Chapter 8 Kaligayahan

1554 Words
Nagluluto ng tinolang isda si Marco nang marinig niya ang matinis na boses ni Tin-tin na tinatawag siya. Dali-dali siyang lumabas sa kusina kasi baka magising si Lyra na kasalukuyang nagpapahinga sa kwarto nila. "Kuya Marco, dito na Nanay Lyra?" humahangos na tanong nito. Lumapit si Marco sa bata at yumuko para magpantay sila. "Oo, pero..." Agad na tumili si Tin-tin at akmang tatakbo na papunta sa kwarto nilang mag-asawa nang hinawakan ito ni Marco sa braso. "Nagpapahinga pa si Nanay Lyra mo kaya mamaya mo na lang puntahan," paliwanag ni Marco sa bata. Humaba ang nguso ni Tin-tin at saglit na sinulyapan ang pinto ng kwarto nina Marco at Lyra. "Kahit silip lang ako. Sige na, Kuya Marco," pagmamakaawa ng bata habang mangiyak-ngiyak ito. Bumuntong hininga si Marco. "Sige na nga. Pero sisilip lang, ha," sabi ni Marco. Natutulog kasi ngayon si Lyra at ayaw niyang maisturbo ito lalo na't kailangan talaga nito ng pahinga dahil sa natamo nitong mga sugat. Hinawakan niya ang kamay ni Tin-tin at inakay papuntang kwarto nilang mag-asawa. Binuksan niya nang dahan-dahan ang pinto para hindi maglikha ng ingay. Mahimbing pa rin na natutulog ang asawa niya. Si Tin-tin naman na nasa unahan ni Marco ay lumaki ang mga mata nang makita ang Nanay Lyra niya. Kung hindi lang ito natutulog, baka tumakbo na siya at sinalubong ito ng napahigpit na yakap. "Nakita mo na siya. Halika na," yaya ni Marco sa bata. Tumingala si Tin-tin kay Marco at ngumiti nang pagkalapad-lapad. "Sige, Kuya Marco." Isasarado na sana ni Marco ang pintuan nang gumalaw patagilid si Lyra. Napadaing ito dahil naipit ang sugat niya sa braso. Bago pa maimulat ni Lyra ang mga mata niya, nasa tabi na niya si Marco. Nagising wala sa oras si Lyra dahil nakaramdam siya ng hapdi sa braso niya. Ang nag-aalalang mukha agad ni Marco ang una niyang namulatan. "Ayos ka lang ba, mahal?" tanong agad ni Marco habang hinahaplos ang buhok ng asawa. "Medyo humapdi. Naipit ko yata," anas na sabi ni Lyra sabay tingin sa braso niya. Naka-spaghetti strap lang siya kaya kita niya 'yong naka-bandage niyang sugat sa braso. Mukhang hindi naman dumugo 'yon. Kumuha ng dalawang unan si Marco at nilagay 'yon sa magkabilang gilid niya. "'Yan para hindi ka masyadong makagalaw habang natutulog." Kung pwede nga lang, bantayan niya ito pero kailangan niyang magluto para may kainin sila sa tanghalian. "Para naman akong sanggol nito," biro ni Lyra dahil nakakunot na ang noo ng asawa niya. Sumilay ang ngiti sa mga labi nito, na siyang nagdala ng di maipaliwanag na kaligayahan sa loob ni Lyra. "Okay lang, baby naman kita e," malambing na sabi ni Marco sabay kindat kay Lyra. Tuluyan na ngang natawa si Lyra habang naiiling. Bumalik na 'yong dating malimbing at pilyo niyang asawa, wala na 'yong parang may tinatagong galit at malamig ang pakikitungo sa kaniya. "'Nay Lyra," tawag ni Tin-tin na nasa gilid ni Marco. 'Yong kagustuhan nitong yakapin ang Nanay Lyra niya ay biglang naglaho nang makitang may mga sugat ito. Doon pa lang napansin ni Lyra si Tin-tin. Nasa kay Marco kasi ang buo niyang atensiyon. Bumangon na siya at umupo habang inaalalayan naman siya ni Marco. "Halika rito, Tin-tin," sabi ni Lyra habang tinatapik ang kama sa tabi niya. Inalis na niya 'yong unan para may maupuan ang bata. Hindi na nagdalawang isip pa si Tin-tin at agad na lumapit kay Lyra. Ang unang napansin ng bata ay ang malaking naka-bandage sa balikat nito. "Ba't may sugat 'kaw, 'Nay Lyra?" curious na tanong ng bata. Bago pa makasagot si Lyra, nagsalita na si Marco. "Naaksidente si Nanay Lyra mo." "Naku, kawawa naman 'kaw 'Nay Lyra," may pag-aalala na sambit ng bata. "Gusto mo kiss ko para galing ka na agad," sabi pa niya nang nakanguso na. Napangiti si Lyra sa inosenteng pagnguso ng bata. Na-miss niya rin ang pagiging matabil nito kahit dalawang araw lang silang hindi nagkita. "Na-kiss ko na 'yan kaya magiging okay na si Nanay Lyra mo," sabi ni Marco nang nakangiti nang pilyo. Sumimangot si Tin-tin. "Ba't 'kaw kiss? Dapat ako, 'di ba, 'Nay Lyra," sabi nito na parang nagpapasaklolo. Hinalikan na lang ni Lyra sa buhok si Tin-tin. "Magbihis ka na muna. Tapos manood tayo ng paborito mong cartoon," pag-iiba ng usapan ni Lyra. Baka saan pa mapunta lalo na't iba ang pagngiti ni Marco. "Yehey! Kasama ko nood 'Nay Lyra ko," hiyaw ni Tin-tin sabay halik sa pisngi ni Lyra. Pagkatapos, bumaba na ito sa kama at kumaripas ng takbo palabas ng kwarto. Nakangiting sinusundan ng mga mata ni Lyra ang bata. Nakakahawa ang sigla at kasiyahan nito. Halos hindi na niya maramdaman ang kumikirot niyang sugat. "Kiss din ako, mahal," pagsumamo ni Marco na animo'y batang paslit din. "'Yong niluluto mo, baka ubos na'ng sabaw no'n," pagpapa-alala niya rito. "Naku, isang baldeng tubing na pangsabaw ang nilagay ko kaya 'di 'yon mauubos," sabi ni Marco habang dahan-dahan na lumalapit sa asawa. Iniabot naman ni Lyra ang kabila niyang pisngi na hindi hinalikan ni Tin-tin. Pero pilyo talaga si Marco dahil sa labi niya hinalikan ang asawa nang mabilis siya. Nabitin siya kaya sinundan pa niya ng isa pa at isa pa at isa pa hanggang sa hindi na siya nakatiis at hinawakan na niya sa bato nito para mahalikan ito nang malalim. Kahit gustong sawayin ni Lyra si Marco dahil baka biglang pumasok ang bata, pinigilan niya ang sarili. Aba, na-miss niya rin ang asawa lalo na ang mga halik nitong maaalab ngunit ubod nang suyo. Pakiramdam niya'y para siyang dinuduyaan sa alapaap sa bawat dampi ng mga labi nito sa kaniya. Nang magkasabay silang huminto, napatitig sila sa isa't isa. Magkaperehong namumungay ang mga mata nila na tila nalasing sa pinagsaluhan nilang halik. "Sige na, mahal. 'Yong niluluto mo," sabi ni Lyra pero hindi naman maalis ang mga mata niya sa mga labi ni Marco na medyo nakaawang. "Sige, mahal. Sabi mo, eh." Sa bawat salitang binitawan ni Marco ay may kasabay na halik sa mga labi ng asawa. Marahan na tinulak ni Lyra si Marco dahil parang ayaw naman nitong umalis sa tabi niya, kabaliktaran ng sinasabi nito. "Sige na, Marco," tinawag na niya sa pangalan ito para magseryoso na ito. "Oo na po, mahal," sabi ni Marco pero dumukwang pa ng isang halik bago umalis ng kwarto nila. Ilang minuto lumabas na rin si Lyra dahil tinatawag na siya ni Tin-tin para manood na silang dalawa. Naririnig niya pang inaawat ni Marco si Tin-tin pero hindi patatalo ang bata at pinipilit ang gusto nito. Pagkalabas niya, hinawakan agad siya ni Tin-tin sa kamay at giniya papunta sa sala. Si Tin-tin na ang nagbukas ng tv habang nakaupo na si Lyra. Gusto pa sana ng bata umupo sa kandungan niya pero pinagbawalan siya ni Marco dahil baka masagi nito ang sugat ko. Naintindihan naman ng bata at tumabi na lang ito kay Lyra. Kumain na masaya silang tatlo, pero ang mas kinasabikan ni Lyra ay 'yong kumpleto sila. Nangyari naman 'yon pagkagabi na. Tuwang-tuwa ang mga magulang ni Marco nang makita siya pati na si Totoy na naiyak na yumayakap sa kaniyang mga binti. Kahit na hindi ito kasingtabil ni Tin-tin, ramdam ni Lyra kung gaano siya kamahal ng batang lalaki. Inalo niya pa si Totoy at kung hindi pa siya nangako na hindi na siya ulit aalis ay baka hindi na ito tumahan. Hindi mapigilang maantig ni Marco sa nakitang reaksiyon ni Totoy. Nagdadalawang isip pa siya noon kung ligtas dalhin ang mga bata rito. Siyempre ayaw niyang ilagay sila sa panganib lalo na't mga bata pa sila at mura pa ang mga isip. Pero mabuti na lang at tinuloy niya rin. Dahil sa dalawang bata, naranasan din niya kung paano ang magkaroon ng mga kapatid, hindi, parang mga anak na nga niya ang mga ito. At alam niyang gano'n din ang turing ni Lyra sa kanila. Salo-salo silang kumakain ng hapunan na ang ulam nila ay adobong manok. Siyempre, tuwang-tuwa ang mga bata kasi hindi na raw isda ang ulam nila. "Ang sarap nitong adobo mo, Marco," puri ni Tatay Fred habang nginunguya 'yong karne. "Naku, masarap talaga 'yong tandang mo," sagot naman ni Nanay Minda. Bumilog ang mga mata ni Tatay Fred at nabilaukan dahil sa sinabi ng asawa niya. Nagsitawanan naman ang dalawang paslit. Kahit umuubo pa si Tatay Fred, tumayo siya at sinilip sa bintana 'yong alaga niyang tandang. Guminhawa ang pakiramdam niya nang maaninag ang manok niyang nakatali sa bakuran nila. "Ikaw talaga, Minda. Hindi 'yon nakakatuwa," sabi ni Tatay Fred at tinuloy na ang pagkain. "Oo na, alam ko naman na mahal na mahal mo 'yang manok mo," tudyo pa ni Nanay Minda. "Pati ba naman manok, pagseselosan mo pa. Alam mo namang ikaw lang ang mahal ko," sabi ni Tatay Fred sabay yakap at nakaw ng halik sa pisngi ng asawa. Tinulak siya ni Nanay Minda at medyo napalakas kay muntikan ng mahulog sa kinauupuan niya si Tatay Fred. Sabay-sabay na napahagikgik ng tawa ang dalawang bata. Halatang tuwang-tuwa sila sa dalawang matanda na kung umasta ay parang aso at pusa. Natutuwa si Lyra na pagmasdan ang pamilya niyang masaya. Naramdaman niyang hinawakan ni Marco ang kamay niya at mahinang pinisil 'yon. Nagkatitigan sila habang nagniningning ang pareho nilang mata. Iisa lang ang tumatakbo sa isip nila-- Ito ang tunay na kaligayahan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD