Mula ng inamin ni William sa sarili ang nararamdaman niya para kay Atasha ay mas lalo siyang naging sweet sa dalaga. Hindi naman talaga niya akalaing magiging masaya siya ngayon sa piling ni Atasha. Bagay na akala niya noon ay hindi na mangyayari sa kanya. Wala pa nga silang relasyon. Ngunit hindi naman ipinagkakain ng dalaga sa kanya ang pag-asang maging sila sa takdang panahon.
Naalala niyang naging sweet din naman siya sa dating kasintahan. Lahat ng gusto nito ay ibinibigay niya. Ngunit iba pa rin ang mga bagay na nagagawa niya para kay Atasha. Na kahit ang gawaing bahay ay siya na ang gumagawa.
Noong nalaman niyang nagdadalangtao si Teresa ay palagi rin niya itong pinapaalalahanan na mag-ingat. Katulad din ng sa ngayon kay Atasha. Ang pagkakaiba lang ay ayaw na ayaw niyang gagawa pa ng gawaing bahay si Atasha, na palagi nitong ginagawa tuwing hindi siya kasama.
Habang nang bumalik si Teresa ay nawala ng bigla ang pagiging maayos nito sa bahay. Puro katulong na lang ang lahat. Parang ibang tao itong umuwi sa kanya. Naging busayak ito at makalat sa bahay. At sa lahat ng gustong-gusto nitong gawin, lalo na ang pagluluto ay inayawan na nito. Naisip na lang niya na dala siguro ng pagbubuntis. Iyon ang nasa isip niya. Kahit totoong napakalaki ng ipinagbago noon ni Teresa.
Pero ngayon, ang usapan nila ni Atasha ay ang magiging katulong niya ang dalaga. Pero lahat ng gawaing bahay, kung makakaya din naman niya ay siya na ang gagawa. Huwag lang itong mahirapan, o mapagod man lang. Napangiti na lang si William sa sarili nang maalala niya kung gaano niya iniingatan si Atasha.
"Hindi ka pa ba magpapahinga?"
Natigil sa ginagawa si William ng marinig ang boses ni Atasha. Naglilinis siya sa kusina. Katatapos lang din niyang dayagin ang kanyang mga pinaglutuan at pinagkainan kanina. Kaya ngayon ay nagmamop naman siya
"Love patapos na ako dito. Bakit lumabas ka pa ng kwarto? Nakatulog na ba si Juaquim? Gusto mo ba ng gatas? Ipagtitimpla kita," ani William na ikinailing lang ni Atasha.
Pinasadahan pa niya ang buong kusina. Malinis na at wala na ngang kalat. Maliban sa basang sahig na gawa ng paglilinis ni William.
"Kaya ko ng magtimpla ng sarili kong gatas. Ikaw, wala ka bang balak magpahinga? Sobrang aga mong umalis sa umaga, tapos ay wala ding palya ang pagpapadeliver mo ng pagkain dito sa tanghali. At sa gabi ay pinipilit mong makauwi bago mag-alas syete ng gabi para makapagluto. Tapos ngayon iyan ang ginagawa mo. Hindi ka ba napapagod? Akala ko ba ako ang katulong dito? Daig ko pang amo ah. Isa pa nakita ko ang ilang tambak ng trabahong iniuwi mo dito. Ano ka si Superman? Batman? Spiderman?"
Malawak na ngiti naman ang naging tugon ni William sa sinabi ni Atasha. Parang nawala ang pagod niya sa tono ng pananalita ng dalaga. Nag-aalala ito sa kanya.
"Mas mabuti ng ako ang mapagod kaysa ikaw love. Ayaw kong mahirapan ka, habang dinadala mo sa sinapupunan mo ang anak natin. Wala lang itong mga ginagawa ko. Hindi lang naman ako basta anak mayaman na walang alam sa buhay at puro trabaho lang ang alam. Kaya sisiw lang ang mga gawaing bahay. Kung noon ay kailangan ko ng katulong dito na pumupunta, iyon ay sa kadahilanang hindi ko na malinis ang bahay ko sa dami ng trabaho ko."
"So? Ngayon ba hindi ka busy sa trabaho ng lagay na iyan?" Nakataas ang kilay na tanong ni Atasha.
"Busy at maraming tambak na gawain. Ngunit iba ang sitwasyon noon at ngayon. Noon busy lang lang ako. Ngayon may inspirasyon na ako."
"Tama ka. Dinadala ko na ang anak mo oh."
"Atasha, hindi lang naman ang anak ko. Syempre ikaw at si Juaquim. At hindi ko lang anak. Anak natin. Kayo talaga ang inspirasyon ko." Pagtatama pa ni William.
"Bola."
"Hindi ah, totoo iyon love. Gusto mo bang gatas para makatulog ka na? Ipagtitimpla muna kita, bago ko tapusin ang ginagawa ko," ani William at naglinis muna ng mga kamay, bago ipinagtimpla ng gatas ni Atasha.
Hindi na rin naman kumontra pa si Atasha kay William. Gusto rin naman niya ang timpla nito. Sa araw-araw na magkasama sila ni William, lalo lang siyang nahuhulog dito. Mas lalo niya itong minamahal sa simpleng pag-aalaga nito sa kanya.
Napahawak si Atasha sa kanyang tiyan. Nasa limang buwan na rin iyon. Hindi nila namamalayan na napakabilis ng paglipas ng mga araw. Ilang buwan na lang manganganak na siya. Ngunit naroon pa rin ang mumunting pangamba sa puso niya na hindi niya malaman kung saan nagmumula. Sa tingin niya ay dahil sa tagal na niyang kasama si William ay wala man lang itong nababanggit tungkol sa pamilya nito. Although kilala niya ang mga magulang ni William. Kilala sa pangalan, noong siya pa si Atasha Castellejo.
Napatingin siya sa suot na damit. Ang mga nasusuot niya ngayon ay iyong mga oversize na. May umbok na rin ang kanyang tiyan. Ngunit katulad noong ipinagbubuntis niya si Juaquim ay hindi pa mahahalata sa malaking damit ang tiyan niya. Para lang siyang busog na napadami ng kain.
"Here's your milk, love."
"Enjoy na enjoy kang tawagin akong love ah."
"Wala naman si Juaquim." Nailing na lang siya sa sinagot nito sa kanya.
Matapos inumin ang gatas, ay huhugasan na sana niya ang basong ginamit niya ng pigilan siya ni William.
"Ako na. Take a rest love. It's already ten in the evening."
"Ako pa talaga ang inalala mo. Hindi ka ba talaga nakakaramdam ng pagod?"
"Syempre napapagod din. Pero nawawala ang pagod ko pagnakikita kita. Tulad ngayon kausap kita. Sapat na sa akin iyon Atasha."
"Ang cheesey mo ha. Talagang pinanindigan mo yang panliligaw mo. Matagal na rin mula noong simulan mo yang manuyo. Baka naman magsawa ka rin at makahanap ng iba," natatawa pa niyang saad.
"Iyang makahanap ng iba ang hindi mangyayari. Ikaw lang Atasha. Kung tatagal man ang panliligaw ko sa iyo ng taon, ay hindi naman ako maiinip o magsasawa. Mahalaga ay ikaw yan. Nakakausap ko, higit sa lahat nahahalikan ko."
Natigilan na lang si Atasha ng dumampi sa labi niya ang malambot na labi ng binata. Napailing na lang siya sa isip niya. Parang naglolokohan na lang sila ni William tungkol sa ligawang iyon. Isang beses na may nangyari sa kanila, at kinabukasan nga noon, inalok siya ng binata na maging kasintahan. Tapos ay nauwi sa ligawan. Hanggang sa nangliligaw ito sa kanya, pero kung makahalik, basta hindi nakikita ng anak niya ay daig pang kasintahan na siya.
Malawak ang ngiti ni William na lumayo sa kanya. Ngiting nakapagnakaw na naman ng halik sa kanya.
"Mukhang lumalampas ka na sa panliligaw mo Del Vechio. Love ang tawag mo sa akin at may paghalik ka pa."
"Pampaalis lang ng pagod love. Sige na matulog ka na. Patapos na rin ako dito."
Hindi na nakasagot si Atasha ng igaya siya ng binata papasok sa silid nilang mag-ina. Pagkapasok niya sa loob ay si William pa ang nagsara ng pintuan. Napangiti na lang siya.
ALAS dos ng madaling araw ng maalimpungatan si Atasha. Nakaramdam siya ng pagkauhaw kaya naman bumaba siya ng kama at tinungo ang pintuan.
Pagdating niya sa may salas ay nakita niya si William na may binabasang mga files na nakalagay sa folder habang may dalawang lata na ng beer sa lapag ng center table at mayroon pang isang sa tingin niya ay may laman pa na nasa tabi ng laptop nito.
Hinagip ni William ang lata ng beer at akmang ilalapat sa labi nito ng matigilan ito ng makita siya. "Love," ani William at mabilis na ibinaba ang lata ng beer na hawak at nilapitan siya.
"Bakit gising ka pa?" tanong ni Atasha.
"Nagising ba kita? Nagugutom ka? Nauuhaw? Maupo ka muna at ikukuha kita ng gusto mo." Iginaya siya ni William sa pang-isahang upuan bago lumuhod sa harapan niya. Naghihintay sa kanyang sasabihin kung ano ang gusto niya kung bakit siya nagising.
"Nauuhaw ako," sagot na lang ni Atasha. Mabilis namang tumalima si William at nagtungo sa kusina. Pagbalik nito ay may dala na itong isang basong tubig.
"Salamat," nasambit na lang niya ng mainom ang lahat na laman ng baso. "Hindi ka pa ba matutulog?"
Kitang-kita ni Atasha ang pag-angat ng kamay ni William at ang pagkamot nito sa batok.
"Bakit? May problema ba?" tanong pa ni Atasha.
"Hindi ako makatulog. Hindi ko alam, matagal na noong huli akong nakatulog ng maayos."
"Baka naman kasi gawa ng inom ka nang inom kaya hindi ka makatulog."
"Hindi naman, nakakatulog nga ako tuwing umiinom ako. Pagkaubos ko niyang ikatlong lata makakatulog na rin ako siguro."
"Ibig mong sabihin ikaw iyong nakakapuno ng basurahan sa labas ng mga lata ng beer?" gulat na tanong ni Atasha. Ngunit mas nagulat siya ng tumango ito. "Seryoso? Akala ko ay may ibang nagtatapon doon."
"Hindi ko din alam kung bakit nahihirapan akong matulog ngayon. Siguro dahil baka sumama ang pakiramdam mo ay tulog ako. Kaya hanggat kaya kong gising ako ay pipilitin kong gising ako. Pero nakakatulong naman ang beer para makatulog ako. Pero hindi naman ako lasing. Dahil konteng tawag mo lang sa pangalan ko, kahit tulog ako. Gigising ako, para sa iyo."
"Baka magkasakit ka niyan sa ginagawa mo. Tapos sobrang aga pa ng gising mo. Dahil paggising ko, nakaluto ka na. Minsan nasa kompanya mo na ikaw, bago pa ako magising."
"Wala namang kaso iyon sa akin. Ang mahalaga, maayos ka lang palagi."
"Okay, para hindi na ako mag-alala huwag mo ng ubusin iyang iniinom mo at matulog ka na rin."
"Mauna ka na. Tatapusin ko lang itong huling files at matutulog na rin ako."
"Samahan na lang kita."
"Atasha! Huwag matigas ang ulo."
"Ikaw ang huwag matigas ang ulo," singhal ni Atasha. "Matulog ka."
"Sige na ihahatid na kita sa silid mo," ani William.
"Ayaw ko."
"Atasha!"
Wala na rin namang nagawa si Atasha kundi ang sumunod kay William. Baka pag sumigaw pa ito ay maabala pa nito ang pagtulog ng anak.
Ngunit ng lalampasan na nila ang silid ni William ay itinulak ni Atasha ang binata palapit sa silid nito. Si Atasha na ang nagbukas ng pintuan at itinulak si William hanggang sa kama nito.
"Atasha! Ang pasaway ha. Paano kung nasaktan ka sa pagtulak mo sa akin?"
"Hindi naman ako nasaktan. Sige na mahiga ka na. Matulog ka na."
"Pero hindi naman ako makakatulog, nararamdaman ko ang sarili ko. Habang hindi ka pa natutulog, hindi rin ako makakatulog."
"Talaga lang ha. May alam akong paraan para makatulog ka," nakangiting saad ni Atasha. Nagliwanag bigla ang mukha ni William.
"Talaga? Magugustuhan ko ba iyan? Mag-aano ba----."
"Bastos! Naku noon nuknukan ka ng sungit. Laki ng ipinagbago mo ha. Tapos ngayon, minamanyak mo na ako. Mali ka ng iniisip. Hindi ganoon. Sasamahan lang kita."
"Akala ko naman," reklamo ni William na ikinatawa lang ni Atasha.
Aalalayan na sana ni William pahiga si Atasha ng pigilang siya ng dalaga.
"Anong ginagawa mo?"
"Akala ko ba sasamahan mo ako. Hindi mo ba ako tatabihan sa pagtulog?"
"Hindi sasamahan lang kita."
"Tabihan mo na ako. Promise behave naman ako. Hindi naman ako iyong namimilit ng ayaw. Maliban na lang kung ikaw ang may gusto."
Napairap na lang si Atasha. Malaki na talaga ang ipinagbago ni William. Noong nagkasama sila sa condo nito ay unti-unti na niyang nakikita ang pagbabago nito. Lalo na ngayon.
"Sige na."
Inalalayan na ni William si Atasha pahinga sa kama, bago siya nahiga sa tabi nito.
"Thank you love."
"Sus! Napakasweet mo ngayon ha."
"Hindi lang naman ngayon. Habang-buhay."
"Bolero."
"Hindi ah. Atasha."
"Hmm."
"Can I hug you?" parang batang tanong ni William na ikinatango ni Atasha.
"Oo naman. Tinabihan na nga kita dito at iniwan kong mag-isa sa silid namin ang anak ko. Ipagkakait ko pa ba sa iyo ang isang yakap kung iyan ang makakapagpatulog sa iyo. Para kang baby."
"Mas mabuti na iyong nagpapaalam. Baka mamaya bawas points na naman sa panliligaw ko, kung basta na lang kita yayakapin."
"Sige na. Oo na lang," naiiling na pagsang-ayon ni Atasha.
Pagkalapat pa lang ng braso ni William na iniyakap kay Atasha. At ang isang braso niyang ipinaunan sa dalaga ay nakadama kaagad siya ng antok. Akala niya ay hindi siya aantukin. Ngunit ngayong katabi niya si Atasha ay parang ang bilis niyang nakaramdam ng pagod.
"Mornight, Liam."
"I love you, Atasha," sa halip ay naging sagot ng binata.
Hindi na rin naman nagawang kontrahin pa ni Atasha ang sinabi ni William sa kanya. Bigla ay naramdaman na lang niya ang pagbigat ng talukap ng kanyang mga mata.
Kahit mamumungay ang mga mata ay saglit pa niyang sinulyapan si William. Sa paglapat pa lang ng ulo niya sa braso ng binata at sa kamay nitong yumakap sa kanya ay naramdaman niyang nakatulog na rin ito. Dahil na rin sa antok na kanyang nadarama ay tuluyan na rin siyang nakatulog.