Chapter 7.2

2587 Words
Lumipas ang magdamag nang hindi nakatulog si Marco, naghihintay ng pagdating ng kaniyang asawa. Sumapit ang umaga, dumating ang haring araw, pero ni anino ng asawa niya ay 'di nagpakita. Hindi na nag-aksaya ng oras si Marco, bumihis na siya at umalis ng bahay nila. Naglibut-libot siya sa bayan at nagtanong-tanong sa iilan kung nakita nila ang asawa niya. Lahat sila ang sagot ay hindi. Bagsak ang mga balikat ni Marco nang umuwi sa bahay nila ng gabi na. Naabutan niyang naghihintay sa sala ang mag-asawa at ang dalawang bata. "Kuya Marco, nasa'n Nanay Lyra?" tanong ni Tin-tin habang patakbong pumunta kay Marco at yinakap ang mga binti nito. Nakatingala siya habang mangiyak-ngiyak na tumintingin sa kuya niya. Sinenyasahan lamang ni Marco si Nanay Minda na kunin ang bata. Agad naman tumalima si Nanay Minda pero ayaw bumitaw ng bata at parang tuko na kumapit kay Marco. Yumuko si Marco at hinawakan ang namumulang pisngi ng bata. Sumisinghot pa 'to ng sipon habang sunod-sunod na tumulo ang mga luha nito. "May pinuntahan lang si Nanay Lyra mo. Babalik din 'yon," pag-aalo niya sa bata. "Talaga? Promise?" sabi ni Lyra nang humihikdo. "Oo. Sige na, matulog na kayo ni Totoy at may pasok pa kayo bukas," sabi ni Marco. Tumango-tango si Tin-tin bago humawak kay Nanay Minda at pumasok sa kwarto nila kasama ang kapatid na lalaki. Kumuha ng bangko si Marco at tinapit sa bintana nang makaupo na siya ro'n. "Wala ka pang tulog simula kagabi, Marco. Magpahinga ka muna kaya. Ako naman ang magbantay at 'pag dumating si Lyra, gigisingin kita agad," suhestiyon ni Tatay Fred. "Ako dapat ang unang sasalubong sa kaniya pag bumalik na siya," sabi ni Marco nang nakatitig sa labas. Narinig ni Nanay Minda ang sinabi ni Marco pagkalabas niya sa kwarto ng mga bata. Dumiretso siya sa kusina para magtimpla ng kape. Si Tatay Fred naman ay napabuntong-hininga na lang at 'di na pinagpilitan ang suhestiyon niya. Imbes na pumasok sa kwarto nila ng asawa, umupo siya sa ratan na sofa. Maya-maya pa, dumating si Nanay Minda galing sa kusina na may dala-dalang tray na may lamang tatlong tasa ng kape. Nilagapag niya 'yon sa lamesa at kinuha ang isang tasa para ibigay kay Marco. "Sasamahan ka namin sa paghihintay," sabi ni Nanay Minda pagkalapag ng tasa sa pasamano ng bintana. Hindi na niya hinintay na magsalita pa ito at bumalik na sa tabi ng asawa niya. Hinayaan na lang sila ni Marco. Alam niyang totoo silang nag-aalala kay Lyra. At saka, pinakiusapa niya rin ang dalawa at 'yong isang agent na nagbabantay sa bahay nila na 'wag i-report sa Director nila na nawawala si Lyra. Nilibot na yata niya ang bawat sulok sa bayan, pati ang tree house pinuntahan niya bago siya dumiretso dito pero hindi niya natagpuan ang asawa. Nando'n pa 'yong item na box pati ang mga laman nito. 'Yon ang nagbibigay sa kaniya ng pag-asa na babalik si Lyra. Pero pa'no kung nagdesisyon pala 'to na 'wag nang ituloy ang misyon na binigay ng ama nito sa kaniya at tumakas na ito. Nanlamig bigla ang buo niyang katawan dahil sa takot na naramdaman niya. Mas lalo pa siyang nanlumo nang maalala ang huling beses na nakapag-usap sila. 'Pag bumabalik sa alaala niya 'yong gabing 'yon na kung pa'no niya iniwasan, binalewala, at malamig na pinakitunguhan ang asawa, pakiramdam niya'y parang hinihiwa at ginugutay-gutay ang kaloob-looban niya. Umiling siya nang paulit-ulit. Pilit winawaglit sa isip ang alaala na 'yon. Babalik ang asawa niya at babawi siya. Hindi ito aalis nang basta-basta lang at hindi nagpapaalam kahit man lang sa kaniya. Pero ang malaking katanungan na bumabagabag sa isip at puso niya -- Nasaan na ang asawa niya? 'Yon ang tanong na paulit-ulit na tumatakbo sa isip ni Marco habang nakatingin sa madilim na kawalan. Sa hindi mawaring dahilan, tila ramdam ng taong gumugulo sa isip ni Marco ang pag-aalala nito. Hindi matahimik ang isip ni Lyra, hindi dahil sa kumikirot na mga sugat na natamo niya sa pagkuha ng ilang piraso ng dinamita kina Mr. Chen. Alam niyang totoo 'yong bali-balita na binibigyan ni Mr. Chen ang mga mangingisda na umuupa ng bangka niya ng mga dinamita. Kay Tatay Fred niya mismo nakumpirma 'yon noon. Maayos naman ang pagpasok ni Lyra sa bahay ni Mr. Chen. Nakuha niya ang dinamita pero ang hindi niya inaasahan ay ang makasalubong ang aso nitong german shepherd sa bakuran nito nang paalis na siya. Nakatakbo naman siya pero naabutan siya ng aso at dinambahan siya nito. Pilit na nilabanan ni Lyra ang aso pero nasakmal nito ang braso niya. Buti na lang nakapa niya agad ang pocket knfe niya at nasaksak ang aso ng ilang beses, kung hindi baka napatay na siya nito. Nang makawala siya sa aso, nagulat siya nang may bumaril sa kaniya nang sunod-sunod sa gawing likod niya. Swerte pa siya dahil hindi asintado si Mr. Chen at nakatago siya sa nakapaligid na mga mataas na halamanan sa bakuran. Pero nadaplisan pa rin siya sa balikat. Nakatakas man si Lyra pero sugatan siya. Dumiretso siya kay Manang Nelia kung saan siya dating nagtatrabaho bilang serbidora sa pagmamay-ari nitong karinderya. Malapit man'to sa himpilan ng pulis pero naglakas-loob siya dahil ito lang ang pwedeng tumulong sa kaniya. Si Manang Nelia lang ang nag-iisang tagarito na kilala ang tunay niyang pagkatao. Ang anak nitong babae ay pwersahan na pinagtrabaho sa kasa na hawak ng Pahimakas. Kinse anyos lang ito kaya tinulungan niyang makatakas kahit na hindi niya alam kung bakit gusto niya itong tulungan. Bago sila nagkahiwalay, binigyan niya pa 'to ng pera pampamasahe para makauwi dito sa napakalayong Isla. Kaya naisipan niyang pumunta rito at dalawin ito, pero nakapag-asawa na pala 'to ng foreigner. Aalis na san siya noon pero inalok siya ng nanay nito na si Manang Nelia na manirahan muna dito. Nakilala siya ni Manang Nelia na siyang lumigtas sa anak niya. Bilang pagtanaw ng utang na loob, tinulungan siya ni Manang Nelia at pinatira sa bahay niya. Nakumbinsi niya si Manang Nelia na kunin siya bilang serbidora kahit na ayaw nito. Nagulat pa si Manang Nelia pagkakita sa kaniya na sugatan. May alam naman siya sa paggamot ng sugat dahil kasama ‘yon sa naging training niya. May first aid kit din naman si Manang Nelia at pinabili niya lang ito ng mga gamot at iba pa na kailangan niya. Nilagyan niya lang ng bondage ang sugat niya sa braso at balikat. Daplis lang naman ang tama niya sa balikat pero medyo malalim 'yong sugat niya sa braso. Hindi niya alintana ang natamo.niyang sugat. Ang lubos niyang pinag-aalala ay sina Marco. Gusto man niyang umuwi pero mahina pa ang katawan niya ngayon. Ayaw rin niyang makita siya nina Marco nang ganito ang kalagayan niya. Kailangan muna niyang magpalakas. 'Yon ang paulit-ulit na sinasabi ng isip niya para makumbinsi ang sarili na 'wag munang puntahan sina Marco. Pero 'di rin siya mapalagay, di halos makatulog kakaisip kina Marco. Lumipas ang magdamag na parehong iniisip nina Lyra at Marco ang isa't isa. Parehong nangungulila kahit na isang araw pa lang silang hindi nagkikita. Parehong inaasam at nanabik na magkita silang muli Pagsapit ng umaga, nasa may bintana pa rin si Marco at patuloy na naghihintay. Siya na lamang ang naiwan sa bahay. Nasa eskwelahan na ang dalawang bata at ang mag-aswang Minda at Fred ay nasa palengke. Tumayo si Marco at nag-inat ng katawan. Pumunta siya sa kwarto nilang mag-asawa at binuksan ang kabinet. Nando'n pa rin ang mga damit ng asawa niya. Kumuha siya ng isang daster ng asawa at inamoy-amoy 'yon. Sobrang nami-miss na niya ang asawa. Humiga siya sa kama nila nang yakap-yakap amg damit ng asawa niya. Hindi niya namalayan ang unti-unting pagpikit ng mga mata niya hanggang sa nakatulog na siya. Naalimpungatan si Marco nang may tila humahaplos sa mukha niya. Pinilit niyang imulat ang mga mata niya. Ang una niyang nasilayan ay ang maamong mukha ng asawa niya. Nakangit ito habang malamlam ang mga mata na nakatitig sa kaniya. "Mahal," bulong ni Marco. Pakiramdam niya'y nasa isang panaginip siya, sa isang napakagandang paniginip. "Kung isa kang panaginip, pwede bang 'wag na akong magising," pakiusap niya. "Nandito na ako. Umuwi na ako, mahal," sabi ni Lyra habang patuloy na hinahaplos ang mukha nito. Nakumbinsi na si Marco na panaginip nga 'to. "Alam ko. Alam kong babalik ka sa akin," sabi niya nang nakangiti. Naisip ni Lyra na mukhang hindi pa tuluyang nagigising ang diwa ng asawa niya. Nilapit niya ang mukha niya sa asawa at masuyo itong hinalikan. Tumugon naman agad si Marco, sa bawat dantay ng labi ni Lyra sa kaniya ay may katumbas na dampi din mula sa labi niya. Ang mga kamay ni Marco ay kusang gumalaw para hapitin ang asawa sa kaniya. Narinig niyang dumaing ito, pero hindi iyon ang pagdaing na dulot ng paghahalikan nila, kundi daing na tila nasasaktan. Doon lang napagtanto ni Marco na hindi siya nanaginip. Tumigil siya sa paghalik sa asawa. Napagmasdan niya ang nakangiwi nitong mukha. "Mahal, bakit? Ano'ng nangyari? Ano'ng masakit sa 'yo?" sunod-sunod niyang tanong. "A-ayos lang ako," sagot ni Lyra kahit medyo humahapdi ang sugat niya sa balikat dahil nahawakan 'yon ni Marco kanina. Sinubukan niyang kumawala sa yakap nito pero mas lalo lang nitong hinigpitan. Napadaing ulit siya dahil naipit 'yong braso niyang naka-bandage pa. Naalarma si Marco at awtomatikong binitiwan si Lyra. Pareho silang umayos ng upo sa kama. 'Yong damit na yakap-yakap ni Marco ay nalaglag sa kandungan niya. Napatingin din do'n si Lyra. Nang dumating si Lyra ngayong umaga sa bahay nila, naantig siya nang makita si Marco na nakahiga sa kama habang yakap-yakap ang damit niya. Mukhang pareho nilang na-miss ang isa't isa. Sa sandaling 'yon lang tumatak sa isip ni Marco na nakauwi na ang asawa niya. Binalikan siya nito. Sa sobrang galak na naramdaman ni Marco, nayakap niya ulit si Lyra nang mahigpit na mahigpit. Pinigilan ni Lyra ang dumaing sa sakit. Ayaw niyang masira ang magandang sandali na 'yon nila ni Marco. "I miss you, mahal," malambing na sabi ni Marco. 'Yong takot at pag-aalinlangan na naramdaman niya ay tila bulang naglaho na. Tiningan niya ulit ang mukh ng asawa nang hindi ito binibitiwan. "'Wag ka na ulit aalis nang hindi nagpapaalam, ha?" paki-usap niya. "Oo, mahal. Hindi na mauulit," pangako naman ni Lyra. "Patawad, mahal. Umalis ako nang hindi nakapagpaalam. Nando'n lang naman ako kina Manang Nelia. Nagpapalipas ng sama ng loob kasi parang binabalewala muna ako," sabi pa niya nang umiiwas ng tingin kay Marco. Alam ni Marco na nagsisinungaling si Lyra. Pumunta na siya ro'n pero sabi ni Manange Nelia di raw niya nakita si Lyra. "Sinabihan ko si Manang Nelia na 'wag sabihin sa 'yo na--." Hinalikan siya ni Marco kaya hindi na nito natuloy ang sasabihin pa nito. "Ayos na 'yon, mahal." Hindi na mahalagang malaman pa ni Marco kung saan ito nagpunta, basta ang importante, umuwi ito at bumalik sa piling niya. Wala na rin siyang iisipin pang iba sa tuwing kasama niya ito. Basta siya si Lyra, ang asawa niya. "Tara, mahal, humiga muna tayo. Dalawang araw rin hindi kitang nakatabi," sabi ni Marco sa sabik na boses. "Tatlong gabi kaya. Do'n ka natulog sa sala nang huling gabing nagkasama tayo. Ayaw mo na yata akong katabi," sabi naman ni Lyra nang may himig na pagtatampo. "Sorry na, mahal," suyo ni Marco sa asawa. Humaba lang ang nguso ni Lyra. "Halika nga rito," sabi ni Marco sabay hila sa kaniya para mahiga na silang dalawa sa kama. "Ah!" hindi na napigilan ni Lyra ang mapalakas ang daing sa sakit. Tumama kasi ang braso niyang may sugat sa dibdib ni Marco. Nakasuot siya ng long sleeves para 'di makita ang naka-bandage niyang sugat. Dahan-dahan na umupo si Lyra habang tinitingnan siya ni Marco nang nakakunot ang noo.Kanina niya pa napapansin ang pagdaing nito na parang may iniindang sakit. Bumangon si Marco. "Ano'ng nangyari, mahal?" tanong niya sa seryosong boses. "Wa-wala," alanganin na sagot ni Lyra. Bago pa makatanong ulit si Marco, napansin niyang may dugo ang kamay nito. Bago pa makaiwas si Lyra, nahawakan na ni Marco ang kamay nito na may dugo. Madaling naitaas ni Marco ang long sleeves ni Lyra dahil maluwag naman ito. Doon na niya nakita ang sugat na nagdurugo bagaman naka-bandage ito. Dali-daling kumilos si Marco para kunin ang first aid kit nila. Hinubad niya ang bandage at muntik na siya mapamura nang makita kung ga'no kalaki ang nagdurugong sugat nito. Tinaas ni Marco ang braso nito at nilapatan ng gasa ang sugat. "Tiisin mo muna ang sakit, mahal," masuyo niyang sabi. Pinindot niya ang sugat para lagyan ng direct pressure ang sugat. Mahapdi man pero 'pag tinitingnan niya ang mukha ni Marco, parang may dala itong mahika na napapawi ang kirot. Nang naampat na ang pagdurugo, nilagyan niya ng gamot ang sugat at saka nilagyan ulit ng bandage. Nang natapos na, pinaharap niya si Lyra sa kaniya at hinawakan sa magkabilang balikat. Napasinghap si Lyra kaya agad na inalis niya ang mga kamay niya. "Hubarin mo ang damit mo," utos ni Marco sa kaniya. Magpoprotesta pa sana siya pero naisip niyang 'di niya 'to matatago pa kay Marco, sinunod niya na lang 'to. Tinulungan pa siya ni Marco dahil hirap siyang iangat ang isa niyang braso dahil do'n sa sugat niyang nasa balikat. Ininspeksiyon ni Marco ang sugat niya at dahan-dahan na binuklat ang bandage. Hindi gaanong malalim pero sa tantiya niya parang tama 'yon ng baril. Sa maraming beses na nabaril siya at kasamahan niya, alam na niya kung anong hitsura ng tama ng baril. "Sino'ng may gawa niyan? Sino'ng nanakit sa 'yo?" madiin na tanong ni Marco. "A-ayos lang ako, mahal. Wa-wala ito," pagsisinungaling na naman ni Lyra habang sinusubukang isuot ang damit niya. Tumayo si Marco mula sa kama. Pinipigilan niyang magalit dahil ayaw niyang mag-away na naman sila ni Lyra lala na't kadarating pa lang nito. Pero talagang nagpupuyos siya sa galit, gustong-gusto niyang pagbubugbugin ang kung sino man ang nanakit sa asawa niya. "Sabihin mo ang pangalan ng g*gong nanakit sa 'yo," mabalasik na sigaw ni Marco. Napaigtad si Lyra. Parang kasing lakas ng kulog ang boses nito at kasing dilim ng delubyo ang mukha nito. Halos hindi na niya makita sa hitsura nito ang kilala niyang Marco na malambing at mahinahon. Ngayon lang niyang nakitang magalit ng ganito. "Ayos lang nga ako," pinilit ni Lyra patatagin ang boses niya. "Hindi naman-" "T*ng ina naman, Lyra. Ano ba ang tingin mo sa akin? Inutil, duwag na hindi ka kayang ipagtanggol?" galit pa rin na bulyaw ni Marco. Nakayuko ang ulo ni Lyra habang mahigpit ang hawak sa damit na nasa kandungan niya. "Hindi naman sa gano'n, Marco, pero kasi..." Bumuntong hininga si Marco. Kinulong niya sa mga kamay niya ang mukha ni Lyra at nagkatitigan sila."Magsalita ka lang, Lyra at... Kaya kong talikuran ang lahat para sa 'yo, basta magsalita ka lang." Nanginig ang mga labi ni Lyra, natutukso siyang sabihin ang lahat-lahat kay Marco. Pero sa huli, nangibabaw ang determinasyon niyang protektahan ito. Hindi niya maaaring idamay si Marco sa magulo at marahas niyang buhay. Tama nang siya lang. "Anuman ang mangyari, Marco, sana'y tandaan mo, na lahat ng ginagawa ko'y para sa kaligtasan mo at ng pamilyang 'to. Pakiusap, magtiwala ka sa akin," sabi ni Lyra. Nagkatitigan silang dalawa bago dahan-dahan na tumango si Marco. Wala na siyang pakialam kung minamanipula lang siya nito. Mahal na mahal niya ang babaeng 'to. At pipiliin niyang maging bulag at buong-pusong magtitiwala sa kaniya... sa asawa niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD