#ILoveYouBro
CHAPTER 3
Matulin na lumipas ang panahon. Nagtapos sila ng elementary ng sabay. Si Jack, may honor, third honor habang si Jones naman ay wala. Palibhasa ay mas matalino ang una kaysa sa pangalawa. Matalino rin naman si Jones pero mas lamang lang sa kanya si Jack.
Sa pagpasok nila ng high school, maraming pagbabago, lalo na sa kanilang mga sarili.
“Naks naman! Lakas maka-Jose Rizal ng buhok mo ah, flat na flat ang ayos at ang kintab-kintab,” nang-aasar na sabi Jones kay Jack. As usual, magkasama sila ngayon sa garden ng school na pinapasukan nila ngayong high school.
Sinamaan ni Jack nang tingin ang kaibigan. Natawa lamang sa kanya si Jones. Paano naman kasi, halos isang sachet yata ng gel ang naubos ni Jack para sa buhok niya. Gupit school ang buhok nito na nakahati sa gilid at straight na straight pa, kung titingnan, pormal na pormal ang ayos at parang buhok nga ni Jose Rizal.
“Sige asar pa,” naiinis na sabi ni Jack kay Jones.
“Eh kasi naman, anong nakain mo at ganyan ang ayos ng buhok mo? Lakas maka-unang panahon eh,” wika ni Jones. Ang ayos naman kasi ng buhok ni Jones ay nakataas at may wax. Gupit school din ang buhok nito pero hindi naman katulad ng kay Jack ang ayos, kumbaga ay nakasunod siya sa uso.
“Sa ito ang gusto kong ayos, anong pake mo?” maangas na tanong ni Jack.
Mahinang tumawa si Jones. “Okay, kung ‘yan ang trip mo,” tumango-tango siya.
Sa paglipas rin ng panahon, kasabay ng mga pagbabago sa buhay nila bilang binata ay ang pagbabago rin sa kanilang mga katawan. Pareho silang medyo lumalaki na ang mga katawan at ang boses ay lumalalim at nagiging buo na rin. Ang hindi lang nagbabago sa kanila, ay ang malalim nilang pagkakaibigan.
“Napapansin ko lang sa’yo Jack, masyado ka ng nagiging conscious pagdating sa itsura mo,” wika ni Jones habang tinitingnan si Jack.
“Syempre mga binata na tayo kaya dapat lang hindi natin pabayaan ang kagwapuhan. Kung ikaw nga, conscious ka din eh,” sabi ni Jack.
Ningitian ni Jones si Jack. “Hindi magtatagal ay mas marami pang magbabago sa mga itsura natin. Magkakaroon tayo ng mga buhok hindi lang sa katawan kundi pati na rin sa mukha, magkakaroon na tayo ng bigote at balbas,” aniya.
Tumango-tango si Jack sa sinabi ni Jones. “Gusto mo ba ‘yun?” tanong nito.
“Oo naman! Lakas kaya makalalaki kapag may ganun, ikaw ba?” tanong ni Jones.
Nagkibit-balikat si Jack. “Depende, kung malinis akong tingnan kung may bigote at balbas, edi maganda,” sagot niya.
“Edi maligo ka araw-araw para malinis kang tingnan kahit may bigote at balbas,” natatawa na sabi ni Jones.
Naningkit naman ang mga mata ni Jack habang tinitingnan si Jones. Sa kanilang dalawa na magkaibigan, si Jack ang pinaka-OC o ang iba ay tinatawag itong vein. Masyado itong malinis hindi lamang sa sarili kundi pati na rin sa katawan. Si Jones naman ay sakto lang.
“Anyway, sasali ako sa basketball team. Alam mo naman na mahilig akong magbasketball, ‘di ba?” tanong ni Jones. Sa kanila namang dalawa, si Jones ang athletic, si Jack kasi ay more on academics at hindi into sports.
“Edi sumali ka. Hindi mo naman kailangan ipaalam sa akin,” sabi ni Jack.
“Sinasabi ko lang naman para alam mo. Baka mamaya ay hanapin mo ako maya’t-maya,” nangingiting sabi ni Jones.
“At bakit naman kita hahanapin maya’t-maya?” tanong ni Jack.
Ningitian ni Jones si Jack. “Eh kasi alam ko namang mamimiss mo ako,” sabi niya. “Kaya ipinapaalam ko sa’yo na sasali ako sa basketball team nitong school para alam mo kung ano ang pinagkaka-busyhan ko. Alam mo naman siguro na kapag kasali ka sa sport team sa school, hindi maiiwasan na maging busy dahil sa mga practice,” dugtong pa niya.
Tumango-tango si Jack. “Bahala ka, gawin mo ang gusto mo,” aniya.
“Ikaw ba? May sasalihan ka na bang org dito sa school?” tanong ni Jones.
Umiling si Jack. “Wala pa,” sagot niya.
“Wala ka pang napipiling salihan?” tanong pa ni Jones.
“Wala pa nga,” sagot ni Jack. “O baka wala na lang akong salihan,” sabi niya pa.
Tumango-tango na lang si Jones.
---
Hangang-hanga si Jack habang nakatingin kay Jones na ngayon ay sumasalang sa basketball practice nito. Nakaupo siya sa may bleachers, sa pangatlong row at siya lamang mag-isa. Sa bawat dribble, lay up at shoot nito, aminado siyang nagagalingan sa kaibigan. Naalala niya, noong mga bata pa sila, tinuturuan rin siya nito mag-basketball pero mukhang hindi niya gusto ang sport na ito at hindi rin siya nito gusto dahil hindi siya matuto-tuto. Nakaka-shoot naman siya pero kapag maglalaban sila ni Jones, palagi siyang natatalo nito.
Ngumiti si Jack nang tumingin sa kanya si Jones na ningitian naman siya at sinaluduhan pa siya. Hindi niya alam kung niyayabangan siya ng kaibigan o ano pero masasabi niyang may ipagmamayabang naman talaga ito dahil sa magaling talaga.
Lumipas ang mga minuto ay hindi namalayan ni Jack na may umupo sa upuan na nasa tabi niya. Isang lalaki na kasing-edad lang niya at mukhang year level rin niya.
“Kaibigan mo ba siya?” tanong ng lalaki na tiningnan naman ni Jack dahil bigla siyang tinanong nito.
“Ha?” hindi naman nabingi si Jack. Nagulat lamang siya na kinausap siya nito.
Ngumiti ang lalaki. In fairness naman, gwapo ang lalaking estudyante na kumakausap kay Jack ngayon.
“Sabi ko kung kaibigan mo ba ‘yung nagbabasketball,” pag-uulit nito.
“Ah... Oo,” nag-aalinlangang sagot ni Jack. ‘Bakit ba ko kinakausap nito? Hindi ko naman siya kilala,’ isip-isip niya. ‘At bakit ko din ba siya kinakausap?’ sa isip niya pa.
“Magaling siya, pwedeng-pwede sa basketball team,” sabi nito. Ngumiti ito na lalong nagpagwapo dito dahil lumabas ang magkabilang dimples nito.
Tiningnan ni Jack ang binata. Gwapo ito, mukha ring matangkad kahit na nakaupo ito dahil mahaba ang legs. Malapad ang balikat at medyo malaki ang katawan kahit na mukhang bata pa ito, makinis ang balat at mestiso. May pagkabilugan ang mga mata, matangos ang ilong at may kakapalan ng kaunti ang labi na natural ang pagkapula.
“Oo nga. Magaling talaga ‘yang kaibigan ko pagdating sa basketball kaya nga hanga ako sa kanya,” pagmamalaki ni Jack.
“Gusto mo ba na mapasali siya sa team?” tanong ng lalaki.
“Oo naman! Pangarap rin niya ‘yan at bilang kaibigan niya ay gusto kong matupad rin ‘yon,” sagot ni Jack. “Teka, bakit mo tinatanong?” tanong niya pa.
Ningitian ng binata si Jack. “Hayaan mo at akong bahala,” sabi niya.
Nagulat si Jack. “Ha? Ikaw ang bahala? Ano’ng ibig mong sabihin?” nagtataka na tanong niya.
“I’m the team captain,” sagot ng binata saka ningitian si Jack. “May potential siya at nakikita ko ‘yon, malaki ang maitutulong niya sa team,” sabi niya pa.
Nanlaki ang mga mata ni Jack. “Talaga? Ikaw ang team captain ng basketball team?” tanong ni Jack. Literal na nagulat siya sa sinabi nito.
Tumango-tango ang binata.
‘Siya pala ang team captain ng basketball team,’ sa isip-isip ni Jack.
“I’m Christian, third year,” pagpapakilala nito sa kanyang sarili.
“Ah... ako naman si Jack, first year,” pagpapakilala rin ni Jack sa kanyang sarili saka ningitian si Christian. ‘Ahead pala siya sa’kin,’ sa isip-isip niya.
“Nice to meet you, Jack,” ningitian ni Christian si Jack.
Nagpatuloy sa pag-uusap ang dalawa, ang hindi nila alam, nakatingin sa kanila si Jones na nakaupo sa isang monoblock chair at nagpapahinga. Walang mababanaag na ekspresyon sa mukha niya.
---
“Mukhang close na kayo ni team captain, ah,” sabi ni Jones kay Jack. Sabay silang naglalakad pauwi dahil tapos na ang maghapon nilang klase sa school.
“Hindi naman masyado, nag-usap lang kami,” sagot ni Jack. “Nagulat nga ako na team captain pala siya ng basketball team ng school. Hindi ko naman kasi kilala kung sino siya at alam mo naman na wala akong pake sa ganyan,” sabi niya pa.
Tumango-tango lang si Jones.
“Oo nga pala, sabi niya sa akin na siya ang bahala para makapasok ka sa team kasi may potential ka daw at nakikita niya ‘yon sa’yo, malaki daw ang maitutulong mo sa team,” sabi ni Jack.
“Hindi lang ako may potential, magaling lang talaga ako, baka nga palitan ko pa siya sa pagiging team captain dahil sa sobra kong galing,” pagyayabang ni Jones.
Umikot ang mga mata ni Jack. “Minsan talaga ang yabang mo,” umiling-iling siya. “Ay mali, madalas ka palang mayabang,” dugtong pa niya.
Ningisihan ni Jones si Jack. “Hindi ako nagyayabang, nagsasabi lang ako ng totoo,” aniya.
“Edi wow!” sarcastic na sabi na lamang ni Jack.
Natawa si Jones sa sinabi niya. “Ano nga palang ulam niyo ngayong dinner?” tanong niya kay Jack.
“Bakit mo tinatanong? Makikikain ka na naman?” balik-tanong ni Jack.
“Oo, kung masarap ang ulam niyo,” sagot ni Jones.
Napanguso naman si Jack. Tinawanan naman siya ni Jones.