
Namatay siyang reyna.
Nagising siyang isang asawang hindi minahal,
kinukutya, niloko, at sa huli, gustong patayin ng sariling asawa.
Si Alessa Dela Merced-Rivera ay babaeng madaling burahin. Tahimik. Sunud-sunuran.
Sapat para pakasalan, ngunit hindi kailanman sapat para piliin.
Pinili ni Ethan Rivera ang kapangyarihan. Ang kanyang kalaguyo. At sa gabing itinulak si Alessa sa tubig, pinili niyang mawala ito magpakailanman.
Ngunit ang babaeng iyon ay hindi namatay.
Noong 1681, si Reina Ysabel Leonor de Rojo ay pinaslang sa loob ng sariling palasyo. Sinaksak siya ng lalaking pinagkatiwalaan niya ng buhay at korona. Sa kanyang huling hininga, nagising ang kapangyarihan ng pulseras, isang pamana ng kanyang pamilya.
Sa halip na mabaon sa dilim, ay nakabalik siya. Ngunit sa katawan ng babaeng gustong ipapatay ni Ethan Rivera.
At doon niya napagtanto ang katotohanang matagal nang naghihintay, ang asawang kaharap niya ngayon ay ang lalaking pumatay sa kanya noon.
Si Don Esteban Montemayor. Nagpalit lamang ng pangalan.Nagbihis ng bagong panahon.
Ngunit dala pa rin ang parehong kasalanan.
Hindi na siya iiyak. Lalong hinding- hindi siya magmamakaawa. At hindi na siya maghihintay na piliin pa. Dahil ang isang reyna ay hindi nilikha upang mamatay sa kamay ng lalaking sinayang siya.
Siya ang nagbalik upang wakasan ang lahat.
Sa panahong ito, hindi siya babagsak sa patalim. Hindi na rin siya lulubog sa tubig.
At ang lalaking minsang pumatay sa kanya
ay mabubuhay upang makita kung paano winawasak ng isang reyna ang mga lalaking inakala nilang hawak nila ang mga babae sa leeg.
"Nagmula man ako sa unang panahon, kung ang mga babae ay tinuturing na palamuti lamang at walang boses. Pero patutunayan ko na hindi sa panahong ito. Dahil tayo ang reyna ng mga sarili natin, gorachi girly fighting!" —Reina Ysabel Leonor de Rojo.

