Chapter 10.1

1955 Words
Hindi namamalikmata o nanaginip si Lyra. Si Marco mismo ang nasa harap niya. Pero bakit ito nandito? Nang maisip niyang baka kasama ng mga agent ang pulis sa pagsalakay rito, napasingahap siya at natutop ang bibig ng kamay niya. Alam na ni Marco ang dati niyang pagkatao. Ang kasuklam-suklam, kahindik-hindik, ubod ng sama na si Reyna. Napakalayo sa kung sino na siya ngayon, oo, dahil sadyang kabaligtaran ni Lyra si Reyna. Dalawang pagkataong magkaiba, sobrang masama at sobrang mabuti. Hindi pwedeng maging iisa. Ngayong alam na ni Marco ang dating siya, siguradong kamumuhian, kasusuklaman siya nito. Sino'ng matinong lalaki ang mamahalin ang isang Reyna na tinitingala nga ng lahat ngunit lubhang kinatatakutan din. Dahil katulad siya ng isang armas na bakal na kung kumitil ng buhay ay walang pag-alinlangan, walang awa, walang konsensiya, walang pakiramdam... walang puso. Wala na. 'yong inaasam niyang puro masasaya at magagandang alaala ang iiwan niya kay Marco. Sira na, winasak sa isang iglap ng kakila-kilabot na pagkatao ni Reyna. "Marco," walang buhay na turan ni Lyra. Sa sobrang lamig ng boses nito, tila nagyelo ang puso ni Marco at tumigil sa pagtibok. Nanginig ang kaniyang tuhod, hindi dahil sa marahas na ihip ng hangin o sa malakas na ulan, kundi sa imahe ng babaeng nasa harapan niya ngayon. Ang suot nitong itim na pantalon at jacket na hapit sa katawan nito, ang baril at combat knife na naka-strap sa magkabilang binti nito, at ang mga mata nitong walang kabuhay-buhay at blangko ay tila nag-anyong si Kamatayan ito na walang awang kukunin at kikitilin lahat ng buhay na haharang sa daanan niya. Hindi na ito ang asawa niyang si Lyra. Ang Reyna na ng Pahimakas ang kaharap niya. "Reyna," matigas na turan ni Agent Ricaforte. Ang katagang buong puso niyang kinasusuklaman na lumabas mula sa mga labi ng pinakamamahal niyang lalaki ay tila isang punyal na tinarak sa puso niya. Kung hindi.lang nakahawak si Lyra sa pasamano ng hagdan, maaaring kanina pa siya natumba. Pero hindi ito ang oras para siya manghina. May misyon pa siya at kailangang tapusin niya 'yon anuman ang mangyari o sinuman ang makakaharap niya. "Umalis ka na rito," maawtoridad na utos ni Lyra. "Hindi ako aalis nang hindi kita kasama," determinadong sabi ni Agent Ricaforte. May kung anong mainit na humaplos sa puso ni Lyra nang sambitin 'yon ni Marco. Sinasabi ng puso niyang hindi nagbago ang pagtingin sa kaniya ni Marco kahit na nalaman na niya ang kaniyang nakaraan, ngunit ginigiit ng isip niyang mga patibong lamang ang mga salitang 'yon upang masilo siya at hadlangan ang misyon niya. Sa gitna ng pagtatalo ng puso at isip niya, iisa lang ang nais niyang makamit sa dulo, hindi o kasama man niya sa Marco. "Hayaan mo na lang ako, Marco" may hamig na pagmamakaawang sabi ni Lyra. Natinag ang matigas na depensa ni Agent Ricaforte dahil alam niyang boses 'yon ng asawa niya, hindi kay Reyna. "Mas mabuti kung sumuko ka na lang. Tutulungan ki--" "Nandito ka para hulihin ako?" sabi ni Lyra sa mababa ngunit hindi makapaniwalang tono. Wala sa hinagap niya na dadating ang araw na magtutuos sila ni Marco kahit pa isa itong pulis. “Oo,” walang alinlangang sagot ni Agent Ricaforte. ‘Yong parang punyal na nakatarak sa puso ni Lyra ay mas lalo pang bumaon nang marinig ang sagot ni Marco. Sa paningin nito, isa na lamang siyang kriminal na kailangang hulihin at ikulong. Kahit gaano kasakit, mas piniling isantabi ni Lyra ang nararamdaman at pinamanhid ang puso. Kitang-kita ni Agent Ricaforte ang sakit na bumalatay sa mga mata nito kahit napakaikling sandali lang ‘yon. “Hindi, hindi, mahal. Mali ang iniisip mo. Hindi ‘yon gano’n,” halos magkandautal-utal pa niyang sabi para lang mapawi agad ang pagdududa nito, na siya namang pinagsisihan niya agad. Hindi siya pumunta rito bilang si Marco, kundi bilang si Agent Ricaforte. Pero heto siya at nagkakandarapang magpaliwanag na parang tanga. Hindi siya dapat maging marupok. “Ang ibig kong sabihin, pwede kang sumuko at magtestigo laban sa Don,” sabi ni Agent Ricaforte sa kalmadong boses. “At sa pamamagitan no’n, bababa ang sentensiya mo o baka mabigyan na parol,” dagdag pa niya. “Gusto mong traydurin ko ang sariling kong ama,” sabi ni Lyra nang may bahid ng galit sa boses niya. Kahit pagbalik-baliktarin pa ang mundo, ama niya pa rin ‘yon. Utang niya ang buhay niya sa ama. Wala siya sa mundo ngayon kung hindi dahil sa ama niya. Hindi siya ang magiging dahilan ng pagbagsak ng kaniyang ama kahit gaano man ito kasama sa paningin ng iba. Nagsalubong ang mga kilay ni Agent Ricaforte. “Ama? Kahit kailan hindi ka itinuring ng Don na anak niya. Sino’ng ama ang gagawing pinakamapanganib at pinakadelikadong armas ang sarili niyang anak? Imbes na protektahan at mahalin, sinadlak ka pa niya sa kapahamakan nang napakadaming beses. Matauhan ka na, Reyna. Hindi siya nararapat para sa kata--” “Manahimik ka!” galit na bulyaw ni Lyra. Gusto niyang sumbatan na wala itong alam, pero wala nga ba? Sa mga sinabi nito, halatang-halata na parang ang dami niyang alam tungkol sa kaniya, sa Don, at sa Pahimakas. Hindi isang ordinaryong pulis ang bibigyan ng gano’ng ka-confidential na mga impormasyon, kahit na pa ang hepe nito. Biglang kinutuban nang masama si Lyra. Pulis nga ba talaga ang asawa niya? Kung noon hindi niya lubos maisip kung paanong nalaman ng mga agent ‘yong tungkol sa transaksiyon, ngayon parang nagkaka-ideya na siya. Ngunit tila imposible ang naiisip niya. “Sino ka?” kusang bumuka na ang mga bibig ni Lyra para itanong ‘yong bumabagabag sa puso niya. Natigilan si Agent Ricaforte. Wala pa siyang planong sabihin ngayon kay Lyra ang lahat-lahat. Mas lalo lang itong magdududa sa kaniya. Ibubuka na sana niya ang kaniyang mga bibig nang nagsalita ulit si Lyra. “‘Yong totoo,” sabi ni Lyra nang may bigat ang bawat salitang binitawan nito. Napalunok si Agent Ricaforte. “Mahalaga pa ba ‘yon?” “Ikaw ba talaga si Marco Tibayan?” tanong ulit ni Lyra. Matagal silang nagkatitigan nang walang imikan. Tanging ang pagpatak ng ulan sa bubong ng yate ang maririnig. Hindi na rin nila alintana ang malalakas na hampas ng alon na marahas na nagpapagalaw sa yate. Hindi rin nagtagal at naunang bumawi ng tingin si Agent Ricaforte. Humugot muna ng malalim na hininga bago siya sumagot. “Isa akong agent,” pag-amin niya. Kahit narinig na niyang umamin ito, ayaw pa ring maniwala ng puso ni Lyra. “Ang totoo mong pangalan?” narinig niyang turan ng kaniyang sariling mga bibig. “Ako si Agent Ricaforte,” sagot niya. Nilabag niya ang standard protocol na kahit ano’ng mangyari, hindi sasabihin ang tunay na pangalan. Naisip kasi niyang mas mabuti nang manggaling sa kaniya ang katotohanan kaysa sa ibang tao. Paulit-ulit na umiling si Lyra. “Hindi, hindi ‘yan totoo. Gusto mo lang akong pasakitan dahil tinago ko sa ‘yo ang nakaraan ko. Nagsisinungaling ka!” sabi niya nang nakaduro kay Marco. Hindi ito ang inaasahan ni Agent Ricaforte na magiging reaksiyon nito. Mas nanainisin pa niyang magalit ito at sigawan siya kaysa sa makita itong ganito na pilit tinatalikuran ang katotohanan at kinakapitan pa rin ang kasinungalingang siya ang bumuo. Gustong-gusto niya itong yakapin at aluhin pero pa’no niya ‘yon gagawin kung siya mismo ang puno’t dulo ng pagkalito nito. “Pero may mga magulang ka,” giit pa rin ni Lyra. “Sina Nanay Minda at Tatay Fred na--” “Mga agent din sila. Hindi ko sila tunay na mga magulang,” pag-amin pa ni Agent Ricaforte. “Hindi, imposible ‘yon,” umiiling na sabi ni Lyra. Ayaw niyang tanggapin, ayaw niyang maniwala. “At ‘yong mga kapatid mo. ‘Wag mong sabihing agent din sila,” nangingiting sabi ni Lyra dahil nakahanap siya ng butas sa kasinungaling sinasabi ni Marco. Nakayuko ang ulo ni Agent Ricaforte at nakatitig sa sahig ng yate. “Hindi ko sila tunay na mga kapatid. Galing sila sa bahay-ampunan,” walang lakas na sabi ni Agent Ricaforte. “Tumingin ka sa aking mga mata at sabihing nagsisinungaling ka lang, Marco,” nagmamakaawa nang pakiusap ni Lyra kay Marco. Dahan-dahang iningat ni Agent Ricaforte ang ulo niya. Tila nanikip ang lalamunan niya na parang may sumasakal sa kaniya kaya nahirapan siyang huminga nang nakita ang mga mata nitong tila nalulunod sa namumuong mga luha ro’n at ang mga labi nitong namumutla at nanginginig. “Patawad, mahal,” ang tanging nasabi ni Agent Ricaforte. Kasabay ng pagpatak ng mga luha ni Lyra ay tila pagguho ng mundo ni Agent Ricaforte at bumagsak lahat ng ‘yon sa kaniya. Bumigay ang mga tuhod niya at napaluhod sa harap ng babaeng pinakamamahal niya. “Patawarin mo ako,” anas ni Agent Ricaforte nang nakalaylay ang mga balikat, nakabaluktot ang likod, at nakayuko ang ulo. Akala ni Lyra hanggang sa pagbaon na lang ‘yong parang punyal na nasa puso niya, hindi pa pala. Inikot pa ‘yong punyal nang makailang beses na tila ginugutay-gutay ang puso niya matapos mapagtanto na ang halos anim na taong pagsasama nila ng lalaking ito ay isang malaking kasinungalingan, isa lamang pagpapanggap. Ang pamilyang pinoprotektahan kapalit man ng buhay niya ay isang huwad lang pala. Lahat ng mga pinakamasasaya at pinakatatangi niyang alaala kasama ang pamilya at ang lalaking ito ay pawang mga eksena kung saan siya ang ginawang bida nang wala siyang kamalay-kamalay na palabas lamang pala lahat ng ‘yon. At ngayo’y tapos na ang palabas, dapat lang talagang itong yumuko dahil sa halos makatotohanan nitong pag-arte at talaga namang nagbigay ito ng napakahusay na pagganap. Baka nga ito rin ang naging direktor ng ‘di matatawarang palabas na ito. Kusang gumalaw ang mga kamay ni Lyra at pinalakpakan nang masigabo ang nakaluhod pa ring agent. Napa-angat ng tingin si Agent Ricaforte at nagtama ang tingin nila. Halos mapaso si Agent Ricaforte sa naglalagablab na galit mula sa titig ni Lyra. Mas masahol pa pala ito sa Don, 'yon ang paulit-ulit na sinisigaw ng isip ni Lyra. Sa loob halos ng limang taon, nagawa ng lalaking itong saksakin siya patalikod nang paulit-ulit. Ang Don ay hindi patraydor kung kumilos at mas lalong hindi peke. Kahit papaano, alam niyang ginagamit lamang siya ng Don para despatsahin ang mga kalaban nito, pero kabaligtaran ang lalaking ito. Wala siyang kamuwang-muwang na ginagamit lang pala siya nito para makakuha ng impormasyon laban sa Pahimakas. Pinahid ni Lyra ang mga luha sa kaniyang pisngi. “Ngayong nakababa na ang kurtina dahil tapos na ang dula-dulaan, ano na’ng susunod mong hakbang… Agent Ricaforte,” buong pait niyang tinuran ang totoong pangalan nito. Walang mahagilap na salita si Agent Ricaforte, o mas tamang sabihing mas pinili niyang tumahimik. Haharapin niya ang galit nito, ang kaparushan nito, basta’t mapatawad lang siya nito. Bumitaw si Lyra sa pagkahawak sa metal na pasamano at tumayo ng matuwid. Para siyang higante na nakahanda nang tirisin ang nakaluhod pa ring si Agent Ricaforte. “A oo nga pala. Gusto mong hulihin ang Reyna, ‘di ba?” may pagkasarkastikong sabi niya. “Tumayo ka na diyan at labanan ang Reyna. Dahil sinisiguro ko sa iyong hindi mo mahuhuli nang buhay ang Reyna,” sabi niya sabay hugot ng combat knife na naka-strap sa binti niya. Ngunit hindi gumalaw si pagkakaluhod si Agent Ricaforte, sa halip ay tinapon ang hawak nitong baril. Ngumiti nang mapakla si Lyra sa kaisipang gusto pa rin nitong ipagpatuloy ang pag-arte kahit pa tapos na ang palabas. Sumugod si Lyra habang mahigpit na hawak ang patalim at walang pasubaling tinarak ‘yon kay Agent Ricaforte.Bumaon ang patalim, kasunod no’n ang pag-agos ng dugo ni Agent Ricaforte.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD