7

1127 Words
“Sorry, sorry talaga, hindi ko sinasadya! Ikaw naman kasi nanggugulat ka, bigla mo na lang nilalapit ang mukha mo sa akin.” Natatarantang sabi ni Jhanna habang idinadampi dampi niya ang icepack sa noo at ilong ni Top. Panay naman ang ungol nito sa tuwing mapapadiin ang paglapat niya ng icepack sa tungki ng matangos na ilong nito. Tumigil na sa pag agos ang dugo sa ilong ng binata pero hindi naman ibig sabihin ay maayos na ito. Paano naman kasi ito magiging okay kung nabasag niya ang salamin nito sa mata. “Wala ka bang ekstrang salamin?” kagat ang ibabang labi na tanong niya. Umiling lang ito at sinapo ang noo. “Wala,” “Contact lens?” “Wala na.” Patay! Parang gusto na lang niyang takasan na si Top kaya lang ay hindi niya iyon pwedeng gawin dahil maliban sa may konsensiya naman siya ay umalis ng walang paalam si lola Ignacia. Kahit ang maid ay bigla na lang nawala kaya sila lang ang naiwan sa bahay. Naaawang pinagmasdan niya si Top. Maluha luha na ang mga mata nito at kahit na parang nakatitig ito sa kaniya ay alam niyang malabo naman ang nakikita nito. Kahit siguro i-distort pa niya ang mukha niya ay wala itong magiging reaksiyon. Inilapag niya sa bedside table ang icepack at aktong tatayo na ng biglang hawakan ng lalaki ang laylayan ng damit niya. “Saan ka pupunta?” Natigilan siya at dahan dahang nilingon ito. Binalot ng hindi maipaliwanag na emosyon ang dibdib niya nang makita niya ang takot sa gwapong mukha ni Top. Daig pa nito ang isang inosenteng bata habang mahigpit na nakahawak sa damit niya. “Hindi mo ako pwedeng iwan, wala sila lola,” “Sino ba naman kasi ang may sabi sa'yo na iiwan kita? Pupunta lang ako sa kusina dahil ikukuha sana kita ng meryenda at saka hindi ka pa nagpapalit ng damit.” Mabilis na paliwanag niya. Pwede naman niya itong ikuha ng mga damit sa cabinet para makapagbihis na ito. Wala na siyang nagawa pa nang kumilos ito palapit sa kaniya habang nakaupo sila sa kama. Hinawakan nito ng mahigpit ang palad niya at parang wala talaga itong balak na pakawalan siya. “Hindi ako nagugutom,” “'Yung totoo, Top, takot ka ba sa dilim?” Napangiti na lang siya ng hindi ito sumagot. Kahit hindi ito magsalita ay alam na niya ang sagot dahil nakita niya ang pagkailang sa mukha nito. Nagulat siya ng umangat ang kaliwang kamay nito at dinama ng mga daliri ang bibig niya. “Nakangiti ka, pinagtatawanan mo ako kasi natatakot ako sa dilim?” seryosong tanong nito. Kumabog ng malakas ang dibdib niya nang dumampi sa balat niya ang mga daliri nito. Iglap lang ay biglang bumilis ang paghinga niya. “Lahat naman tayo ay may weakness, bakit ka ba nahihiya?” Kumurap ang mga mata ni Top at mabagal na tumango. “Ikaw, ano ba ang weakness mo?” “A-ako?” gulat na itinuro niya ang sarili. Mayroon ba? Wala naman kasi siyang maalalang bagay na kinatatakutan niya. Hindi rin siya natatakot sa mga multo at sa totoo lang ay pangarap pa nga niyang makakita ng white lady. Minsan ay sinubukan niyang matulog sa isang luma at abandonadong bahay pero wala naman nagpakitang multo sa kaniya kaya mula noon ay hindi na siya naniwala sa mga multo. “Takot akong mabully ng mga schoolmates natin noon kaya madalas akong nagsasalitang mag isa, gusto kong isipin nila na may sayad ako para matakot silang lumapit sa akin.” Halatang nagulat si Top dahil namilog ang mga mata nito at mayamaya ay biglang napangiti. “Oh, bakit nakangiti ka?” “Matalino ka nga talaga,” anito. Hindi niya alam kung compliment iyon pero natuwa ng bongga ang puso niya. Parang nahirapan na rin siyang huminga ng normal habang nakikita niya ang ngiti sa mga labi ni Top. Mas gwapo pala ito kapag wala itong suot na salamin sa mata. Nagmukha itong mas bata at hindi rin ito masyadong seryosong tingnan ngayon. “Ikaw palang ang nagsabi niyan, weird kasi ang madalas na itawag sa akin ng iba,” “Weird ka nga, bigla ka na lang kasing sumusulpot tapos kinukulit mo pa akong pakasalan ka.” Anito at biglang natawa. Pinakinggan niya ang tunog ng tawa nito. Kung tutuusin ay wala namang espesyal sa pagtawa ni Top pero may kung anong epekto iyon sa buong sistema niya. Mahinang tumikhim siya at hindi sinasadya ay napasulyap sa magkadikit na mga palad nila. Hindi na siya makapag isip pa ng tama habang nararamdaman niya ang init na nagmumula sa palad nito. “Top, nandiyan ba kayo sa loob?” Ang malakas na pagkatok sa pinto at tinig ni lola Ignacia ang gumising sa naglalakbay niyang diwa. Para siyang biglang napaso at mabilis na bumitiw siya kay Top. Nagmamadaling tumayo siya nang pumasok sa loob ng kwarto ang lola nito. “Pasensiya na kung umalis na muna kami ni Bebeng, mukhang manganganak na kasi ang anak nila Ronel kaya lumipat kami sa kabila. Baka kasi makatulong kami.” “Kailan pa po kayo naging kumadrona?” tanong ni Top. “Naku, tumahimik kang bata ka. Wala kang alam sa panganganak kaya huwag kang makialam at saka—teka, anong nangyari sa'yo?” Nataranta siya dahil halata sa naging reaksiyon ni lola Ignacia na parang maghahamon ito ng away dahil nasaktan ang apo nito. Mabilis na sumingit siya sa usapan ng maglola. “A-aalis na po ako 'la, may emergency po sa bahay.” natatarantang paalam niya bago niya nilingon si Top. “B-babe, mauuna na ako, tatawag na lang ako sa'yo mamaya.” Yumuko siya at aktong hahalikan ito sa pisngi kaya lang ay biglang humarapa ito sa direksiyon niya kaya sa labi nito naglanding ang halik niya. Pareho silang natigilan dahil sa nangyari. Muli ay bumilis ang t***k ng puso niya. May matinding sensasyon ang bigla na lang gumapang sa bawat himaymay niya. Mariing naipikit niya ang mga mata at parang sirang robot na napaatras siya at inilayo ang katawan kay Top. “A-aalis na ako.” Syet! Hindi na niya hinihintay pang magsalita ang dalawa dahil halos liparin na niya ang direksiyon ng pinto. “Ano ba ang nangyari sa isang iyon? Bakit parang namamaga ang ilong mo, apo? Ganyan na ba maghalikan ang mga kabataan ngayon? Kailangan na magkasakitan na muna?” Narinig niyang tanong ni lola Ignacia kay Top nang malakabas na siya ng kwarto nito. Nanghihinang tinutop ni Jhanna ang kaliwang dibdib. Kung hindi niya magagawang kontrolin ang sarili ay baka bigla na lang siyang mawalan ng malay. Syet. Syet talaga! Ano bang mayroon sa halik ni Top at bakit kailangan niya pang matuliro ng ganoon katindi?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD