CHAPTER 5

1598 Words
Kinabukasan, medyo bumaba na ang lagnat ni Miko. Hindi na siya mainit gaya kagabi, pero maputla pa rin. Mahina, tahimik, pero gising. Naka-sandig siya sa mga unan habang tahimik na nakatingin sa labas ng bintana, sa may puno ng sampalok sa bakuran. Ako? Nasa gilid lang niya. Wala pa ring ligo, pero nag-toothbrush na ako at nagpabango ng konti gamit ‘yung cologne ni Ma’am Mirl na naamoy ko lang sa hangin habang dumadaan siya kahapon. “Okay ka na, baby?” bulong ko habang nilalagay ang baso ng tubig sa mesa. “Hindi na mainit ang noo mo, ah. Kanina tinapik ko lang, parang in love lang ang init, hindi na lagnat.” Hindi siya ngumiti. Pero hindi rin siya umiwas. Progressiveness na ‘yon. “Kain tayo mamaya, ha?” pa-cute kong bulong. “Magluluto ako ng specialist… itlog na sunny side up. Pero dalawa ang yolk! Surprise!” Tahimik pa rin siya. Pero this time, medyo gumalaw ang kamay niya, parang gusto niyang hawakan ang kumot. Kaya inabot ko na agad ‘yon. Pinatong sa dibdib niya. Tapos umupo na ako sa tabi niya. At dahil ayokong maburyong kami pareho sa katahimikan, naisip kong magkwento. “Alam mo, Miko…” bulong ko habang inaayos ang buhok niya, “kagabi nanaginip ako. Nasa bundok daw tayo. Tapos may castle. Tapos andun daw si mommy mo.” Napatingin siya sa akin. Seryoso pa rin ang mukha niya, pero hindi niya ako tinigilan ng tingin. Kaya nagpatuloy ako. “’Yung mommy mo, ang ganda-ganda. Nakasuot ng long white dress. May korona pa, parang prinsesa. Tapos sinabi niya sa akin, ‘Mira, alagaan mo si Miko ha? Kasi mahal na mahal ko ‘yan.’” Sumilip ang liwanag sa mga mata ni Miko. Hindi luha, hindi ngiti. Basta... parang may kaunting ilaw na pumasok sa madilim na kuwarto niya sa loob. “Nakakatuwa ‘yung mommy mo sa panaginip ko,” tawa ko ng mahina. “Sabi niya, wag daw ako mag-alala kahit di ako marunong sa mansyon. Kasi, sabi niya, ‘hindi importante ang perpekto, importante ‘yung marunong magmahal.’” Doon na siya tumingin ng matagal sa akin. Hindi nagsalita. Pero hindi rin umiwas. Bigla kong naramdaman na may dumaan sa hallway. Mabigat. Tahimik. Formal. Si Sir. Wala akong narinig na kalabog. Pero alam mo ‘yung pakiramdam na may nanonood? Gano’n. Pero hindi ako tumigil. “Alam mo, Miko… minsan, kahit wala na si Mommy mo dito, andito pa rin siya sa puso mo. Kasi ang mga taong mahal natin, hindi naman nawawala talaga, eh. Umaakyat lang sila sa ulap. Tapos tuwing natutulog tayo, bumababa sila para yakapin tayo.” Pinikit ko sandali ang mata ko. “’Di ba minsan, parang nararamdaman mo na may yumayakap sayo kahit wala naman talaga?” Hindi siya sumagot. Pero nilapit niya sa akin ang kamay niya. Marahan. At sabay hawak sa daliri ko. Nagpatuloy ako. “Kaya wag kang matakot matulog ulit, ha? Kasi baka bumisita na naman si Mommy mo. Baka magkwento siya ulit. O baka sumayaw pa siya.” Napakagat ako sa labi. Sa gilid ng pinto, nakita ko ‘yung anino ni Sir Don Quixotte. Nakatayo lang siya. Tahimik. Hindi ako sigurado kung galit siya, na mention ko si Ma’am Lexi, o kung nasasaktan lang siya. Pero ang sigurado ako— nakikinig siya. At hindi siya sumingit. Hindi siya pumasok. Hindi niya ako pinatigil. Nagpatuloy ako sa pagsapo ng kamay ni Miko. “Okay lang malungkot, baby. Pero ‘wag mong hayaan na kainin ka ng lungkot. Kasi si Mommy mo... gusto niyang makita kang masaya. Kahit sa panaginip.” Sa wakas, dahan-dahang pumikit si Miko. Hawak pa rin ang daliri ko. Tahimik. Payapa. Buhay. Ilang minuto pa, at wala nang anino sa pintuan. Umalis na rin si Don Quixotte. Tahimik siyang dumaan. Walang sinabi. Walang tanong. Pero alam ko—may naramdaman siya. Hindi ko alam kung ano ‘yon. Lungkot? Guilt? Galit? O baka... pasasalamat? Hindi ko inaasahan na bigla siyang magiging mabait. Hindi ko rin inaasahan na magtatransform siya na parang si Prince Charming na biglang naging soft dahil lang sa isang kwento. Hindi ganun si Sir. At hindi rin ako nangangarap ng biglaan. Pero ngayon, sapat na ang tahimik niyang presensya. Sapat na ‘yung hindi niya ako pinatigil. Sapat na ‘yung hindi niya ako sinigawan. At higit sa lahat... Sapat na ‘yung alam kong unti-unti, baka puwede rin akong maging parte ng mundo nila. Kahit hindi pa ngayon. Kahit hindi pa bukas. Basta tuloy lang. Ako si Mira. Hindi marunong sa mansyon. Hindi perpekto sa English. Palpak sa spa water. Pero kaya kong magmahal. At sa maliit kong mundo—minsan, sapat na pala ‘yon. Tanghali na. Medyo kalmado ang bahay. Si Miko, nagpapahinga pa rin sa taas—mas okay na ang kulay ng pisngi niya at hindi na ganun kainit ang katawan. Nakakakain na rin siya kahit kaunti. At si Sir Don Quixotte? Hindi ko alam kung nasaan. Wala siya sa opisina. Wala sa veranda. Baka umalis. Baka nag-jogging. O baka... nagmumuni-muni somewhere sa isang sulok ng mansyon. Gaya ng nakasanayan niya. Ako naman, tuloy lang sa gawaing bahay. Medyo inspired ako dahil hindi ako sinigawan, at hindi rin ako sinisante ngayong araw. Record-breaking. Habang nagwawalis ako sa receiving area, napansin ko ‘yung isang drawer sa ilalim ng lumang console table. Parang may sumilip na sulok ng papel. Na-curious ako, kaya lumuhod ako at dahan-dahang binuksan ‘yung drawer. Ayun. Isang photo album. Matigas na cover, kulay burgundy, may ukit na Q&L. Quixotte & Lexi. Ay wow. Wag mo na ako pigilan, utak. Baka love story ‘to. Siyempre, hindi ko na napigilan sarili ko. Umupo ako sa sahig at binuksan. Una kong nakita: wedding photo nila. Ang ganda ni Ma’am Lexi. Parang artista sa Spanish telenovela. Mahaba ang buhok, naka-off-shoulder gown, tapos nakatingin kay Don Quixotte na bihis na bihis. Pero ibang-iba siya sa itsura ni Sir ngayon. Mas... masaya. Mas magaan. Mas buhay. Sa next page naman ay honeymoon shots. Sa Paris daw sila. May photo sa Eiffel Tower, may picnic, may sabayang kagat sa croissant. Tapos meron pang naka-caption ng “My forever tormentor – Q” Ay, may kilig ako konti. ‘Wag mo akong i-judge. Pag bukas ko pa ng ilang pages, nakita ko na ‘yung baby pictures ni Miko. Naka-bonnet, nakasabit sa dibdib ni Lexi. Tapos may isa, kinukutusan ni Lexi si Don habang nilalanggam sila ng ice cream sa tabi ng stroller. Parang ang saya noon. Parang ibang mundo. At parang masakit isipin na wala na ‘yung mundo na ‘yon. Napahawak ako sa dibdib ko. Hindi ko sila kilala nang panahong ‘yon, pero ang bigat sa dibdib. Parang gusto kong sumigaw ng “Bakit?! Bakit kailangan siyang mawala?!” Hindi ko napansin, nakabuka na pala ang pinto. “Ano’ng ginagawa mo?” BLAG! Parang tumalon lahat ng internal organs ko. Napalingon ako. Si Don Quixotte. Nakatayo siya sa pinto ng receiving area, hawak ang suot niyang coat sa isang balikat, seryoso ang mukha. ‘Yung tipong hindi mo mabasa kung galit ba siya o gutom lang. “S-sorry po, Sir!” Agad kong sinara ang album at parang hinimatay ang puso ko. “Nagwawalis lang po ako tapos... lumabas po ‘yung photo album... tapos... ayun… nadala po ako sa feelings.” Hindi siya gumalaw. Nakatitig lang siya sa akin, tapos sa album, tapos bumalik ang mata niya sa akin. Walang sinabi. Walang sigaw. Pero ramdam kong tensyonado siya. Tumayo agad ako, hawak pa rin ang album na parang mainit. “Ibabalik ko na po! Hindi ko na po gagalawin, pramis!” Tahimik. Mga ilang segundo. Pero parang isang oras ‘yon sa feeling. Saka lang siya nagsalita. “Hindi mo ‘yon dapat hinahalungkat.” Ouch. “Opo, Sir... sorry po talaga. Hindi ko po sinasadya. Curious lang po kasi ako. Ang ganda po ng asawa niyo. Saka sayo rin naman po, nu’ng time na ‘yon. Mukha kayong... masaya.” Biglang lumamig ang hangin. Pero hindi siya sumagot. Lumapit lang siya, kinuha ang album sa kamay ko—hindi marahas, pero may bigat—at marahan itong ibinalik sa drawer. Tahimik pa rin siya. Tapos, tumingin siya sa akin. Sandali lang. Sandali lang talaga. Pero ‘yung tingin niya? Hindi galit. Pagod. Walang tulog. At siguro… sugatan. “S-sir…” bulong ko, pilit ang lakas ng loob ko. “Sorry po ulit. Hindi ko po intensyon na—” “Okay na,” putol niya. Walang emosyon. “Just… don’t go through things that aren’t yours.” Tumango ako. “Opo. Hindi na po.” Huminga siya nang malalim. Tumalikod. Akala ko aalis na siya—pero huminto siya sa pinto. “I kept that album hidden. I didn’t want Miko growing up seeing it too early. Kasi gusto ko... si Miko ang bubuo ng sarili niyang memory…” Tahimik lang ako. Hindi ko alam kung dapat ba akong sumagot, o tumakbo paalis. Pero bago pa ako makapagsalita, nagsalita ulit si Sir. Mahina. “... because she said the past may be beautiful… but heavy.” At ayun. Tumalikod na siya tuluyan. Iniwan niya akong nakatayo sa gitna ng receiving area, hawak ang walis, at ‘yung puso ko—medyo kumirot. Pero alam ko na. Hindi pa rin siya okay. Hindi pa rin siya buo. Pero ngayon, alam ko na rin— Buhay pa si Lexi sa alaala. At habang andito si Don at si Miko… Ako, si Mira, yaya ng mansyon, ay magiging bantay sa pagitan ng alaala at kasalukuyan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD