16

545 Words
Napailing na lang si Top nang makita ang naging reaksiyon ni Rolf matapos niyang ipaalam na plano na nilang magpakasal ni Jhanna. Hindi agad ito nakapagsalita at matagal na tiningnan lang siya ng matagal. “Pwedeng ipaliwanag mo sa akin kung ano ba talaga ang nangyayari? Sinakyan ko lang ang trip ni Jhanna noong nagpunta siya dito sa bahay at pinagsilbihan pa tayo. Alam ko naman kasi na may pagkaweird talaga siya kaya ang akala ko napagtripan ka lang niya.” Naiinis na binato niya ang kapatid ng magazine saka niya ito tiningnan ng masama. “Hinaan mo nga ang boses mo, nasa kabilang kwarto lang si lola Ignacia,” saway niya. “Okay,” sumusukong itinaas nito ang mga kamay. Naupo ito ng pa-lotus position sa kama niya habang siya naman ay nakatayo sa tabi ng malaking bintana at maya’t maya kung dumungaw sa labas ng bahay nila. Binabantayan niya ang pagdating ng daddy nila dahil natatakot siyang baka bigla na lang itong sumulpot at marinig ang pag uusap nila ni Rolf. Mabilis na naipaliwanag naman niya sa kapatid niya ang dahilan kung bakit gusto niyang pakasalan si Jhanna. Panay ang palatak nito sa tuwing maririnig ang salitang kasal. “Wala tayong lahing bayani kaya bakit kailangan mong magsakripisyo? Kung masira man ang pangalan ni kuya Marcus, problema niya 'yun. Sino ba naman ang may sabi sa kaniya na itago niya ang girlfriend ni daddy?” sermon nito sa kaniya habang abala ito sa pagkalikot sa cellphone nito. “Wala ka kasing alam, hindi mo ako naiintindihan,” giit niya. Hindi na dapat pang malaman ni Rolf ang isa pang mabigat na dahilan niya kung bakit pumayag siyang pakasalan si Jhanna. Siya kasi ang klase ng tao na mas gustong sarilihin na lang ang mga bagay na gumugulo sa isip niya. Hindi siya katulad ng pangalawang kapatid na masyadong open pagdating sa sarili nitong opinyon. “Nahahawa ka na ba sa kaweirduhan ng babaeng 'yun?” Umahon ang matinding inis sa dibdib niya. Galit na tiningnan niya ito. Napansin naman ni Rolf ang naging reaksiyon niya kaya tumahimik na ito. Bihira lang siyang magalit o mainis kaya alam nito na kapag ganoon ay kailangan na nitong tumahimik. Naikuyom niya ang mga palad at muling nagsalita. “Alam kong kakaiba ang tingin sa kaniya ng mga tao pero hindi siya baliw. Sa loob ng ilang linggo na nakasama ko siya ay napatunayan ko na mali ang iniisip ng iba tungkol kay Jhanna. Magiging parte na siya ng pamilya natin kaya sana naman tanggapin ninyo siya at huwag ninyong iparamdaman sa kaniya ang mga bagay na ipinaramdam sa kaniya ng ibang taong nakapaligid sa kaniya.” Pareho silang natigilan ni Rolf nang marinig nila ang ugong ng paparating na sasakyan ng kanilang ama. Kumilos na siya at naglakad papunta sa direksiyon ng pinto. Pero bago pa man niya mapihit ang doorknob ay narinig niyang nagsalita ang kapatid. “Mahal mo na ba siya kaya ka nagkakaganiyan ngayon?” tanong nito. Dumiin ang paghawak niya sa doorknob. Pakiramdam niya ay parang biglang lumobo ang puso niya dahil sa biglang pagsulpot ng hindi maipaliwanag na emosyon sa dibdib niya. Huminga siya ng malalim at dahan dahang pumihit paharap kay Rolf. “Paano kung sabihin kung ‘oo’?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD