AVEL
Tulala pa rin ako hanggang sa bumalik na ako sa diwa ko. Totoo. Totoong totoo ang lahat. Hindi lamang imahinasyon o panaginip. Alam ko sa sarili ko na totoo ang lahat nang nakita ko.
Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko. Kung matatakot ba, matatawa o matutuwa. May parte sa akin na natatakot. Syempre, ang isipin na ang mundo ay malapit nang matapos o magunaw dahil sa mga nilalang na may masamang adhikain ay nakakapagbigay kilabot sa akin. Paano na ang sanlibutan? Paano na ang pangarap ko? Diyos ko, napakarami ko pang gustong abutin sa buhay. Napakarami ko pang gusto makamit. Ako 'yung tipo ng tao na mahilig mangarap. Paano maisasakatuparan 'yon
Natatawa, kasi sino ba naman ang magaakala na sa taong ito, may ganito pala talagang pangyayari? Akala ko lahat ay sa movie lang nagaganap. Pati pala sa totoong buhay. Kahit kanino ko ito sabihin ay tiyak na matatawa rin.
Pero may parte rin sa akin na natutuwa. Sino ba ang hindi matutuwa kapag nalaman na ikaw ang pwedeng magligtas sa sanlibutan? Na magiging hero ka? Noong bata ako, pinangarap ko na maging si superman. Yung mabait, matipuno at hero sa lahat. Pero syempre, pangarap lamang ng isang bata 'yon.
Hindi ko naman akalain na magiging totoo iyon ngayong matanda na ako.
Hindi ko namalayan na gising na si Theo at pinupungas ang mga mata. "Ooops, sorry, Avel! Nakatulog pala ako," nakangiwing nahihiyang sambit nito.
Natawa na lang ako. "May magagawa pa ba ako? Wala na. Nakatulog ka na eh," galit galitan na sabi ko.
Napahawak ito sa labi. Halatang nakonsensya. "Hala! Galit ka ba? Pasensya na, Avel. Napasarap talaga tulog ko... nabusog kasi ako sa pizza,"
Pinipigilan ko na huwag matawa. Pero natatawa talaga ako.
"Nar'yan na 'yan. Wala na akong magagawa,"
Guilty ang itsura ni Theo. Kagat kagat ko ang ibabang labi ko para pigilan na huwag matawa. Pero hindi ko kaya. Nakakatawa talaga ang itsura niya.
Napahalakhak ako. Bumusangot ang mukha nito. "Nakakainis ka. Akala ko seryoso na 'yung galit mo eh,"
Napangiti ako. "Okay lang. Alam ko rin naman kasing pagod ka. Ang dami nating ginagawa ngayon sa University,"
Tumango ito. "Pero ikaw, kamusta? Nakaidlip ka ba? Binangungot ka ba ulit?"
Hindi ko na lang siguro aaminin kay Theo na nakaidlip nga ako at muling nanaginip. Pero this time, alam ko nang totoo ang lahat kaya hindi na ako matatakot.
"Hindi ako nakatulog. Gising ako kanina pa. Pinipilit ko na huwag makatulog," pagsisinungaling ko.
Tumango ito. Bumuntong-hininga. "Ganoon? Buti naman. Para hindi ka na dalawin ng panaginip na 'yan,"
Tinapik ko ang balikat niya. "Kung naantok ka pa, pwede ka namang bumalik ulit sa pagtulog. Hindi naman ako magagalit. Buhay na buhay pa ang diwa ko."
Nanglaki ang mga mata nito. "Hindi na. Nawala na ang antok ko eh. Tara manood pa tayo ng isang movie. Ang tagal ko na ring hindi nakakanuod, eh.".
Nagkibit-balikat ako at naghanap pa ulit ng palabas. Ang napili namin ay isang fantasy movie na kung saan ang bida ay siyang itinalagang tagapagligtas ng mundo.
Napalunok ako habang lahat ng pangyayari kanina ay bumalik sa akin. Alam kong hindi ako nanaginip. Totoo si Cygnus. Totoo ang lahat nang nakita ko.
"Hoy, ano na nangyayari sayo? Napipi ka na r'yan," Ani Theo habang tinitignan ako.
"W-Wala. Maganda kasi 'yung palabas. Nafocus ako," dahilan ko.
"Sabagay. Ang ganda nga. Ang galing ng plot. Siguro kung darating ang araw na malalaman kong ako ang tagapagligtas ng mundo, sobra akong matutuwa. Aba, malaking karangalan 'yon sa akin ah. Atsaka, hindi lang 'yon. Yung kaisipan na makakatulong ka sa iba, walang kapantay 'yun."
Napabaling ang tingin ko kay Theo. "T-Talaga? Tatanggapin mo ng buong puso 'yung responsibilidad na 'yun?"
"Oo naman. Bakit hindi? Kung may magagawa naman ako para iligtas ang mga bata, ang mga matatanda, at ang mabubuting tao. Kapag nangyari 'yan, ibig sabihin pinagkakatiwalaan ako. Doon pa lang sa isipin na 'yon ay panalo na eh. Mantakin mo, sa dami-dami ng tao sa mundo, ako pa ang mapipili?" Pagpapatuloy nito.
Napangiwi ako. "Hindi ba masyadong malaking responsibilidad 'yon?"
"Hmm. Tama ka. Malaking responsibilidad nga 'yun. Pero tignan mo, isipin mong may magagawa ka. At hindi ka walang silbi, hindi ba nakakatuwa 'yun? Nakakataba ng puso. Kaya kung ako 'yan, naku, mae-excite pa ako at gagawin ko ang lahat para biguin ang lahat. Isipin ko pa lang na magkakapowers ako, ay naku, siguro abot hanggang tenga na ang ngiti ko,"
May point si Theo. Tama ito. Bakit nga ba ako matatakot? Kung ako ang lalaki sa propesiya, kung ako ang magiging tagapagligtas ng sanlibutan, hindi ba't dapat kong gawin ang makakaya ko upang hindi biguin ang lahat? Dapat kong yakapin ang responsibilidad na ito. Alam kong hindi madali. Pero alam kong hindi ako papabayaan ni Cygnus, o kung sino man ang magiging kakampi o magtitiwala sa akin. Tama. Wala akong dapat katakutan.
Wala sa sariling naihampas ko ang isang kamay ko sa balikat ni Theo. "Salamat, Theo,"
Napakunot noo ang noo nito. Nagtataka. "Huh? Saan ka naman nagpapasalamat?"
Napangiwi ulit ako. Oo nga. Hindi ko pala sasabihin kay Theo. Nag-isip na lang ako ng alibi. "Sa pagsama sa akin dito. Siyempre, na-a-appreciate ko ang ginawa mo," palusot ko na lang.
Ngumiti ito nang malawak. "Walang anuman, Avel. S'yempre. That's what friends are for. Nagtutulungan,"
Muling pumasok sa isip ko ang sinabi nito. That's what friends are for. Tulad ko, napakarami ring pangarap ng mga kaibigan ko. Ang isiping hindi man lang namin makakamit 'yun pagkatapos namin magpakahirap ay masakit isipin.
At kung ako ang lalaki sa propesiya at may magagawa naman upang iligtas ang sanlibutan, bakit hindi ko yakapin ang mabigat na responsibilidad?
Muli ay niyakap ko siya ng pasasalamat. Naweweirduhan na sa akin si Theo. "Baka naman may gusto ka na talaga sa akin, Avel ha. Pakipot ka pa. Baka gusto mo lang talaga ako makatabi," Pangaasar nito.
Inumang ko sa kanya ang kamao ko. "Aaahhh, ganon. Heto, gusto mo?"
Napakamot ito sa ulo. "Ito talaga, kahit kailan, asar talo. Parang niloloko ka lang eh," angil nito.
Tinapos na namin ang movie hanggang sa nakita naming may araw na sa bintana.