Chapter 9.1

2338 Words
Sa sunod-sunod na tilaok ng manok nagising si Marco. Gumuhit ang ngiti sa mukha niya nang pumasok sa alaala niya ang nangyaring pagsisiping nilang mag-asawa. Kinapa niya ang kama ngunit tanging kumot ang nahagilap ng kamay niya, kung kaya't napabalikwas siya agad-agad. Wala na siyang katabi, wala na sa tabi niya ang asawa. Pagkatingin niya sa orasan, do'n lang napagtanto ni Marco na tanghalin na pala siya nagising. Pasado alas siyete na ng umaga. Kanina pa siguro nagising ang asawa niya para magluto ng agahan nila. Pero dapat ginigising naman siya ng asawa lalo na't kung may trabaho siya dahil ayaw nitong nahuhuli siya. Lumabas na siya ng kwarto, ngunit ang tanging nandoon ay ang dalawang batang nanonood ng telebisyon sa sala. Wala rin naman sa kusina ang asawa niya. Lumapit siya sa dalawang bata at tinanong kung alam nila kung saan nagpunta si Lyra. "Punta bayan si Nanay Lyra. Bili raw po siya ng baboy," sagot ni Tin-tin. Sinabihan na siya ni Nanay Lyra kahapon na kung hahanapin daw ni Kuya Marco siya sa kanila, 'yon daw ang sabihin niya. Tumango na lang si Marco. Nainitindihan na niya kung bakit maagang umalis ang asawa para mamalengke. Mabilis kasi maubos ang karne sa palengke kaya kailangang maagap talaga kung hindi ay mawawalan. Mukhang ipagluluto siya ni Lyra ng isa pang paborito niyang ulam, ang sinigang na baboy. Napapangiti siya papuntang banyo habang iniisip 'yon. Dumiretso na sa himpilan ng pulis si Marco at nagtrabaho. Tinukso pa siya ng mga kasamahang pulis na mukhang nakaraming dilig daw siya kagabi dahil hindi raw maalis-alis ang ngiti sa mukha niya kahit nasermonan na naman siya ng hepe nila dahil nahuli na naman siyang pumasok. Tinawanan na lamang sila ni Marco. Pasado alas nuebe na nang makatanggap ng tawag si Marco mula sa mga agent na rerelyebo do'n sa nagbabantay sa tahanan nila na hindi raw nila naabutan 'yong dalawang agent na papalitan sana nila. Agad na kinutuban ng masama si Marco at inutusan ang ibang agent na hanapin 'yong dalawa. Hindi na mapakali si Marco kakahintay ng update do'n sa dalawang nawawalang agent. Saktong alas diyes nang nakatanggap ulit siya ng tawag. Nakita na ang dalawang agent at buhay naman sila. Pero may bumaril daw ng tranquilizer sa kanila kaya nakatulog sila. 'Yon lang ang pinakinggan ni Marco at tinapos na niya ang tawag. Kulang na lang paliaparin ni Marco ang motor na pangpulis para lang makarating siya agad sa tahanan nila. Dumiretso agad siya sa loob ng tahanan niya habang tinatawag ang pangalan ng asawa niya. Walang sumagot dahil walang tao roon. Naisip niyang baka nakikipaglaro sa kapit-bahay nila ang dalawang bata. Pero dapat nakauwi na mula sa palengke ang asawa niya. Kahit tirik ang araw, sinuong ni Marco ang kagubatan para puntahan ang tree house. Nang narating na niya, dali-dali siyang umakyat sa tree house. Kinuha niya ang maliit na kulay itim na box mula ro'n sa secret comparent sa mababang mesa. Nagitla siya nang makitang wala ng laman iyon. 'Yong maliit na notebook, yong cellphone, pati na ang baril. Hindi makapaniwala si Marco o ayaw lang niyang maniwala. Paulit-ulit siyang umiling habang kinukumbinsi ang sarling hindi siya iniwan ni Lyra. Nagkukumahog siyang bumaba sa tree house at tinakbo ang gubat para makarating sa tahanan nila. Tagaktak ng pawis at humahangos si Marco nang pumasok siya sa tahanan nila at dire-diretsong pumasok ulit sa kwarto nilang mag-asawa. Binuksan niya ang kabinet, at doon tumambad sa kaniya ang pareho nilang damit ni Lyra. Imbes na makaramdam ng kaginhawaan, parang mas lalong kinabahan si Marco. Nilibot niya ng tingin ang buong kwarto hanggang sa napako ang mga mata niya sa lamesa kung saan nakapatong ang maliit na lampshade at doon may nakaipit na nakatiklop na kapirasong papel. Dahan-dahan siyang lumapit sa mesa at kinuha ang papel. Kahit nanginginig ang mga kamay, binuksan niya 'yon at binasa. Mahal Kong Marco, Una sa lahat, nais kong magpasalamt sa iyo. Akala ko habang-buhay na akong nakakulong sa kadiliman, na kahit saan man ako mapunta, balot pa rin ng kadiliman ang paligid ko. Pero nang dumating ka sa buhay ko, unti-unti mong hinawi ang dilim at binigyan ng liwanag, ng ningning ang aking mundo. Hindi ka lamang naging aking liwanag kundi naging matibay ko ring sandalan. Sa mga sandali ng aking kahinaan, nandiyan ang iyong mga bisig upang ako'y yakapin, ang iyong balikat upang aking sandalan, at ang iyong mga halik at haplos upang pawiin ang aking takot. Maraming salamat, mahal. Nais ko ring humingi ng kapatawaran. Alam kong masyado kitang pinag-alala at binigyan ng maraming alalahanin nitong nakalipas na mga linggo. Pasensiya na, mahal. At sana mapatawad mo ako sa gagawin ko ngayon. Kailangan ko nang umalis at magpakalayo-layo. Labag ma ito sa kalooban ko pero heto lang ang tanging paraan upang matiyak ang kaligtasan ninyo. Ang pag-alis kong ito'y hindi nangangahulugang hindi ko na kayo mahal. Napamahal na kayong lahat sa akin, at mahal na mahal kita, Marco. Yakapin mo nang mahigpit sina Nanay Minda at Tatay Fred para sa akin, at hagkan mo sina Tin-tin at Totoy sa noo tuwing gabi bago sila makatulog, gaya ng ginagawa ko. Pakisabing mahal na mahal sila ng Nanay Lyra nila. At para naman sa 'yo, mahal kong Marco, sana ipagpatuloy mong mabuhay nang punong-puno ng sigla at saya. Sana balang-araw, makatagpo ka ulit ng pag-ibig na panghabang-buhay na. Pakiusap, 'wag mo na akong hanapin pa. Paalam na, aking mahal. Hindi man tayo magkikitang muli, matatagpuan naman kita sa aking panaginip, at doon kapiling kita at mamahalin nang walang hanggan. Sa Iyo Magpakailanman, Lyra Nanglambot ang mga tuhod ni Marco hanggang sa tuluyang mabuwal at napaupo sa sahig na tabla. Tila tinadtad ng bala ang puso niya, nahihirapan siyang huminga at hindi na niya maigalaw ang lupaypay niyang katawan. Pakiramdam niya'y malalagutan siya ng hininga... hindi ang puso niya ang nag-aagaw buhay dahil wala na ang taong nagpapatibok nito. Hindi... hindi pa nakakalayo ang asawa niya. Mahahanap niya pa ito. Kailangang mahanap niya ito, 'yon ang sinisigaw ng utak niya. Pero ayaw makisama ng katawan niya dahil ayaw nitong kumilos. Pero pinilit niya pa ring itayo ang sarili. Kumapit siya sa mesa kung kaya't kahit nangangatog ang mga tuhod ay nakatayo siya. Nakaisang hakbang lang siya at natumba na agad, kasama ng mesa at ilang mga gamit na nagkalampag pagkahulog sa sahig. Tuluyan nang hindi maigalaw ni Marco ang katawan ngunit ayaw pa ring sumuko ni Marco. Hanggang sa tuluyang nagdilim ang buong paligid niya "Lyra," bulong ni Marco bago tuluyan na siyang nawalan ng malay. May tila bubuyog na bulong-bulong ang naririnig niya. Unti-unting lumalakas ang mga boses kung kaya't iminulat niya ang mga mata. Malabo sa una ngunit luminaw din sa huli, at ang mukha ng mag-asawang agent ang tumambad sa kaniya. "Buti naman at nagising na kayo, sir," bulalas ni Agent Merriam. Hindi sumagot si Agent Ricaforte at nilibot ng tingin ang kuwarto. Nasa beach resort siya ni Captain Tolentino, heto na kasi ang parang naging hideout nilang mga agent. Nang subukang igalaw ni Agent Ricaforte ang braso, may parang humila sa kaniya. Do'n niya lang napagtanto na may nakakabit na suwero sa kaniya. May halong pagkalito na tumingin si Marco sa mag-asawang agent. "Dehydration, sir," sagot ni Agent Villanueva pero nanatiling nakakunot ang ulo ni Marco. Nang umuwi ako, nakita kitang nakahandusay sa kwarto n'yo. Ilang beses kitang sinubukang gisingin pero hindi ka nagre-respond kaya..." Hindi na narinig pa ni Agent Ricaforte ang sunod na sinabi ni Agent Villanueva dahil bumalik sa alaala niya ang nangyari. Binunot niya ang karayom sa kamay niya at bumangon. Hindi na siya nanghihina at tila nanumbalik ang lakas niya. Pero ang bigat ng dibdib niya'y hindi naalis. Napailing siya. Kailangan niyang maging malakas upang maibalik ang asawa. "Kumikilos na ba ang mga agent?" tanong ni Agent Ricaforte. "Sir, mahina ka pa. Baka--" "Kaya ko na, Agent Merriam. May balita ba kung nasaan si... Reyna?" "Wala pa rin. Pero nagradyo na si Captain Tolentino sa mga coast guard. Darating na sila mamayang gabi," sagot ni Agent Villanueva. Hinawi ni Marco ang kurtina sa bintana at laking gulat niya ng makitang nag-aagaw na ang liwanag at gabi sa labas. "Bakit hindi n'yo ako ginising agad?" galit na bulyaw niya sa dalawa. Bumuntong-hininga si Agent Merriam. "Sabi ng agent na doktor natin na hintayin kang magising para makabawi ka ng lakas." Muntik nang napamura sa inis si Agent Ricaforte. Ang daming oras ang nasayang sa pagtulog lang niya. Pero di na rin naman maibabalik pa ang mga nasayang na oras kung magwawala pa siya rito. Do'n lang siya dapat mag-focus sa paghanap sa asawa niya. Naupo muna si Agent Ricaforte at hinayaan ang isip na mangingibabaw kaysa sa emosyon. "Wala bang dumaong na kahit na anong barko sa Isla mula kagabi?" "Wala raw," sagot ni Agent Merriam. Lahat na pwedeng madadaungan ng barko sa Isla ay bantay-sarado ng mga agent at pulis kung kaya't malaki ang kumpiyansa ni Agent Ricaforte na matutunugan nila ang dadating na kargamento. Ngayon, kung hindi nangyari ang transaksiyon ng Pahimakas kagabi o kaninang madaling araw, bakit umalis na ang asawa niya. Hindi kaya maaga lang itong nagpaalam para makapaghanda sa transaksiyon na magaganap mamayang gabi? Posible nga, pero parang may mali, parang may mali sa ayos, 'yon ang sinasabi ng kutob ni Agent Ricaforte. Natigil lang sa pagmuni-muni si Agent Ricaforte nang may nilagay na nakatuping papel si Agent Merriam sa lamesa. "Ano na'ng plano mo kay Lyra, sir?" may halong pag-aalalang tanong ni Agent Merriam. May bumalatay na sakit sa puso ni Agent Ricaforte pagkakita sa liham ng asawa para sa kaniya. Tiniis niya ang sakit nang nakatikom ang bibig at kinuha ang papel upang ilagay sa bulsa niya. Bago pa makasagot si Agent Ricaforte sa tanong ni Agent Merriam, may pumasok na isang agent. Nag-report ito tungkol sa isang pinaghihinalaang miyembro ng Pahimakas na hinuli at pinapahirapn ngayon nina Captain Tolentino at ibang pulis. Walang inaksayang oras si Agent Ricaforter at agad pumunta sa storage room. Pagbukas ng pintuan ni Agent Ricaforte, do’n niya naabutan na pinagsusuntok ng isang pulis ang matabang lalaki na nakaupong nakagapos. Pikit na ang isang mata nito at putok na ang kilay kung saan may tumutulong dugo. Tumigil sa pagsuntok ang pulis nang sumenyas si Captain Tolentino. Umubo ang matabang lalaki at dumura nang may kasamang dugo. Pagkatapos, humalakhak ito na tila nasisiyahan pa sa ginagawang pagpapahirap sa kaniya. “‘Yon na ‘yon? Mas malakas pang sumuntok ‘yong kabit ko sa ‘yo e,” sabi nito nang ngumingisi. Aambang na susuntukin ito ulit ng pulis nang hinawakan ito ni Agent Ricaforte sa balikat. Umabante si Agent Ricaforte at umatras naman ang pulis. “Agent Villanueva, busalan ang bibig niya,” utos ni Agent Ricaforte. Nawala ang pagngisi ng matabang lalaki at napalitan ng kaseryosohan ang mukha nang binusalan siya ng damit sa bibig. Lumapit sa kaniya si Agent Ricaforte at walang sabi-sabing binaril ang hita ng matabang lalaki gamit ang baril na may silencer. Nagulat ang lahat, pero ni isa sa kanila ay hindi pinigilan si Agent Ricaforte. “Ang susunod, diyan,” sabi ni Agent Ricaforte habang nakatutok ang baril niya ro’n sa pagitan ng dalawang hita ng lalaki. “Magsasalita ka na ba?” tanong nito nang hindi inaalis ang pagtutok sa lalaki. Bakas sa mga mata ng matabang lalaki ang takot kaya tumango-tango na ito. Nagsenyas si Agent Ricaforte kaya tinanggal ni Agent Villanueva ang damit na nakabusal sa bibig nito. “Pero bago ang lahat, gusto kong gawin n’yo akong witness at--” Pinatong na ni Agent Ricaforte ang dulo ng baril sa pundilyo ng pantalon na lalaki kaya tumigil ito sa pagsasalita. “Oo, magsasalita na ako,” agad naman nitong sabi. “Umpisahan mo na. Baka mainip ako at makalabit ko ‘to,” sabi ni Agent Ricaforte sabay diin ng baril sa pundilyo nito. “Kaninang madaling araw pa nangyari ang transaksiyon. At ‘yong--” “Sinungaling!” sigaw ni Captain Tolentino. “Pa’no nangyari ang transaksiyon kung walang barkong dumaong sa Isla?” Ngumisi ang lalaki. “Matalino ang Reyna namin, ‘di tulad n’yo, mga bobo,” sabi ng matabang lalaki. “Paano nangyari ang transaksiyon?” tanong ni Agent Ricaforte. “Nangyari ang transaksiyon sa karagatan. Sinabihan ang mga Tsiwan na gumamit ng barkong pangisda at kunwaring mangingisda sila ro’n para walang may maghinala. Dumating ang yate namin at kunwaring bumili ‘yong foreigner naming kasama ng isda sa kanila. At do’n na nangyari ang transaksiyon. Nilipat ang mga armas sa yate at binayaran namin sila. Umalis na ang yate, wala na rito sa Isla,” pagsasalaysay ng matabang lalaki. “Kung wala na ang yate, bakit nandito ka pa?” tanong ni Agent Ricaforte. Tila namutla ang lalaki. “E ka-kasi, nagpa-iwan talaga ako. Gusto ko kasi--” Mabilis na binusalan siya ni Agent Ricaforte at binaril sa kabilang hita, pero malapit na sa singit nito. “Kapag nasinungaling ka pa ulit, tapos na ang kinabukasan mo,” pagbabanta ni Agent Ricaforte habang nakatutok ang baril sa pundilyo nito. Inalis na ni Agent Ricaforte sa bunganga nito ang busal. “Nandito pa ang yate, mamayang madaling araw pa ang alis nito,” humahangos na sabi ng matabang lalaki. “Nasaan?” “Doon sa cottage ni Mr. Daniels. Sinuhulan namin siya para gamitin ang yate niya kasi sabi ng Reyna namin, masyadong delikado kung gagamit ng yate galing sa labas. Mas ligtas daw kung taga-rito ang gagamiting yate,” pag-amin ng matabang lalaki. Hindi maiwasang mapangisi ni Agent Ricaforte. Talagang matalino at tuso si Reyna. Iniba niya ang plano kaya naisahan sila niya. Humarap siya kay Captain Tolentino at sa mag-asawang agent. “Humanda kayo, lulusob tayo ngayong gabi,” sabi ni Agent Ricaforte. Humalakhak ulit ang matabang lalaki. “Sa sementeryo ang bagsak n’yong lahat,” mayabang nitong sabi. “At ikaw, papatayin ka ng Reyna namin,” sabi niya habang ngumingisi. Tinalikuran na niya lang ito. “Parating na ako, aking Reyna,” pabulong na sambit ni Agent Ricaforte.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD