Ang Pagtutuos

2318 Words
Umaalingawngaw ang halakhakan ng mga lalaking nag-iinuman at nagkakasiyahan sa loob ng kubo na walang dingding ngunit may pawid na bubong. Sa gilid ng kubo ay ang cottage na gawa sa kahoy na may dalawang palapag. Nasa beranda si Lyra, nakatingin sa malawak na dagat na ngayo'y kulay itim gaya ng kalangitan na walang anumang bituing mababanaag. Medyo malakas ang hampas ng alon at marahas ang pag-ihip ng hangin na tila'y may bagyong paparating. Hindi alintana ni Lyra ang masamang panahon sapagkat ang kaniyang isip ay nasa asawa niyang si Marco. Marahil nabasa na nito ang liham niya. Sana mapatawad siya nito sa ginawa niyang pag-iwan sa kaniya, sa kanilang lahat. Marahil, sobra itong nasasaktan ngayon, pati ang dalawang bata, baka nga umiiyak na. Humigpit ang hawak niya sa kahoy na barandilya. Pinilit ni Lyra labanan ang kaniyang mga luha na pumatak. Tapos na. Nagawa na niyang iwan sila sa nararapat na dahilan. Tama ang ginawa niya. Para ito sa kaligtasan at katahimakan ng mga minamahal niya. Kailangan niyang magpakatatag dahil hindi pa tapos ang misyon niya. Tinuon niya ang atensiyon sa puting yate na nasa may dalampasigan, at medyo malayo iyon sa cottage. Hindi siya tatakas hangga't hindi nakikita ng dalawang mga mata niya ang pagkapira-piraso ng yateng 'yon kasama na ang mga delikadong armas na nandoon. "Ma'am Reyna, pwede n'yo na po ba kaming samahan sa baba? Hinahanap po kayo ng kano ro'n at saka nauubusan na po kami ng baong Ingles. Kaya mas mabuti kung kayo na lang ang kumausap do'n," nakakamot sa buhok na sabi ni Andoy, 'yong pinakabata sa nakasama niyang limang miyembro ng Pahimakas. Hinarap niya si Andoy at tumango. Pinauna muna siya ni Andoy na bumaba sa hagdanan bago ito sumunod sa kaniya. Habang papaba sila sa hagdan, may naalala si Lyra. "Si Pata, dumating na ba?" "Hindi pa nga po, Ma'am Reyna. Pero nagtext na po na papunta na raw po siya," sagot naman ni Andoy. Tumango lang ulit si Lyra. Pagkababa nila, do'n niya nakitang nag-iinuman sa sala ang kano na si Mr. Daniels kasama ang tatlo pang miyembro ng Pahimakas na matagal niyang nakasama. "There your are, Lyra," sabi ni Mr. Daniels na namumula na ang pisngi. "Here, this is for you," sabi nito pagkatapos itong magtagay ng mamahaling brandy sa maliit na babasaging baso. Kilala sa lugar nila si Mr. Daniels na big time na negosyante ngunit nagkaroon ng kasong gun trafficking pero napawalang sala rin. 'Pag nakainom na kasi ito kinukwento niya ang tungkol do'n at kung pa'no niya nalusutan 'yon nang binayaran ang huwes ng ilang daang dolyares. Kaya naisip ni Lyra na gamitin 'tong yate niya kasi alam niyang papayag ito basta't bayaran lang ito. Hindi man siya malapit sa kano pero magkakilala sila. Lahat namn dito sa Isla ay magkakakilala. Tinaggap niya ang alok nitong tagay at iniisang lagok 'yon. Pinilit niyang 'wag ngumiwi dahil hindi siya sanay uminom. Hindi na nga niya matandaan ang huling beses na uminom siya. At kahit naman noon, hanggang tikim lang siya dahil madali siyang malasing. Masasabi niyang ang alak ang kahinaan niya. Nilagay ni Lyra ang baso sa mesa. "I'll go check the cargo. Have fun drinking with them, Mr. Daniels," sabi ni Lyra. Siyempre, matatas siya sa wikang English. Pinag-aral siya sa Amerika ng Don at lumaki rin siyang may English tutor. Matagal man siyang hindi na nagsasalita ng English kasi ang alam nina Marco ay hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral, hindi na mawawala pa ang kakayahan niya pagdating sa wikang English. Bago pa makatalikod si Lyra, tumayo ang kano at hinawakan siya sa braso. "Come on, don't be a bore. It’s more fun if you’ll join us," sabi ni Mr. Daniels na namumungay na ang mga mata. "No offense, guys," dagdag niya nang nakangisi habang tinitingnan ang kasama nitong umiinom. Sumeryoso ang tatlong lalaking nandoon at tumalim ang titig sa kano. Si Ramos lang ang tanging kalmado at nanatiling nakangiti. “Let her be, Mr. Daniels. We have lots of funny stories to tell,” sabi ni Ramos. Sinusubukan niya pang sagipin ang kano mula sa kapahamakan at saka kailangan pa nila ang yate nito. “Nah, I bet her stories are more interesting,” sabi ni Mr. Daniels bago pinasadahan niya ng tingin si Lyra mula ulo hanggang paa. Hindi na nagsalita pa si Ramos. Ang kano na ang naghahanap ng sarili nitong kapamahakan dahil siguradong hindi siya sasantuhin ng Reyna nila. “Let go, Mr. Daniels,” sabi ni Lyra dahil hawak-hawak pa rin nito ang braso niya. Kung siya pa ang dating Reyna, siguradong kanina pa ito bumulagta sa sahig kahit na malaki itong tao at mas matangkad pa sa kaniya. Nang naging si Lyra siya, pinangako niya sa sarili na tatalikuran na niya ang karahasan, maliban na lang kung kailangan niyang protektahan ang sarili niya at ang pamilya niya. Humakbang si Mr. Daniels kung kaya’t magkalapit na ang mukha nila ni Lyra. “And if I won’t, what would you do, sweetheart?” sabi ni Mr. Daniels nang nakangisi. Amoy na amoy ni Lyra ang hininga nitong amoy alak, parang nasusuka tuloy siya. Pero nanatiling walang bahid na emosyon ang mukha niya. Mabilis niyang inikot ang braso niya upang makawala sa pagkahawak ng kano sa kaniya at saka hinablot ang kamay nito at pinilipit ito. Sa sobrang bilis ng pangyayari, walang nagawa si Mr. Daniels kundi ang mahiyaw sa sakit. “G-go easy, y-you might break it,” sabi ni Mr. Daniels na halos hindi na mapinta ang mukha. “I’ll surely break it,” sabi ni Lyra at mas lalo pang hinigpitang ang pagpilipit sa kamay na kano na siyang nagpahiyaw lalo sa kano. “Unless you learn to keep your hands to yourself,” dagdag ni Lyra. “Y-yeah, I w-won’t do it again,” mangiyak-ngiyak na pagmamakaawa ni Mr. Daniels. Binitawan na siya ni Lyra at bahagyang natulak. Natumba naman agad ito marahil dala na ng kalasingan. “G*gong kano ‘to. Ang Reyna pa talaga namin ang mamanyakin mo, ha,” sabi ni Asyo sabay sipa sa kano sa p*********i nito. Parang bulate na namilipit ang kano habang dumadaing. “Gusto mo kapunin ko na ‘to, Ma’am Reyna?” “Dalhin n’yo na sa kwarto niya para makatulog na,” utos ni Lyra sa kanila. “At pagkatapos no’n, pwede na kayong uminom ulit.” Tumalikod na siya at lumabas sa cottage. Natigil ang masayang usapan ng mga lalaking nag-iinuman pagkakita sa kaniya at binati siya ng magandang gabi. Tumango lang siya at dumiretso sa dalampasigan. Nang nakalayo na siya, narinig niya muli ang malakas nilang halakhakan. Ang malamig na hanging may maalat na simoy ang sumalubong sa kaniya nang malapit na siya sa dalampasigan. Umakyat siya sa hagdan at pumasok sa lounge area kung saan may sala set at telebisyon na nandoon. Ramdam na ramdam niya ang marahas na paghampas ng alon dito sa yate. Pero balewala lang ‘yon kay Lyra dahil hindi naman siya madaling mahilo. Tinunton ng mga paa ni Lyra ang pinakadulong cabin room ng yate. Walang kama o alin mang gamit na nandoon maliban sa nabiling mga armas. Nandoon ang iba’t ibang uri na high class na mga bomba na nakabalot sa loob ng ilang karton at ‘yong tatlong missile na maliit lang naman, hindi kalakihan, ang tanging nakalabas pero naka-strap sa bakal. Pero alam ni Lyra na sobrang delikado ito at nakapalawak din ang maaaring mapinsala nito. May sariling banyo ang kwartong ‘yon at pumasok do’n si Lyra. Pagkatapos, inalis niya ang tank ng toilet kung saan naroon ang limang dinamita na may timer. Nasa kaniya ang maliit na switch, na ‘pag pinindot niya, sasabog ‘yong dinamita matapos ang dalawang minuto. Kasama sa training niya noon ang paggawa ng simpleng improvised explosive devices at talagang napakinabangan niya ‘yon ngayon. Umupo siya sa malamig na sahig at sinandal ang likod sa pader. Mamayang alas tres ng madaling araw ang alis ng yate, pero ‘pag patak ng alas dose, tatakutin niya ang captain at ‘yong isang kasamahan nito na paandarin ito. ‘Pag nasa laot na, saka na niya patatalunin sila, may mga life vest naman na pwede nilang gamitin. At saka niya pasasabugin at tatakas na rin siya. Kaya nga hinahayaan niya lang na uminom silang lahat para malasing at walang may makapansin na nakaalis na ang yate. Gusto sana niyang maidlip pero ayaw ng isip niya. ‘Pag pinipikit niya ang mga mata, ang mukha ni Marco na lumuluha ang nakikita niya at kasunod no’n ang sobrang sakit na tila pinagpipiraso ang kaniyang puso. Mas minabuti niyang panatilihing dilat ang mga mata at inaalala ang mga masasayang sandali nila ni Marco. Kahit papaano naibsan ang sakit at kalungkutan niya. Ilang minuto ang lumipas bago may narinig siyang putok na baril. Noong una, akala niya’y nagkakasiyahan lang ‘yong mga nag-iinuman. Pero nang sunod-sunod na ‘yong putok at may kasamang sigawan, alam niyang engkwentro na ‘yon. Sigurado siyang mga agent ‘yon. Malamang nakatunog ‘yong mga agent sa nangyaring transaksiyon. Hindi na niya inisip kung paano nila nalaman ‘yon. Iisa lang kasi ang nasa isip niya, ang makaalis ang yate kaya tumakbo siya palabas ng yate at bumaba sa dalampasigan para tanggalin ‘yong lubid nang hindi nililingon ang nangyayaring engkwentro sa cottage. Walang siyang tiwala sa mga agent o pulis na gagamitin ‘tong armas sa tamang paraan. Mas mabuting siya na ang dumispatsa rito para siguradong hindi mapakikinabangan ng kahit sinuman. Pagkatapos, pumunta siya sa captain’s deck na nasa ikalawang palapag ng yate. Tinutukan niya ng baril ang captain at ang kasama nito at inutusang paandarin na ang yate. Tumalima naman sila at saka siya bumalik sa lounge area. Heto lang naman ang nag-iisang entrance para mapasok ang loob ng yate. Pumuwesto siya sa may likod ng sofa kung saan kita niya ang taong papasok pero hindi naman siya makikita agad ng papasok. Tinutok niya r’on ang baril. Ilang minuto ang lumipas at patuloy pa rin ang putukan pero nararamdaman niya ang mabagal na pag-andar ng yate. Pagkatapos, may pumasok na apat na lalaking armado. Binaba agad ni Lyra ang baril dahil sina Ramos pala ‘yon. “Ano’ng nangyari?” bungad na tanong sa kanila ni Lyra. “May mga pulis at agent na lumusob. Halos kalahati ng tauhan natin ang ubos na nang umalis kami.” humahangos na sagot ni Ramos. “May nakasunod na mga agent sa amin,” sabi naman ni Asyo. “Kami na ang bahalang magbantay rito, Ma’am Reyna,” suhestiyon ni Ramos. “Tama si Ramos. Mas mahalaga ang buhay mo kaysa sa amin,” pagsang-ayon ni Asyo. “Hindi namin hahayaang may mangyari sa aming Reyna,” dagdag ni Bato. Kung noon, maiinsulto siya kapag sinabihan siya ng ganito ng kaniyang mga kasamahan. Bihasa siya sa paghawak ng baril at asintado pa. Pero ngayon, hindi maiwasang manginig ng mga kamay niya. Hindi na niya kayang kumitil ng buhay. Tumango lang si Lyra at iniwan na sila ro'n sa lounge. Diretso siya sa pinakadulong cabin room at ni-lock ang pinto. Pinipilit niyang pakalmahin ang sarili, pero parang mas lalong nanginginig ang kamay niya. Umiling siya nang paulit-ulit habang pabalik-balik na naglalakad sa masikip na silid na 'yon. Sinabi niya sa sarili na pwede naman niyang barilin sa paa o braso, sa mga parteng hindi ito mapupurohan. Sa kaisipang 'yon, tila nakahanap siya ng tibay ng loob. Nakarinig ulit siya ng putukan dito na sa loob ng yate. Hindi nagtagal may sunod-sunod na kumatok sa pintuan at tinawag ang pangalang Reyna. Boses 'yon ni Ramos kaya binuksan niya. Do'n niya nakita si Ramos na inaalalayan si Andoy dahil may tama ito sa may hita. "Wala na sina Asyo at Bato," bungad ni Ramos na lubhang pinagpapawisan. "Napatay namin ang dalawang agent pero magaling 'yong isang natira. Siya ang nakabaril kina Asyo at Bato, at siguradong hinahanap na niya kami," dagdag pa niya. "Tumakas na kayo. Kumuha ka ng life vest para sa kaniya," utos ni Lyra kay Ramos. "Hindi kita puwedeng iwan. Inatasan ako ng Don na tulungan at protektahan ka kahit kapalit pa no'n ang buhay ko," sabi ni Ramos. Pwede naman nilang pagtulungan 'yong natirang agent. "Kaya ko ang sarili ko. Isa pa, mas makakatulong ka kung wala akong aalalahanin na pabigat," sabi ni Lyra at binuksan na ang pinto. "Halika na, wala na tayong oras pa." Nilagay ni Lyra ang isang braso ni Andoy sa balikat niya. Magkasama nilang inilalayan si Andoy para mabilis nilang marating ang gilid ng yate kung saan ramdam nila ang pag-ambon. Nagtulong sina Lyra at Ramos na isuot ang life vest kay Andoy. "Ipangako mong mabubuhay ka kundi malalagot ako kay Don," sabi ni Ramos. Lumakas na ang ulan kaya basa na silang tatlo. "Mas mabuti kung 'wag na kayong bumalik sa Pahimakas. Hindi pa huli ang lahat para sa inyo," masinsinang payo ni Lyra sa kanila. Hindi na nakatugon pa si Ramos dahil tinulak na niya ito kasama ni Andoy. Nang nakita niyang lumalangoy si Ramos habang hawak-hawak si Andoy, saka lang siya pumasok ulit sa loob. Kung tutuusin, pwede naman siyang sumamang tumakas sa kanila, pero gusto niyang isipin nilang kasama siyang sasabog ng yate. Wala rin kasing kasiguraduhang susundin nila ang payo niya. Dumaan siya sa likod ng yate, kung saan may hagdanan do'n papunta sa captain's deck. Bago pa siya makaakyat, may tumawag bigla ng pangalan niya, hindi Reyna kundi Lyra. Pamilyar sa kaniya ang boses na 'yon. Dahan-dahan siyang humarap nang nakataas ang dalawang kamay. May lalaking nakasuot ng bonet mask na tinatakpan ang buong ulo at mukha maliban sa mga mata nito, at may hawak na baril ito na nakatutok sa kaniya. Pero hindi inaasahan ni Lyra nang binaba nito ang baril at hinubad ang bonet mask nito. Pero mas ikinagulantang niya nang makita ang mukha ng lalaki. Walang iba kundi ang asawa niya. Si Marco.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD