15

1627 Words
“Pero tita, hindi po ba talaga pwede na iba na lang ang ipagawa ninyo sa akin?” “Hindi na magbabago pa ang isip ko. Ano ba ang nangyayari sa'yo? ang akala ko ay nagbabalak na kayong magpakasal ni Top? May nangyari ba? umurong ba siya sa kasal? Kahit hindi pa man sumasayad sa bibig ni Jhanna ang mainit na tasa ng kape ay nasamid na agad siya. Naibaba niya ng wala sa oras ang tasa at mabilis na nagpaliwanag kay tita Sanya. “Hindi naman po sa ganoon, kaya lang—” “Isa lang ang tanong ko, may problema ba o wala?” tanong ni tita Sanya habang matiim na nakatitig sa kaniya. Napalunok na lang siya at mabagal ang ginawang pag iling. “W-wala po,” “Ayun naman pala, walang problema kaya dapat lang na sumunod ka sa napag usapan natin. Masaya ako na si Top ang pakakasalan mo. Alam kong mabait siya dahil wala naman sa mga anak ni Herbert ang naging pasaway at isa pa ay maganda ang family background nila. Ano pa ba ang mahihiling namin ng daddy mo? Kahit mamatay na siguro ako bukas ay hindi na ako mag aalala pang maiwan kang mag isa.” “Tita naman eh….” Nakangiting inabot nito ang palad niya at masuyong tinapik iyon. “Ako na siguro ang pinakasamayang tita sa araw ng kasal mo. Sigurado rin na magiging masaya ang mommy mo sa magiging bagong chapter ng buhay mo.” Hindi na niya nagawang komontra pa dahil hindi niya kayang bawiin na lang basta ang nakikita niyang kislap sa mga mata ni tita Sanya. Dahil hindi niya ito nakumbinsi na bigyan na lang siya ng ibang kondisyon ay nagpaalam na siyang umalis. Sakay na siya ng taxi ng biglang tumunog ang cellphone niya. Hindi niya kilala ang number na tumatawag sa kaniya at wala sana siyang balak na sagutin ang tawag kung hindi lang niya naalala ang missing in action na kaibigan niya. “Roxanne, ikaw ba 'yan?” kinakabahang tanong niya sa caller. “Hello, good afternoon, pwede ko bang makausap si Miss Jhanna Nykole Diolan?” Agad na kumunot ang noo niya. Hindi pamilyar sa kaniya ang boses ng matandang babaeng kausap niya. “Ako po si Miss Diolan, pwede ko bang malaman kung sino ang kausap ko?” “This is Margaux Zaragoza, isa ako sa mga senior writer ng LAP. Nabalitaan ko na balak mong buksan ulit ang publishing house ng mommy mo. Gusto ko lang sanang sabihin na isa ako sa maraming naghihintay na maituloy ang plano mo. Willing din akong magsubmit ng manuscript sa'yo dahil freelance writer lang naman ako dito sa America.” Natutop niya ang mga labi dahil sa labis na pagkabigla. Kilala niya si Margaux Zaragoza dahil ito ang pinakasikat na romance writer sa bansa noon.May koleksiyon ng mga pocketbooks nito sa library nila na hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nagsasawang basahin. Magaling na writer ito dahil huling huli nito ang emosyon ng mga reader. Pero nawala ito sa writing industry nang malugi ang publishing. Minsan na nitong nabanggit sa interview na hindi ito magsusulat ng romance kung hindi muling maibabalik sa dati ang publishing ng mommy niya. Sa ngayon ay nagsusulat ito ng mga sci-fi books at nakabase na ito sa Amerika. “Alam mo kasi, malaki ang naitulong sa akin ng mommy mo kaya nangako ako na hindi ako magsusulat ng romance story kung hindi ang LAP ang maglalabas ng libro ko. Mahalaga para sa akin ang Love and Pages Publishing kaya sana magtuloy tuloy ang plano mo.” “S-salamat po, fan na fan po ninyo ako….” Sambit niya habang pinupunasan ng mga palad ang mga luha niya sa pisngi. Nang maputol ang tawag ay hindi na niya mapigilan ang mapaiyak. Nataranta na rin ang taxi driver dahil pasulyap sulyap ito sa kaniya. “Manong, sa Lucky 7 na lang po ninyo ako ihatid.” Umiiyak na wika niya at sinabi sa driver kung saan branch siya dapat ihatid. Hindi niya alam kung bakit kailangan niyang maging emosyonal. Masyado lang siguro siyang natuwa dahil totoong fan siya ni Miss Margaux. Naramdaman niya na totoong mahal nito ang LAP. Ang balita pa niya ay kaibigan ito ng mommy niya. Kung maibabalik niya sa dating sirkulasyon ang LAP at makakasama niya ang mga senior writer ay para na rin niyang binuhay ang alaala ng kaniyang ina. Natigilan siya nang maisip iyon. Ngayon niya naintindihan kung bakit ganoon na lang ang kagustuhan niya na buhayin ulit ang publishing. Gusto rin kasi niyang buhayin ang alaala ng mommy niya. Hindi niya ito nakasama habang lumalaki siya at ngayon na nasa tamang edad na siya ay gusto niyang maramdaman ang presensiya nito sa pamamagitan nang pagpasok niya sa mundo na dating ginagalawan nito. Mas lalo pang lumakas ang pag iyak niya. Kahit nang makababa na siya ng taxi ay patuloy pa rin sa pagpatak ang mga luha niya. Patakbong pumasok siya sa loob ng Lucky 7, kilala na siya ng mga staff kaya hindi na siya sinaway ng mga ito nang tinumbok niya ang direksiyon ng opisina ni Top. Pawisan na siya ng itulak niya ang pinto ng opisina. Nakita niya ang binata na naroon sa table nito at nakaharap sa laptop. Bumaha ang napakaraming emosyon sa dibdib niya nang magtama ang mga mata nila. Nagulat naman ito nang makita siya. Bumakas ang pag aalala sa maamong mukha nito at nagmamadaling tumayo para lapitan siya. Naikurap niya ang mga mata nang hawakan nito ang kamay niya at marahang hilahin siya nito papasok sa loob ng opisina. “Anong nangyari sa'yo? bakit ka umiiyak?” nag aalalang tanong nito. Sinuklay ng mga daliri ni Top ang magulong buhok niya bago nito masuyong pinahid ang mga luha niya sa pisngi. “May bumastos ba sa'yo sa labas?” Nakagat niya ang ibabang labi nang mapansin ang pagsungaw ng galit sa mga mata nito. Parang susugod na sa giyera ang reaksiyon nito ngayon. Mabilis na umiling siya at humihikbing sinabi dito ang naging pag uusap nila ni Margaux Zaragoza. “Alam ko na ngayon kung bakit gusto kong buhayin ulit ang publishing ng mommy ko. Nakakatawang isipin pero ngayon ko lang talaga nagawang maintindihan ang sarili kong desisyon. Pakiramdam ko nagmature ako ng bongga, akalain mo 'yun?” kahit patuloy sa pagpatak ang mga luha niya ay hindi naman niya mapigilan ang matawa. Magkakahalo na ang emosyon na nararamdaman niya at nag uunahan na iyong umalpas sa loob ng dibdib niya kaya hindi na niya alam kung matatawa ba siya o maiiyak sa harap ni Top. Ikinulong ni Top ang mga pisngi niya sa mainit na mga palad nito at matagal na pinagmasdan siya. Natigilan naman siya at hindi na nakapagsalita pa. Sa isang tingin lang nito ay naging triple na ang t***k ng puso niya. Pakiramdam niya ay kakapusin na siya nang paghinga ng mas lalo pang lumapit sa kaniya ang binata. Dama niya ang pagdampi ng mainit na hininga nito sa pisngi. “Ang ibig bang sabihin nito ay…..” ibinitin nito ang kung ano man na sasabihin at muli siyang pinagmasdan. Dumagundong dahil sa matinding pagkatuliro ang puso niya. Napapapikit siya sa tuwing dumadaloy ang malakas na boltahe ng kuryente sa buong katawan niya. “Magpapakasal na tayo, kung 'yun man ang gusto mong itanong,” Hindi niya mabasa ang emosyon na kumislap sa mga mata ni Top pero sapat nang makita niya ang ngiti sa mga labi nito para maramdaman na nagustuhan nito ang sinabi niya. “Akala ko ba ayaw mo na kasi hindi uso sa pamilya namin ang annulment?” parang nagpapakipot pa na tanong nito. Bahagya siyang tumingkayad para pag umpugin ang mga noo nila. “Hindi ko na muna iisipin 'yan sa ngayon. Ang importante, makuha ko ang gusto ko, hindi ka naman lugi dahil mananahimik ako. Hindi ko ipagkakalat na may dugong kidnapper pala kayo. Gagawa na lang siguro ako ng paraan para magsawa ka sa akin. Para kapag hindi mo na kinaya ang ugali ko ay ikaw na ang sumuko at humingi ng annulment.” Wala siyang nakuhang sagot mula kay Top. Nakakulong pa rin ang mga pisngi niya sa mainit na palad nito habang nakatitig ito sa mga labi niya na para bang may kung anong kakaiba itong nakita doon. Nakagat niya ang mga labi. Pawisan na siya at malamang na nahulas na ang make up sa mukha niya. Mukha na ba siyang haggard kaya ganoon na lang kung tingnan siya nito? “A-ano bang iniisip mo?” natitigilang tanong niya. Nag angat ng tingin sa kaniya si Top. Natunaw na parang yelo ang puso niya nang ngitian siya nito. “Wala akong iniisip kasi nagiging blangko ang utak ko kapag ganito ka na kalapit sa akin.” Parang bigla siyang napaso at aktong ilalayo ang sarili dito pero masyadong mabilis ang naging kilos nito. Hinapit siya nito sa baywang at sabik na inangkin ang nakabukang mga labi niya. Gulat napasinghap siya nang maramdaman ang paglapat ng mga labi nila. Awtomatikong napahawak siya ng mariin sa kaliwang braso ni Top nang masuyong kagati nito ang ibabang labi niya. Umalpas ang mahinang ungol mula sa kaniya ng mas lalo pang lumalim ang halik na pinagsasaluhan nila. Hindi niya akalain na sa ganoon mauuwi ang pag uusap nila. Pero aaminin niya na nagustuhan niya ang ginawa ni Top. Gustong gusto niyang maramdaman ang mainit na halik nito. Siya na siguro ang pinakamasayang babae sa buong mundo kung ang matamis na mga labing iyon ang sasalubong sa kaniya sa umaga. Kahit siguro huwag na siyang bumangon pa sa kama at buong araw na lang siyang halikan ni Top ay hinding hindi siya magrereklamo. Aarte pa ba siya 'eh ang gwapo-gwapo ng future mister niya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD