CHAPTER 7

2500 Words
#ILoveYouBro CHAPTER 7 Mabilis na lumipas ang panahon, fourth year high school na sila. Huling taon na nila sa high school at ngayon pa lang ay nararamdaman na nila ang nalalapit nilang pagtatapos sa yugtong ito ng pag-aaral nila. Lalong naging busy sina Jack at Jones, sa academics man at sa curricular activities kaya naman naging madalang na ang pagsasama nila, tanging sa loob na lamang sila ng classroom nagkikita at nagkakausap dahil hanggang sa huling taon nila sa high school ay magkaklase sila. Sa taong ding ito, ramdam na nila ang mas maraming pagbabago, sa katawan man at sa damdamin. “Bro.” Naputol ang pagbabasa ni Jack. Nag-angat siya ng tingin. Tiningnan niya si Jones na siyang tumawag sa kanya at nakatayo sa harapan ng lamesa na inookupa niya dito sa garden. Gumuhit naman sa kanyang mukha ang pagtataka at kumunot naman ang noo niya nang tiningnan niya ang katabi ni Jones at nakatayo din sa harapan niya. Hindi ito pamilyar sa kanya kaya nagtaka din siya kung bakit ito kasama ng kaibigan niya. Ningitian ni Jones si Jack na muli naman siyang tiningnan. “Bro, siya pala si Steph, ang gusto kong babae,” pakilala ni Jones kay Steph. “At nililigawan ko siya,” aniya pa. Nagulat si Jack sa sinabi ni Jones. “Talaga?” tanong niya. ‘Bakit hindi ko alam na may nagugustuhan na pala siyang babae at nanliligaw na pala siya?’ sa isip-isip niya pa. Tumango-tango si Jones. Muli namang tiningnan ni Jack si Steph. Masasabi niya na maganda itong babae. “Hi,” mahinhin na pagbati ni Steph kay Jack. Ngumiti naman si Jack. Sa likod ng ngiti niya, may hindi siya maipaliwanag na bigat na hindi na lamang niya pinansin. “Siya pala si Jack, ang best friend ko,” pinakilala naman ni Jones kay Steph si Jack. Muling ningitian ni Steph si Jack. “Ang ganda niya ‘di ba, bro?” tanong ni Jones kay Jack. “Jones,” si Steph na biglang nahiya sa sinabi ni Jones. Marahan niya pa itong pinalo sa braso. Tumawa naman si Jones. “Totoo namang maganda ka, tama naman ako ‘di ba, bro?” tanong na naman niya kay Jack. Ningitian ni Jack si Jones at Steph. Tumango-tango siya saka tiningnan si Steph. “Tama si bro, maganda ka,” aniya. “Hindi naman,” pa-humble na sabi ni Steph. “Oo nga pala, kakain kami ng lunch ni Steph, sabay ka na sa’min,” aya ni Jones kay Jack. Tiningnan ulit ni Jack si Jones. “Kakakain ko lang,” sabi niya. “Talaga?” tanong ni Jones. Tumango-tango si Jack. “Kayo na lang ang kumain,” sabi niya saka tiningnan si Steph. Ngumiti siya. “Okay,” sabi na lang ni Jones. Tiningnan niya si Steph. “Tara?” tanong niya. “Sige,” sagot ni Steph. Muling tiningnan ni Jones si Jack. “Pa’no at mauna na kami, kitakits na lang tayo mamaya,” sabi niya. Ningitian ni Jack si Jones. “Sige,” aniya. “Nice meeting you, Jack,” sabi ni Steph kay Jack. “Nice meeting you din,” wika naman ni Jack. “Tara na,” aya ni Jones kay Steph. Tumango-tango si Steph. Nakasunod naman ang tingin ni Jack kay Jones at Steph na naglalakad na palayo sa kanya. Nagbuntong-hininga na lang siya ng malalim. --- “Congrats sa inyo ni Steph,” masayang pagbati ni Jack kay Jones saka niya ito ningitian. Ningitian ni Jones si Jack. “Akala ko nga hindi na niya ako sasagutin eh. Halos tatlong linggo ko rin siyang niligawan,” sabi ni Jones. Masaya siya na sinagot siya ni Steph, ang first girlfriend niya. “Sabi nga nila, kapag may tiyaga, may nilaga,” wika ni Jack. “Sa ganda ba naman ni Steph, kailangan pinaghihirapang makuha,” sabi ni Jones. Kahit naman si Jack, nagagandahan kay Steph, matangkad ito at sexy, ang mukha ay parang may lahing Chinese dahil sa hulma at ang mga mata ay singkit. “Mabuti nga at pumayag sila tita na magkaroon ka na ng girlfriend,” sabi ni Jack. Lingid sa kaalaman ni Jones, may pakiramdam si Jack na hindi niya gusto, ewan ba niya kung bakit niya ito nararamdaman dahil lamang sa nalaman nilang may girlfriend na ang kaibigan, pinipilit na lamang niya itong itinatago alang-alang sa pagkakaibigan nila. Isa pa, hindi naman siya sigurado sa kung ano ang nararamdaman niyang ito na kakaiba kaya hindi na lamang niya pinapansin pa. “Oo naman. Hindi naman sila tutol sa ganun saka alam naman nila na binata na ako kaya normal lang na magkaroon ako ng syota, pinaalalahanan lang nila ako lalo na sa mga bagay na kailangan ay may limitasyon,” wika ni Jones. Tumango-tango si Jack. “Ikaw ba? Kailan ka ba magkakaroon ng girlfriend?” tanong ni Jones. Umayos ito sa pag-upo sa inuupuang upuan na nasa bandang dulo ng classroom at katabi ang inuupuan ni Jack. Wala pa silang teacher kaya malaya silang nakakapagkwentuhan. Ngumiti nang maliit si Jack. “Wala pa sa isipan ko ang mga ganyan. Ang tanging goal ko sa ngayon ay ang mag-aral at makatapos,” sagot niya. “Pwede namang pagsabayin ang pag-aaral at pakikipagrelasyon,” sabi ni Jones. “Pwede nga, nasa atin naman ‘yon kung paano gagawin pero kasi, wala pa nga siya sa isipan ko,” pagsang-ayon ni Jack. “May point ka naman,” sabi ni Jones. “Pero kung sakaling may nagugustuhan ka ng babae at gusto mo siyang ligawan para mapasayo, sabihin mo sa akin, tuturuan kita kung paano ang mga moves at gagawin mo sa panliligaw. Kung hindi mo naitatanong, expert ako diyan, kaya ko nga napasagot si Steph,” pagyayabang niya pa. Tinawanan ni Jack si Jones. “Yabang! If I know, nagbasa ka lang kaya ka nakakuha ng mga idea sa panliligaw,” sabi niya. “Hindi ah! Diskarte ko lang ‘yon,” pagtatanggol ni Jones sa sarili niya. Natigil ang pag-uusap ng dalawa ng dumating na ang teacher nila. Umayos sila sa pag-upo. “Makinig na muna tayo sa teacher,” sabi ni Jack. Mahinang tumawa na lang si Jones. --- Nasa loob si Jack ng kanyang kwarto. Nakaupo siya sa isang upuan na nasa harapan ng bintana. Hawak niya ang isang libro na binili niya sa bookstore. Nagpunta siya sa bookstore mag-isa para malibang na rin at makalimutang may girlfriend na si Jones dahil hindi rin ‘yon maalis sa isipan niya. Ewan ba niya kung bakit. Speaking of Jones, hindi niya ito nakasama sa pagpunta dahil na rin sa kasama nito ang girlfriend na si Steph ngayon at malamang ay nagde-date ang dalawang ‘yon. Nakatingin si Jack sa hawak niyang libro. Binili niya ito dahil na-curious siya sa title at higit sa lahat, sa larawang nakalagay sa pabalat. Puro kasi lalaki ang nasa cover na mukhang nagpo-portray sa mga karakter na nasa libro. Makapal ang nasabing libro. Binasa niya ang mga nakasulat sa likod. Nagulat siya dahil ang akala niyang simpleng kwento na meron ang librong ito ay isang kumplikadong sitwasyon pala ng isang relasyon. Kwento ng isang lalaking nagmamahal ng isang lalaking naaksidente at na-coma. Umaasa na gigising pa ang minamahal. Sa gitna nang paghihintay na magising ang minamahal, dumating ang isang lalaking mamahalin rin niya kaya ngayon ay naiipit ang puso niya sa pagitan ng lalaking nagmamay-ari ng puso niya at sa lalaking unti-unting pumapasok sa puso niya. Sa tingin niya ay malalim at puno ng emosyon ang kwento. Lalo siyang na-curious sa nilalaman. Ewan ba niya kung bakit ganito ang pakiramdam niya, gustong-gusto niya itong mabasa at malaman ang mga nangyari. Gusto rin niyang malaman kung magwawagi ba ang isang pag-ibig ng pareho ang kasarian. Nagbuntong-hininga nang malalim si Jack. Hindi niya maintindihan ang kanyang sarili kung bakit tila nagiging interesado siya sa ganitong klase ng babasahin. Nagkibit-balikat na lang siya saka binuksan ang libro at binasa ito. --- “Mukhang puyat ka na naman, ano na namang ginawa mo?” tanong ni Jones kay Jack habang nakatingin siya ng mataman rito. Nasa classroom silang dalawa at kagaya ng mga kaklase nila ay naghihintay sila sa pagdating ng kanilang teacher sa social studies. Napansin ni Jones ang malalim na eyebags ni Jack sa ilalim ng mga mata nito kaya naman nasabi niyang puyat na naman ito. “May tinapos lang akong basahin kaya ako napuyat,” sagot ni Jack. Totoo naman, tinapos niyang basahin ang nabili niyang libro dahil sa sobrang ganda ng kwento, hindi niya napigilang ipagpabukas pa ang iba pang mga eksena na nasa libro kaya talagang tinapos niya kahit na antok na antok na siya. “Ganun ba? Baka mamaya niyan ay may problema ka na at hindi mo lang sinasabi sa akin,” sabi ni Jones. “Napuyat lang, may problema na talaga ang iniisip mo sa akin?” sabi ni Jack. “Saka ano namang magiging problema ko?” tanong niya pa. “Malay ko ba,” sagot ni Jones. “Ang sa akin lang naman, kaibigan mo ako, pwede mo akong sabihan ng mga problema mo kung meron man, handa naman akong makinig at makatulong kung kaya,” dugtong pa niya. Ningitian ni Jack si Jones. “Huwag kang mag-alala, wala akong problema, napuyat lang talaga ako sa pagbabasa,” paniniguro niya sa kaibigan para hindi na ito mag-alala pa. Tumango-tango na lang si Jones. “Okay, naniniwala naman ako kung ‘yan talaga ang dahilan,” aniya. Umiwas nang tingin si Jack kay Jones. Naalala niya ang nabasa niyang kwento. Masasabi niyang mapaglaro talaga ang pag-ibig. Akala mo, ‘yung kasalukuyang minamahal mo na ngayon ang siyang para sa’yo pero hindi pa pala dahil may darating at darating pang iba na tunay na nakalaan para mahalin at maging sa’yo. Sa librong ‘yon ay nalaman niya ang saya at lungkot na dulot ng pagmamahal. Sa librong ‘yon ay napatunayan niyang pwedeng maging happy ending ang isang pagmamahalang sinubok ng maraming pagsubok. Sa libro ring ‘yon ay nalaman niyang pwede talaga na magmahal ang pareho ang kasarian. Kung sabagay, puso naman kasi talaga ang siyang magdidikta kung sino ang siyang mamahalin at hindi ang isipan at mata. Sinasabi man ng isipan na mali, nakikita man ng mga mata ang maraming mali, sa huli, puso pa rin ang siyang masusunod at magwawagi at siyang magsasabi na tama lang ang lahat. Naisip tuloy ni Jack, kung sa totoong buhay kaya nangyayari ang ganoong klase ng kwento, magiging masaya rin ba sa huli? Alam naman kasi niya na iba ang kathang-isip lamang sa reyalidad. Isip ng taong nagsusulat o nagsasalaysay ng isang kwento ang masusunod sa isang kwentong kathang-isip lamang habang sa reyalidad, walang nasusunod. Kumbaga, hawak ng tadhana at ng taong may buhay ang magiging kapalaran at mangyayari sa buhay man niya o sa pag-ibig, hindi pwedeng makontrol, hindi pwedeng sabihin na dapat ito ang mangyari porket maganda ‘yon, gustuhin man na ‘yon ang mangyari pero minsan, hindi aayon sa gusto mo ang mangyayari. Paano kaya kung mangyari sa kanya ang mga nangyari sa nabasa niyang libro? “Ang lalim ng iniisip diyan,” sabi ni Jones. Bumalik sa reyalidad si Jack. Napatingin siya sa kaibigan. “Share mo naman,” sabi niya pa saka ningitian si Jack. “Wala akong iniisip, natulala lang ako,” sabi ni Jack. “Ano bang dahilan ng pagkakatulala ng isang tao? Edi pag-iisip ng malalim,” sabi ni Jones. “Share mo na ‘yan,” pamimilit niya pa kay Jack. Umiling si Jack. “Ikaw talaga ang dami mong alam,” sabi niya. Natawa naman si Jones. “Siyempre, matalino kaya ako,” pagmamalaki niya. “Edi ikaw na matalino, kaya idol kita eh,” pamimilosopo ni Jack. Tumawa lalo si Jones. “Dapat iniisip mo ngayon ay ang magiging laban niyo sa national hindi ‘yung buhay ko ang pinapakiealaman mo,” wika ni Jack. “Bakit ko pa iisipin ‘yon? Alam ko namang mananalo kami. Kami ang mag-uuwi ng tropeyo, saka isa pa, mas gusto kong makiealam sa buhay mo kaysa isipin ‘yon at kabahan,” sabi ni Jones. Napailing-iling na lang si Jack. Walang kakaba-kaba si Jones sa nalalapit na finals nila sa national, ang lakas ng confidence na mananalo. Magsasalita pa sana si Jack nang biglang dumating ang guro nila sa social studies. As usual, na-late dahil sa nagkaroon daw ito ng biglaang meeting. Umayos na sila sa pag-upo. Sandaling tiningnan ni Jack si Jones. Hindi nakatingin sa kanya ang kaibigan dahil sa harapan ito nakatingin. Tipid na lang siyang ngumiti saka iniwas ang tingin dito. --- “Hindi ka makakasabay sa’kin pag-uwi?” tanong ni Jack kay Jones na kausap niya sa phone habang nakatayo siya sa gilid ng building. “Oo, nag-aya kasi si Steph na pumunta kami sa mall. Samahan ko raw siya kasi may bibilhin siya,” sagot ni Jones mula sa kabilang linya. Tumango-tango si Jack. May tinitingnan ang mga mata niya. “Okay,” sagot na lang niya. “Enjoy kayo,” sabi niya pa. “Sige-sige, ingat ka sa pag-uwi, bro,” sabi ni Jones. “Bye,” wika pa nito. “Bye.” Tipid na ngumiti si Jack habang nakasunod pa rin ang tingin niya sa tinitingnan niya. Nakita niyang inalis na nito ang phone sa tenga. Ang sinusundan nang tingin ni Jack ay si Jones na mabagal na naglalakad kasabay si Steph. Magkahawak-kamay ang dalawa. Kinausap ni Jones si Steph. Ningitian naman ni Steph si Jones at may sinabi rin dito. Nakita ni Jack ang pagtawa ni Jones sa sinabi ni Steph. Tipid na ngumiti si Jack. Dahan-dahan niyang inalis ang kanyang phone sa tapat ng tenga niya at ibinaba ang kamay niya na may hawak dito. Huminga siya ng malalim saka niya itinago sa bulsa ng kanyang slack pants ang kanyang phone. Wala na sa paningin ni Jack sina Jones at Steph. Inayos niya ang pagkakasukbit ng dala niyang backpack sa kanyang mga balikat at naglakad na palabas ng school. Habang naglalakad ay nadaanan ni Jack ang isang convenience store. Huminto muna siya at tumingin dito. Ilang sandali pa ay muli siyang naglakad papunta sa convenience store at pumasok sa loob. Dumiretso si Jack sa freezer saka kumuha ng paborito niyang chocolate ice cream. Matapos kumuha ng ice cream ay pumunta siya sa counter at nagbayad. Matapos niyang magbayad ay pumunta naman siya sa mga upuan na nasa harapan ng salaming bintana at doon umupo. Ipinatong na muna niya sa gilid ng lamesa ang backpack niya. Pinapanuod ni Jack ang mga naglalakad sa labas habang nakaupo siya at kumakain ng ice cream. Ilang sandali pa ay naisip niya si Jones. Huminga siya ng malalim. Kumain si Jack ng paborito niyang ice cream dahil bumigat ang pakiramdam niya at mapapagaan ng ice cream kahit papaano ang pakiramdam niya. Nagkibit-balikat na lang siya at hindi na lamang muna niya pinansin ang nararamdaman niya. Inenjoy na lang niya ang pagdila sa ice cream.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD