Hindi ko alam kung kailan naging ganito ang buhay namin—na parang lahat may oras, may dahilan, may pahintulot.
Alas-sais ng umaga, nagigising ako sa tunog ng alarm na hindi ko naman sinet. Hindi ko tinatanong kung sino ang nag-set. Alam ko na ang sagot. Alam ko na rin na mas madali kung hindi na magtanong.
Sa kusina, tahimik na gumagalaw si Victor. Pare-pareho ang galaw niya araw-araw—kettle muna, dalawang tasa, isang kutsarang asukal sa kanya, wala sa akin. Sinasabi niyang masama raw sa ngipin ang matamis. Ngumingiti lang ako.
“Good morning,” sabi niya, parang laging pareho ang tono, parang hindi pwedeng mag-iba.
“Morning,” sagot ko, habang hinahanap ang tsinelas ko sa ilalim ng mesa.
Si Sam, anak ko, nakaupo na sa upuan niya. Nasa harap ang mangkok ng cereal, hindi pa hinahalo ang gatas. Hindi siya gumagalaw hangga’t hindi sinasabihan.
“Go,” sabi ni Victor, mahina lang.
Doon lang gagalaw si Sam. Dahan-dahan, parang natatakot na tumalsik ang gatas. Hindi ko alam kung kailan siya natutong maging ganito kaingat. Siguro unti-unti. Siguro pareho kaming natuto.
College professor ako. Marunong akong magbasa ng behavior, ng patterns, ng katahimikan sa pagitan ng mga salita. Sa classroom, kaya kong sabihin kung sino ang nagsisinungaling, kung sino ang natatakot, at kung sino ang nagsasalita lang para matapos ang oras.
Pero pagdating sa bahay, parang nawawala ang lahat ng iyon.
Parang may bahagi ng utak ko na kusang nag-o-off, lalo na kapag nandiyan si Victor, kalmado, maayos, parang wala namang ginagawang mali.
Minsan iniisip ko, baka pagod lang ako. Baka trabaho lang ‘to, stress lang, overthinking. Mas madaling maniwala doon kaysa tanggapin na may mali sa loob ng sarili kong bahay.
Tinitingnan ko si Sam habang kumakain siya. Hindi siya naglalaro ng kutsara. Hindi siya nag-iingay. Kapag napapatingin siya sa orasan sa dingding, agad niyang ibinababa ang mata niya.
Alas-siyete na.
Oras na para pumasok.
“Hatid ko kayo,” sabi ni Victor, kahit hindi naman namin hinihingi.
Lagi naman niyang sinasabi iyon. At lagi rin naming tinatanggap.
Habang isinasara ko ang pinto, napatingin ako sa orasan sa kusina. Luma, analog, regalo raw ng nanay niya. May minutong humihinto bago muling umusad ang segundo.
Hindi ko alam kung bakit, pero may oras na ayaw kong tignan.
11:47.
Sa loob ng sasakyan, tahimik kami.
Hindi ‘yung awkward na katahimikan na may gustong sabihin—kundi ‘yung sanay na. ‘Yung parang may kasunduan na mas ligtas kung walang magsasalita.
Si Victor ang nagda-drive. Isang kamay sa manibela, isang kamay nakapatong sa center console. Hindi siya nagmamadali, pero hindi rin siya nahuhuli. Laging sakto. Laging nasa oras.
“May class ka ngayon?” tanong niya, kahit alam ko namang alam niya ang sagot.
“Meron,” sagot ko. “Two sections.”
Tumango siya. “Don’t stay late.”
Hindi utos ang tono niya. Paalala lang. Pero napansin ko, hindi na niya tinatanong kung kaya ko o kung gusto ko.
Si Sam sa likod, nakatingin sa bintana. Hindi siya nakikialam sa usapan namin. Hindi rin siya naglalabas ng phone. Minsan iniisip ko kung normal ba ‘yon sa edad niya—ang maging ganito katahimik. Pero tuwing itatanong ko, sasagot lang si Victor ng, “Sensitive lang talaga ‘yan. Mana sa’yo.”
Pagdating sa school ni Sam, bumaba siya agad. Bago isara ang pinto, tumingin siya sa akin—sandali lang, parang may gustong sabihin. Pero nandoon si Victor, kaya ngumiti lang siya.
“Bye, Ma,” sabi niya.
“Bye,” sagot ko.
Pinanood namin siyang pumasok hanggang sa mawala siya sa loob ng gate. Doon lang umandar ulit ang sasakyan.
“Hindi mo na dapat masyadong tinatanong si Sam,” sabi ni Victor bigla. “Nai-stress siya.”
Napatingin ako sa kanya. “Nagtatanong lang naman ako kung okay siya.”
“Exactly,” sagot niya. “Hindi lahat ng bata kailangan tanungin palagi.”
Tahimik ulit.
Sa campus, bumaba ako. Bago ko isara ang pinto, hinawakan niya ang kamay ko.
“Text me kapag tapos ka na,” sabi niya. “I’ll pick you up.”
“Pwede naman akong mag-commute,” sabi ko, reflex lang.
Ngumiti siya, pero hindi umabot sa mata. “Mas okay na sigurado.”
Tumango ako. Hindi ko na pinilit.
Sa classroom, bumalik ang boses ko. Nagtanong ako. Nakinig. Nagpaliwanag. Tumawa pa nga ako sa isang joke ng estudyante. Normal ako doon. Buo.
Pero sa pagitan ng mga lecture, napapatingin ako sa relo ko.
Hindi ko alam kung bakit, pero may oras na parang bumibigat ang dibdib ko.
11:47.
Hindi pa lunch. Wala namang dapat mangyari. Pero tuwing papalapit ang minutong ‘yon, pakiramdam ko may hinihintay ang araw—at hindi ko alam kung ano.
Pag-uwi ko, una kong narinig ang tunog ng vacuum cleaner. Malinis ang sala. Mas malinis kaysa kanina.
“Naglinis ka?” tanong ko.
“Konti,” sagot ni Victor. “May nakita akong kalat.”
Hindi ko maalala kung may iniwan akong kalat.
Sa kusina, pareho pa rin ang orasan. Gumagalaw. Pero parang mas mabagal.
Huminto ang segundo. Saglit lang.
Tapos umusad ulit.
Napansin ni Victor na nakatingin ako. “Sira ‘yan,” sabi niya. “Matagal ko nang gustong palitan.”
“Bakit hindi mo pa pinapalitan?” tanong ko.
Tumingin siya sa akin, diretso. “Sanayan lang.”
Hindi ko alam kung ang tinutukoy niya ay ang orasan—o kami.