AVEL
Tumingin ako sa kanila at ngumiti. Para bang sinasabi ko sa ngiti na 'yon na wala sila dapat ipagalala sa akin.
"Hindi niyo kailangan mabahala. Hindi ho ako pamilyadong tao. Wala ho akong asawa't anak. At malayo pa ho 'yon sa isip ko. Sa dami kong pangarap, hindi ko na ho 'yun maiisip,"
Narinig ko ang pagsinghap ni Amoria. "Wala ka bang balak bumuo ng sarili mong pamilya, Avel?"
Wala sa sariling napatingin ako kay Aerith. Tila hinihintay din niya ang magiging sagot ko.
"Meron naman ho. Pero tulad ng sabi ko, wala pa ho akong balak sa ngayon. Marami po akong gustong makamtan sa buhay,"
Napatango-tango si Alcaster. "Ganoon ba? Kaya naman pala walang pagdadalawang isip na tinanggap mo ang magiging kapalaran mo rito. Mataas pala ang pangarap mo. Sabagay, kung hindi mo nga naman tatanggapin na ikaw ang lalaki sa propesiya, magiging walang saysay din ang pagpapakapagod at mga pangarap mo sa buhay. Dahil magiging katapusan ng mundo kung hindi mo tatanggapin ang responsibilidad na ito,"
Tumango ako. "Ganoon na nga ho. Kaya naisip ko na kung may magagawa ako, bakit hindi? Hindi ko ho rin naman kayang isipin na lahat ng pinagpaguran ko eh mawawala. Gusto ko pa hong mabuhay,"
Napangiti si Amoria. "Tama ka. Masyadong maganda ang buhay. Hindi ko rin maintindihan kung bakit nila kailangan puksain ang buhay at ang sanlibutan." Nalungkot ang mukha ng Reyna.
Ngunit pinalakas ni Alcaster ang loob nito. "Huwag tayong mag-alala, Amoria. Naririto na si Avel. Gagawin natin ang lahat para tulungan siyang maging malakas. Nakikinita kong determinado siya,"
Ngumiti ang mag-asawang Amoria at Alcaster.
Napansin ng mga ito ang tahimik na si Aerith sa gilid. Tumikhim ang Hari.
"Avel, pagpasensyahan mo na kung tahimik ang anak ko. Ganyan talaga 'yan. Mahiyain at preserve. Pero huwag kang magalala, mabait naman siya. Masyado lang talagang mahiyain. Lalo na't ibang nilalang ka pa,"
Nagkibit-balikat ako. "Wala naman hong problema. Sa mundo namin, napakaraming katulad niya. Napakamahiyain. Kaya okay lang ho sa akin,"
"Salamat, Avel,"
Pinagpatuloy namin ang maganang pagkain. Sa totoo lang, nagulat talaga ako na napakasarap ng lasa ng mga pagkain. Tila mga menu sa five star Hotel. Isa pa, hindi ko akalain na ang mga pagkain nila ay katulad din sa mundo ng mga tao.
Halos walang pinagkaiba. Parang mga tao talaga ito kumilos. Para lang akong pumunta sa ibang bansa at nakasalamuha ng iba't-ibang tao.
Bago matapos kumain, tinignan pa ako ni Alcaster. "Avel, sa tingin ko naman ay nakapagpalagayang loob na tayo. Napatunayan mo na hindi panganib sayo ang lugar na ito. At kami. At gayun ka rin sa amin. Ayos lang ba sayo kung bukas ay magsisimula ka na agad sa training mo?" tanong nito.
Hindi ko inaasahan ang sasabihin nito. May ganoon pa pala. Parang nabasa naman nito ang nasa isip ko. "Ganoon na nga, Avel. Kailangan mo kasi maging malakas. Hindi sapat na ikaw ang lalaki sa propesiya. Kailangan mo maging malakas. Ikaw nga ang lalaki sa propesiya, ang tanong, kaya mo bang ipagtanggol man lang ang sarili mo? Ni hindi natin alam kung ano ang kakayahan ng kalaban. Ni hindi natin alam kung kailan sila mismo susugod. Mabuti na ang handa,"
May punto ang Hari kaya naman napatango na lang ako. Alam kong alam niya ang ginagawa niya. "Kung 'yan ho ang sa tingin niyong makakabuti,"
Napangiti si Alcaster. "Ilang beses ko bang sasabihin sayo na huwag mo akong ho-ho-in? Alcaster na lang. At tawaging Amoria at Aerith ang mag-ina ko,"
Napipilitang tumango ako. "Sige, tatandaan ko,"
"Ayun nga, mabalik tayo sa pinaguusapan natin kanina. Kailangan mong mapraktis na bukas sa ensayo. Kailangan mong matutunan ang lahat. Kasama mo ang Ereve," pangako ni Alcaster.
"Pwede niyo ba akong bigyan ng kapangyarihan?"
Gulat na napatingin sa akin ang tatlo. "Gusto mo bang magkaroon ng kapangyarihan?"
"Hindi naman sa ganoon. Na isip ko lang kasi, ako nga ang itinalagang lalaki sa propesiya. Pero wala naman akong kapangyarihan. Sabihin na natin tuturuan niyo ako sa praktis. Magiging sobrang galing ko. Pero sa dulo ng araw, isa lamang akong hamak na mortal. At ano naman ang magagawa ng tulad ko? Diba, parang wala? Kahit sabihin natin kunyari, maging expert ako sa martial arts sa loob lamang ng ilang araw o linggo, sapat ba ang kaalaman na 'yon para ipagtanggol ang sanlibutan?"
Nagkatinginan ang mag-asawa.
"Naiintindihan namin ang ibig mong sabihin, Avel. Pero gustuhin man namin, pero nahihiya kaming sabihin na ni isa sa amin ay walang may kakayahan gawin ang ganyang kapangyarihan. Kahit si Cygnus pa. Wala sa amin ang may kapangyarihan na pwede kang bigyan ng kapangyarihan din. Hindi ka namin pwede gawing isang Enchanted. At isa pa, labag 'yon sa batas namin. Ang sinumang gumawa n'yon ay mapaparusahan. Tinuturing na pinagbabawal na gawain 'yon, Avel. Dahil para na rin naming pinageksperimentuhan ang ibang nilalang kapag ganon," mahabang sagot nito.
Naisip kong talagang may mabubuting puso ang mga ito. Talagang mabubuting nilalang ang mga ito kaya naman talagang nararapat lamang na tulungan ko sila kung ako talaga ang lalaki na kayang tumulong sa sanlibutan. Yayakapin ko ang responsibilidad na ito.
Napatango na lang ako. "Ganoon ho ba? Salamat sa eksplinasyon. Medyo nagugulumihanan pa rin ako kung paano ako ang makakatulong. Hindi naman ho ako malakas, at mas lalong wala akong alam sa sports o kahit anong martial arts para ipagtanggol ang sarili ko,"
Napangiti si Amoria. "You worry too much, Avel. Hindi mo kailangan pagdudahan ang kakayahan mo. Ikaw ang lalaki sa propesiya ni Cygnus. At naniniwala akong may dahilan ang lahat,"
Tumango si Alcaster. "Tama si Amoria, Avel. Bweno, hayaan mo at bukas na bukas ay gagawin namin ang lahat para matulungan ka sa magiging training mo. Hindi ka man namin mabibigyan ng kapangyarihan, pero sisikapin nating ihanda ang katawan at isip mo sa paparating na unos,"
Tumango na lang ako. Alam kong alam nila ang sinasabi nila. Saktong tapos na rin kami kumain.
Pagkatapos magpaalam sa isa't-isa, tinignan ni Alcaster ang anak. "Aerith, ihatid mo si Avel sa magiging kwarto niya." utos ng ama nito na ikinalaki ng mata ko.