11

1315 Words
“Ilang taon ka na nga ulit, Jhanna?” Mula sa pagsubo ng paborito niyang chocolate cake ay napilitang mag angat ng tingin si Jhanna nang marinig ang tanong ni tita Miranda. Pinsan ito ng kaniyang ama at siyang pinakamatanda sa pamilya nila. Reunion ng pamilya Diolan at dahil parehong abala ang daddy Samuel at tita Sanya niya kaya siya ang pinamadala ng mga ito bilang representative. Kung siya lang ang masusunod ay wala siyang balak na magpakita sa family reunion. Alam niyang hindi siya gusto ng mga kamag anak nila dahil kahit noon pa man ay parang natatakot na ang mga itong lumapit sa kaniya. Ang ilan kasi sa mga pinsan niyang lalaki ay nakatikim na ng bagsik niya. Noong bata palang siya ay mahilig siyang manood ng wrestling at ang iba sa mga pinsan niyang nakakalaro niya noon ay pinatikim niya ng suntok at sipa niya. Madalas tuloy na napapahiya ang daddy niya dahil sa mga kalokohan niya. Ang mga matatanda naman sa pamilya nila ay halos isuka na siya. Pinaghinalaan pa nga siya ng mga ito na may ADHD noong bata palang siya. Alam niyang hindi naman dapat siya magtanim ng galit sa pamilya nila pero kapag naiisip niya ang mga naranasan nya noon ay hindi talaga maiwasan na sumama ang mood niya. “Twenty nine na po,” balewalang sagot niya. “Wala ka pang balak na mag asawa?” “May papatol ba naman sa isang katulad ni Jhanna na—” “Milagros.” Nagkibit balikat na lang siya kahit na nagtinginan ng makahulugan ang magkapatid. Sanay na siya sa pagpaparinig ni tita Milagros. Alam niyang may sama ito ng loob sa kaniya dahil pinatikim niya ng uppercut ang nag iisang anak nitong si Jimbo. Kung tutuusin ay hindi naman niya iyon kasalanan dahil masyado pa siyang bata ng mangyari iyon. Kung hindi siya inasar ng pinsan niya ay hindi naman niya ito sasaktan. Dahil sa nangyari ay nagalit sa kaniya ang ina nito. Humingi naman siya ng tawad pero masyadong matigas ang mag ina at sa huli ay ipinagkalat pa ni tita Milagros na batang may sayad daw siya dahil gusto niyang manakit ng ibang bata. “Totoo naman ang sinasabi ko, 'di ba?” nakairap na tanong ni tita Milagros sa panganay na kapatid nito. “Hindi ka dapat nagsasalita ng ganyan sa harap ni Jhanna,” “Oo nga po, hintayin na lang po ninyong tumalikod ako para mas mag enjoy po kayo na pag usapan ako.” Biro niya. Pinigilan niyang mapahagalpak ng tawa ng parehong namutla ang mga ito. Bakit pa kasi ako nagpauto kay daddy na pumunta sa pesteng reunion na ito! Napapailing na inilibot niya ang mga mata sa malawak na garden ng bahay ni tita Miranda. Nakapag asawa ng Canadian businessman ang pinsan ng daddy niya kaya nakabili ito ng malaking bahay sa Valenzuela. Sa tuwing umuuwi ito ng bansa ay palaging nagkakaroon ng reunion ang pamilya nila. Hindi na nakapagtataka iyon dahil maliban sa gustong magyabang ni tita Miranda ay sabik naman ang mga kamag anak niya na makatikim ng imported na pasalubong. “May boyfriend ka na ba? nasa tamang edad ka na para mag asawa,” “Meron po.” “Talaga?” nakataas ang isang kilay na tanong ni tita Miranda. “May nagkamali?” “Meron naman po,” Lord, pigilan po ninyo ako baka mapatulan ko ang isang ito! “Alam ba ninyo na magpapakasal na sa long time boyfriend niya ang anak kong si Jinny.” “Talaga?” Nagsimula nang magkwentuhan ang magkapatid. Kilala niya ang ugali ng mga ito at malamang na hindi matatapos ang buong maghapon na hindi nagpapasikatan ang dalawa. Ang kwento sa kaniya ng daddy niya ay matagal ng may silent war sa pagitan nila tita Milagros at tita Miranda. Nag away ang mga ito ng dahil sa isang lalaki pero hindi naman nagtagal ay nagkaayos rin ang dalawa. Duda nga lang siya na talagang maayos na ang relasyon ng magkapatid dahil kahit ngayon na matanda na ang mga ito ay hindi na nawawala pa ang kompetisyon na para bang nakasanayan na lang iyong gawin ng mga ito kapag nagkikita. “Manager sa malaking bangko ang fiancée ng anak ko,” pagyayabang ni tita Milagros. “Ikaw ba, kumusta naman ang binata mo?” “Nasa Canada siya ngayon, naku, papalit palit nga ng kurso dahil wala daw siyang magustuhan. Alam mo naman ang mga genius na bata, mabilis magsawa sa isang bagay. Hinahayaan na lang namin ng asawa ko dahil doon naman siya masaya. Ngayon nga kumukuha siya ng medicine at balak pa niyang lumipat ng New York para doon ituloy ang pag aaral niya.” “Talaga? hindi ba masyadong magastos 'yun?” “Hindi, kaya namin siyang pag aralin kahit sa pinakamahal na university pa sa New York.” Hindi niya pinansin ang pagpapayabangan ng dalawa. Ibinaling niya ang pansin sa mga batang sumasayaw sa man made stage. Aliw na aliw ang ibang naroon habang pinanonood ang mga chikiting. Parang gusto tuloy niyang mainggit dahil halatang nag eenjoy ang mga ito habang siya ay binakuran na ng dalawang atribida. “Pero ang balita ko ay nagbabalak nang magpakasal si Jhanna.” Bumalik na naman sa kaniya ang topic kaya napilitan ulit siyang lumingon sa magkapatid. “Opo, magpapakasal na po ako,” “Sino ba ang lalaking pakakasalan mo? Iyong boyfriend mong miyembro ng indie band? Na-tokhang daw ang pamilya ng lalaking 'yun, o baka si Atong na schoolmate ni Jimbo? Ang balita ko ay naaksidente ang isang 'yun dahil sa kakapalipad ng motor.” Nakataas ang noo na hirit ni tita Miranda. Hindi na niya gusto ang nangyayari. Nagmumukha na siyang tanga at nakakaawa dahil kung insultuhin siya ng mga ito ay parang siya na ang pinakawalang kwentang tao sa mundo. Ikinuyom niya ang mga palad at sinalubong ng matapang na tingin si tita Miranda. Kung kaedad lang siguro niya ito ay baka kanina pa niya ito pinatulan. Mas lalo pa siyang nanggigil sa inis nang ngumiti ito. Nahalata siguro nito na napipikon na siya. Malamang na hinihintay lang nito na gumawa siya ng eskandalo para mapag usapan na naman siya ng buong pamilya nila. Hinga ng malalim…one..two…three… “Good afternoon po,” Napaigtad siya nang marinig ang pamilyar na boses ni Top. Mabilis na lumingon siya sa bandang kaliwa niya kung saan niya narinig ang boses nito. Halos hindi siya makapaniwala nang makita niya itong nakatayo sa harapan niya. Syet! Ang gwapo niya! pigil niya ang paghinga habang pinagmamasdan niya ito. Hindi siya sanay na makita itong nakasuot ng white long-sleeved shirt at black pants kaya siguro ganoon ang naging reaksiyon niya. Hindi ito pormal tingnan at hindi rin naman masasabing rugged. Bumagay dito ang porma dahil parang mas bumata itong tingnan ngayon. Walang mag aakala na isa pala itong businessman dahil mas tamang sabihin na mukha itong commercial model. “Pasensiya na po kung medyo nahuli ako ng dating, late ko na po kasing nalaman na pupunta pala sa family reunion ang fiancée ko.” Magalang na bati ni Top. “Fiancee? Sino ba sa mga pamangkin ko ang fiancée mo?” “Baka naman si Liana?” singit ni tita Milagros. Si Liana ay ang pinakamaganda sa kanilang magpipinsan. International flight stewardess ang trabaho nito kaya madalas itong ipagmalaki ng mga kamag anak nila. Sa halip na sumagot ay ngumiti si Top at sinalubong siya nang naaaliw na tingin. “Si Jhanna po ang fiancée ko,” anito. “Ano?!” magkasabay na bulalas ng dalawang atribida sa buhay niya. Gusto sana niyang mapahagalpak ng tawa dahil sa kakaibang reaksiyon ng mga ito. Pero paano niya gagawin iyon ngayon kung pakiramdam niya ay hinahalukay sa kaba ang sikmura niya? Hindi niya masyadong naintindihan ang sinabi ni Top kaya huli na nang maiproseso iyon ng utak niya. Fiancée? Sinabi niyang fiancée niya ako?!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD