12

1659 Words
“Ano nga pala ang trabaho mo?” “Hindi ka mukhang member ng banda at higit sa lahat hindi ka rin mukhang bad boy, anak ka ba ng politiko?” “Oh, baka naman anak ng businessman?” Hindi pinansin ni Jhanna ang walang tigil na pagtatanong ng dalawang tiyahin niya. Walang sawang tumitig na lang siya sa gwapong mukha ni Top at hindi na nagawang magsalita pa. Tinawag niya akong fiancée niya, totoo ba talaga ito? “Mukhang mayaman 'eh, baka instant millionaire ka lang dahil sa drugs, ha? bawal sa pamilya namin 'yan.” Hirit ni tita Milagros. Umeksena na siya bago pa man may masabing hindi maganda ang magkapatid. Nilingon niya ang mga ito at nakataas ang noo na nagsalita siya. “Businessman po si Top, siya po ang may ari ng Lucky 7.” “Ikaw ang may ari ng Lucky 7? Ang balita ko ay marami ang gustong bumili ng franchise sa convenience store mo kaya lang ay ayaw mo naman daw pumayag.” Hindi makapaniwalang bulalas ni tita Miranda. “Mayaman ka?” gulat na tanong naman ng kapatid nito. Sa halip na sumagot ay nahihiyang ngumiti na lang si Top. Naaliw siya nang makita ang naging reaksiyon nito. Halata kasi na hindi ito sanay na pinag uusapan ng ibang tao ang mga achievements nito sa buhay. Ang sarap tuloy pisilin ng pisngi nito at tuksuhin ito hanggang sa tuluyan na itong mamula sa hiya. “Mga tita, alam ko po kung ano ang iniisip ninyo at ako na po ang nagsasabi sa inyo na hindi nga kayo nagkakamali ng hinala. Hindi lang po talaga sanay ang fiancée ko na pinag uusapan ang tungkol sa negosyo niya.” Kung siya lang ang masusunod ay baka nagtalumpati pa siya sa harap ng mga tiyahin niya. Nangangati na ang dila niyang ipagyabang sa mga ito kung gaano kayaman ang mga Geronimo. Pero hindi naman niya iyon magawa dahil baka hindi iyon magustuhan ni Top. Masyado kasi itong down to earth kaya baka mainis lang ito sa kaniya kapag pinairal niya ang kalokohan niya. Totoo naman ang sinasabi niya na mayaman ang mga Geronimo. Hindi nga lang iyon mapapansin agad ng mga tao dahil kahit na maunlad na ang buhay ng pamilya ni Top ay nakatira pa rin ang mga ito sa lumang bahay ni lola Ignacia. Nag boom ang negosyo ni tito Samuel at sa pagkakalaam niya ay nationwide na kung magsupply ng mga chicarya ang kompanya nito. Maliban sa ilang branch ng Lucky 7 ay nakabili rin ng apat na commercial building si Top. May balak pa nga raw itong magpatayo ng restaurant at coffee shop, ayon kay lola Ignacia. Si Marcus naman ay kilalang abogado at mga bigatin ang kliyente nito kaya sigurado siya na marami rin itong pera. Kahit si Rolf ay hindi magpapahuli sa financial status ng dalawang kapatid dahil sigurado siya na malaking ang sweldo ng katulad nitong computer programmer. “Mga mukha ba kaming holdaper para pag interesan naming pagnakawan ang fiancée mo? Gusto lang naman naming makasiguro ng tita Milagros mo na mapupunta ka sa isang mabuting lalaki.” Wow ha? parang kanina lang panay ang pang iinsulto ninyo sa akin. “Kaano ano mo nga pala si attorney Marcus Geronimo? Pareho kayo ng apelyido at saka magkahawig kayo. Napakagaling ng attorney na iyon at higit sa lahat napakagwapo pa. Naalala ba ninyo ang kaso ni Samantha Morales? Mabilis na umusad ang kaso at naipanalo pa ni attorney Marcus ang kaso ni Samantha laban sa asawa niya.” Hirit pa nito. Pamilyar sa kaniya ang malaking eskandalong kinasungkutan ng beauty queen na si Samantha Morales. Nambabae at nagloko ang asawa nito na isa pa naman senador. Mahirap kalaban si Senator Morales dahil sa yaman at koneksiyon nito. Ilang taon na nagtiis ang misis nito sa pambababae at p*******t nito dahil walang abogado ang maglalakas loob na kalabanin ang senador. Hindi niya alam kung ano ang eksaktong nangyari –dahil hindi naman siya mahilig manood ng mga balita sa TV—basta ang alam lang niya ay nabulgar ang lahat ng kasamaan ni Senator Morales ng dahil na rin sa kagagawan ni Marcus. “Kapatid ko po si attorney Geronimo.” magalang na sagot ni Top. Nakagat niya ang ibabang labi at nagpigil ng tawa nang mapansin niya ang pamumutla ng dalawang matanda. Nalilitong tumingin pa ang mga ito sa kaniya bago nagmamadaling tumayo si tita Milagros at hinila ang nakatulalang kapatid. Parang mga nakakita ng multo na mabilis na tumayo ang mga ito at nagpaalam na. Ngumiti lang siya at kinawayan pa sila tita Milagros. “Anong nangyari? hindi ba nila nagustuhan ang sinabi ko?” nagtatakang tanong ni Top sa kaniya. Natatawang umiling siya. “Umalis sila agad kasi halatang hindi sila makapaghintay na itsismis ako sa mga kamag anak namin. Naghintay lang sila na may makitang hindi maganda sa'yo kaya marami silang tanong kanina.'eh, ang kaso wala silang maipintas sa'yo kaya parang mga naluging intsik na iniwan na lang nila tayo.” Paliwanag niya. Nakakunot ang noo na nilingon siya nito. “Bakit naman nila gagawin iyon?” “Kasi parang teleserye ang buhay ko na sinusubaybayan nila ang bawat episode.” “Bakit naman?” “Dahil…..” tumingin si Jhanna sa stage at pinagmasdan ang pink na mga lobo bago muling nagsalita. “…ako lang ang walang mommy sa aming magpipinsan, ang sabi nila wala daw kasi akong mommy kaya lumaki akong, alam mo na…baliw, loka-loka, may sayad, maldita, weird—” “Weird but beautiful,” “Ha?” oh, Lord, tama po ba ako ng dinig? Ayokong magmukhang assuming. “W-wala, ang sabi ko matagal ko nang alam na weird ang tingin nila sa'yo.” Sagot nito at mabilis na nag iwas ng tingin sa kaniya. “Parang tatlong beses lang bumuka ang bibig mo kanina, nagsisinungaling ka sa akin.” Naniningkit ang mga mata na sabi niya. Hindi ito nagsalita. Ibinaling lang nito sa ibang direksiyon ang tingin at parang walang naririnig na basta na lang nito inisang lagok ang baso ng juice na hawak nito. Nakita niya ang pamumula ng paligid ng tenga nito. Siguradong nagblush ito dahil alam nito na nabuking niya ito. Parang pinilipit sa kilig at tuwa ang puso niya. Napailing na lang siya at hinawakan ang isang kamay ni Top. Gulat na napalingon naman ito sa kaniya. “Anong—bakit—” “Alis na tayo, boring dito. Mas masarap magroad trip kaysa makinig sa kabaduyan ng mga kamag anak ko.” “Jhanna—” “Let’s go!” hinila niya ito palayo sa party. Hindi na ito tumutol pa nang utusan niya itong dumiretso sa parking lot at i-start ang engine ng kotse nito. Siya naman ay nagpunta sa kitchen at pumuslit ng bote ng red wine at kahit ang mga pagkain sa ref ay hindi niya pinalampas. Kinuha niya ang botelya ng Nutella at malaking plastic ng slice bread. Inilagay niya ang mga iyon sa malaking eco bag na nakuha niya sa ibabaw ng ref saka siya nagmamadaling tumakas. “Surprise!” nakangiting ipinakita niya kay Top ang mga bitbit niya nang sumakay siya ng kotse nito. Inilabas niya mula sa loob ng eco bag ang alak at mga pagkain. May dala rin siyang kutsara at dalawang wine glass. Maraming wine glass na koleksiyon ang tiyahin niya kaya alam niyang hindi nito mapapansin na kumuha siya ng dalawa doon. Binigyan lang siya ng binata nang nagtatakang tingin at ng sa huli ay maisip nito kung ano ang ginawa niya ay agad na namutla ito. “Ano na naman ang ginawa mo, Jhanna Nykole?” Napalabi siya nang mapansin ang reaksiyon ng lalaki. Parang gusto siya nitong sermunan at utusan na ibalik ang mga kinupit niya sa kitchen ni tita Miranda. No way! “Alam mo ba na masama ang ginawa mo?” “Alam ko,” “Alam mo naman pala pero bakit ginawa mo pa rin?” Itinago niya sa tagiliran niya ang mga dala niya at inirapan ito. “Mag aaway lang tayo kapag inutusan mo akong ibalik sa loob ang mga kinuha ko, mayaman naman sila kaya balewala lang itong mga dinekwat ko. Gusto ko lang talagang makaganti dahil maraming nagawang hindi maganda sa akin ang mga 'yun.” Giit niya. Sinalubong siya nito ng blangkong tingin kaya nagpatuloy siya at ipinaliwanag kay Top kung bakit masama ang loob niya sa dalawang tiyahin niya. Pagkatapos niyang magpaliwanag ay nagkaroon na ng ekspresyon ang mukha nito. Kumalat ang matinding inis sa buong mukha nito at saka tinapunan ng tingin ang hawak niyang bote ng wine at mga pagkain. “Yan lang ba? sana dinala mo na lang 'yung buong lechon para mataranta sila sa paghahanap.” Hindi makapaniwalang tiningnan niya ito. Alam niyang nakakatawa na ang hitsura niya dahil nakaawang ang mga labi niya at namimilog pa na parang bola ang mga mata niya. Kulang na lang ay sumabog na ng malakas ang dibdib niya dahil sa maraming emosyon na biglang bumalot sa kaniya. “Babalik pa ba ako sa loob?” natitigilang tanong niya. Mabilis na umiling si Top at pinaandar na ang kotse. “Nope, hayaan mo silang mabaliw sa paghahanap ng nutella.” Ani Top. Malakas na napasinghap siya at nang makabawi ay malakas na napahalakhak na lang siya. Mas lalo pang lumakas ang mga tawang pinakawalan niya nang magtama ang mga mata nila. Magkasabay silang tumawa hanggang sa pareho na nilang sapo ang mga sikmura nila. Masarap palang tumawa kapag kilalang kilala mo na ang taong kasama mo. Parang ayaw na tuloy niyang matapos pa ang mga sandaling iyon. Habang patuloy sa pagtawa si Top ay natigilan naman siya at kontentong pinagmasdan ito. Dumagundong sa matinding kaba ang puso niya kaya napapalunok na nasapo niya ang kaliwang dibdib. Hay… Top! Ilang linggo palang ang lumipas pero bakit pakiramdam ko komportable na ako kapag nasa tabi kita? Ano bang ginawa mo sa akin?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD