AVEL
Tumingin sa akin si Alcaster at Amoria nang tinging paumanhin. Marahil, hindi inaasahan ng mga ito ang magiging reaction ng anak. Hindi naman ako galit sa kanila. Nauunawaan ko ang gulat ni Aerith.
"Totoo ba ang sinasabi niyo, ama? Ina? Siya ang lalaki sa propesiya?" Tanong ulit ni Aerith.
Si Alcaster ang tumango. "Tama anak, siya nga. Kilala mo si Cygnus. Kahit kailan ay hindi siya nagkamali sa kanyang panaginip at kapangyarihan. Si Cygnus lang naman ang may kakayahan makakita ng hinaharap. Kaya ang tanging magagawa na lamang natin ay maniwala sa kanya at kay Avel."
Huminga nang malalim si Aerith. Wala na nga itong nagawa kundi simulan ang kanilang dinner. Mabuti naman. Dahil gutom na gutom na ako.
Bigla kong naalala ang kinakain ko. Shocks. Pwede ba ito sa akin?
Nagaalalang tumingin ako sa Hari at Reyna. "Ipagpaumanhin niyo po ang itatanong ko... pero ano po itong pagkain? Pwede po ba ito sa akin?"
Sa laking gulat ko ay tumawa ang Hari at nag-echo pa 'yon sa napakalawak ng kastilyo. "Oo naman. Tulad sa mundo ng tao ay kumakain din kami ng mga gulay at karne. Iba nga lang ang tawag. Pero wala itong pinagkaiba sa pagkain niyo sa mundo ng tao. Sige na, kumain ka na. Alam kong gutom na gutom ka,"
Hindi na nga ako nag-inarte at humiwa na ako ng parang steak na may barbeque sauce. Parang ganoon ang itsura. Nahihiya naman akong magtanong.
Sumubo ako at nginuya. Mukhang hinihintay nila ang magiging reaction ko. "Kamusta ang lasa?" tanong ni Amoria Ginemoux.
Nginuya-nguya ko. At napasinghap ako nang malasahan ng buo. Grabe! Napakasarap!
Hindi ko na ikinaila ang pagkamangha ko. "Sobrang sarap ho. Parang pinakamagaling na chef ang nagluto!" Eksaherado kong sambit.
Natawa ang mag-asawa. Nakita ko rin ang pag-ngiti ni Aerith. Napakaganda talaga nito. Saglit pa akong napatulala sa kanya. Mabuti na lamang at hindi ako napansin ng sinuman.
Magana naming nilantakan ang pagkain. Maya-maya pa'y naisipan ng Hari magtanong sa akin. "Avel, gusto ka pa namin makilala ng pamilya ko. Ang pangit naman tignan kung magsasama lamang tayo rito dahil may misyon kang dapat gawin. Hindi naman siguro masama kung makilala natin ang isa't-isa, hindi ba?" nakangiting sabi ng Hari.
Napatango ako. Wala naman talagang masama. Okay sa akin ang suhestyon nito.
"Oo naman ho. Walang problema sa akin,"
Kinumpas ng Hari ang kamay sa ere. "Pero bago 'yon, may gusto akong linawin. Ayaw ko sanang tawagin mo kami ng Hari o Reyna. O mga kamahalan. Gusto kong tawagin mo na lang akong Alcaster, at ang aking butihing asawa bilang Amoria. At s'yempre, ang nag-iisa naming anak na si Aerith. Okay lang ba?"
"Parang nakakahiya naman kung ganoon..."
"Walang nakakahiya roon. Hindi tama na tawagin mo kami sa ganoon, kung sayo kami may utang na loob. Ikaw ang magiging tagapagligtas namin,"
Napabuntong-hininga ako. "Sige, kung 'yun ang gusto mo, Alcaster," napipilitang saad ko. Parang ang bastos kasi kung hindi ko man lang ito gagalangin. Pero ito ang gusto niya.
Nakangiting tumatango-tango ang mag-asawa. "Mas magandang pakinggan. Maiba ako, Avel," pinunasan ng hari ang bibig nito ng napkin at tumingin sa akin.
"Kung hindi kalabisan ang tanong ko... ano ang pinagkakaabalahan mo sa buhay? Ano ang trabaho mo sa mundo ng tao?"
Bigla ko tuloy naalala ang buhay ko sa mundo namin. "Isa ho akong researcher. Nagre-research kami ng mga bagay-bagay tungkol sa mundo. Sa paaralan ho kami nagre-report,"
Napatango-tango ang mag-asawa. Nakayukong nakikinig naman si Aerith. "Researcher. Mukhang magandang trabaho 'yan, ha. Iyan ba talaga ang pangarap mo?"
"Pangarap ko po ito. Bukod pa roon, gusto ko po maging isang scientist. Mahilig kasi ako mag-explore. Adventurous po kasi ako at ako 'yung tipo ng tao na laging curious sa mga bagay-bagay,"
"Kaya naman pala ikaw ang lalaki sa propesiya. Kasi sabi mo nga, mahilig ka sa adventure. Kasi kung ibang tao ang mapupunta rito, baka mabaliw sila." sambit ni Amoria.
May punto ito. "Ang pamilya mo. Ang magulang mo. Nasaan sila?" Patuloy na tanong ni Alcaster.
"Sa siyudad po kasi ako nagta-trabaho. Kaya hindi ko kasama ang magulang ko. Nasa probinsya po sila. Ilang beses ko na rin po silang nasabihan na sa syudad na manirahan, pero hindi po talaga nila gusto ang maingay at mausok na lugar. Mas gusto po nila sa probinsya, kung saan ang lugar nila noong bata pa lamang sila," mahabang sagot ko.
Biglang may gumuhit na pag-aalala sa mukha ni Amoria Ginemoux. "Ibig sabihin, hindi pala nila alam na nawawala ka..." piping sambit nito.
Napabuntong-hininga ako. "Ganoon na nga, Amoria. Hindi na ako nabigyan ng pagkakataon. Isa pa, sinabi sa akin ni Cygnus na hindi magandang hakbang 'yon. Kaya naman ang pamilya at mga kaibigan ko sa mundo namin, walang kaalam-alam kung nasaan ako ngayon. Maaring isipin pa nga nilang patay ako o nawawala,"
Hindi nagsalita si Alcaster.
Nagu-guilty naman ang mukha ni Amoria. Dinantay nito ang kamay sa palad ko. "Ipagpaumanhin mo, Avel. Nahihiya kami sayo at naistorbo ka namin. Alam ko sa ngayon ay hinahanap ka na ng pamilya mo at mga mahal sa buhay. Naiisip ko na ang nagaalalang pamilya mo sayo. Ako nga lang, hindi ko kayang hindi makita si Aerith sa isang araw. Paano ka pa kaya nawawala sa mundo niyo? Hindi bale. Pagtapos ng lahat na ito, alam kong ipagmamalaki ka ng magulang mo. At makakapiling mo na sila ulit,"
Kiming ngumiti lang ako kay Amoria.
May naisip nanaman si Alcaster. "Siya nga, Avel. Naririto rin naman ang paksa natin, may asawa't anak ka na ba?" nagaalalang tanong nito.
Napataas ng tingin si Aerith sa akin. Tila hinihintay din ang sagot ko. Umiling ako. "Wala pa ho. Hindi pa naman ho ako matanda. Isa pa ho, busy ako sa career ko," sagot ko.
Napangiti si Alcaster. "Hay, salamat naman kung ganoon,"
Napakunot-noo ako. "Huh?"
Natawa ang Reyna at ito ang sumagot ng tanong ko. "Nagaalala kasi si Alcaster na baka pamilyadong tao ka. S'yempre, alam namin 'yung pakiramdam na iniwan mo ang mag-ina mo para sa misyon na 'to. Atleast, kahit papaano ay napanatag na kami,"
Nakita kong pinagpatuloy ni Aerith ang pagkain na patuloy ang pakikinig sa amin.