CHAPTER 10: Ang Pagpapanggap.

1970 Words
CHAPTER 10: Ang Pagpapanggap. Written By: CDLiNKPh NANG MARATING ni Nikki ang Manila ay naghanap na agad siya ng matutuluyan doon. Nag-stay siya nang ilang araw sa isang hotel sa Makati pero paubos na ang kakarampot na perang nadala niya kaya umalis din siya agad. Sa totoo lang ay napakahirap maghanap ng murang bahay sa Manila. Walang-wala pa naman siya dahil napasara na ng daddy niya ang credit card at mga atm niya. Iniisip siguro nito na kapag naghirap siya at maubusan ng pera ay babalik din siya sa piling ni Saion. Hinding-hindi mangyayari iyon. Mas gugustuhin niya pa sigurong mamatay sa gutom o mamalimos sa kalye kaysa ang humiga sa pera kasama ang demonyong katulad ni Saion. Paikot-ikot lang siya sa kalagitaan ng Ayala at sa totoo lang, dahil bihira lang naman ang mga buildings sa probinsya ay medyo nalulula siya sa mga nakikita niya ngayon na kahit saan kang lumingon ay may makikita kang mga nagtatayugang mga buildings. Puro condo o hotel ang nakikita niyang pwedeng matirhan. Nagtanong-tanong siya sa mga tao kung saan may mauupahang apartment na mura lang ang bayad. Nasabihan siya na sa bandang Pasong Tamo ay mayroon kaya naman nilakad na lang niya. Kahit sa otso pesos na pamasahe ay nanghinayang pa talaga siya. Ngayon ay unti-unti na niyang naiintindihan ang buhay 'purita.' Patawid na siya nang biglang nakarinig siya ng malakas na busina ng sasakyan. Nagulantang siya at nasilaw sa ilaw ng jeep na muntik nang makasagasa sa kanya. "HOY! Magpapakamatay ka ba? Hindi mo ba tinitingnan ang traffic light? Red light pa 'di ba?!" galit na bulyaw ng driver ng jeep. Agad itong lumabas sa jeep at nasilayan niya ang nakasimangot na mukha nito. Napatingin siya rito mula ulo hanggang paa. Maging ang lalaki ay mukhang natigilan din nang masilayan siya. Hindi niya maintindihan kung bakit bigla ay nagkatitigan sila. Gwapo ang lalaki at moreno. Matangos ang ilong, mahaba ang pilik mata at matikas ang pangangatawan. Hindi ito katangkaran pero malakas ang dating nito. Napansin din siya na parang kahawig nito ang artistang si Coco Martin. Higit sa lahat ay nakakaakit ang mga mata nito na titig na titig din sa mukha niya. "HOY! Huwag kayong humarang sa daan! Kung may plano kayong gumawa ng pelikula e, tumabi muna kayo dahil nagmamadali ang mga pasahero ko!" Saka lang sila tila natauhan nang makarinig na sila ng mga reklamo mula sa mga driver. Paano kasi, nakatirik sa gitna ng daan ang jeep ng estrangherong lalaki. Nang tila matauhan ang lalaki ay bumalik na naman ang pagsusungit nito. “Ikaw, miss, pwede ba, kung magpapakamatay ka ay huwag ka nang mangdamay? Ano'ng gagawin mo kung nasagasaan kita? Kargo de kunsensya pa kita at ako pa ang gagastos ng malaki para sa pagpapa-ospital sa 'yo! Ang tanda-tanda mo na hindi ka pa rin marunong tumawid sa kalsada. Purkit walang masyadong jeep kanina e, sinamantala mo naman. Ang tao nga naman, tatawid hangga't may pagkakataon kahit na wala sa tamang panahon at lugar!" sermon nito. Napataas ang kilay niya. Pinapagalitan at sinesermunan siya nito? Wala pang gumawa no'n sa kanya maliban kina Christian at sa daddy niya! “Ang yabang mo, ah?! Ikaw na nga itong muntik nang makabangga, ikaw pa itong ganyan kung makapagsalita?” react niya. “E, kung hindi ka naman kasi ta-tanga-tanga at nag-re-reyna-reynahan dito sa kalsada e, hindi ka mababangga! Pasalamat ka at magaling akong magmaneho at nakapagpreno kaagad ako dahil kung hindi e, 'di mo na mapapakinabangan 'yang magandang mukha mo. Alam mo, miss, sa susunod, huwag lang puro ganda ang paganahin, ah? Pati 'yang utak dapat umaandar din," antipatiko pa ring sagot nito na itinuro pa ang sentido ng sarili nitong utak para mang-asar. Lalo naman siyang nainsulto sa sinabi nito. “Teka, ang kapal ng mukha mo, ah? Alam mo bang ikaw pa lang ang nakakapagsalita sa akin ng ganyan? Wala kang galang sa babae! Imbes na mag-sorry ka ay inaaway mo pa ako at pinamumukha na ako ang may kasalanan?!” "Dahil ikaw naman talaga ang may kasalanan! Tumingin ka sa taas." Saka itinuro ng lalaki ang billboard na malapit doon. Nagulat siya nang makita ang mukha ni Saion. Advertisement ng kumpanya nito ang naroon. "Diyan ka tumalon kung gusto mong magpakamatay! Siguradong tigok ka kaagad at hindi ka pa makakaabala sa kalsada!" muling pagyayabang ng lalaking anak yata ni Satanas. "Aba't ang kapal talaga ng mukha mo, ah? Sina-suggest mo pa talaga na magpakamatay ako? E, kung ikaw kaya ang unahin kong animal ka?!" May sasabihin pa sana ang lalaki pero hindi na nito naituloy dahil mas malakas na busina na ang ginagawa ng mga naghihintay na driver sa kanila roon to the point na halos mabasag na ang ear drums niya sa sobrang ingay! "Hoy! Kung may plano kayong magligawan e, huwag sa gitna ng kalsada! Kanina pa kaming nagsasabi na itabi ninyo ang jeep na nakaharang pero wala kayong ginagawa riyan kung hindi ang maglandian nang maglandian! Pambihira! Sumisikip na ang kalsada sa ginagawa ninyo, e!" reklamong muli ng isang driver. Nahiya naman sila kaya tumabi na lang siya sa kalsada at ang lalaki naman ay bumalik na sa minamanehong jeep nito pero bago iyon ay iniwanan muna siya nito ng masamang tingin bago tuluyang pinaandar ang sasakyan. Binelatan niya ito at nag-make face pa siya bago siya tuluyang tumalikod. Kumukulo talaga ang dugo niya sa antipatikong lalaking iyon! Napakagaspang ng pag-uugali! Pero bigla siyang napaisip. Bukod kay Christian ay ito pa lang yata ang lalaking nagsungit sa kanya. Well, karamihan kasi sa mga lalaking nakikilala niya ay mabait na agad sa kanya sa umpisa pa lang. Karamihan kasi ng mga nakikilala niya ay nagkakagusto rin naman sa kanya. Kaya nga yata siya na-in love kay Christian noon ay dahil ito lang ang lalaking 'hindi napakita ng interes sa kanya.' Kaya hindi niya expected na may gusto rin sa kanya ito dahil kung ituring siya nito noon ay parang bata. Pero ang lalaking iyon... May similarity ito kay Christian. Masungit sa umpisa pero mukha namang mabait pagtagal. Ano kayang pangalan ng lalaking 'yun? tanong niya sa isip. Teka nga, bakit ko ba siya iniisip? If i know, demonyo siya since birth at hanggang pagkamatay niya yata ay demonyo pa rin siya dahil ang sama-sama ng ugali niya. Malayo siya kay Christian! Walang makapapantay kay Christian! pagkausap niya sa sarili. Napailing siya dahil sa kagagahan niya. Pati sarili niya ay kinakausap na niya dahil ilang araw na siyang pagala-gala sa Manila at mag-isa lamang siya at walang nakakausap. Pinagpatuloy na lang niya ang paghahanap ng matutuluyan nang sa wakas ay may nakita siyang ROOM FOR RENT sign na naka-destinasyon sa likod ng mga naglalakihang building at hotels kaya hindi makita at medyo tago sa lahat. Natatabunan kasi iyon ng malalaking buildings na nasa harapan at likuran nito. Agad siyang pumasok sa bagama’t maliit ay disente namang paupahan. “Pasensya ka na, hija pero mga lalaki lang ang tinatanggap ko sa apartment na ito," sabi sa kanya ng may edad na babae nang sabihin niya na gusto niyang upahan ang available na kwarto. “Ho? Pero bakit po?” nagtatakang tanong niya. May itinuro itong isang payat na lalaki. “Nakikita mo ba ang asawa kong iyon? Mahilig sa babae ang walang hiya na iyan at halos lahat ng babaeng pinatira ko rito noon ay dinidigahan niya. Wala siyang pinapalagpas kahit ang mga may asawa na at nagkaroon pa ng pagkakataon na muntikan na siyang mapatay dahil sa nagalit ang asawa no'ng kinalantari niya. Ayaw ko na ulit mangyari pa iyon, hija," paliwanag nito. Natawa siya. “Pero hindi naman po ako papatol sa asawa ninyo, misis. Hindi ko po gagawin iyon,” pangangako niya dahil kahit totoong gwapo ang may edad na lalaki ay hindi siya papatol sa mas matanda sa kanya kahit kailan. Kung si Saion nga na ang gandang lalaki ay hindi niya pinatulan dahil sa sama ng ugali e, ang may edad na lalaki pa kayang iyon? “Pasensya ka na talaga, hija pero hindi talaga kita matatanggap dito. Masyado kang maganda at pagpasok mo pa lang dito ay tinititigan ka na agad ng mga lalaking iyan na parang mga asong ulol na hayok sa laman. Baka mapahamak ka pa," concern lang na sabi ng babae. Inilibot niya ang paningin sa paligid ng apartment. Totoo ngang nakatingin sa kanila ang mga lalaking nakatambay doon. Ang lalaki pa naman ng katawan kaya natakot din siya at agad na rin siyang nagpaalam sa landlady. Tiningnan niya ang oras. 12pm na ng gabi at wala na siyang makitaan na murang apartment katulad ng sa apartment na iyon na dalawang libo lang. Nakakatakot pa naman na abutin ng gabi sa lugar na iyon. Medyo madilim na kasi. Nang makaisip siya ng ideya. Bumili siya ng mumurahing wig, bigote at ilang damit na panlalaki sa bukas pa na mall at pumasok siya sa CR ng Jollibee. Doon ay itinali niyang maigi ang mahabang buhok at itinago iyon sa maikling wig na nabili niya. Isinuot rin niya ang mga damit na panlalaki at sinikipan ang pagkakatali niya ng tela sa dibdib. Mabuti na lang at may kaliitan lang ang dibdib niya kaya madali lang niyang naitago. Saka niya kinuha ang pekeng bigote at isinuot iyon. “Ayaw nila ng babae, ah? Siguro naman, kung lalaki na ako ay matatangap na nila ako,” desperadang sabi niya saka unti-unting napangiti nang masilayan ang kwapuhan niya. Sa itsura niyang iyon ay wala na tlagang mag-iisip na isa siyang babae. Napakagwapo niya. The best! --- BUMALIK na siya sa apartment at nakakatuwang ni hindi man lang napansin ng may edad na babaeng naroon na siya rin iyong babaeng nakausap nito kanina. Tinanggap na siya nito at sinabi pa na mukha naman daw siyang mabait at hindi manloloko. Napalunok pa siya dahil sa mga sandaling iyon ay gumagawa na nga siya ng isang malaking kasinungalingan. Pinakilala siya nito sa mga lalaking naroon at puro tango lang ang ibinigay sa kanya ng lahat, hindi katulad kanina na halos hubaran na siya. “Ako nga pala si Aling Lucy. Ah, Paul John, halika nga rine at ipapakilala ko sa ’yo ang bago nating kapitbahay," pagtawag ni Aling Lucy sa isang nakatalikod na lalaki na mukhang kadarating lang. Laking gulat niya nang makilala ang lalaki nang humarap na ito. Dahil ito rin iyong lalaking muntik nang makabangga sa kanya kanina sa jeep! "Nice meeting you, pare!" Lumapit ito sa kanila. Bagama’t kinakabahan sa presenya nito ay pinilit niyang magpakanormal. “Ako nga pala si Paul John. PJ na lang for short. Ako ang pamangkin ni Aling Lucy at katapat ko lang ang kwartong uupahan mo. Kung mayroon ka mang mga katanungan tungkol dito sa apartment ay pwede kang kumatok kahit ano’ng oras. Marunong din akong mag-ayos ng lababo, kuryente o kahit ano pang magiging sira sa kwarto mo. Kaya tawagin mo lang ako kapag may kailangan ka. Ikaw? Ano nga palang pangalan mo?” seryosong pakilala nito sa sarili at pagtatanong na rin sa kanya. “Nikki— este, Nico pala!" nataranta bigla na sabi niya. Ngumiti lang ito. "Kung ganoon e, kinagagalak kitang makilala." Nagulat siya nang bigla nitong inabot ang kamay niya at napipilitang nagshake hands sila. Lihim siyang nagdasal na sana ay hindi nito mapansin na maliit at malambot ang kamay niya. "Ah, PJ, salamat sa concern, ah? Mauna na ako sa inyo, kailangan ko na kasing ayusin ang mga gamit ko sa taas. Medyo pagod na rin kasi ako, e! Bye!" Iyon lang at nagmamadaling umalis na siya sa harapan ng mga ito. Tumatambol pa rin sa kaba ang dibdib niya nang makapasok na siya sa wakas sa maliit na kwarto. God! Bakit sa dinami-rami ng pwedeng kong maging boardmate e, 'yung antipatikong lalaki pang iyon? sabi niya sa isip. Wish niya lang na hindi nito mabuko ang sikreto niya! ---
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD