13

1407 Words
“Paano mo natitiis ang ganoong klase ng mga kamag anak? Siguro kung may tiyahin akong kagaya ng mga tita mo, baka sinugod na sila ni lola.” “Sanayan lang, hindi naman ako affected sa mga bitter na 'yun. Hindi ko na lang sila pinapatulan kasi ayokong mastress, nakakasira ng ganda.” Napailing si Top at nilingon si Jhanna na abala sa pagpapalaman ng nutella sa slice bread. Kung magsalita ito ay parang normal na lang talaga para dito ang hindi magandang treatment ng mga kamag anak nito. Hindi niya gusto iyon dahil kahit hindi nito aminin ay alam niyang nasasaktan ito sa ginagawang pang iinsulto ng dalawa nitong tiyahin. “Sana next time pagsabihan mo sila, iparamdam mo sa kanila na hindi mo gusto ang ginagawa nila. Hindi ka naman artista para pag-tsismisan ng buong angkan ninyo.” “Hey,” anito at nagtatakang lumingon sa kaniya. Nagulat siya ng isubo nito sa bibig niya ang hawak nitong slice bread. “Masyado kang seryoso, issue ko naman ito 'eh. Magdrive ka na lang dahil pa marami tayong lugar na pupuntahan.” “Yeah, kung makakaalis tayo agad sa traffic.” Sabi niya habang pinapapak ang tinapay. Inabutan na sila ng traffic. Kung sa ibang pagkakataon siguro ay baka uminit na ang ulo niya dahil mahigit kalahating oras na silang naroon pero parang hindi naman umuusad ang mga sasakyan sa unahan nila. Ang pinakaayaw kasi niya sa lahat ay iyong nasasayang ang oras niya. Pero para sa kaniya ay hindi naman pagsasayang ng oras ang ginagawa nila ngayon. Ano ba ang pakialam niya sa mahabang traffic? Kahit nga siguro may magsuntukan pang traffic enforcer at motorista sa labas ng kotse niya ay hindi magiging problema iyon sa kaniya dahil ang buong atensiyon niya ay nasa babaeng katabi niya. “Hindi ka ba naiinis sa ginagawa nila sa'yo?” tanong pa niya. Hindi agad ito sumagot dahil tinungga na muna nito ang natitirang wine sa hawak nitong wine glass. Dahil naubos na ang dala nilang red wine ay ang beer in can na naroon sa tray holder –na nakapwesto sa pagitan nilang dalawa—ang dinampot nito at ininom nito. “Minsan pero madalas naman wala akong pakialam. Hindi ko naman kasi sila nakikita palagi kaya hindi ko na problema kung ayaw nila sa akin.” Nagpakawala siya ng malalim na buntong hininga at inagaw mula kay Jhanna ang hawak nitong beer saka niya iyon ininom. Bigla kasi ay natuyo ang lalamunan niya nang makita niya kanina na kinagat nito ang ibabang labi. Pagkatapos uminom ng beer ay ilang beses pa siyang napalunok ng hindi sinasadya ay mapasulyap siya sa mapulang mga labi nito. “Hindi ako bibo noong bata pa ako, palagi akong galit noon sa mundo. Siguro dahil wala akong mommy at walang magtatanggol sa akin kapag inaasar ako ng ibang bata kaya natuto akong lumaban. Takot sa akin ang mga pinsan kong lalaki. Nag aral kasi ako ng Judo noong high school ako kaya alam nilang hindi nila ako kayang apihin.” “Hindi naman kailangan na masaktan mo pa sila, ipaliwanag mo lang sa kanila ng maayos.” “Hindi madadala sa maayos na pag uusap ang mga 'yun. Minsan ko na ngang sinubukan na humingi ng sorry 'eh, pero mas lalo lang silang nagalit.” “Sila naman pala ang may problema.” Mula sa pagtanaw sa labas ng bintana ay agad na nilingon siya ng dalaga. “Naiintindihan mo ako?” hindi makapaniwalang bulalas nito. “Ha?” gulat na nasambit niya. “May nasabi ba akong masama—” “No,” anito at mabilis na ikinumpas ang mga kamay niya. “Bihira lang ang mga taong nakakaintindi sa akin at kasama ka sa kanila.” Hindi niya mapigilan ang mapangiti. Kung siya ang tatanungin ay hindi naman mahirap intindihin si Jhanna. Magaan itong kausap at kahit siguro tungkol pa sa mga alien ang pag usapan nila ay hindi siya kokontra. Mananatili lang siya sa upuan ng kahit ilang oras pa at makikinig sa mga walang katapusan nitong kwento. “Madali ka lang naman intindihin, alam mo ba 'yun? Pinagmumukha mo lang talagang complicated at intimidating ang dating mo para matakot ang iba sa'yo.” “P-paano mo nasabi?” “Kasi po, ikaw na rin ang may sabi na noong high school tayo takot kang ma-bully at lapitan ng iba kaya nagsasalita kang mag isa para matakot sila sa'yo.” Bigla itong natawa. “Okay ba ang strategy ko? marami naman ang natatakot sa akin noon 'di ba?” Hindi siya nagsalita at seryosong tiningnan lang niya ito. Natigilan naman si Jhanna at mabilis na ipinitik ang dalawang daliri sa mismong harapan niya. “Uy—” Sa huli ay malakas na napasinghap na lang ang dalaga nang hulihin niya ang kamay nito. Ilang sandali lang ay bumilis na ang t***k ng puso ni Top nang magtama ang mga mata nilang dalawa. “Top….” Natitigilang anas nito. Masuyong pinagmasdan lang niya ito. Kung weird si Jhanna ay siya naman ang pinaka-clingy at weirdong tao kapag nagsisimula na siyang ma-attached sa isang babae. Pero aaminin niya na iba ang klase ng attachment na nararamdaman niya ngayon kompara sa naramdaman niya sa mga niligawan niya noon. Iyon ang klase ng pakiramdam na hindi niya gugustuhin na mawala sa kaniya. “Naisip mo ba minsan na siguro kung hindi mo sila hinayaang isipin na kakaiba ka, baka marami ng nakipagkaibigan sa'yo?” pinisil niya ang palad nito ng wala siyang makuhang sagot. Kumurap lang ang mga mata nito at mabagal na umiling. “Paano kung ayawan pa rin nila ako? May trauma na ako sa rejection, sa mga tiyahin ko lang, quota na ako.” “Bakit ka nila aayawan?” “Bakit hindi?” “Nasabi ko na ba sa'yo na kahit noon pa man ay talagang maganda ka na? maraming manliligaw sa'yo—” “Kasama ka ba sa mga manliligaw na 'yun?” Siya naman ang hindi nakaimik. Kumibot ang mga labi niya pero hindi niya magawang sagutin ang tanong ni Jhanna dahil may mainit na emosyon ang nagpipilit na umalpas sa dibdib niya. “Hindi ko naman sinubukang manligaw noon sa kahit na sino dahil nasa pag aaral lang ang buong atensiyon ko.” Pagdadahilan na lang niya. Sinubukan nitong bawiin ang kamay mula sa kaniya pero hindi niya ito pinakawalan at mas lalo pa niyang hinigpitan ang paghawak sa palad nito. Umusad na ang mga sasakyan sa kalsada kaya muli na niyang itinuon ang atensiyon sa pagmamaneho habang hindi pa rin niya pinapakawalan ang palad nito. Pero kung kailan naman nawala ang traffic ay saka naman bumuhos ang malakas na ulan. Dismayadong napabuntong hininga si Jhanna at sumilip sa labas ng bintana ng kotse. Gusto pa kasi nitong maglibot sila pero hindi na nila magagawa pa iyon dahil siguradong mamaya lang ay babaha na naman sa mga kalsada. “Ayoko pang umuwi,” nakalabing sabi nito nang lumingon sa direksiyon niya. Dumiin ang paghawak niya sa manibela para lang pigilan ang sarili na abutin ito at haplusin ang mamula mulang mga pisngi nito. Napahinga na rin siya ng malalim at nang maalala na may nabili siyang lumang bahay na malapit lang sa lugar na kinaroroonan nila ay mabilis na nagsalita siya. “Marunong ka bang magluto?” Bumaha ang pagtataka sa magandang mukha ni Jhanna. “Depende kung nagustuhan mo ang niluto ko dating sinigang na baboy at pritong bangus, baka sakaling may talent nga ako sa cooking.” Ipinarada niya ang kotse sa parking space sa labas ng malaking grocery store at muling nilingon ang babae. “Bakit nandito tayo?” “May utang ka sa akin kanina dahil iniligtas lang naman kita sa mga tita mo, kaya ipagluluto mo ako ng masarap na pagkain.” Sabi niya at kinindatan pa ito. “S-sige.” Kagat labing sagot ng dalaga. Parang papel na biglang nilamukos ang puso niya nang makita ang ginawa nito. Bigla ay parang nahirapan siyang huminga. “Please don’t do that,” paanas na sambit niya. “Do what? Wala naman akong ginagawa, nakaupo lang ako dito.” “Stop biting your lips, baka hindi ako makapagpigil at mahalikan na naman kita.” Pareho silang natigilan dahil sa sinabi niya. Nang matauhan ay nagmamadaling bumaba siya ng kotse. Sinubukan niyang pakalmahin ang sarili pero nabigo lang siyang gawin iyon. Hindi siguro siya matatahimik hangga’t hindi niya natitikman ang mga labi Jhanna!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD