Chapter 11: PJ'S iDol.
Written By: CDLiNKPh
KINABUKASAN…
Itutuloy na talaga niya ang pagpapanggap na lalaki. Kagabi lang ay naisip niya na napakalaki ng advantage ng pagtira niya sa apartment na iyon.
Unang-una ay hindi siya makikilala ni Saion at ng daddy niya kung sakali mang makita siya ng mga ito sa ganoong ayos dahil mukha talaga siyang lalaki na ngayon. Pangalawa ay hindi maiisip ng mga ito na sa isang napakaliit na apartment na katulad niyon siya titira dahil laki siya sa layaw simula pa noong bata siya. Iisipin ng mga ito na hindi niya matitiis doon. Pangatlo ay tipid pa siya sa pera. At ang pinakahuli at pinakamahalaga ay magagawa niyang magpasikot-sikot sa Manila para hanapin ang ina at si Christian na hindi mangangambang baka may makakilala sa kanya o makita siya ng mga private investigators na posibleng upahan ni Saion para hanapin siya.
Kaya kahit nakakasunsenya man na lokohin ang lahat ng tao roon ay gagawin niya. Pansamantala lang naman dahil kapag nakita na niya ang ina at si Christian ay aalis na lang siyang bigla sa lugar na iyon.
Bumaba na siya mula sa itaas para maghanap ng a-almusalin. Niyaya siya nina Aling Lucy na kumain dahil nagsasalo-salo na ang lahat ng mga borders doon pero tumanggi siya at sinabing hindi siya kumakain ng heavy meal sa umaga. Kumuha lang siya ng kaunting tinapay at gatas saka siya pumunta sa kinaroroonan ng nag-iisang si PJ. Naisip niya na hindi pwedeng galit-galitan pa rin siya rito dahil baka lalo lang itong maghinala na may itinatago siya.
“Aba, pare, mukhang magkaiba tayo ng taste, ah? Akin kape, sa 'yo naman gatas.” Sinubukan niyang gumawa ng mapag-uusapan.
Hindi siya nito pinansin. Nakatuon lang ang mga mata sa binabasang artikulo sa diyaryo. Naisip niya na mukhang ang lame ng una niyang sinabi dahil hindi man lang niya nakuha ang atensyon nito. “Dapat kape ang iniinom mo kapag umaga kasi baka antukin ka sa pagmamaneho mo. Ikaw din, baka makabangga ka, marami pang madamay na pasahero," muli niyang sabi.
Naibaba naman nito ang binabasang diyaryo at napatingin na sa kanya. “Paano mong nalaman na nagmamaneho ako ng jeep?” nagtatakang tanong nito.
Nanlaki ang mata niya. Hindi niya namalayan na nakapagsalita na pala siya ng isang bagay na kaduda-duda para rito.
“Ah— k-kuwan, kasi… nakita ko 'yong jeep mo na nakaparada,” pangangatwiran niya.
"Paano mong nakita? Dito ako buong magdamag natulog sa sala kagabi at ngayon lang kita nakitang bumaba. Imposible rin naman na kagabi mo nakita dahil mas nauna kang dumating sa akin. Wala ring bintana ang kwarto mo para masilip mo,” takang tanong nito.
Kinabahan siya dahil wala siyang maisip na palusot. Nagbaba na lang ang tingin niya at napansin ang article na binabasa nito sa Manila Bulletin. SAION FORTALEJO na naman?
Bakit ba kahit saan siya magpunta ay nakikita niya ang mukha nito?
“Bakit ka nagbabasa niyan? Hindi ka ba na-bo-boring?” paglihis niya ng usapan.
Mukhang nakalimutan naman ni PJ ang unang tanong nito sa kanya at nakangiting sumagot ito. "Bakit naman ako mabo-boring? E, idol ko nga ang taong ito. At the age of twenty five ay may sarili na siyang kumpanya without even using his father's money. Nabasa ko sa isang interview na nagsimula siya sa maliit. Nag-aral siya sa Harvard University bilang scholar. Ultimo allowances ng ama niya ay ni hindi niya raw tinatanggap. Aniya, kung buhay prinsepe raw siya sa Pinas ay naging iba ang usapan no'ng nasa ibang bansa na siya dahil natuto siyang mag-part time job para mabuhay ang sarili at makapag-ipon ng kaunti. Napalago niya ang kaunting pera at nag-umpisa sa maliit na business hanggang sa lumaki nang lumaki. Dahil sa pride kaya hindi rin siya humiram ng kapital sa sarili niyang ama no'ng nag-uumpisa pa lang siya. Nagkaroon siya ng yaman hindi dahil sa pera ng parents niya kundi dahil sa sarili niyang pagsisikap at talino. Sabihin mo nga sa akin, sino’ng tao ang hindi hahanga sa isang Saion Fortalejo?" pagbibida ni PJ.
Sa totoo lang ay nagulat siya na mukhang mas marami pang alam si PJ tungkol sa idol nito kumpara sa kanya na kababata ni Saion. Nakapagbasa siya ng ilang magazine at articles tungkol kay Saion pero hindi naman nakalagay doon ang tungkol sa back story ng success nito. Mukhang fan na fan si PJ dahil alam nito iyon. Pero mukhang nabalitaan nga rin niya ang bagay na iyon dati sa San Felipe no'ng binibida ng daddy niya noon sa kanya si Saion. Baka hindi niya lang pinansin dahil wala naman kasi siyang pakialam kay Saion.
"Isa pa, hindi lang siya sa business kilala kundi maging sa sports at modelling. Ilang beses na ba siyang na-feature sa TV? Sikat na sikat siya kahit na hindi naman siya artista. Huwag mong sabihing hindi mo siya kilala, Nico?" muling tanong ni PJ.
"Hindi, e. Hindi naman kasi ako bading," pagbibiro niya rito.
"Ayos ka, ah. Parang sinabi mo na nababakla ako sa lalaking ito," nakatawa na ring sabi nito.
"Paano ba naman kasi, pare, saulong-saulo mo ang life story ng Saion Fortalejo na 'yan. Iniisip ko tuloy na bading ka! Ha-ha-ha!" pang-aasar niya ulit. Mukhang nakukuha na niya ang loob ni PJ dahil nabibiro na niya ito ng ganoon.
"LOKO!" Nakatawang hinagis nito ang magazine na nasa tabi nito papunta sa kanya. Tumama iyon sa dibdib niya.
"Ouch!" napahiyaw na sigaw niya.
"Ouch?" nagtakang anas nito dahil parang lumambot ang boses niya.
"A-ah— wala 'tong panghahagis mo sa akin ng magazine. Kahit hard bound na libro pa ang ihagis mo sa akin, p're ay hindi mo ako matitinag. Gusto mo suntukan na lang, e!" Muli niyang pinatigas ang boses.
Tinawanan lang siya nito saka na tumayo. "Baliw ka pala talaga, Nico, ano? Hindi ko akalain na masarap ka rin palang kausap. Akala ko napakaseryoso mo no'ng una kitang nakita." Mukhang naaliw na sa pakikipag-usap sa kanya si PJ.
"Oh, pare, baka naman sa akin ka naman mabakla, ah? Sorry, pero babae ang hanap ko," pagbibiro niya.
"Loko ka talaga! Mangarap ka, pare! Dahil may minamahal na akong chika babes! Hinding-hindi ako papatol sa kapwa ko! Puro ka kalokohan, makaalis na nga at nang maagang makapamasada. Gagayahin ko ang ginawa ni Saion. Magti-tiyaga ako sa hirap at magne-negosyo pagkatapos. Yayaman din ako, Nico. Kaya ikaw? Huwag kang palamya-lamya riyan, bro', dahil tanghali na!" Iyon lang at nangingiti pang umalis na si PJ.
Nasundan na lang niya ng tingin si PJ. Mabait naman pala ito at hindi antipatiko katulad ng iniisip niya. Maambisyong tao katulad ni Christian. Sayang nga lang at umiidolo ito ng maling tao. Hindi siya makapaniwala na may mga tao talagang katulad nito ang nalilinlang ng maamong mukha ni Saion. Kung alam lang nito kung gaano kasama ang idol nito ay malabo nitong magustuhan ang taong iyon.
---
Gusto mo mabasa ang karugtong? Pwede ng mabasa ng buo dahil tapos na ang story na ito.
If you want to buy digital copies of my books na completed na, just go to Google Play then click book tab tapos Search n'yo lang, CDLiNKPh OR just send a message in my F B , just search CDLiNKPh para masabi ko po ang process.
If you'd like to support me in creating more stories in the future, you can donate here:
GCASH: 09152881691
MAYA: 09910091691