8

2310 Words
“Seryoso ka ba talagang magpapakasal ka na?” Naitirik ni Jhanna ang mga mata nang marinig ang tanong ng kaibigan niyang si Roxanne. Matagal na silang magkaibigan dahil buong secondary level ay magkaklase sila. Isa rin sa mga outcast si Roxanne kaya mabilis niya itong nakasundo noon. Sa ngayon ay artista na ito, hindi pa naman ito nabibigyan ng malaking project dahil baguhan palang ito pero alam niyang magaling ang kaibigan niya kaya siguradong sisikat ito. “Kung kumikita na sana ako ng malaki ngayon at milyones na ang talent fee ko baka mapahiram pa kita.” “Hindi mo kailangang gawin 'yun,” kontra niya. Kahit pa siguro magkatotoo ang sinabi ni Roxanne ay hindi siya tatanggap ng tulong mula sa dalaga. Ayaw niyang mahaluaan ng usaping pera ang magandang relasyon nila. Marami siyang kilalang magkaibigan na nagkaaway ng dahil lang sa pera at hindi niya gusto na mangyari iyon sa kanilang dalawa. “Umandar na naman 'yang pride mo, ano lang ba 'yung ibibigay kong tulong sa'yo kumpara sa mga nagawa mo sa akin noon?” nakaingos na sabi nito. Nagkibit balikat siya. Isa si Roxanne sa mga estudyanteng nangailangan ng tulong niya noon. Kagaya nang ginawa niya kay Top ay itinaboy niya palayo ang mga nambubully sa babae. “Matagal na 'yun kaya kalimutan na lang natin,” hinawakan niya ang tasa ng umuusok na kape at dumungaw mula sa labas ng glass window ng coffee shop na kinaroroonan nila. Tumila na ang ulan kaya mamaya lang ay pwede na ulit siyang makapaglakad lakad. Kapag ganoon na maraming bagay ang gumugulo sa isip niya ay gusto niyang maglakad hanggang sa sumakit at sumuko na sa pagod ang mga paa niya. Marunong naman siyang magdrive pero isa lang ang kotse nila at ang daddy niya ang gumagamit niyon. Wala naman kaso sa kaniya kahit na wala siyang sasakyan dahil mas nag eenjoy pa siya sa pagcommute dahil marami siyang nakakahalubilong mga tao. “Jhanna Nykole, alam mong hindi basta-basta lang ang pagpapakasal, pang habambuhay na—” “Sino ba naman ang may sabi sa'yo na forever kaming magsasama ni Top? Kailangan lang na umabot kami ng six months o higit pa, kailangan ko lang makuha ang pera at saka nangako si tita Sanya na tutulungan niya ako kapag umabot ng six months ang pagsasama namin ni Top. Pagkatapos ay saka ako gagawa ng paraan para makipaghiwalay sa kaniya. Pwede naming sabihin na hindi na kami magkasundo dahil magkaibang magkaiba kami ng mga gusto at ugali. Siguro naman ay hindi na magtataka sila daddy dahil pwede kong sabihin sa kanila paunti unti na madalas kaming mag away ng asawa ko hanggang sa susuko na ako at makikipaghiwalay na lang sa kaniya.” “Talagang planadong planado ha?” napapailing na turan ni Roxanne. Ngumisi siya. “Ang galing ko 'di ba? teka, ikaw naman ang pag usapan natin. Anong ganap sa'yo?” Nawala ang sigla sa mga mata nito. Nakasimangot na hinati nito ng tinidor ang cake sa platito. “Naalala mo 'yung lalaking sinasabi ko sa'yo noong high school palang tayo? 'yung lalaking halos ipagtirik ko na ng kandila para lang mapansin ako noon.” “Hindi na 'eh, 'neng sa dami ng naging crush mo noon malamang na hindi ko na maaalala pa,” “Si Mark Macarius Geronimo, kapatid ni Top,” Malakas na napasinghap siya. “Si Marcus?” Magkatabi lang ang building ng high school at college department noon at natatandaan niya na maraming ginawang kalokohan si Roxanne para lang mapansin ito ni Marcus. “Naku sinasabi ko sa'yo friend, kahit maubos na ang lalaki sa mundo hinding hindi ko magugustuhan 'yang si Marcus. Well, pasensiya na lang dahil magiging bayaw ko na nga pala siya pero hindi ko talaga feel ang isang 'yun.” Sabi niya. Kung inosente at mabait ang dating ng kagwapuhan ni Top ay parang malupit na beast sa kwentong Beauty and the Beast naman si Marcus. Kahit noon pa man ay napakasuplado na nito kaya parang tuod na robot ang tingin niya sa lalaki. Kahit nga sa mga interview nito sa TV ay hindi man lang nito makuhang ngumiti. Mas pasado pa nga para sa kaniya si Rolf dahil kahit may balita siyang playboy ito ay mabait naman ito at magaan kausap dahil palaging nakangiti kapag kaharap niya. “Nakilala ko kasi ang daddy nila,” “Si tito Herbert?” “Oo, sinadya kong makipagkilala kay tito Herbert kasi gusto kong maging malapit sa mga Geronimo bago ko aakitin si Marcus.” Nahihiyang paliwanag ni Roxanne. Napahalakhak siya. “Paano mo maaakit 'yun 'eh puro criminal at mga kaso ang nasa isip ng isang 'yun? Maliban na lang kung gagawa ka ng illegal, baka mapansin ka nga niya.” Matalim na tiningnan siya nito at saka muling nagpaliwanag. “Naging magulo ang lahat dahil inakala ni Marcus na may relasyon kami ng daddy niya.” “Jusko! Hindi man lang kinilabutan ang lalaking iyon!” “Kaya hindi ko na nga alam ang gagawin ko, hindi ko naman pwedeng sabihin kay Marcus na kaya ako lumapit sa daddy niya ay dahil siya ang gusto kong akitin. Magmumukha akong tanga kapag inamin ko sa kaniya ang totoo.” “Talaga! magmumukha ka na namang desperada na katulad nang ginawa mo noon sa kaniya,” gusto pa sana niyang sermunan si Roxanne pero nang makita niya ang pagod at matinding stress sa buong mukha nito ay tumahimik na lang siya. Pagkatapos magmeryenda ay lumabas na sila ng coffee shop. Pareho silang walang dalang kotse kaya napagpasiyahan nila na sa isang taxi na lang sumakay dahil magkalapit lang naman ang lugar na pupuntahan nila. Habang naghihintay ng taxi sa labas ng coffee shop ay pareho pa silang natigilan ni Roxanne ng bigla ay may dalawang itim na kotse ang tumigil sa mismong tapat nila. Bumaba mula sa unang kotse si Marcus at sa likurang kotse naman ay nagmamadaling bumaba rin si Top. “Marcus!” gulat na naibulalas ni Roxanne. Pareho silang napasigaw ng malakas ng lumapit sa kanila ang binata at madilim ang mukha na hinawakan nito sa braso ang kaibigan niya. “Hoy, anong ginagawa mo!” sigaw niya. “Bitiwan mo ako! Ano ba nasasaktan ako!” “Talagang masasaktan ka kapag hindi ka sumama sa akin.” Mariing banta ni Marcus. “Anong—hoy! Bakit sasama sa'yo si Roxanne? Siraulo ka ba, ha? bitiwan mo siya kung ayaw mong tumawag ako ng pulis. Ipapadampot kita!” “Wala akong pakialam kung anong gusto mong gawin basta sasama sa akin ang kaibigan mo. Hindi ako papayag na matuloy ang kasal nila ng daddy ko!” “Kasal? Anong kasal?” natitigilang tanong naman ni Roxanne. Nang iinsultong tumawa si Marcus. “Sa'yo pa talaga nanggaling 'yan? Nagpapanggap kang inosente ngayon? At ikaw…” anito at bumaling ng tingin sa kaniya. “Hihiramin ko na muna itong kaibigan mo dahil kailangan kong mapigilan ang pagpapakasal nila ng daddy ko. Wala akong balak na magkaroon ng stepmother na mas bata pa sa akin. Huwag kang mag alala dahil ibabalik ko rin siya at hindi ko naman siya pababayaan. Ibabalik ko siya ng buong buo.” “k********g ang gagawin mo—hoy!” namutla siya nang makita na parang sako ng bigas na basta na lang nito pinasan sa balikat nito si Roxanne. Balak niyang lumapit sa sasakyan at pigilan ang kalokohan ng lalaki pero pumulupot sa tiyan niya ang matigas na braso ni Top. “Bitiwan mo ako! Isa ka pang siraulo ka! Nakipagsabwatan ka sa magaling mong kapatid.” “Magpapaliwanag ako—” “Ayokong makinig!” nagpumiglas siya pero wala na rin siyang nagawa pa dahil mas higit na malakas si Top. “Kapag hindi ka nakinig sa sasabihin ko, mas lalo kang mahihirapan na hanapin ang kaibigan mo.” Banta nito. Natigilan siya. Alam niyang wala na siyang ibang paraan pa kaya napilitan siyang sundin ang binata. Hinila siya nito papasok ng kotse nito. Parang wala siya sa sarili habang nagmamaneho si Top. Hanggang ngayon ay hindi siya makapaniwala sa ginawa ng magkapatid sa kanila ni Roxanne. “Ihatid mo ako sa police station, kailangan kong iligtas si Roxanne baka makita ko na lang siya bukas na palutang lutang sa ilog.” “Pwede ba! hindi masamang tao ang kapatid ko kaya sana naman kumalma ka na.” naiinis na saway nito sa kaniya. Napalunok siya nang maramdaman ang pagkainis sa tinig nito. Ngayon lang niya nakita na nainis ito. Marunong naman pala itong magalit? “Pero bakit nga niya ito ginagawa?” bulyaw niya kay Top. “Dahil kailangan at baka pasalamatan mo pa si Marcus dahil gusto lang naman niyang iligtas sa kapahamakan ang kaibigan mo.” Sa narinig ay uminit na naman ang ulo niya. “Anong magandang maidudulot ng k********g?” “Nakalimutan mo na ba na may sumpa ang daddy namin kaya lahat ng babaeng minamahal niya, namamatay? Gusto mo bang mangyari iyon kay Roxanne?” “H-ha?” gimbal na natutop niya ang kaliwang dibdib. Naniniwala siya sa sumpa ng dating ex girlfriend ni tito Herbet dahil minsan na iyong nasabi sa kaniya ng tiyahin niya. Tatlong beses nang namatayan ng asawa ang daddy ni Top kaya paanong hindi siya maniniwala sa sumpa? “Alam kong hindi maganda ang ginawa ng kapatid ko pero ito lang ang paraan para mailigtas namin si Roxanne. Huwag kang mag alala, matinong tao si Marcus kaya wala siyang gagawin na pwedeng ikapahamak ng kaibigan mo.” Naihilamos niya ang mga palad sa mukha at pilit na pinagana ang isip. Alam niyang hindi naman talaga magagawa ni Marcus na saktan si Roxanne. Hindi naman ito masamang tao at kahit na ubod ng suplado ay wala pa siyang nabalitaan na napasok ito sa kahit anong gulo. Nataranta lang siya kanina kaya kung anu-ano ang nasabi niya. Isa pa ay baka mas matuwa pa nga si Roxanne dahil masosolo na nito si Marcus. Mali ang diskarte ng kaibigan niya pero nakialam ang tadhana para itama ang palpak na style nito. At siya naman ay naroon sa tabi ni Top. Napansin niya na malikot ang mga mata nito at parang binabantayan ang mga kilos niya. Natatakot siguro ito na kunin niya ang cellphone sa bag at tumawag siya sa mga kakilala niya para humingi ng tulong. May isang magandang ideya ang bigla na lang pumasok sa isip ni Jhanna. Nakangising nilingon niya ang binata na nakatutok naman ang mga mata sa daan. “Sige payag ako, hindi ako magsasalita sa media at hindi rin ako magsusumbong sa mga pulis na dinukot ng kuya mo ang bestfriend ko. Sa isang kondisyon….” “Anong kondisyon?” “Pakasalan mo ako, ASAP! Sh~t!” malakas na napamura siya nang bigla nitong diniinan ang preno ng kotse. Kamuntik na tuloy siyang sumubsob sa salamin ng kotse nito. “Ano ba!” singhal niya kay Top. Nanlalaki ang mga mata na nilingon naman siya nito. “Blackmail ang ginagawa mo sa akin!” nanggigigil sa inis na sigaw nito. Cute. Pinisil niya ang namumulang ilong at pinagmasdan ang bawat pagkurap ng mga mata nito. Habol nito ang paghinga at halatang biglang bigla ito sa ibinigay niyang kondisyon. “Kapag nagsalita ako, masisira ang pangalan ng kuya mong tuod.” “Okay fine, pag iisipan ko!” sigaw na naman nito. Ipinagsalikop niya ang mga braso sa bandang dibdib at naaaliw na tumitig sa gwapong mukha ni Top. “Ang cute mong magalit, alam mo ba 'yun?” Best wedding proposal ever. Natatawang sabi niya sa sarili. Ngayon lang kasi siya nakakita ng lalaking inalok na nga ng kasal ay parang gusto namang magwala at maghamon ng away. Mayamaya ay napakunot noo siya nang marinig ang mahinang pagtawa ni Top. “Alam mo nakakahawa pala ang kaweirduhan mo, may gusto kasi akong gawin ngayon sa'yo.” “A-ano naman 'yun?” Balak ba nitong sipain siya palabas ng kotse nito? “Gusto mo talagang malaman?” binigyan siya nito nang naghahamong tingin. “Oo, ako pa ba? alam mo naman na curious ako sa lahat ng bagay 'di ba?” “Gusto mo rin bang malaman kung paano magalit isang katulad kong good boy?” Dumukwang siya ng kaunti palapit kay Top. “Paano nga ba?” curious na tanong naman niya. “Ganito.” Lumapit ito at ikinulong ang mga pisngi niya sa magkabilang palad nito. Hindi na siya nakakilos pa dahil masyadong naging mabilis ang kilos ni Top. Yumuko ito at walang paalam na inangkin ang mga labi niya. Halos mabaliw siya sa biglang pagdagsa ng matinding sensasyon na epekto nang paghalik nito sa kaniya. Hindi niya magawang pigilan ito dahil kusang kumilos ang mga labi niya para damahin ang init ng matamis na halik na pinagsasaluhan nila. Lasang mint ang mga labi ni Top at sa totoo lang ay nagsisimula na siyang ma-adik sa lasang iyon. Malakas na napaungol siya dahil sa matinding pagtutol ng wala pang ilang segundo ay pakawalan na nito ang mga labi niya. Habol nilang dalawa ang paghinga nang magtama ang mga mata nila. Nagulat siya sa ginawa ng binata pero aaminin niya na nagustuhan niya iyon. Bumigay agad ang puso niya sa loob lang ng isang segundo. Napansin niya na nag iwas ng tingin sa kaniya si Top kaya hindi na lang siya nagsalita pa. Muli nitong binuhay ang makina ng kotse at inabala na ang sarili sa pagmamaneho. Mayamaya ay palihim na sinulyapan niya ito. Natunaw sa kilig ang puso niya nang makita na namumula ang paligid ng tenga nito. Alam niyang nagblush ang loko at alam niyang dahil sa ginawa nila kaya nagkaganoon ito. Ibinaling niya ang pansin sa salamin ng kotse at gumuhit ng hugis puso doon gamit ang daliri niya. I’m getting married… I am really getting married… paulit ulit na kinanta niya iyon sa isip.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD