Hindi mapigilan ni Jhanna ang mapangiwi habang hinihipan niya ang namumulang palad. Ilang beses na siyang napaso at natalsikan ng mainit na langis habang nagluluto ng pritong bangus. Pakiramdam niya ay nangangapal na ang balat niya sa kamay dahil sa matinding sakit.
Mangiyak ngiyak na pinagmasdan niya ang mga kamay niya. Bigla ay parang gusto niyang pagsisihan na pumayag siyang pagsilbihan ang pamilya ni Top. Baka mapaaga ang buhay niya dahil sa ginagawa niya ngayon. Pero alam niya na wala na iyong atrasan pa kaya kahit siguro magkapaltos ng malala ang mga kamay niya ay hindi siya titigil. Wala sa bokabularyo niya ang umatras sa laban.
Pagkatapos niyang mailuto ang pritong bangus ay inihanda na niya ang mga pagkain sa mesa. Day off ngayon ng kasambahay kaya halos siya ang gumawa ng trabaho nito. Kanina ay naglinis siya ng bahay at nagdilig ng mga halaman sa garden ni lola Ignacia. Hindi na rin siya nakatanggi pa nang gawin siya nitong alalay nang mamili ito sa palengke. Ngayon naman ay tinuruan siya nitong magluto ng sinigang na baboy at magprito ng isda.
Hindi siya marunong magluto kaya nahirapan siyang sundin ang mga instruction nito. Nastress siguro ito dahil ilang beses siyang nagkamali kanina kaya bago pa siya matapos sa pagluluto ay nagpaalam na ito na magpapahinga na muna.
“Done!” napapalakpak siya sa tuwa nang matapos siya sa paghahain ng mga pagkain sa mesa.
Naglagay na rin siya ng mga plato at nagtimpla ng malamig na orange juice. Ang sabi ni lola Ignacia ay tinawagan nito ang dalawang apo at anak nito para umuwi ngayong tanghali. Hindi daw nito matawagan si Marcus at hindi naman niya ipinagtaka iyon. Sigurado siya na walang kamalay malay ang matanda sa ginawa ng panganay na apo nito. Sa totoo lang ay nangangati na ang dila niya na sabihin ang nalalaman niya pero may kasunduan sila ni Top. Nangako ito na pag iisipan nito ang ibinigay niyang kondisyon.
Napangisi siya nang maalala ang binata. Siguradong wala na itong takas sa kaniya. Parang gusto tuloy niyang pasalamatan si Roxanne dahil ito ang lumutas sa problema niya. Nararamdaman na niya ang tagumpay. Naaamoy na niya ang milyones na pinakihihintay niya.
Narinig niya ang malakas na pagbusina ng sasakyan kaya nagmamadali siyang kumilos at lumabas ng bahay. Siguradong natutulog pa sila Rolf at lola Ignacia kaya siya na ang nagkusang magbukas ng gate. Nang makita ang kotse ni Top ay nakangiting kumaway siya kahit hindi naman niya ito nakikita dahil tinted ang salamin ng kotse. Ipinarada ng lalaki ang kotse sa garahe at bago pa man niya maisara ang gate ay patakbong lumapit na ito sa kaniya para tulungan siya. Napangiti na lang siya at hinayaan si Top na isara ang gate.
Gentleman talaga…
“Anong nangyari sa kamay mo?”
“Ha?” natitigilang sambit niya.
Malakas napasinghap siya nang abutin nito ang namumulang palad niya.
“W-wala ito, napaso lang ako kanina habang nagluluto ako ng sinigang.”
Napansin niya ang pagdilim ng mukha nito at ang pagpapakawala nito ng malalim na buntong hininga. Kagat labing pinagmasdan niya ang maamong mukha ni Top. Ngayon lang niya napansin na wala pala itong suot na eyeglasses. Bumagay dito ang kulay brown na contact lens dahil mas lalong na emphasize niyon ang magandang hugis ng mga mata nito.
“Okay lang naman ako, paso lang ito, malayo sa bituka.”
Mahinang sabi niya. Tinangka niyang bawiin ang palad pero hindi siya nito pinakawalan.
Syet. Ang puso ko hindi okay. Bitiwan mo na ako please?
“Hindi ka nag iingat, sa susunod kung hindi mo naman kaya pwede mo namang sabihin kay lola para hindi ka niya pilitin.” Panenermon pa nito sa kaniya.
Hindi niya makuhang mainis sa sinabi nito. Para kasing mas natutuwa pa ang puso niya dahil alam niyang nag aalala ito sa kaniya. Alam niyang napipilitan lang itong harapin siya. Nasobrahan nga siguro talaga ito sa pagiging good boy kaya hindi siya nito magawang itaboy ngayon. Kaya hindi niya mapigilan na makaramdam ng kakaibang emosyon.
Masyado pa sigurong maaga pero kailangan na niyang aminin sa sarili niya na attracted na siya kay Top. Hindi ito mahirap magustuhan dahil maliban sa napakagwapo nito ay mabait pa ito at gentleman.
Alam niyang malayong malayo si Top sa ideal man niya. Mas gusto kasi niya ang lalaking katulad ng mga ex boyfriend niya na kung hindi miyembro ng indie band ay motor racer naman. Mahilig siya sa mga adventure at malamang na wala siyang makuhang ganoon kay Top. Oo nga at successful ito sa buhay pero wala itong kahit isang porsiyento man lang ng pagiging adventurer sa katawan. Pero kahit na anong layo pa ng agwat nito sa kaniya ay unti unti namang nalalapit ang puso niya dito. Crush na nga siguro talaga niya ito.
“Baka naman sabihin ng lola mo, tamad ako. Ayokong mapintasan nila,”
Sanay na siyang pinipintasan ng ibang tao kaya hindi niya alam kung bakit pagdating sa pamilya Geronimo ay big deal sa kaniya na may masabi ang mga ito. Napahinga na lang ulit ng malalim si Top at matagal na tumitig sa kaniya. Parang gusto rin tuloy niyang magpakawala ng malalim na buntong hininga dahil biglang lumobo ang puso niya sa kilig nang magtama ang mga mata nila. Halos hindi na niya magawang ikurap ang mga mata. Ibinuka niya ang mga labi pero walang boses na umalpas mula sa lalamunan niya.
Natigilan si Jhanna nang maingat na hawakan ni Top ang palad niya at marahang hinila siya nito papasok sa loob ng bahay. Nadatnan nila si lola Ignacia sa sala na abalang nanonood ng TV. Tumayo ito nang makita silang dalawa. Hindi nakaligtas sa kaniya ang pagngiti ng matanda nang mapasulyap ito na magkahawak kamay sila ni Top.
“Kakain na tayo, si Jhanna ang nagluto ng paborito mong sinigang at pritong bangus.” Nangingiting sabi ni lola Ignacia.
“Mamaya na po, kailangan na pong magamot agad ang mga paso sa kamay ni Jhanna.”
Kinalabit niya ang binata. “Okay lang ako, promise. Humihinga pa naman ako 'di ba?”
Pero hindi siya nito pinansin. Hinila lang siya nito paakyat sa second floor ng bahay kung saan naroon ang kwarto nito.
“Diyan ka lang, huwag kang aalis diyan,” seryosong utos nito nang alalayan siya nitong maupo sa kama.
“Saan naman ako pupunta?” natatawang biro niya. Hindi umubra ang ginawa niya dahil binigyan lang siya nito ng blangkong tingin bago bumaling sa bedside table at naghalungat sa drawer.
Ang seryoso talaga ng isang ito…
Nakita niyang tinanggal nito ang takip ng ointment saka ito naupo sa tabi niya. Wala silang imikan habang ginagamot nito ang mga paso siya sa kamay. Maingat ang pagdampi nito ng ointment sa balat niya na para bang natatakot itong masaktan siya. Hindi na naman tuloy niyang mapigilan ang muling paglambot ng puso niya. Nang magsabog siguro ng charm at kabaitan ang langit ay gising na gising si Top kaya sinalo nito ang lahat ng mga iyon.
Naaaliw na pinagmasdan niya ito habang nakayuko ito at patuloy sa paggamot sa kamay niya.
“Top,”
“Hmmm?”
“Nakapagdesisyon ka na ba?”
“Saan?” parang walang anuman na tanong nito.
Itinaas nito ang kamay niya saka iyon hinipan ng ilang beses. Kamuntik na siyang mapaigtad nang dumampi sa balat niya ang mainit na hininga nito. Napalunok na lang siya at pilit na kinalma ang sarili.
“'di ba nga papakasalan mo ako?” tanong niya at sinundot ng daliri ang noo nito. Nagulat naman ito sa ginawa niya kaya mabilis na nag angat ito ng tingin sa kaniya.
“Hindi ka pa rin ba nakakapagdesisyon? Naiinip na ako.”
“Hindi naman kasi ganoon kadali ang hinihingi mo sa akin, alam mong hindi dapat na ginagawang biro ang pagpapakasal.”
“Amen. Ipapaliwanag ko sa'yo ng mabilis para maintindihan mo. Kailangan ko ng pera—”
“Pahihiramin kita, magkano ba?”
“Nope, hindi ako tumatanggap ng tulong sa hindi ko kamag anak. Alam kong mayaman ka pero hindi ko matatanggap ang tulong mo. Kay tita Sanya ako humingi ng tulong at may kondisyon siyang ibinigay sa akin.”
Walang prenong ipinaliwanag niya kay Top ang naging kasunduan nila ng tiyahin niya.
“Nangako si tita na sa oras na magpakasal ako ay makukuha ko na ang limang milyon. Nangako rin siya na kapag umabot ng anim na buwan ang pagsasama natin ay hindi ko na kailangan pang bayaran ang hiniram kong pera, willing din siyang tulungan ako.”
“Pwedeng magtanong?”
“Shoot!”
“Bakit ako?”
“Anong bakit ikaw?” nakakunot ang noong tanong niya.
“Maraming lalaki diyan, bakit sa akin mo gustong magpakasal?”
“May utang ka sa akin, ano na lang ba ang pagpapakasal? May annulment naman, kapag nagpakasal na tayo marami na akong pera kaya mapapabilis lang ang pagproseso kapag gusto na nating maghiwalay.”
“Paano kung magkagusto ka sa akin o ako ang magkagusto sa'yo, maghihiwalay pa rin ba tayo pagkatapos ng six months?”
Para siyang tinamaan ng malakas na kidlat dahil sa narinig. Umawang ang mga labi niya at hindi makapaniwalang sinalubong ng tingin si Top. Nagiging aggressive na naman ito. Kahit pala gentleman ay may itinatago itong kalokohan. Naalala na naman tuloy niya ang ginawa nitong paghalik sa kaniya noong isang araw.
Ano ba Jhanna Nykole. Matauhan ka nga! Daig mo pa ang nakakita ng multo!
Kumurap ang mga mata niya at ng kahit paano ay makabawi siya ay nagpakawala siya ng pekeng tawa. Tinapik pa niya ang balikat ni Top kahit ang totoo ay nag iinit ultimo ang talampakan niya sa sinabi nito.
“Ano ka ba, hahahaha! Grabe ka hahahaha! Ang funny mo naman eh, hahahaha!” hindi niya alam kung ano ang pumasok sa utak niya dahil dumukwang siya at ipinaloob ang malambot na mga pisngi nito sa mga palad niya.
“Wala nga akong maramdamang sparks kahit na ganito na ako kalapit sa'yo eh, tapos magkakagusto pa ako sa'yo? professional 'to uy! Tingnan mo kahit halikan pa kita, wala akong mararamdamang thrill.” Mas lalo pa niyang inilapit ang mukha niya sa mukha ni Top at pinaulanan niya ng halik ang bawat sulok ng mukha nito.
Gusto niyang pakalmahin ang sarili pero paano naman niya gagawin iyon kung kulang na lang ay matunaw na siya sa nararamdaman niyang init na dumadaloy sa buong himaymay niya. Dumampi ang mga labi niya sa tungki ng ilong ng binata. Wala siyang balak na halikan ang mga labi nito at ipagkanulo ang sarili niya kaya ang unang balak niya ay lumayo na. Pero hindi ito pumayag na sa ganoon lang matapos ang paghalik niya. Nagulat na lang siya ng hapitin siya nito sa baywang at walang paalam na inangkin nito ang mga labi niya.
Namilog ang mga mata niya at malakas na napasinghap. Awtomatikong napahawak siya sa mga balikat ni Top habang patuloy ito sa pag angkin sa mga labi niya. Umalpas ang mahinang ungol mula sa lalamunan niya. Hindi na niya makontrol pa ang sarili dahil kusang kumilos ang katawan niya para tugunin ang yakap at mainit na paghalik nito.
Iyon ang pinakamatamis na halik na natikman niya sa buong buhay niya. Pakiramdam niya ay kaya niyang gawin ang kahit na anong bagay para lang huwag nang matapos pa ang espesyal na sandaling iyon. Pero hindi pinakinggan ng langit ang dasal niya dahil pagkalipas ng ilang segundo ay pinakawalan na ni Top ang mga labi niya.
“Wala pa rin bang sparks?” hinihingal na tanong nito habang masuyong hinahaplos nito ang likod ng ulo niya.
Nakagat niya ang ibabang labi at tumitig sa gwapong mukha nito. Sa tingin niya ay hindi na niya kailangan pa ng sparks dahil para siyang hinagupit ng malakas na alon nang halikan siya nito.
Tumatahip ang dibdib sa matinding kaba na ngumiti na lang siya at pinisil ang kaliwang pisngi nito.
“Kailangan mo na nga talaga akong pakasalan, masyado ka nang nasasanay na halikan ako.”
Malakas na napahalakhak si Top. Nakakataba ng puso na marinig ang masiglang pagtawa nito. Masarap iyong pakinggan dahil parang kinikiliti sa sobrang tuwa ang puso niya. Alam niyang kunwari lang ang lahat pero hindi nakikinig ang puso niya kahit na sawayin pa niya iyon. Kahit anong gawin niya ay hindi niya kayang gumawa ng invicible shield kaya hindi niya maprotektahan ang puso niya mula kay Top.
Pwede nga kaya na hayaan niya ang sarili na unti unting mahulog kay Top?
Ang malakas na katok sa pinto ang gumising sa naglalakbay niyang diwa. Natatarantang tumayo siya at nagmamadaling lumabas na ng kwarto ni Top. Tinatapik tapik pa niya ng bahagya ang nag iinit na mga pisngi nang masalubong niya sa labas ng pinto si lola Ignacia.
“Bakit parang nakakita ka ng multo?”
Nahihiyang ngumiti siya at inakbayan ito.
“Nag away ba kayo ni Top? Naninibago ako sa'yo, sobrang tahimik mo ngayon, kanina naman napakadaldal mo.”
“Hindi po kami nag away,”
Pabirong siniko siya nito. “Dinaan ka ba sa pwersahan?”
Muli ay nag init ang mga pisngi niya. Nahihiyang tumango siya.
“Parang ganoon na nga po,”
Sabay pa silang natawa ni lola Ignacia. Parang gusto niyang yakapin ng mahigpit ang lola ni Top. Love na talaga niya ito. Kung wala kasi ang matanda ay baka kanina pa siya kumaripas ng takbo palabas ng bahay.
Hay, heart! Kumalma ka naman kasi. Parang ngayon ka lang nahalikan ng gwapong nilalang.