Pasado alas nuwebe y medya na ng umaga pero wala pa ring natatapos na trabaho si Top. Kanina pa siya nakapangalumbaba sa table niya at pilit na nag iisip ng paraan kung paano niya malulusutan ang problemang pinasok niya.
Ngayon niya pinagsisihan kung bakit nagpauto siya kay Marcus. Nangako ito na hindi siya madadamay sa plano nitong pagdukot kay Roxanne. Nang una ay pinigilan niya ito sa plano nito pero masyadong magaling mangumbinsi ang kapatid niya kaya sa huli ay napasunod siya nito sa gusto nitong mangyari. Pero hindi niya akalain na kahit si Jhanna ay madadamay pa sa problema nilang magkapatid. Ang masaklap pa ay gusto siyang hawakan ng babae sa leeg dahil lang sa mga natuklasan nito.
Naiinis na nasabunutan niya ang sarili. Kung katulad lang siya ni Marcus na masyadong mautak ay baka kinidnap na rin niya si Jhanna at pakakawalan lang niya ito sa oras na matapos na ang problema nila. Nang marinig niyang tumunog ang cellphone niya ay mabilis na dinampot niya iyon sa pag aakalang si Marcus ang tumawag.
“'Tol,”
Natampal niya ang noo nang marinig ang boses ni Rolf sa kabilang linya.
“Ano ka ba? bakit ngayon ka lang tumawag? Alam mo ba kung ano ang ginawa ni kuya Marcus?” singhal niya sa kabilang linya.
Kahit mas matanda ng dalawang taon sa kaniya si Rolf ay pantay lang ang turingan nila sa isa’t isa. Kay Marcus lang talaga siya takot kaya ito lang ang tinatawag niyang kuya.
“May problema ba?”
“Malaki! Malaking malaki!” sagot niya at mabilis na ipinaliwanag ang ginawa ng magaling nilang kuya.
Sa halip na mag alala ay parang natuwa pa si Rolf dahil parang hindi na matapos tapos pa ang paghalakhak nito.
“Nagawa talaga ni kuya 'yun? May itinatago rin naman palang kilig sa katawan ang isang 'yun.”
“Anong kilig? Hindi mo ba naiintindihan ang sinabi ko? pwedeng magkaproblema si kuya dahil sa oras na makalabas sa media ang ginawa niya ay masisira ang credibility niya bilang isang kilalang abogado.” Nanggigigil na sabi pa niya.
“Wala ka bang tiwala sa kuya natin? Mukhang tigre lang 'yun pero marunong siyang magpaamo ng tao kaya pabayaan mo na lang siya.”
“Nag aalala ako dahil ilang araw ko na siyang hindi macontact. Hindi ko nga alam kung saan niya dinala si Roxanne.”
“Umandar na naman ang pagiging lola’s boy mo, lahat na lang ba kailangan mong problemahin? Maaga kang tatanda niyan.”
“Responsable lang ako at ayokong mapahamak si kuya Marcus.” Giit niya.
“Sus, malaki na siya. Mabubuhay siya kahit ikulong mo pa ng isang buwan sa virgin island kaya huwag ka nang mag isip pa. Ang mabuti pa intindihin mo ang fiancée mo—”
“Fiancee?”
“Oo, fiancée, umuwi ako ngayon sa bahay kaya sinabi sa akin ni lola ang tungkol sa inyo ni Jhanna. Nandito nga pala ang fiancée mo ngayon at nag aaral magluto, may pa-cooking lesson si lola Ignacia.” Sabi nito saka humagalpak ng tawa.
“Sh~t!” kahit hindi niya hilig ang pagmumura ay hindi naman niya iyon mapigilan lalo pa at matinding stress na talaga ang inaabot niya kay Marcus at Jhanna.
“Aw, my little brother, mainit na nga yata talaga ang ulo mo kasi nagmumura ka na. Baka mamayang gabi hindi ka makatulog niyan, magmumog ka ng holy water mamaya, okay?”
“Pwede ba?!”
Narinig niyang tumawa ng malakas si Rolf. Mas lalo pang uminit ang ulo niya ng walang paalam na putulin nito ang tawag.
Madilim ang mukha na tumayo na siya. Hindi rin naman siya makakapagconcentrate habang nasa opisina siya kaya nagdesisyon siyang umuwi para mabantayan si Jhanna. Baka kasi bigla itong madulas at masabi sa lola niya ang tungkol sa sikreto nila.
Saktong kinukuha na niya ang susi ng kotse sa drawer nang makarinig siya ng mga katok mula sa labas ng pinto. Hindi pa man siya nagbibigay ng signal ay kusang bumukas na ang pinto at iniluwa niyon ang daddy ni Jhanna, si tito Samuel.
“T-tito?”
“Pwede ba tayong mag usap?” anito at binigyan siya ng makahulugang tingin.
Natigilan siya at nang makabawi ay napipilitang tumango. Hindi niya matagalan ang kakaibang tingin sa kaniya ni tito Samuel. Kung tingnan kasi siya nito ay parang may ginawa siyang masama sa unica hija nito.
Wala siyang maalalang ginawa niya kay Jhanna kaya bakit—
You kissed her. Idiot!!! Sigaw ng kabilang bahagi ng isip niya.
Oh shoot! Dapat na ba siyang kabahan?