Sa braso ni Agent Ricaforte bumaon ang patalim na mahigpit na hawak ni Lyra. Lumaki ang mga mata ni Agent Ricaforte, hindi makapaniwalang may intensiyon talaga ito na patayin siya. Kung hindi niya sinangga ang pag-atake nito gamit ang braso niya, baka sa dibdib niya 'yon bumaon.
Ngumingisi namang nakatingin si Lyra sa agent. Alam niyang hindi ito basta-basta magpapatalo sa kaniya. May paluhod-luhod pa, akala siguro'y madadala na naman siya sa pag-arte nito. Nang subukang ibaon pa niya ang patalim, napadaing na ang agent at mas lalong lumaki pa ang mga mata nitong titig na titig sa kaniya. Gustong subukan ni Lyra kung hanggang saan kaya nitong panindigan ang pagpapanggap.
Binunot ni Lyra ang patalim at akmang sasaksakin ulit ang agent nang nahawakan nito ang palapulsuhan niya. Sinasabihan siya ng isip na 'wag itong labanan gamit ang lakas dahil siguradong matatalo siya. Malaking lalaking ito at 'di hamak na mas malakas sa kaniya. Pero wala nang pakialam si Lyra dahil ang galit niya'y maihahambing sa rumaragasang lumiliyab na lava mula sa nagngangalit na bulkan.
Gamit ang dalawang kamay, dinidiin ni Lyra nang buong lakas ang patalim. Unti-unting bumaba ang patalim papuntang dibdib ni Agent Ricaforte. Isang kamay lang kasi ang gamit ni Agent Ricaforte para pigilian ito kasi may tama ang kaniyang kanang braso.
Kumuha ng lakas at bwelo si Agent Ricaforte mula sa isang paa niya nang inangat niya ito mula sa pagkakaluhod. Matagumpay niyang naitulak si Lyra at kaagad siya dumistansiya rito.
Sa lakas ng pagkatulak kay Lyra, nabitawan niya ang patalim at nawalan siya ng balanse kung kaya't natumba siya. Dali-dali rin naman siyang bumangon.
Ngayon, pareho na silang nakatayo at walang kahit na anong hawak na armas. Hindi na nag-aksaya ng oras si Lyra at nauna na siyang sumugod. Nakakuyom ang dalawa niyang kamay na sinusuntok si Agent Ricaforte na ang tanging ginawa ay denedepensahan ang sarili at sinasangga ang lahat ng pag-atake niya.
Dahil mabilis kumilos si Lyra, natatamaan niya si Agent Ricaforte, madalas sa kaliwang braso dahil pinoprotektahan nito ang kanang braso na may sugat. May iilang beses na dadaplisan ni Lyra ang mukha ni Agent Ricaforte pero hindi napupurahan.
Kung tutuusin parang pantay lang ang labanan ng dalawa. Basta-basta lang kung sumugod si Lyra dahil nanggagalaiti itong ipalasap kay Agent Ricaforte ang galit niya at makaganti sa ginawang nitong pangloloko sa kaniya. Kaya naman madali lang nasasangga ni Agent Ricaforte ang pagsuntok nito. Si Agent Ricaforte naman ay walang balak na saktan ang babaeng mahal niya kaya tanging pagdepensa lang ang ginagawa niya.
Medyo nawalan ng balanse si Agent Ricaforte nang kumiling ang yate kaya lumapat ang kamao ni Lyra sa mukha niya. Buti na lang sa pisngi siya tinamaan at hindi sa panga, kung hindi baka tumba siya. Nang susundan pa ni Lyra ng isa pang suntok, nahuli ni Agent Ricaforte ang palapulsuhan niya at pinaikot siya nito. Sumunod na hinawakan ni Agent Ricaforte ang isa pang kamay ni Lyra.
Hindi na nakagalaw si Lyra dahil nakagapos ang mga kamay nito sa bisig ni Agent Ricaforte habang mahigpit siya nitong yinayakap nang patalikod. Ngunit nagpupumiglas pa rin si Lyra, sinusubukang makakawala kay Agent Ricaforte.
“Tama na, mahal. Tama na,” alo sa kaniya ni Agent Ricaforte.
Kung dati napapakalma si Lyra sa oras na mamutawi sa mga labi nito ang katagang “mahal”, pero ngayon mas lalo lang no’n pinasisiklab ang galit niyang nagliliyab. Buong lakas na tinapakan ni Lyra ang paa nitong nakasout pa ng boots kaya lumuwag nang kaunti ang pagkakahawak nito sa kaniya. Pagkatapos, na-head butt niya ito kaya tuluyan na siyang nakakawala.
Pagkaharap ni Lyra, sinipa niya si Agent Ricaforte sa tuhod kaya napaluhod ang isang paa nito. Umikot siya at tinamaan ng siko niya ang mukha ni Agent Ricaforte kaya’t lumaylay ang balikat nito napahawak ang palad nito sa sahig. Pinaikot niya ang kaniyang mga braso sa leeg nito upang ma-head lock niya ito. Ngayon si Lyra naman ang nasa likod ni Agent Ricaforte na siya namang nagakapos sa mga bisig nito.
Sa bawat paggalaw ni Agent Ricaforte, mas lalong humihigpit ang pagsakal ni Lyra sa kaniya. Nahihirapan mang huminga si Agent Ricaforte, pinilit niya pa ring tumayo. Ngunit nang makatayo na siya, sinakyan siya ni Lyra at pinaikot ang mga binti palibot sa tiyan niya upang mas lalo siyang mahirapang huminga.
Medyo dumidilim na ang paningin ni Agent Ricaforte at kaunting segundo na lang at mawawalan na siya ng ulirat. Sa kagustuhang makakawala, hinampas niya ang likod ni Lyra sa pader. Napadaing si Lyra at lumuwag nang kaunti ang pagkakasakal niya kay Agent Ricaforte, pati ang mga binti niya’y kumalas sa pagkakagapos sa tiyan nito.
Nang medyo luminaw ang paningin ni Agent Ricaforte, humakbang ulit siya at hinampas ulit ang likod ni Lyra ngunit sa bakal na poste naman. Mas nasaktan si Lyra kung kaya’t tuluyan nang kumalas ang mga braso niya sa pagkakasakal kay Agent Ricaforte. Dahil wala nang nakapitan pa si Lyra, bumagsak siya sa sahig.
Umuubo naman si Agent Ricaforte habang parang asong lumalakad palayo kay Lyra. Nang makita ni Lyra na papunta si Agent Ricaforte sa direksiyon kung nasaan ‘yong baril na tinapon nito kanina, tumayo na siya agad.
Akmang sisipain sana ni Lyra sa tagiliran si Agent Ricaforte, ngunit nahuli nito ang paa niya at hinila siya pababa. Dahil nasa ibabaw ni Lyra si Agent Ricaforte, pinalibot ulit niya ang mga binti niya sa tiyan nito at hinigpitan iyon para mahirapan na naman itong makahinga. Nabasa naman ni Agent Ricaforte ang susunod nitong pag-atake na i-head lock siya, kaya hinawakan niya agad ang dalawang kamay nito at ginapos ‘yon sa ibabaw ng ulo nito.
Sa gano’ng posisyon nila, hindi mapigilang mapangiti ni Agent Ricaforte. Hindi na niya mabilang kung nakailang beses silang nagsiping sa gano’ng posisyon. Mas lalo namang nagpupumiglas si Lyra dahil nainsulto siya sa pangiti-ngiti nito.
Nang yumuko si Agent Ricaforte para pakalmahin ito, na-head butt naman siya ni Lyra kaya nakakawala ang mga kamay niya. Nang maalala ni Lyra ang baril na naka-strap sa binti niya, agad niya ‘yong binunot at tinutok kay Agent Ricaforte.
Tinitigan lamang siya ni Agent Ricaforte na nanatiling nasa ibabaw niya na nakaluhod. Doon lamang nakita ni Lyra ang kabuuang pinsalang tinamo ni Agent Ricaforte. May hiwa ito sa ilong, putok ang isang kilay, at dumudugo ang bunganga nito. Pero walang maaninag na galit o takot si Lyra sa mga mata ng agent.
Nang yumuko ang ulo ni Agent Ricaforte, tumulo ang dugo niya sa pisngi ni Lyra. Imbes na makaramdam ng awa si Lyra, nanatili ang nag-uumapoy na galit sa mga mata niya. Walang-wala ang pisikal na mga sugat nito kompara sa pagwasak nito sa puso niya na dulot ng pangloloko nito sa kaniya.
Tumango si Agent Ricaforte. Hindi na kailangan pang magsalita ni Lyra upang maunawaan niya ang gusto nitong sabihin. Kaya hinawakan niya ang baril na tinututok pa rin ni Lyra sa kaniya at nilapit ‘yon sa kaliwang dibdib niya. At saka niya pinikit ang mga mata, naghihintay ng hatol na buong-puso niyang tatanggapin lalo na’t mula ‘yon sa babaeng pinakamamahal niya.
Nanginig ang kamay ni Lyra pati na ang mga labi niya. Kahit labis niya itong kinamumuhian, hindi niya pa ring magawang kitilin ang buhay nito. Dahan-dahang bumaba ang kamay niya at binitiwan ang baril. Nang maramdaman niyang naglandas ang mga luha niya, tinakpan niya ang mga mukha gamit ang mga kamay niya. Hindi dapat ito ang oras para maging mahina siya, pero hindi na niya maawat ang mga luha sa pagpatak katulad ng patuloy na pag-ulan sa labas.
Nang marinig ni Agent Ricaforte ang mahihinang paghikbi, dinilat na niya ang kaniyang mga mata. Binuhat niya si Lyra mula sa pagkakahiga at pinaupo upang mayakap niya ito.
Mas lalong lumakas ang hagulhol ni Lyra at pinagpapalo ang dibdib ni Agent Ricaforte. Paulit-ulit namang binubulong ni Agent Ricaorte ang katagang “patawad” habang hinahagod ang likod ni Lyra.
Nang medyo tumahan na si Lyra, hinawakan ni Agent Ricaforte ang magkabilang pisngi nito at pinunasan ang mga luha nito. Wala siyang maisipang sabihin para tuluyang mapawi ang sakit at galit nito. Kaya siniil na lang niya ito ng halik, kahit sa pamamagitan no’n, mararamdaman nito na tunay siyang nagsisisi at sana’y mapatawad siya nito.
Nalasahan ni Lyra ang dugo nito nang hinagkan siya nito. Sa bawat marahang pagdampi ng labi nito sa kaniya ay tila sinusuyo siya nito, na animo’y nakikiusap, nagmamakaawang tugunan ang halik niya.
Gusto ni Lyra na itulak ito pero nang maisip na ito na ang pinahuling beses na mahahallikan niya ito, unti-unting gumalaw ang labi niyang gumaganti sa pagdampi. Kahit huli na, gusto niyang maramdaman muli ang wagas na pag-ibig kahit na ba ito’y pagpapanggap lamang.
Ngunit nang kumiling ang yate, sa ka lang naalala ni Lyra na may misyon pa pala siya. Pero ang kahalikan niyang si Agent Ricaforte ay wala nang pakialam, lunod na lunod na ito sa madamdaming paglalapat ng kanilang mga labi.
Nang pareho na silang kinakapos sa paghinga, si Lyra na ang pumutol sa paghahalikan nila. Pilit pa sanang hinahabol ni Agent Ricaforte ang mga labi ni Lyra, pero hinawakan nito ang kaniyang mukha. Naguguluhang tiningan ito sa mga mata ni Agent Ricaforte.
Agad naman na pinukpok ni Lyra si Agent Ricaforte sa ulo gamit ang baril na kanina niya kinakapa habang abala ito sa halikan nila. Nawalan ng malay si Agent Ricaforte at sumubsob sa kaniya. Maingat siyang hiniga ni Lyra sa sahig.
Umakyat si Lyra sa captain’s deck. Tinutukan niya ng baril ang dalawa habang inutusan ang kapitan na ilagay sa autopilot ang yate. Pagkatapos, pinasuot niya sila ng life vest at pinatalon sa dagat. Umambon na lang at humina rin ang hampas ng alon kaya kumpiyansa siyang makakaligtas sila.
Bumalik si Lyra ro’n sa cabin kung nasaan ang mga armas. Nadaanan niya ang nakahandusay na dalawang agent at sina Asyo at Bato. Tiningnan niya pa kung humihinga pa sila, pero puro patay na sila. Dumiretso na siya sa cabin at nakitang maayos pa ring nakasalangsang ang mga armas. Pumasok siya sa banyo at tiningnan ang ginawa niyang pampasabog. Kinuha niya ang maliit na pin sa bulsa ng pantalon niya at pinindot ‘yon. Nagsimula na ang dalawang minuto na timer bago ito sumabog.
Lumabas si Lyra ng kuwarto at binalikan si Agent Ricaforte upang suotan ng life vest. At saka isinampa niya ito sa likod habang ang dalawang braso nito ay nakapulupot sa balikat niya. Dahil malaking tao ito, sumasayad ang mga paa nito habang pasan siya ni Lyra. At dahil may kabigatan ito, medyo natagalan si Lyra.
May dalawampung segundo na lamang silang natitira nang umabot sila sa gilid ng yate. Tumalon na si Lyra habang pasan pa rin niya si Agent Ricaforte. Nang nasa ilalim sila ng dagat, naramdaman ni Lyra ang malakas na puwersa ng pagsabog na nagpatilapon sa kanilang dalawa. Mabuti na lang at mahigpit niyang hinawakan si Agent Ricaforte kung kaya’t hindi sila nagkahiwalay.
Naunang nakaahon si Agent Ricaforte dahil sa suot nitong life vest. Nakasunod naman si Lyra agad at hinawakan si Agent Ricaforte. Nang lumingon siya, medyo malayo na sila sa umaapoy na yate na halos nagkagutay-gutay na ito. Nagkalat din sa dagat ang mga lumipad na piraso ng barko.
Sa hindi mawari na dahilan, kumalma ang dagat at tumigil ang ulan pagkatapos sumabog ng yate. Sa hindi kalayuan, tanaw ni Lyra ang ilang sasakyang pandagat na papunta sa yateng sumabog. Alam niyang mga agent at pulis ‘yon.
Tiningnan ni Lyra si Agent Ricaforte na nanatiling walang malay at nakalutang sa dagat. Alam niyang mahahanap siya nila lalo na’t kalmado na ang dagat. Tama lang na bitawan na niya ito pero nanatiling nakahawak ang kamay niya sa life vest nito.
Hinila ito ni Lyra papalapit sa kaniya at pinagmasdan muna ito nang matagal. Pagkatapos, hinagkan nang madiin ngunti mabilis ang mga nakaawang nitong labi.
“Paalam, Marco,” sabi ni Lyra sabay bitaw rito at lumangoy papalayo.