CHAPTER 4

1464 Words
“Thirty-nine point five…” Napasandal ako sa dingding ng kwarto ni Miko habang hawak ang thermometer. “Grabe,” bulong ko. “Mukang pwede ng mag boiling ng itlog sa noo ni Miko…” Sinubukan kong huwag kabahan, pero ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Kanina lang, akala ko okay na si Miko—kumain na siya, ngumiti pa ng konti nung nagkwento ako ng tsismis tungkol sa pusa ng kapitbahay sa Marinduque. Pero ngayon, mainit na ulit ang katawan niya, at parang napagod lang sa bawat hinga. Binilisan ko ang lakad palabas ng kwarto, diretso sa kwarto na parang office na rin ni si Sir Don Quixotte dahil halos doon na siya nag i-stay buong araw. Madalas nalang siyang pumupunta sa office ng Q Newspapers and Magazines Company. He's the CEO and the boss. “Sir! Sir!” sabay katok ko ng magaan pero paulit-ulit. “Pasensya na po, pero mataas ulit ang lagnat ni Miko—39.5 po!” Bumukas agad ang pinto. Ang bilis. Nakita ko si Don Quixotte—kalmado pa rin sa mukha, pero ramdam mong binabaha siya sa loob. May hawak siyang cellphone, siguro tatawagan na ang doctor, pero tinapik niya lang ‘yon sa desk at naglakad papalabas. Sinundan ko siya pabalik sa kwarto. Pagdating namin sa loob, lumapit agad siya sa anak niya. Walang sabi-sabi, hinawakan ang noo ni Miko, nilapit ang sarili. Yung tipo ng tatay na sanay sa hindi pagpapakita ng emosyon, pero ngayong delikado ang anak niya, parang nabubura ‘yung lahat ng pader niya. “Why is it getting worse?” mahina niyang tanong habang hawak ang palad ni Miko. “He was okay earlier.” “Ewan ko po, Sir…” halos pabulong kong sagot habang pinipiga ko ang bimpo. “Kumain siya, uminom naman ng tubig. Baka pagod lang ulit… o baka po masama talaga ang pakiramdam niya.” Tahimik lang si Don. Nakatitig kay Miko. Malalim. Parang sinisilip niya ang kaluluwa ng anak niya para intindihing mabuti kung ano ba talaga ang nangyayari. Then, bigla niyang binulong, “Lexi would’ve known what to do…” Napatingin ako. Ngayon lang niya binanggit ang pangalan ng asawa niya. Si Ma’am Lexi. ‘Yung babae sa portrait sa hallway. Yung maganda, elegante, mukhang mahal ang pabango. Siya ‘yung nabaril sa harap ni Miko. Siya ‘yung dahilan kaya hanggang ngayon, hindi nagsasalita si Miko. “Sir…” lumapit ako, dahan-dahan, hawak pa rin ang bimpo. “Gusto niyo po ba ng tulong?” Hindi siya sumagot. Nakatingin lang sa anak niya, habang marahan niyang hinahaplos ang noo ni Miko gamit ang likod ng kamay niya. Para bang sinisipsip ng bawat haplos niya ‘yung sakit ng bata. “Miko…” bulong niya. “Please, don’t do this to me again…” Napatingin ako sa kanya. May panginginig sa boses niya. Hindi iyak. Hindi pagwawala. Pero ‘yung klase ng pagbitaw ng salita na galing sa pinakamalalim na parte ng dibdib. Akala ko tatayo siya. Akala ko lalabas siya para uminom ng wine o magsigarilyo gaya ng mga amo sa teleserye. Pero hindi. Umupo siya sa tabi ng kama, nilapat ang noo niya sa maliit na braso ni Miko, at nanatiling tahimik. Walang tunog kundi ‘yung mahina niyang paghinga. At sa loob ng sandaling iyon—para bang nakita ko ang buong pagkatao niya. Hindi ang CEO. Hindi ang galit na boss. Kundi isang ama na sobrang takot. Sobrang lamig sa labas, pero pinupunit ng init ng takot sa loob. Gusto ko sanang yakapin siya. O tapikin ang balikat niya. Pero naisip ko—hindi pa siya handa. Hindi pa siya naka-move on kay Lexi. Kaya malamig pa rin siya. Hindi lang sa akin. Sa mundo. Sa sarili niya. Nilapag ko na lang ang bimpo sa tray at bumulong, “Sir, andito lang po ako kung kailangan niyo ng tulong. Kahit tubig o kwento lang… o kahit pakain ng pusa.” Bigla siyang nagsalita. Mahina, pero diretso. “Mira…” “Yes po, Sir?” “Go downstairs. Get some medicine. Paracetamol. Yung para sa bata.” “Yes po.” Tumayo agad ako. At habang paalis na ako, narinig ko siyang muling bumulong. Hindi para sa akin. Para kay Miko. “I’m sorry, baby. I’m so sorry…” Bumigat ang dibdib ko. Para akong sinabuyan ng malamig na tubig sa gitna ng init ng kusina. Sa dami ng galit at init ng ulo ni Don Quixotte, ngayon lang siya humingi ng tawad. Pagbalik ko, tahimik pa rin silang dalawa. Iniabot ko ang gamot, pero hindi na niya ako tinignan. Tinanggap niya lang at inalagaan ulit ang anak niya. Wala akong reklamo. Kahit gano’n siya kalamig, naiintindihan ko na ngayon. Hindi siya bastos. Hindi siya masama. Wasak lang siya. At gaya ni Miko, baka hindi pa rin siya handang magsalita tungkol sa sakit niya. Pero kahit gano’n—hindi ako aalis. Kahit ilang beses pa ako magkamali. Kahit ilang beses niya akong sabihang paalisin. Basta kailangan ako ni Miko… Mananatili ako. Makalipas ang ilang oras, medyo bumaba na ang lagnat ni Miko. Pero hindi pa rin ako mapalagay. Gabi na. Tahimik ang buong mansyon. Kahit ‘yung grandfather clock sa sala parang ayaw mag-ingay. Tiptoeing ang buong bahay sa katahimikan, parang takot makagising ng alaala. Nasa tabi pa rin ako ni Miko. Nakaupo sa maliit na upuan, suot ang lumang kumot na may design ng teddy bear—'yung hiniram ko lang kay Manang dati na hindi na bumalik. Hawak ko ‘yung lampin at panyo na pinampupunas ko sa pawis niya. Pawis na ‘di ko alam kung galing sa lagnat o sa panaginip niya. Nakangiti akong pinagmamasdan siya habang mahimbing na natutulog. “Aba, ang bait mo ngayon ha…” bulong ko sa kanya. “Wala nang struggle, parang hindi ikaw ‘yung ayaw kumain kanina…” Pero habang pinupunasan ko ang leeg niya, bigla siyang gumalaw. Sumimangot. Tapos napahawak sa kumot. Kumunot ang noo niya. At ang sunod kong narinig— “Aaaaahhh!!” isang mahinang sigaw, garalgal, puno ng takot. Miko jolted up, hinahabol ang hininga. Parang batang inalis mula sa bangungot pero naiwan pa rin ang multo sa dibdib. Agad akong lumapit. “Miko! Miko! Ssshhh... it's okay baby... I'm here, I'm here…” Hinawakan niya ‘yung bisig ko, mahigpit. Sobrang higpit na parang ‘pag binitiwan niya ako, malalaglag siya sa bangin. “Nightmare ba ‘yon, anak?” bulong ko habang hinihimas ang likod niya. “Teka, tubig lang…” Pero hindi siya bumibitaw. Humihikbi siya, pero walang tunog. ‘Yung tahimik na iyak. ‘Yung luha lang ang bumabagsak, pero ‘di marinig ang sakit. Masakit panoorin ‘yon. Kaya tinabihan ko siya. Niyakap ko siya ng mahigpit. Para akong yakap na unan, shield, nanay, yaya, alalay, at best friend—lahat-lahat na. “Okay lang ‘yan… okay lang…” bulong ko. “Dream lang ‘yon. Wala na si bad guy. Safe ka na. Andito si Mira… okay?” Hindi siya nagsalita. Pero ramdam ko ‘yung yakap niya sa braso ko. Mainit pa rin ang katawan niya. Pero mas mainit ‘yung takot. Tumingala ako. At doon ko siya nakita—si Don Quixotte. Nakatayo siya sa pinto. Hindi gumagalaw. Hindi nagsasalita. Wala siyang suot na coat—simple lang siya. Gray shirt. Sweatpants. Walang sapatos. Pero ‘yung mata niya—nakapako kay Miko. At saka sa akin. Akala ko lalapit siya. Akala ko lalapit siya sa anak niya, yayakapin, o aakuin na siya ang kasama dapat sa ganitong moment. Pero hindi. Tumayo lang siya roon. Tahimik. At maya-maya, humakbang siya paatras. Dahan-dahan. Tapos nagsara ng pinto. Parang multo rin siya. Biglang dumating, biglang nawala. Pero alam mong totoo siya. At kahit sandali lang siya doon, may bigat siyang iniwan. Hinalikan ko sa noo si Miko. “Your daddy loves you. Hindi lang niya masabi lagi… pero nararamdaman mo naman, ‘di ba?” Tahimik pa rin si Miko. Pero gumaan na ang hinga niya. Parang medyo kumalma na. Inayos ko ang kumot niya, saka humawak sa kamay niyang pawisan. Hindi ko alam kung tama ba ang ginagawa ko. Hindi ako professional. Hindi ako trained. Hindi ako mommy. Pero isa lang ang sigurado ko: hindi ako aalis. Kahit di ako pinapansin ni Sir. Kahit palagi niya akong sinisigawan. Kahit siya pa ‘yung nagsasara ng pinto sa halip na lumapit. Kung si Miko lang ang dahilan para manatili ako rito—enough na ‘yon. At kahit di ko man kayang buuin ang sirang pamilya nila… Kaya ko silang alagaan. Kahit pa unti-unti lang. Kaya sa gabing ‘yon, habang yakap ko ang batang may sugat sa puso, at habang ang amang sirang-sira ang loob ay nagtatago sa dilim—nangakong si Mira Marinduque... ...hindi aalis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD