“Paano mo nga pala nalaman kung nasaan ako?” bigla ay naisip itanong ni Jhanna kay Top. Dapat ay kanina pa niya ito tinanong tungkol doon pero sadya siguro talagang nakakalimutan na niya ang ibang bagay kapag nakikita na niya ito. Idagdag pa na kasama niya kanina ang dalawang tiyahin na nagpastress ng bongga sa kaniya.
Hindi siya sanay na tahimik ang buong paligid kaya pilit na nag isip siya ng topic na pwede nilang mapag usapan habang kumakain. Kanina pa siya natapos magluto ng sinigang na baboy at pritong bangus pero hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nag uusap. May malapit na palengke sa grocery store na nadaanan nila kanina kaya namili sila ng mga rekado. Hindi siya confident sa pagkaing iniluto niya dahil second attempt pa lang naman niya ngayon. Pero nang makita ang maganang pagkain ni Top ay medyo nakampante siya.
“Nagpunta ako sa bahay ninyo, nakausap ko ang daddy mo at sinabi niya sa akin kung nasaan ka.”
Sa wakas ay nakahinga na siya ng maluwag nang magsalita si Top. Naisandal niya sa backrest ng upuan ang likod niya at pinanood itong kumain.
“Bakit mo ako pinuntahan sa bahay? Kung may sasabihin ka pwede mo naman akong tawagan 'di ba?”
Ibinaba nito ang hawak na kubyertos at seryosong nag angat ng tingin sa kaniya.
“Mas gusto mo ba na sa telepono ko pa sabihin na payag na akong tulungan ka?”
“Tulungan sa—oh em gee!” namilog ang mga mata niya at gulat na natutop niya ang mga labi. “A-are you serious?”
Tama ba ang iniisip niya na payag na nga itong magpakasal sa kaniya? Alam niyang magiging komplikado ang lahat pero hindi na muna niya iyon iisipin sa ngayon. Siya kasi ang klase ng tao na hindi iniisip ang mangyayari bukas. Sumusunod lang siya sa agos ng buhay dahil naniniwala siya na kung palagi niyang iisipin ang bukas ay baka maaga siyang tumanda.
“Nagpunta ako sa inyo kasi gusto kong ipaalam sa daddy mo na kinausap ko na sila lola at anytime ay pwede na kaming mamanhikan sa inyo.”
“Mamanhikan?!” hindi makapaniwalang bulalas niya.
Oh my poor little heart!
Kayanin pa kaya ng puso niya ang mga sinasabi ni Top? Alam niyang isang pagpapanggap lang naman ang lahat. Ang gusto lang nito ay ang mapagtakpan ang ginawa ng kuya Marcus nito at siya naman ay nangangati na ang mga palad na makuha ang pera mula sa tita Sanya niya.
Iba pala sa pakiramdam kapag ang bagay na matagal mong ipinagdasal ay ibinigay na sa'yo ng isang bagsakan lang. Parang gusto niyang lumabas ng bahay ni Top at sumigaw ng malakas habang tumatakbo siya ng mabilis. O kaya ay magpapagulong gulong na lang siya sa gitna ng kalsada hanggang sa makaramdam siya ng pagod at makatulog agad. Sigurado kasi siya na hindi siya patutulugin ng mga rebelasyon ng binata.
“Uso pa ba ang pamamanhikan ngayon?” napapalunok na tanong niya.
Napalundag sa pagkabigla ang puso niya nang salubungin siya ni Top ng tingin. Bumaha ang pagkaaliw sa magandang pares ng mga mata nito.
“Nakalimutan mo na ba na isang Geronimo ang lalaking gusto mong pakasalan? Hindi pwedeng hindi tayo dumaan sa mga tradisyon dahil baka mahimatay sa sama ng loob ang lola ko.”
“Pero paano 'yun? Gusto ko na gothic ang theme ng wedding natin.” Nakalabing sabi niya.
Seryoso siya. Iyon talaga ang pangarap niya dahil favorite color niya ang black. Papayagan kaya ng mga pamilya nila ang trip niya? pero duda siya sa bagay na iyon dahil parehong sagradong katoliko ang tita Sanya niya at si lola Ignacia. Medyo nalungkot siya nang maisip iyon. Nalaglag ang mga balikat niya at hindi mapigilan na mapabuntong hininga na lang.
Nahalata naman ni Top ang naging reaksiyon niya. Dumukwang ito at marahang inabot ang isang palad niya na nasa ibabaw ng mesa.
“Kakausapin ko sila,”
Napaigtad siya sa pagkagulat nang maramdaman ang pagdampi ng mainit na palad nito sa balat niya. Pinuno niya ng hangin ang dibdib at agad na huminga siya ng malalim. Hindi niya alam kung hanggang kailan niya makakaya ang pagwawala ng puso niya na halos magpabingi na sa kaniya.
“P-paano kung hindi sila pumayag?”
“Tayo naman ang ikakasal kaya bakit sila kokontra?”
May point si Top. Pero kung hindi talaga maipipilit ang black na wedding motif ay hindi na siya kokontra pa. Ang importante lang ay maikasal na sila para makapagsimula na siya sa negosyo niya.
“Mahal mo talaga ang kuya mo, 'no? nakahanda kang gawin ang lahat para lang huwag masira ang pangalan niya.”
Hindi ito umimik at matagal na pinagmasdan lang siya. Mas dumoble pa ang t***k ng puso niya habang magkadikit ang mga paningin niya. Awtomatikong namula ang mga pisngi niya dahil sa pagbalot ng mainit na emosyon sa dibdib niya. Kung tingnan kasi siya nito ay parang siya na ang pinakamagandang babae na nakita ng mga mata nito.
Napalunok siya at malakas na tumikhim. Natatarantang tumayo siya at pilit na nag isip ng excuse para lang makaiwas sa sitwasyon na iyon.
“Tapos ka na ring kumain kaya pwede na tayong mag isip ng mga rules bago tayo magpakasal.”
“Rules?” nakapangalumbabang tanong nito.
“Oo, rules para maiwasan natin na lumampas sa limit. Mahirap naman na pakialaman ang privacy ng isa’t isa.”
“Rules. Privacy. Parang hindi ko na gusto ang sunod na sasabihin mo,”
“B-bakit naman?"
“Ako ang lalaki kaya ako ang masusunod. Ayoko ng rules, a little privacy will be fine.”
“Pero kasi hindi naman totoo ang lahat ng—”
“I don’t need a temporary wife, nasabi na ba sa'yo ni lola Ignacia na sa angkan namin, dadaan ka muna sa mga matatanda bago ka nila payagang makipagdivorce? Kaya nga walang kahit isang broken family sa angkan namin dahil nadadaan sa mabuting usapan ang problema ng mga mag asawa.”
“Pero….” Sa huli ay natigilan na lang siya at gimbal na tumitig sa gwapong mukha ni Top.
Parang gusto nang batukan ni Jhanna ang sarili dahil hindi niya naisip na kahit anong bait pa ng binata ay magaling naman itong dumiskarte. Hindi ito magiging milyonaryo kung hindi ito matalino at mahusay sa diskarte.
Masakit man aminin pero ginamitan siya nito ng reverse psychology!
Humugot siya ng malalim na buntong hininga at parang wala sa sariling humakbang siya at tinalikuran na si Top.
“Saan ka pupunta?” nagtatakang tanong ng lalaki. Narinig pa niya ang pag ingit ng silya nang tumayo ito at ang mga yabag ng paa nito nang aktong lalapitan siya nito.
“Huwag kang lalapit!” malakas na sabi niya habang hindi pa rin ito nililingon.
“Jhanna…..”
“Kailangan kong mag isip kaya mas gusto kong mapag isa. Hindi mo ako kailangan ihatid pauwi sa amin. Kaya ko ang sarili ko.” Turan niya at nagmamadaling iniwan si Top. Sapo niya ang kaliwang dibdib nang makarating siya sa malaking gate.
“Sh~t!” malakas na napamura siya nang paulit ulit na sumiksik sa isip niya ang mga sinabi nito.
Papayag ba siya sa kondisyon ni Top? Ganoon na ba talaga siya kadesperada para kagatin ang kondisyon nito na wala silang magiging rules sa pagpapakasal nila? Isa lang ang ibig sabihin niyon, magsasama sila bilang totoong mag asawa at walang halong pagpapanggap. Walang annulment na magaganap na katulad nang inaasahan niya!
Argh! Anong klaseng trouble ba itong
pinasok ko?!