Chapter 46

1459 Words
Chapter 46: A Hidden Danger (Part 1) Sa pangatlong araw ng tuloy-tuloy na paghahanap nila ng impormasyon tungkol sa pagkamatay ng dalawa ay wala pa rin silang nakukuhang malinaw na ebidensiya. Hindi naman sapat ang awtoridad ni Grim Crow na pakiusapan si Elder Devil na paalisin ito sa kanilang grupo dahil unang-una ay pare-parehas lang ang tingin ng matanda sa kanilang apat. Isa pa, si Soren Orlando ang kinikilala bilang pinakamalakas sa kanilang apat. Si Aura Scarlet ang pinakamapanganib habang si Axel Crimson naman ang pinakamabuti at tradisyonal sa kanila. Tanging lamang lang niya sa iba ay siya ang nangunguna sa kanilang apat at kinikilala bilang pinuno dahil sa taglay niyang abilidad na isipin ang mga pinakamaayos na desisyon. Sa madaling salita, kahit na siya ang sinusunod nila, hindi pa rin nito mababago ang katotohanan na lahat sila ay pantay-pantay. Maaari niya silang bigyan ng suhestiyon at malugod nila itong susundin, pero hindi sila p'wedeng p'wersahin. Sa gilid ng sementadong kalsada na dinadaanan ng maraming tao ay nakatayo ang mga nagtataasang bahay, isa sa mga bahay na ito ay ang dalawang palapag na tinutuluyan ni Grim Crow. Ang espasyo ng tahanan niya ay malaki at malawak, ngunit sa loob nito ay ang tahimik na lugar, walang kahit na anong ingay ang maririnig dahil mag-isa lang siyang naninirahan dito. Ilang beses na siyang inalok ni Elder Devil na padalhan ng mga tauhang magsisilbi sa kaniya bilang katulong, subalit tinatanggihan niya ito at nagpupumilit na siya na lang ang gagawa ng mga kailangan niyang gawin sa pamumuhay. Marunong siyang magluto, maglinis ng bahay, maglaba, at marami pang iba kaya naman hangga't maaari ay nais niyang mapag-isa upang panatilihin ang tahimik na tahanan. Ang dalawang palapag ng tahanan niya ay may apat na kuwarto. Sa unang palapag ay dalawa at gayon din sa taas. Pero hindi siya natutulog sa baba, lagi siyang natutulog sa pangalawang palapag kung saan nakikita niya ng mas maayos ang mga naglalakad na tao. Ang tahanan niya kasi ay nakatayo kung saan kailangan itong madaanan ng mga tao para makapunta sa mga tindahan at gusali ng Adventurer's Guild. Sumikat na ang araw at sa malayong lugar ay maririnig ang mahihinang tilaok ng mga manok. Hindi naman ganoon kalakas ang tunog na nililikha nito para mabulabog ang mapayapang buhay ng mga mamamayan sa pinagmulan ni Grim Crow. Dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng Rank niya ay lumalakas ang pangdinig niya, kaya kahit na hindi ito rinig ng mga naninirahan niyang kapitbahay, naririnig niya ito ng mahina. Matiwasay na nakapikit si Grim Crow sa kama niya nang marinig niya ang mga tilaok ng manok. Ang higaan niya ay masiyadong malaki na kung ikukumpara ito sa kama ni Rain Goodman ay siguradong mahihiya ang binata sa kaniya. Kahit tatlo o apat pa ang humiga sa kama niya ng magkakatabi ay magkakaroon pa rin sila ng sapat na espasyo para matulog ng walang problema. Madilim pa ang malaking silid, mas malaki ito sa kabuuan ng bahay ni Rain Goodman ng tatlong beses kahit na maliwanag na ang labas. Ang dalawang pares ng bintana ay natatakpan ng mga itim na kurtina na pumipigil magpapasok sa liwanag ng sikat ng araw. Pagmulat ng binata ay unang bumungad sa mata niyang inaantok ng kaunti ang dingding ng kaniyang silid. Sa kaniyang pagmulat ay napangiti siya ng maalala niya ang araw na ito at mangyayari. Hindi siya madalas ngumiti, at mas madalang pa ito tuwing mag-isa siya. "Kaunti pa at matatapos ko na rin." Mahinang sabi niya sa sarili. Bumangon siya sa higaan niya at binuksan ang itim na kurtinang nasa tabi lang ng kama niya. Pagbukas niya ay napaharang siya ng kamay sa mga mata para hindi masilaw, nanatili siyang ganito ng dalawang minuto hanggang sa makumpirma niyang maayos na ang kalagayan ng mga mata niya. Sumilip siya sa kalsada at nakita niya ang ilang matanda na lumalakad dito habang may dalang maliliit na basket, patunay na ang destinasyon nila ay ang palengke para makabili ng mga pagkain at masimulan na ang kanilang mga araw. Tinitigan niya ang mga mata ng matandang babae at hindi makapaniwala na malinaw para sa kaniya ang destinasyon nila. Hindi ito ang unang beses na tumingin siya sa mata ng ibang tao upang tukuyin kung saan sila pupunta, maraming beses niya na itong ginawa at sa hindi niya malamang dahilan ay parang sigurado siya na tama ang hula niya sa mga nakikita. Sinubukan niya na ring alamin ang ugaling mayroon ang iba gamit lang ang kaunting oras nang pagmamatyag niya sa kanila, sa mga nakita niya ay hindi ito madaling alamin, gayunpaman, alam niyang kung may sapat na oras ay walang duda na matutukoy niya kung ano ang mayroon sila. Katulad sa emosyon at ugali na nakikita niya kay Elder Devil. Ito ang gumagabay sa kanila at bilang pag-galang sa matanda ay dapat guro ang tawag nilang apat, pero hindi ito ang tawag nila sa matanda, pinanatili nila ang tawag ng iba na Elder Devil tuwing tatawagin nila ang matanda. Ganito ang tawag nila dahil sa kaniya, nakikita niya sa mga mata ng matanda na parang tauhan ang trato nito sa kanila na sinasanay para paglingkuran siya o ang baryo sa hinaharap. Normal lang naman Sana iyon kung dito na talaga sila lumaki sa Potara Village. Pero hindi, hindi sila tunay na mamamayan ng baryo, nagmula sila sa ibang mundo at nais lang nilang manatili rito para sumapat ang lakas nila na makakaya na nilang protektahan ang kanilang mga sarili. Hindi lang iyon, napapansin din niya na parang hindi talaga sila mahalaga sa matanda, wala siyang nararamdamang tunay na emosyon dito tuwing nakakasalamuha sila nito, tila hindi totoo ang ugaling pinapakita nito, maliban sa pagiging istrikto. Para sa kaniya ay tinatawag lang na guro ang isang tao kung lehitimo ang mga pinapakita nito at desidido rin ang guro na turuan sila sa abot ng makakaya nila. Pero si Elder Devil, hindi niya tinuturuan ang apat sa abot ng makakaya niya, at mukhang sinasadya pa nito na hindi sila turuan ng mas maayos dahil maaaring lumakas sila ng mas mabilis sa inaasahan niya. At naiintindihan niya kung bakit ganito ang matanda. Posibleng natatakot ito na sa sobrang bilis ng paglakas nila, malalagpasan nila ito at mawawalan ng kontrol sa kanila. Ang pagkakaroon ng awtoridad at kapangyarihan ang isa sa mga hangarin ng lahat ng tao, mapa-bata, kahit sa laro ay nais nilang maging numero uno upang sila ang tatangkilikin, at kapag sila ang pinakamagaling ay natural lang na sila ang gugustuhing makalaro ng iba dahil mas masaya ito. Ganoon din sa kasariaan ng tao, mapa-babae at lalaki ay maghahangad ng mataas na posisyon at awtoridad para sa kanilang dignidad. Awtoridad, kapangyarihan, kayamanan, ang tatlong ito ay malinaw na hawak na ni Elder Devil. Masasabing nakamit na niya ang posisyon na hinahangad ng libo-libong tao, at sa tagal ng panahon na hawak niya ang ganitong katayuan ay natural lang na hindi niya gugustuhing mabawasan ng kahit kaunti ang isa sa tatlong hawak niya kahit na ano pa ito. Ang awtoridad na hawak niya ay hindi p'wedeng mabawasan, ang kontrol niya sa apat na talentadong Adventurer ay mananatiling ganito hanggang sa huli. Pero siyempre, ito ay hindi pa tunay. Lahat ng naiisip ni Grim Crow ay walang katunayan at binase niya lang ito sa mga nakikita niya. Matanda na si Elder Devil at ang karanasan nito sa buhay ay hindi maikukumpara sa karanasan nilang apat na wala pang masiyadong napagdadaanan. P'wedeng sinasadya ng matanda na makita sila ng apat sa ganitong kalagayan, o p'wede ring tama talaga ang hinala ng binata, pero sa huli, wala pa rin itong kasiguraduhan kaya naman pinipili nilang magpakita ng mataas na paggalang kahit na hindi nila tinatawag na guro ang matanda. Habang pinagmamasdan niya ang kalsada ay bumungad sa tanawin niya ang isang binata na may buhok sa harap na umaabot hanggang sa kilay niya. Kilala niya ang taong ito at ang mukha nito ay malayong-malayo na sa nakita niya noong nagsimula ang kompetisyon. "Sabagay, normal lang na ganito ang maging emosyon sa mukha niya." Wika niya habang nakatingin sa mga mata ni Benny na makikitaan ng nag-aapoy na galit sa likod ng kalmado nitong mukha. Sa galit nitong mga mata ay nakikita niya ang kawalan ng pag-asa. Pakiramdam niya rin ay nasa sitwasyon ang binata na wala na itong iba pang magagawa kundi tanggapin ang mga nangyayari. Alam niya na siya ang isa sa mga rason kung bakit hindi na makakamit ni Benny ang paghihiganting hinahangad na makakamit niya sa sariling mga kamay. Gayunpaman ay hindi siya nakokonsensiya, hindi niya kilala ang magkapatid at para madeklara ang kapangyarihan nilang apat sa lahat ay kailangan niya ng mga taong pag-gagamitan ng kanilang lakas. At ang tatlong tinapos nila noon sa kompetisyon ang perpekto para sa kaniyang plano.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD