“Sigurado ka ba talaga? baka naman nabibigla ka lang?”
Nakangiting umiling si Jhanna at ipinakita kay lola Ignacia ang hawak niyang litrato. Kuha iyon ng araw na magkita sila ni Top. Para mas mapaniwala niya ang dalawang pamilya na may namumuong relasyon sa pagitan nilang dalawa ay kumuha siya ng matibay na ebidensiya.
“Sweet naman pala ang apo ko, ano?” natutuwang sabi ng matanda.
Mabilis na tumango naman siya. Maganda ang kuha niya sa picture at hindi halatang may naganap na gulatan factor sa pagitan nila ni Top.
“Alam na ba ito ng pamilya mo? Anong sabi ng tita Sanya mo?”
“Ayos lang naman po sa kanila at saka masaya po sila dahil sa mabuting kamay raw ako mapupunta.”
“Mabuting kamay?”
Eksaheradang natutop ni Jhanna ang mga labi at nagkunwaring gulat na tiningnan niya ang lola ni Top.
“Hindi po ba nasabi sa inyo ng apo ninyo na nagbabalak na po kaming magpakasal?”
“H-hindi… wala pa nga siyang nababanggit sa amin na may relasyon pala kayo.”
Kunwari ay nahihiyang ngumiti siya.
“Pasensiya na po, masyado po kasing naging mabilis ang pangyayari. Nagkita po ulit kami at sa totoo lang po noon ko pa alam na crush ako ni Top kaya nang magparamdam ulit siya sa akin, hindi ko na po pinalampas ang pagkakataon. Alam mo naman 'la, hindi na kami bumabata kaya gusto na rin naming lumagay sa tahimik.”
Napapalakpak ito sa tuwa. Hinawakan nito ang kamay niya at halos hilahin na siya papasok sa loob ng malaking bahay.
“Naku, tama ka diyan Jhanna. 'Yan nga ang madalas na sabihin ko sa mga apo ko, alam mo naman na noong araw ay hindi masyadong maganda ang buhay namin dahil kung minsan ay mahina ang negosyo ng anak ko. Pero ngayon na professional na ang tatlong apo ko ay saka naman parang mas humirap pa ang buhay ko. Ayaw nilang mag asawa kahit nasa trenta na ang mga edad nila.”
“Pero teka nga…” anito at pumihit paharap sa kaniya nang makarating sila sa sala. “Mabalik tayo sa tanong ko kanina, sigurado ka ba talaga sa apo ko? alam mo kasi, malaki ang pagkakaiba ninyong dalawa—”
“Introvert po ang apo ninyo at samantalang ako….” Ipinaikot niya ang daliri sa gilid ng tenga.
Natawa si lola Ignacia. “Alam kong hindi ka baliw, may mga naging estudyante ako noon na katulad mo at alam mo ba kung nasaan na sila ngayon? Iyong iba ay naging scientist at sikat na author pa.”
“Seryoso po ako sa apo mo, lola, kaya nga po ako nagpunta dito kasi gusto kong mapatunayan sa inyo na seryoso po kami sa plano naming pagpapakasal ni Top.”
Masayang tumango ito. Kahit hindi magsalita ay alam niyang masayang masaya ito. Kahit paano ay hindi niya maiwasan na makonsensiya dahil alam niyang pagkukunwari lang naman iyon sa parte niya.
Wala lang siyang ibang choice kaya si Top ang kinukulit niya na magpakasal sa kaniya. Pero nang makita niya ang tuwa sa mga mata ng lola nito ay nagkaroon ng kurot sa puso niya. Pasimpleng tinapik niya ang dibdib para pakalmahin ang sarili.
“Alam mo ba ang tradisyon sa pamilya namin noong araw?”
“Po? Ano pong tradisyon?” nagtatakang tanong naman niya.
“Hindi ko alam kung paano nagsimula ang tradisyon sa pamilya Geronimo pero bago ko pakasalan ang asawa ko ay nagsilbi na muna ako sa pamilya niya. Isang linggo akong naglinis ng bahay nila, tinuruan rin akong magluto ng biyenan kong babae at kahit ang mga bata noon sa pamilya nila ay inalagaan ko. Paraan daw iyon para maipakita ko sa pamilya ng lalaking pakakasalan ko na magiging mabuting asawa at ina ako.”
Mabilis na paliwanag nito.
“P-po?” hindi makapaniwalang bulalas niya. Bago pa man ulit siya makapagtanong ay iniwan na siya nito at nang bumalik ay may dala na itong walis.
Syet! Wala na siyang nagawa nang ibigay ni lola Ignacia sa kaniya ang walis.
“Pwede ka nang magsimula, sandali lang ha? tatawag lang ako sa mga kamag anak namin para sabihin sa kanila na malapit nang mag asawa ang bunsong apo ko.”
Sinundan na lang niya ito ng tingin nang nagmamadaling umalis ito. Parang wala sa sariling nayakap niya ang katawan ng walis.
“Ngayon ko napatunayan na mahirap pala talagang mag asawa, haaaay!”
_______________________________
Agad na nagtaka si Top ng wala pang ilang segundo siyang bumubusina ay bumukas na agad ang malaking gate ng bahay nila. Nang dumungaw siya sa labas ng bintana ng kotse ay nakita niya sa gilid ng gate ang lola niya na nakangiting kumakaway sa kaniya.
Nakakunot ang noo na ipinarada niya ang kotse sa garahe at nilapitan ito. Pero hindi pa man siya masyadong nakakalapit sa matanda ay nagmamadaling humakbang na ito palapit sa kaniya at mahigpit na niyakap siya.
“Ang apo ko, ang apo ko sa wakas mag aasawa na!” masayang bulalas nito.
Saglit na natigilan siya at mabilis na umiling.
“Imposible! Sino po ba sa dalawang kapatid ko ang napana ni kupido?”
“Ikaw Topacio, sa wakas mag aasawa na ang isa sa mga apo ko.”
humahalakhak na wika nito. Mas lalo pang kumunot ang noo niya at hinawakan sa magkabilang balikat ang lola niya.
“'La, hindi ko alam kung anong gamot ang ininom mo pero sa totoo lang mukhang matindi po ang epekto—aray!” napangiwi siya nang batukan siya ni lola Ignacia.
“Hindi pa ako ulyanin kaya tantanan mo ako, halika na nga!” masungit na sikmat nito sa kaniya saka siya hinila papasok ng bahay.
Nagulat siya ng basta na lang nito iabot sa kaniya ang isang tray na may lamang isang plato ng bihon at orange juice.
“Nasa itaas ang fiancee mo, nandoon siya sa kwarto mo. Mukhang napagod siya sa paglilinis ng bahay natin kaya inutusan ko siyang magpahinga na muna sa kwarto mo—”
“Teka, teka lang lola, fiancée?”
Mabilis ang ginawa nitong pagtango.
“Oo, si Jhanna, fiancée mo siya 'di ba?”
“Hin—” bago pa man niya maituloy ang sasabihin ay naitikom na niya agad ang bibig.
Sa tingin niya ay hindi naman tama na basta na lang niya itanggi ang maling akala ng lola niya. Maliban sa nakikita niyang masaya ito ngayon ay mapapahiya si Jhanna. Hindi niya ugaling magpahiya ng babae dahil hindi naman siya pinalaking bastos ng daddy at lola niya.
“Sabi ko nga po, aakyat na po ako sa itaas,”
“Ay teka lang, gumawa na ako ng listahan ng mga bisita sa kasal ninyo.”
“Agad-agad 'la?”
“Hayaan mo na lang ako, first time ko kasing mag asikaso ng mga ganito.”
Hay…
“Ano ba ang motif ng kasal ninyo? Nabanggit ba ni Jhanna sa'yo kung anong motif ang gusto niya?”
“Ikaw ang magiging groom ko at ang gusto ko gothic ang theme ng wedding natin.”
Iyon ang naalala niyang sinabi sa kaniya ni Jhanna noong pinangakuan niya ito ng kasal.
“Gothic daw po,” sakay niya sa trip ng dalawa.
“Anong gothic?”
“'Yung black po ang kulay na parang sa mga rock band.” Kahit siya ay hindi maintindihan ang gothic kaya iyon ang nasabi niya.
“Hesusmaryosep!” napasinghap ng malakas si lola Ignacia.
“Sinasabi ko sa'yo Topacio, kumbinsihin mo ang fiancée mo na hindi pwede ang gothic-gothic na 'yan sa kasal ninyo. Baka malasin ang pagsasama ninyo. Kabahan ka nga!”
“Tensiyon na tensiyon na nga po ako 'eh.” Sabi na lang niya at kumilos na.
Narinig pa niya ang pagkausap nito sa malaking picture frame ng lolo niya habang umaakyat siya sa itaas. Nang makarating siya sa tapat ng pinto ng kwarto niya ay saka naman biglang tinambol ng malakas ang dibdib niya.
Dalawang beses siyang huminga ng malalim para kahit paano ay gumaan naman ang pakiramdam niya. Napansin niya na hindi nakasarado ng maayos ang pinto kaya lakas loob na sumilip siya sa siwang niyon. Wala naman siyang napansin na kakaiba sa kwarto niya. Maliban na lang sa kumikintab ang sahig at mga gamit sa loob.
Sa malaking kama ay naroon si Jhanna. Mukhang mahimbing ang tulog nito kaya maingat ang mga kilos na pumasok siya sa loob. Napapalatak siya ng makita na naka-fetus position pa ang dalaga habang natutulog. Nilalamig na siguro ito dahil nakatodo ang aircon. Inilapag niya sa bedside table ang dala niyang tray at lumapit dito. Kinuha niya ang comforter na nasa bandang paanan nito saka iyon ibinalot sa katawan nito.
Mahinang umungol ito at kumilos paharap sa kaniya. Dahil nakadukwang siya habang nakadapa sa kama ay malaya niyang napagmasdan ang magandang mukha ni Jhanna. Kung maganda ito kapag gising ay masasabi niya na mukha naman itong inosenteng anghel habang natutulog ito.
Parang hindi kayang gumawa ng kalokohan…
Kung ikukumpara si Jhanna sa mga naging girlfriend niya ay aaminin niya na mas maganda talaga ito. Hindi man ito sopistikadang tingnan o sosyal kumilos at magsalita ay bawing bawi naman ito sa magandang mukha at perpektong hugis ng katawan. Sa pagkakaalam niya ay namana nito ang pagiging mestisa at abuhing mga mata sa mommy nito na may dugong German.
Maganda ito at sigurado siya na maraming nagkakagusto dito kaya bakit kailangan pa nitong lumapit sa kaniya at kulitin siyang pakasalan ito? Wala lang ba itong magawa sa buhay kaya bigla na lang itong sumulpot at kinukulit siya ngayon?
Hindi niya alam kung ano ang pumasok sa isip niya dahil mas lalo pa niyang inilapit ang sarili kay Jhanna. Kumabog ang dibdib niya nang dumampi sa pisngi niya ang mainit na hininga nito. Bigla ay parang may mainit na mga palad ang humaplos sa puso niya. Kahit ang paghilik nito ay nagbigay sa kaniya ng hindi maipaliwanag na emosyon.
Hindi mapigilan ni Top ang sarili na haplusin ang kaliwang pisngi nito. Muling umungol si Jhanna at bigla ay nagmulat ng mga mata. Pareho silang nagulat nang magtama ang mga mata nila. Mas lalong bumilis ang t***k ng puso niya. Pakiramdam niya ay mauubusan na siya ng hangin sa dibdib ng biglang namilig ang mga mata nito.
Gusto sana niyang magpaliwanag pero hindi niya magawang ibuka ang mga labi niya. Hindi rin niya magawang kumilos at ilayo ang sarili sa dalaga.
Bigla siyang natuliro. Buong buhay niya ay ngayon lang siya nakaramdam ng ganoon na parang bumagal sa pagtakbo ang oras niya. Hanggang sa naramdaman na lang niya ang pagtama ng kung anong matigas na bagay sa tungki ng ilong niya at ang malakas na tunog nang pagkabasag ng salamin niya sa mata.
“Ouch!” napaigik sa pagkagulat si Top.
Nalaglag siya sa kama habang sapo ang kumikirot na ilong niya. Tumayo naman si Jhanna at parang balak pa siyang komprontahin kaya lang ay nataranta ito nang makita ang umaagos na dugo mula sa ilong niya.
“Oh my god! You’re bleeding!” tili nito.
Sa kabila nang panlalabo ng mga mata –dahil sa pagkabasag ng salamin niya—ay kinapa niya ang ilalim ng ilong niya at nang makita ang dugo ay mahinang napaungol na lang siya.
Ano ba itong gulong pinasok ko?