Ilang beses pang kinatok ni William ang silid ng mag-ina, ngunit wala man lang sumasagot sa mga ito.
Napatingin pa siya sa suot na relo. Hindi na nga nakapagmeryenda ang dalawa. Tapos ngayon ay alas syete na ng gabi. Hindi na siya nagdalawang isip pa at binuksan na niya ang pintuan.
Doon tumambad pa rin, na mahimbing na natutulog na mag-ina. Hindi naman maiwasan ni William ang mapangiti. Sa puntong iyon ay parang nakikita niya ang sarili habang kasama si Atasha sa iisang bahay. Kasama ang kanilang anak at si Juaquim. Mula ng makilala niya ang mag-ina, hindi niya maipaliwag sa sarili kung bakit sa pangarap niya kasama si Atasha ay palagi ng kasama si Juaquim.
Hindi naman sa ayaw niya sa bata. Ngunit ang puso niya ay hindi talaga matanggap sa kanyang kalooban na ang anak ni Atasha ay basta na lang niya pabayaan. Ang siste pa ay kung sino ang mahal at mahalaga sa dalaga ay isinasapuso na rin niyang mahalaga sa kanya. Kahit pa ang Nanay Rosing nito.
Sa katunayan ay minsan sa isang linggo kung dalawin niya ang matanda bago pumasok sa trabaho. Sinisigurado lang niyang maayos ang kalagayan nito. Minsan ay nakita pa niyang may kasama ito. Nagpakilala pa itong kaibigan ni Atasha, at ito rin ang nagpakilala kay Atasha sa kaibigan na sinasabi ni Jacobo.
"Atasha," sambit niya sa pangalan ng dalaga habang ginigising ito.
"Kuya, inaantok pa ako. Mamaya mo na lang ako gisingin please."
Napakunot noo si William. Sa tingin niya ay tulog pa rin si Atasha. Hindi lang siya sigurado kung nananaginip ba ito at nagsasalita kahit tulog. O napagkamalan talaga siyang ibang tao.
"Atasha," ulit niya at marahang niyugyog ang balikat ng dalaga.
Ngunit sa gulat niya ay bigla na lang umiyak si Atasha. Hindi tuloy siya magkaintindihan kung ano ang dapat gawin.
"Kuya sana kinuha mo na lang ako. Ayaw naman nila sa akin. Hindi nila ako mahal." Mas lalo lang nakaramdam ng habag si William kay Atasha. Tama talaga ang hinala niya. May malalim na sekreto sa buong pagkatao ni Atasha.
Sa ngayon iyon muna ang nais niyang alamin. Habang pinapatunayan niya sa dalaga na hindi siya nagbibiro sa sinabi niya. Na sa mabilis na panahong nakilala niya si Atasha. Wala na siyang nais na iba kundi ang makasama ito, ganoon din ang anak nila at ang anak nitong si Juaquim.
Hinawakan ni William ang kamay ni Atasha at pinisil-pisil iyon. Habang patuloy pa rin niyang sinasambit ang pangalan nito para magising.
Ilang saglit pa at unti-unting iminulat ni Atasha ang mga mata. Doon natunghayan niya si William na sa tingin niya ay nag-aalala sa kanya.
"Ayos ka lang?" tanong kaagad ng binta sa kanya na ipinagtaka niya.
"B-bakit?"
"Nagsasalita ka kanina at tinatawag mo ang kuya mo? May gusto ka bang ikwento sa akin?"
"Ah! Wala iyon. Bakit ka nga pala narito?" pag-iiba ni Atasha sa usapan.
Napahugot na lang ng hangin si William. Sa tingin niya ay ayaw ng pag-usapan pa ni Atasha ang kung ano mang may kinalaman sa buhay nito. Kaya sa halip na magtanong ay hindi na siya nagsalita.
"Gabi na, hindi na nga kayo nakapagmeryenda ni Juaquim. Kaya dapat ay bumangon na kayong mag-ina at ng makakain na kayo. Tapos mamaya na lang ninyo ulit ipagpatuloy ang pagtulog ninyo."
"Ha? Anong oras na ba?"
"Lampas alas syete na."
"Hala, bakit hindi mo ako ginising? Nakakainis naman ito eh. Dapat ako na ang nagluto ng dinner natin."
"Pwede pa naman, tulog pa naman si Juaquim. Ano ba ang gusto mong lutuin?"
"Nilabong itlog," ani Atasha. Hindi naman mapigilan ni William ang mapangiti. Akala naman niya ay kung ano na ang nais nito, iyon lang naman pala.
"Sige na, pwede pa naman. Katatapos ko lang magluto ng chapsuey at pritong karne. Abot na abot pa talaga iyang gusto mo."
"Sige."
Mabilis na bumangon si Atasha matapos halikan sa noo ang anak. Halos mahigit pa niya ang paghinga ng muntik pa itong madulas sa pagmamadali nito.
"Pasaway," nasambit na lang niya at sinundan sa kusina si Atasha.
Kitang-kita niya ang sigla nito habang hinuhugasan ang mga itlog bago ilagay sa kaserola. Pagkatapos noon ay tumabi ito sa silyang kinauupuan niya.
Napangiti siya. Sa tingin niya ay hindi na talaga galit si Atasha sa kanya. Hindi na katulad kaninang pagkarating niya ng magkasagutan sila.
"Love," aniya. Nilingon naman siya kaagad ni Atasha.
"Bakit?"
"I'm sorry for what I said earlier. Pero hindi naman talaga kita pinaglalaruan. At hindi lang dahil sa nangyari sa atin kaya gusto kitang maging kasintahan. Iyon talaga ang nararamdaman ko. Pero ayaw ko ng mangyari pa ulit ang sumama ang loob mo. Sa ngayon papatunayan ko muna sa iyong totoo ako sa mga sinasabi ko. Sana kalimutan mo na rin ang kontrata. Hindi ko din naman akalain na mararamdaman ko ito sa iyo."
"How about the payment we discuss after I gave birth to our son?" Hindi na nagpatumpik-tumpik si Atasha na itanong ang bagay na iyon.
Sa totoo lang hindi naman pera mismo ang gusto niya. Kundi ang magkaroon ng isang buong pamilya na matatawag na kanya. Kaya lang wala siya noon at ang pera lang ni William ang kasiguraduhan na mabibigyan niya ng maayos na buhay si Juaquim.
"About the money. Pwede ko pa ring ibigay iyon sa iyo tulad ng napag-usapan."
Napaupo ng tuwid si Atasha. Pakiramdam niya ay mali pa rin yata siya ng pagkakaintindi sa nais sabihin ni William. Akmang magsasalita siya ng pigilan siya ng binata.
"Wait love!" pigil ni William kay Atasha. "Bago ka mag-ala dragona na naman ay makinig ka muna sa sasabihin ko. Hindi pwedeng iyong alam mo lang ang iisipin mo. Intindihin mo rin ang parte ko. Ang ibig kong sabihin, wala namang problema na ituloy pa rin natin ang napag-usapan. Dahil pwede mo iyong ilagay sa savings ni Juaquim. Hindi lang naman iyon ang gusto kong ibigay sa iyo, kundi pati sana ang apelyido ko. Higit sa lahat, lahat ng meron ako, gusto kong maging sa iyo," nakangiting saad ni William na ikinasinghap ni Atasha.
Parang gusto niyang maiyak sa mga sinasabi ni William. Hindi naman niya akalaing may isang lalaki na tatanggapin siya bilang siya. Kahit hindi pa siya nito totoong kilala ang buong pagkatao niya.
"Pero may mga lihim akong hindi ko pa kayang ibahagi sa iba. Kahit sa iyo, ganoon din ang Nanay Rosing. Hindi alam ang parteng iyon ng buhay ko."
Hinawakan ni William ang mga kamay ni Atasha at ilang beses iyong hinalikan. "Hindi naman ako nagmamadali. Lalong hindi kita minamadali. Just go with the flow ika nga. Darating ang panahon, hindi mo namamalayan, nagkukwento ka na pala sa akin. Higit sa lahat, baka hindi mo namamalayan, in love ka na pala sa akin."
Hindi naman mapigilan ni Atasha ang pagsilay ng mumunting ngiti sa kanyang mga labi. Sa totoo ang ay hulog na hulog na siya sa binata. Ayaw lang niyang aminin. May takot pa rin siya sa kanyang puso. Ngunit konteng-konte na lang
"Mahihintay mo ba ako?"nag-aalangan pa niyang tanong.
"At bakit hindi? Ang tagal ko ngang walang ibang nananahan sa puso ko kundi ang ikulong ang sarili ko sa nakaraan ko na hindi naman pala dapat. Ngayon pa ba na sigurado akong totoong anak ko ang dinadala mo. Higit sa lahat, ikaw lang ang nagparamdam sa akin ng ganito."
"Thank you William."
"Just Liam, love."
"Just Liam," ulit ni Atasha na ikinanguso ni William.
"Atasha!" sita ng binata na ikinatawa niya.
"Biro lang. Liam."
"Sounds great, coming from you love."
"Enjoy na enjoy ka sa endearment mo sa akin na iyan ha. Iyan din ba ang tawag mo noon sa ex-fiancèe mo?"
"Hindi ah!" gulat na tanggi ni William sa kanya.
"Ay anong tawagan ninyo?"
"It's not really important."
"Pero gusto kong malaman," asik niya.
"Pasaway na buntis. Para matahimik ka pero huwag kang magseselos ha. Dahil si Teresa ay nakalipas na. She call me, daddy and I call her pumpkin,"pag-amin niya.
Hindi naman mapigilan ni Atasha ang matawa. Totoong tawa at napapahampas pa siya kay William.
Kahit nasasaktan sa paghampas sa kanya ng dalaga ay hindi niya iyon iniinda. Naguguluhan lang siya sa ginagawa nitong pagtawa.
"I'm sorry. Ang baduy pala ninyong dalawa," ani Atasha kaya natigalgal siya. Tama si Atasha, ngayon lang niya narealize na baduy nga ang bagay na iyon.
"Sabagay," pagsang-ayon pa niya sa dalaga. Ngunit saglit din siyang natigilan ng maalala niya si Teresa nang bumalik ito sa kanya, matapos nitong mawala. Ni minsan ay hindi siya nito tinawag na daddy. Buong William ang tawag nito sa kanya.
"Okay ka lang?" nag-aalalang tanong ni Atasha na ikinatango niya. "Sure ka?"
"Oo naman bakit naman magiging hindi?"
"Wala naman. Natigilan ka kasi."
"May naalala lang ako."
"Ano? Babae? Ex mo? Agad-agad William Del Vechio?" inis na sikmat ni Atasha.
"Babae? Hindi ah, iyong itlog na nilalabon mo. Baka luto na. Gigisingin ko na si Juaquim," nasabi na lang ni William ng biglang magulat si Atasha.
"Ay oo nga pala! Sige," naisagot na lang ng dalaga at mabilis na iniwan siya sa pwesto niya.
Nailing na lang din si William sa ikinilos ni Atasha. Totoong masaya siya pagkasama niya ito, at nakakausap. Kaya natigilan talaga siya ng magtungo ang pag-uusap nila kay Teresa. Bakit ngayon ay may kung anong bagay ang pumapasok sa kanya tungkol sa dating kasintahan. Hindi niya maipaliwag, ngunit parang may mali.
Tumayo na rin siya para puntahan sa silid si Juaquim. Saka na niya iisipin ang mga bagay na nagpapagulo sa isipan niya. Sa ngayon mas uunahin muna niyang mabigyan ng buong atensyon si Atasha. At maiparamdam dito ang buong pusong pagmamahal niya.
Pagbalik nila ng kusina ay nakahanda na ang hapag. Inasikaso kaagad ni Atasha ang anak. Pinagmasdan lang naman ni William ang mag-ina.
"Bakit?"
"Ha?"
"Tulala ka na naman kasi. Kumain ka na kaya."
"Masaya lang akong napakamaalaga mo kay Juaquim."
"Syempre, si Juaquim ang nag-iisang pamilya kong masasabi kong akin."
"Juaquim," tawag ni William sa bata. Napalingon naman ito sa kanya. "Paano kung magkaroon ka ng daddy? Iyong kahit hindi mo totoong daddy pero mahal ka. Matatanggap mo ba?"
Natigil sa pagsubo si Juaquim na wari mo ay nag-iisip ng isasagot sa kanya. Hanggang sa bigla itong tumango.
"Kung ang darating po para maging daddy ko ay mamahalin ang mommy ko at hindi na siya iiyak ay ayos lang po sa akin. Ngunit kung paiiyakin lang niya ang mommy ko. Hindi ko po kailangan ng daddy," inosenteng sagot ni Juaquim na ikinamangha niya. Sa mura nitong edad ay talagang napakatalino nito. Higit sa lahat ay ang labis nitong pagmamahal sa ina. Lalo tuloy humanga si William kay Atasha. Walang ganoong ugali si Juaquim kung hindi dahil sa ina.
"Napakaswerte ng mommy mo sa iyo, Juaquim."
"Mas maswerte po akong si Mommy Atasha ang mommy ko. Kahit mahirap lang po kami at salat sa karangyaan. Napakayaman ko naman po sa pagmamahal. Kahit abala po si mommy sa paghahanap noon ng trabaho, hindi po niya nakakaligtaan na may isang ako. Kaya po, kung darating ang panahon at tumanda na ako at mawala dito sa mundo, sana pag-isisilang po akong muli si Mommy Atasha po sana ulit ang maging mommy ko," ani Juaquim at ipinagpatuloy na muli ang pagkain.
Lihim namang napatingala si William. Hindi niya akalaing ang simpleng tanong niya ay aabot sa mapapaluha siya ni Juaquim. Bigla naman siyang napatingin kay Atasha ng bigla itong umiyak at niyakap ang anak.
"Lo-Atasha!" ani William na muntik pa niyang matawag na love ang dalaga. Gusto man niyang tawagin ito sa ganoon. Ngunit ayaw niyang mabigla si Juaquim. Ayaw niyang isipin agad ng bata na may relasyon sila ng mommy nito gayong manunuyo pa lang siya.
"Mommy! Bakit ka po umiiyak na naman?"
"Kasi pinaiiyak mo si mommy. Mahal na mahal kita anak."
"Mahal na mahal po kita mommy. Akala ko po kung ano na. Kumain na po tayo. Baka po gutom lang yan." Natawa naman silang pareho ni William sa sinabing iyon ni Juaquim.
Kahit pabago-bago ang mood ni Atasha sa araw na iyon ay naging masaya siya. Masaya siya dahil kay William. Masaya siya sa paghahayag nito ng damdamin sa kanya. Kahit sa ngayon ay hindi pa siya handang tumugon
Habang si William ay hindi naman mapigilan ang lalong pag-usbong ng damdamin niya sa dalaga. Si Juaquim ang patunay na kahit ano pang katauhan ang isinisekreto ni Atasha. Ay magiging mabuti itong ina, hindi lang kay Juaquim. Pati na rin sa magiging anak nila.