“Boss!”
Halos maubos ang boses ko sa sigaw habang tinatakbo ko siya sa gitna ng malakas na ulan. Basang-basa na ako mula ulo hanggang paa, at pakiramdam ko ay dinudurog ng malamig na hangin ang balat ko. Pero kahit halos mabulag na ako sa lakas ng ulan na dumadampi sa mukha ko, hindi ko tinigil ang pagtakbo.
Sa wakas, nadatnan ko siya sa gilid ng kalsadang malapit sa gate ng mansyon. Nakatalikod siya, nagmamadali, at parang wala nang ibang naririnig kundi ang lagaslas ng ulan.
“Boss! Hintay lang!”
Napahinto siya at napalingon sa akin, malamig ang tingin na parang hindi siya natutuwa na sinundan ko pa siya. Basa na ang buhok niya, at ang puting polo niya ay halos dumikit na sa katawan niya sa sobrang basa. Pero kahit ganito ang sitwasyon, ang tindig niya ay matatag, parang wala siyang ibang iniisip kundi si Miko.
“Mira?!” malakas niyang sigaw para mapatungan ang ingay ng ulan. Kita ko kung paano tumaas ang kilay niya sa inis. “Anong ginagawa mo rito?! Hindi ba sinabi ko na—”
“Boss, kasama niyo ako!” putol ko agad, kahit hinihingal ako.
Halos manlaki ang mata niya, parang hindi makapaniwala sa sinabi ko. Nilapitan ko siya kahit halos madulas na ako sa putik sa lupa.
“Bumalik ka sa loob!” galit niyang sigaw, humakbang siya palapit sa akin at parang balak na akong hilahin pabalik. “Delikado rito! Hindi mo kaya ‘to, Mira!”
“Kaya ko, Boss!” sagot ko agad, kahit nanginginig ang tuhod ko. Tumingin ako diretso sa mata niya kahit ang lamig ng tingin niya ay parang binabato ako ng yelo. “Hindi po ako pwedeng maghintay lang sa loob! Si Miko po ang hinahanap natin—at… at baka kailangan niya tayo pareho ngayon!”
“Hindi mo naiintindihan—”
“Boss, naiintindihan ko!” halos napasigaw na ako. Halos manginig yung boses ko sa lamig at sa kaba, pero tinuloy ko pa rin. “Oo, hindi ako magaling sa maraming bagay, at oo, palpak ako palagi… pero isa lang ang sigurado ako—gusto kong tulungan kayo! Hindi lang dahil katulong ninyo ako, kundi dahil… dahil mahalaga sa akin si Miko!”
Napatingin siya sa akin, seryoso, pero hindi na siya agad sumagot. Ang mga patak ng ulan ay parang pako na tumutusok sa balikat namin habang nagkatitigan kami sa gitna ng dilim ng paligid dahil sa lakas ng ulan. Kita ko kung paano gumuhit ang tensyon sa mukha niya, kung paano niya pinipigilan ang emosyon niya.
“Mira…” mas mahina na yung boses niya ngayon, pero galit pa rin yung tono niya. “Hindi mo alam kung anong hinaharap natin sa labas. Malakas ang ulan, basa ang kalsada, madulas ang daan—baka ikaw pa ang madisgrasya. Ayokong dalawa kayong mawala.”
Napatigil ako doon. Dalawa? Para bang may kirot na tumama sa dibdib ko nang sabihin niya ‘yon. Kahit malamig ang boses niya, kahit galit siya, ramdam ko yung bigat ng takot niya—hindi lang kay Miko, kundi… pati na rin sa akin?
Pero hindi ko hinayaan na matalo ako ng takot. Huminga ako nang malalim at ngumiti kahit nanginginig pa ang labi ko.
“Boss… kung mawala po ako, hindi niyo naman po ako ipagdadalamhati, hindi ba?” biro kong sabi, pilit kong tinatawanan ang lamig ng sitwasyon. “Pero si Miko… siya po ang hindi natin pwedeng pabayaan. Kaya… kaya wag na po kayong mag-aksaya ng oras sa pakikipagtalo sa akin. Kasama niyo ako, Boss. Gusto niyo man o hindi.”
Tumigil siya, parang nagugulat sa kapalmuks kong sagot. At sa gitna ng malakas na ulan, nakita ko kung paano niya pinikit ng mariin yung mata niya, parang sinusubukang intindihin kung bakit pa siya nakikipag-usap sa isang tulad kong clumsy at makulit.
“Mira…” malalim ang hinga niya, halatang pigil na pigil ang inis niya. Tiningnan niya ako nang diretso, at doon ko lang napansin na may bakas ng takot sa malamig niyang mata. “Kung anuman ang mangyari sa’yo—”
“Wala pong mangyayari sa’kin, Boss.” ngumiti ako kahit nanginginig. “May kasama naman po ako—kayo.”
Hindi na siya nakasagot. Huminga siya nang malalim, parang sumuko na siya sa kakapigil sa akin. Tumalikod siya at nagsimulang maglakad ulit, pero hindi na niya ako tinaboy.
“Sumunod ka na lang sa akin,” malamig niyang sabi habang naglalakad. “At wag kang lalayo kahit kailan.”
Napangiti ako nang bahagya kahit nanginginig ako sa lamig. Yes! sigaw ko sa isip ko.
At habang sinusundan ko siya sa gitna ng ulan, sa madulas na kalsada at sa madilim na gabi, isang bagay lang ang tumatak sa isip ko: Ito na ang pagkakataon ko. Kahit gaano pa siya kasungit, kailangan ko siyang tulungan. Kailangan nating mahanap si Miko.
Ang lakas ng ulan, parang pako na bumabagsak sa balat ko. Nanginginig na ang tuhod ko sa ginaw habang magkasabay kaming naglalakad ni Boss Don sa gilid ng kalsada. Basang-basa na kami pareho, at sa bawat hakbang, kumakapit ang putik sa tsinelas ko—este, sa boots na hiniram ko kay Mirl.
Tahimik si Boss. Sobrang tahimik. Parang isa siyang pader na walang emosyon, pero kita ko sa mukha niya ang tensyon. Namumula ang tenga niya sa lamig, nanginginig nang bahagya ang kamay niyang nakasuksok sa bulsa, at bawat segundo ay parang hinihila siya ng kaba.
“B-Boss…” alanganin kong tawag habang halos sumisigaw na ako para malampasan ang ingay ng ulan. “Sa tingin niyo po ba… nasa labas ng mansion si Miko?”
Hindi siya sumagot agad. Tiningnan niya ako ng mabilis, malamig pa rin ang mata niya, pero halatang may iniisip siya.
“Hindi natin alam,” malamig niyang sabi, pero may bahagyang pag-asa sa tono. “Pero kahit saan pa siya pumunta… hahanapin ko siya.”
Tumango ako. “Opo, Boss…”
Patuloy kaming naglakad, pero sa bawat hakbang niya, ramdam ko ang bigat ng bawat segundo. Tinitingnan niya ang paligid, parang isang sundalong nasa mission. At ako? Well, ako yung recruit na obvious na hindi trained para sa ganitong klaseng operasyon.
Dahil nga… ayun. Napadulas ako.
“Ayyyy!” malakas ang sigaw ko nang madulas ang boots ko sa putik. Para akong biik na binato sa kalsada, at kung hindi lang mabilis ang reflex ni Boss Don—
“Mira!” Mabilis siyang kumilos, hinila ang braso ko at agad akong naalalayang tumayo. Ang init ng kamay niya kahit basa sa ulan.
“Aray… sorry, Boss…” nangingiti-ngiting nahihiya akong sabi, hawak ko yung braso niyang nakatulong sa’kin.
“You’re so clumsy…” umiling siya, halatang iritado pero may kakaibang lambing sa tono niya. “Kung wala ka sa tabi ko baka nakahiga ka na sa putikan ngayon.”
“Pasensiya na po, Boss…” ngumiti ako nang malamya, pero sa loob-loob ko—Ayan na naman! Nahawakan niya na naman ang kamay ko! Kilig overload!
At habang tinutulungan niya akong itayo nang maayos, biglang may pumasok na buhangin—o siguro langaw—sa mata ko.
“Ayy! Aray! Boss, may pumasok po sa mata ko!” agad kong hinimas ang mata ko, pero mas lalo lang yata akong napapikit nang mahigpit. “Ang hapdi po!”
“Mira, wag mong kusutin!” sigaw niya agad. Nilapit niya yung mukha niya sa akin, seryoso ang tingin. “Tingnan mo ako.”
“Ha?”
“Tingnan. Mo. Ako.” ulit niya, malamig ang boses pero halatang nag-aalala.
Dahan-dahan kong binuksan yung mata ko kahit mahapdi. At doon—bigla siyang yumuko nang konti, halos magdikit yung mukha namin. Nakita ko kung gaano kagwapo talaga ni Boss Don sa malapitan—yung mga pilik-mata niyang basang-basa sa ulan, at yung matangos niyang ilong na halos dumikit sa akin.
“Wag kang kikilos,” mahinahon niyang sabi. At bago ko pa ma-process ang nangyayari—
Hinipan niya yung mata ko.
Para akong kinuryente sa ginawa niya. Mainit yung hininga niya kahit malamig ang paligid, at ang bango! Ang bango-bango! Parang bagong labas sa commercial ng mint toothpaste!
“Better?” tanong niya pagkatapos, malamig pa rin yung boses pero nakatitig siya sa mata kong inaayos niya.
Napatulala ako saglit bago nakasagot. “O-opo, Boss… gumanda na po…”
“Gumanda?” Tinaasan niya ako ng kilay, halatang hindi natuwa sa choice of words ko.
“A-ah, ang ibig ko pong sabihin… gumaling po…” ngumiti ako, namumula yung pisngi ko kahit malamig. Bakit ko ba nasabi yung gumanda? Ang tanga ko talaga!
Umiling na lang siya, parang sumusuko sa kakulitan ko. “Umayos ka na nga. Baka mauna pa tayong dalawa sa ospital bago si Miko kung hindi tayo magmadali.”
“Okay po, Boss.” Tumango ako, pero habang naglalakad kami ulit, hindi ko mapigilang hawakan yung pisngi ko. Hinipan niya yung mata ko! At ang bango-bango ng hininga niya! Baka… baka destiny na ‘to! Ay, Mira, tumigil ka nga, baka suntukin ka ni Boss pag nalaman niyang iniisip mo ‘yan!
Nagpatuloy kaming maglakad sa ilalim ng malakas na ulan, at kahit malamig, kahit basang-basa, kahit malamig ang aura ni Boss Don… hindi ko mapigilang ngumiti.
“Boss, promise, hindi ko po kayo iiwan. Magkasama po tayo hanggang mahanap natin si Miko.”
Hindi siya sumagot. Pero narinig ko yung malalim niyang buntong-hininga. Parang kahit papaano, tinanggap na niya na nandito ako—at kahit hindi niya aminin, baka nga natutuwa na siya.
O baka wala lang talaga siyang choice Kasi very hardheaded ako eh.
Wink…wink…