanganga ako. Napa-oo siya?!
Agad kong isinubo ang lugaw. Kumain siya. Isang subo. Dalawa. Tatlo.
Tumingin siya sa akin. Mata lang. Walang salita. Pero ramdam ko ang sinasabi ng mata niya:
“Thank you.”
Napaluha ako, pero ngumiti. “Aba! May pa-thank you si cutie boy ha!”
Wala pa rin siyang salita, pero hinawakan niya ang kamay ko. Mahina, pero sapat para maramdaman ko na... hindi pa pala huli ang lahat.
Kahit palpak ako sa lahat—may ginagawa pala akong tama.
At sa loob-loob ko, kahit hindi pa ako sigurado kung tatagal pa ako sa mansyong ito, isa lang ang malinaw:
Habang may Miko na nangangailangan sa akin, hindi pa ako puwedeng mawala.
Hawak-hawak ko ang mangkok ng lugaw habang dahan-dahan kong sinusubuan si Miko. Para akong bomb technician sa bawat kutsara—isang maling galaw, baka magsara ulit ang bibig niya at mawala na naman ang gana.
Pero hindi. Kumakain siya. Tahimik, oo, pero may rhythm na. Paunti-unti. Mainit pa rin ang katawan niya, pero hindi na siya nanginginig. At higit sa lahat—hindi na siya tinatalikuran ang pagkain.
“Good boy, Miko…” bulong ko, pinupunasan ang gilid ng labi niya. “Eat lang, ha? One more and I’ll tell you the story of the flying kaldereta!”
Sa loob-loob ko, gusto ko nang umiyak. Hindi dahil sa pagod. Hindi dahil sa stress. Kundi dahil… grabe. Ang sarap pala sa pakiramdam na makita ang batang may trauma, kumakain ulit dahil sayo. Dahil sayo. Kahit gaano ka pa kapalpak sa kape, o sa spa water, o kahit sa grammar.
Pero biglang—BLAG!
May marahas na pagbukas ng pinto.
Napalingon ako. Si Don Quixotte.
Naka-uniform pa rin siya—neat, pressed, mukhang galing sa isang importante meeting. Pero ngayon, halatang may kaba.
“Miko!” tawag niya, agad lumapit sa kama. “Anong nangyari sa kanya? Bakit hindi ako sinabihan agad?!”
Napabitaw ako sa kutsara. “Si Ma’am Mirl po ang nagsabi na mukhang matamlay si Miko kaya tiningnan ko—”
“Bakit hindi ka agad bumaba at ipinaalam sa akin?!”
Napatungo ako. “Akala ko po… kaya ko na. Inalagaan ko na lang po agad. Sorry po, Sir…”
Lumuhod siya sa gilid ni Miko, nilagay ang palad niya sa noo ng bata. Kita ko sa mukha niya ang takot. Hindi siya galit. Natatakot siya.
“Still hot…” bulong niya. “Miko, baby… it’s Daddy. Look at me.”
Miko, tahimik pa rin. Pero bahagyang gumalaw ang kamay niya—hinanap ang kamay ni Don Quixotte at marahang humawak dito.
Parang may kumirot sa dibdib ko. Hindi dahil nagselos ako ha—pero dahil nakita ko kung gaano siya kahina sa anak niya. Akala ko si Don Quixotte ay walang pakialam sa mundo—parang perpektong robot ng yaman. Pero ngayon, mukha siyang ordinaryong tatay na takot mawala ang anak niya.
“Did he eat?” tanong niya sa akin, di tumitingin.
“Opo… nilutuan ko po ng lugaw. Ayaw po nung una, pero nag-try din siya. Mainit pa po ‘yan, may itlog pa…”
“Good,” sabay haplos niya sa ulo ni Miko. “He hasn’t eaten since yesterday.”
Hindi ko alam kung anong susunod kong sasabihin. Tahimik ang buong kwarto maliban sa tunog ng bentilador at paghinga ni Miko.
“Sir…” lakas loob kong bulong. “Sorry po kung hindi ko agad sinabi. Natakot lang po ako na baka mag-panic kayo…”
“Tama ka,” mahina niyang sabi. “I panicked anyway.”
Tiningnan ko siya. Gulat ako. Hindi ko inasahan na aamin siya ng ganon. Si Don Quixotte? Umaamin ng takot? Unbelievable.
“Naalala mo pa ba ‘yung sinabi ko kanina?” tanong niya, diretso, pero di galit.
“Yung ‘one more mistake and you’re ashes’ po?” sagot ko, nahihiyang tumawa. “Opo, Sir. Medyo permanent sa memory ko.”
Tiningnan niya ako, walang emosyon ang mukha pero halatang pagod. “Mira…”
Napahawak ako sa tray. Ito na ‘yon. Tanggal na.
“…Good job.”
Ha?
“Po?”
“Good job,” ulit niya. “For getting him to eat. At… for staying. Kahit lagi kang sablay.”
Napanganga ako. Hindi ko alam kung insulto ba ‘yon o promotion.
“S-seryoso po, Sir?”
“Don’t get used to it,” mabilis niyang dagdag, sabay balik ng tingin kay Miko. “Isa lang ‘yan. Huwag kang lalakas ang loob.”
“Hindi po,” nakangiti na ako ngayon. “Mahina po talaga loob ko mula pa noon.”
Hindi siya natawa. Siyempre.
Pero sa totoo lang, kahit hindi siya tumawa, kahit hindi siya ngumiti, ramdam ko na nagbago ang ihip ng hangin. Para bang ngayon lang niya nakita na may silbi rin pala ako—na hindi lang ako yaya na may record ng spa water tragedy.
“Pwede ko pa po ba siyang pakainin, Sir?” tanong ko, habang hawak ulit ang kutsara.
Tumango siya. “Bantayan mo lang siya. I’ll call the family doctor.”
Tinitigan ko silang mag-ama habang hawak ni Miko ang kamay ng tatay niya. At habang sinusubuan ko ulit si Miko, naisip ko—
Ganito pala magmahal si Don Quixotte. Tahimik. Matigas. Pero totoo.
At kung ako, si Mira na punong-puno ng sablay, ay kahit papaano'y nakapasok sa mundo nilang dalawa…
Baka may pag-asa pa talaga ako.
Hindi man ako perpekto. Pero marunong akong magmahal.
At kahit minsan lang niya sabihin na “Good job,” sapat na ‘yon para hindi ako bumitaw.