Chapter 2 – The Rules

1001 Words
Hindi kailanman tinawag ni Victor na rules ang mga ito. Mga paalala lang daw. Mga simpleng bagay para maging maayos ang bahay. Para hindi kami mapagod. Para hindi kami magkamali. “Mas okay kung sabay tayong kumain,” sabi niya minsan. Hindi ko na maalala kung kailan ako huling kumain nang mag-isa. “Mas safe kung dito ka lang sa bahay mag-work,” dagdag niya. At unti-unting naging bihira ang pagpunta ko sa campus. May oras ang lahat. May tamang oras ng gising. Tamang oras ng tulog. Tamang oras ng paglabas. At may mga oras na hindi dapat itanong kung bakit. Si Sam ang unang nakapansin. Hindi niya sinabi—pero nakita ko sa paraan ng pag-upo niya sa mesa. Sa paraan ng pagtingin niya sa pinto bago magsalita. Sa biglang pag-tahimik niya kapag naririnig ang susi ni Victor sa may gate. “Mama,” bulong niya isang gabi, habang naghuhugas ako ng pinggan. “O?” sagot ko. Tumingin siya sa likod ko. Sa hallway. Sa orasan. “Okay lang ba kung—” Tumigil siya. “Kung ano?” tanong ko, pero mahina. Umiling siya. “Wala.” At doon ko naramdaman ‘yon. ‘Yung pakiramdam na parang may nawawala—hindi gamit, hindi alaala—kundi lakas ng loob. Isang beses, tinanong ako ng katrabaho ko sa faculty lounge kung bakit bihira na akong pumasok. “Busy lang,” sagot ko. Mas madali ‘yon kaysa ipaliwanag kung paano unti-unting lumiit ang mundo ko. Pag-uwi ko, may note sa mesa. Don’t forget dinner is at seven. Walang pangalan. Wala ring please. Eksakto alas-siyete, nandiyan na si Victor. Maayos ang bihis. Parang walang nagbago. Parang wala siyang kinalaman sa bigat na nararamdaman ko. “Kumain ka na ba?” tanong niya. “Oo,” sagot ko—kahit hindi. Hindi niya ako tinignan. “Good.” Parang hindi mahalaga kung totoo. Ang mahalaga, sumunod. Bago matulog, napatingin ako sa orasan sa kusina. Pareho pa rin ang tunog. Pareho pa rin ang galaw. Pero parang mas maikli ang pagitan ng bawat segundo. Nang tumama ang oras sa 11:47, napansin kong may nakadikit na maliit na papel sa gilid ng orasan. Hindi ko matandaang naglagay ako noon. Lights off by 11:45. Tinanggal ko ang papel. Tiningnan ko ang likod. May marka. Isang maliit na simbolo. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin—pero alam kong hindi ito aksidente. Sa likod ko, narinig ko ang boses ni Victor. “Mas maganda kung hindi mo gagalawin ‘yan.” Hindi siya galit. Mas nakakatakot ‘yon. Binalik ko ang papel. Pinatay ang ilaw. At natulog na may pakiramdam na ang oras mismo ang nagbabantay sa amin. Hindi ako agad natulog. Nakahiga lang ako, nakatingin sa kisame, pinakikinggan ang tunog ng bahay. Ang mahinang ugong ng electric fan. Ang tik-tak ng orasan sa kusina na parang masyadong malinaw para sa ganitong oras. 11:46. Isang minuto bago ang oras na ayaw kong tingnan. Tahimik ang kwarto. Naroon si Victor sa tabi ko, nakatalikod, pantay ang paghinga. Hindi ko alam kung tulog ba siya o sanay lang siyang magpanggap. Bumangon ako nang dahan-dahan. Hindi ko binuksan ang ilaw. Alam ko kung nasaan ang switch. Alam ko rin kung gaano kalakas ang tunog ng bawat hakbang sa sahig. Matagal na akong natutong gumalaw na parang hindi dapat mapansin. Sa kusina, nakatayo ang orasan. Pareho pa rin ang itsura. Pareho ang tunog. Pero ngayong gabi, parang may inaantay ito. Inabot ko ang maliit na papel. Lights off by 11:45. Tinanggal ko ito ulit—mas maingat ngayon. Sa ilalim nito, may bakas ng pandikit. Hindi ito bagong lagay. Parang matagal na itong naroon, tinanggal at ibinalik, paulit-ulit. Bumilis ang t***k ng dibdib ko. Bakit kailangan pa itong ipaalala? At kanino talaga ito para? 11:47. Huminto ang segundo. Isang sandali lang—pero sapat para maramdaman ko ang bigat sa likod ko. “Hindi ka pa natutulog.” Boses ni Victor. Hindi malakas. Hindi rin galit. Napalingon ako. Nakatayo siya sa bungad ng kusina. Naka-cross ang mga braso. Nakatingin sa akin na parang may sinusukat. “Hindi ako makatulog,” sabi ko. Tumango siya. “Kaya mo bang patayin ang ilaw?” Napatingin ako sa kisame. Nakapatay na ang ilaw. “Ah,” sabi ko. “Nakatay—” “‘Yung sa sala.” Parang may pisi ang mga salita niya na humihila sa akin papunta sa switch. Pinatay ko ang ilaw sa sala. Bumalik ang dilim. “Salamat,” sabi niya. Ngumiti. “Mas maayos kapag pare-pareho.” “Pare-pareho ng alin?” tanong ko bago ko napigilan ang sarili ko. Tumigil siya sa pagngiti. Isang segundo. Dalawa. “Ng pahinga,” sagot niya sa wakas. “Masama ang kulang sa tulog.” Lumapit siya at hinawakan ang papel. Hindi niya tinanggal. Pinantay lang niya ang gilid. “Hindi mo na kailangang galawin ‘yan,” dagdag niya. “Nandiyan na ‘yan para sa’yo.” Para sa’yo. Bumalik siya sa kwarto na parang walang nangyari. Nanatili akong nakatayo sa kusina, hawak ang papel na binalik niya sa pwesto. Sa unang pagkakataon, naisip kong baka hindi lang oras ang minamarkahan ng orasan—kundi kung sino ang sumusunod at kung sino ang hindi. Kinabukasan, nagising ako nang mas maaga. Wala si Victor sa kama. Sa mesa, may almusal na nakahain. Maayos. Tahimik. At may isang maliit na sticky note sa gilid ng plato. Good job last night. Hindi ko alam kung alin ang mas nakakatakot—ang papuri, o ang katotohanang alam niya ang bawat galaw ko. Sa likod ko, naramdaman ko ang presensya ni Sam. “Mama,” bulong niya. “O?” sagot ko. “Kapag hindi ka sumunod…” Huminto siya. Lumunok. “Anong nangyayari?” Tiningnan ko siya. Nakita ko sa mata niya ang parehong tanong na matagal ko nang iniiwasan. “Hindi ko pa alam,” sabi ko, kahit alam naming pareho na may presyo ang sagot. At sa kusina, patuloy ang tik-tak ng orasan. Mas mabilis na ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD