KATRINA POV — THE REVEAL (PART 1)
Masaya kaming nagkukuwentuhan ng aking mga pinsan at kapatid. Matagal ko silang hindi nakita, kaya bawat tawa, bawat biro, parang bumabalik ang mga alaala ng pagkabata namin sa Padre Burgos.
Na-miss ko sila. Sobra.
Nagkukuwento si Kuya Adrian tungkol sa negosyo ng pamilya, si Andres naman tungkol sa pamamalakad ng bayan ng padre Burgos dahil isa siyang mayor.
May mga pinsan akong nagbiro may nagtanong kung kailan ako babalik sa Maynila.
Pero syempre, hindi mawawala ang sermon ni Mama.
“Katrina, anak, bakit ganyan ang suot mo?” bulong niya sa tenga ko habang hinihila ako sa gilid. “Birthday ng lolo mo ito, hindi night club.”
“Mama naman, okay na ’to,” sagot ko, pilit na ngumiti.
Pinagdiskitahan niya ang buhok ko, ang jacket ko, pati ang boots ko. Para akong bumalik sa pagiging rebelde niyang anak na kailangan pa ring turuan ng manners.
Sa huli, nilubayan niya rin ako nang makita niyang may mga bisita siyang kailangang asikasuhin.
Hindi nagtagal, pinakilala rin ako ng aking Abuelo, si Don Alejandro, sa mga kaibigan at business partners niya.
“Katrina, apo ko,” pakilala niya sa isang grupo ng matatandang lalaki at babae na halatang mga bigatin sa politika at negosyo.
“Matagal siyang nawala, pero bumalik na siya.”
Ngumiti ako at nagmano sa kanila.
“Ah, siya pala ,” sabi ng isang babae hindi ko maunawan ang ibig sabihin ng nga ito.
“Maganda nga,” dagdag ng isa pang lalaki.
Ngumiti lang ako. Sanay na ako sa ganitong mga komento.
“Iba ka talaga, Kat. Hindi namin alam na marunong ka palang mag-motor,” nakangiting puri ni Kuya Joseph.
“Kaya nga,” sang-ayon ng iba kong pinsan. “Grabe, ikaw na yata pinaka-cool sa pamilya ngayon.”
Napatawa ako. “Hindi naman.”
“Ang laki na ng pinagbago mo,” sabi ni Kuya Adrian, may bahid ng tampo sa boses.
“Pitong taon kang nawala, hindi ka nagpaparamdam sa amin.”
Pero kahit ganoon, niyakap pa rin niya ako sa balikat, mahigpit.
“Sorry, Kuya,” sagot ko. “Naging busy lang talaga ako sa trabaho. Lalo na sa ibang bansa ako madalas.”
“Ano nga pala ang trabaho mo sa Maynila, Kat?” tanong ni Kuya Eddie.
Mas malapit ako sa mga pinsan kong lalaki kaysa sa babae. Kasundo ko sila. Maliban lang talaga sa isa—si Clarita.
“Isang fashion designer at modelo,” magalang kong sagot.
“Wow,” bulalas ni Joseph. “Kaya pala ang aura mo, parang artista.”
Ngumiti lang ako.
Magsasalita pa sana si Kuya Eddie nang biglang tumigil ang usapan namin.
Nag-echo ang boses ng emcee sa buong bulwagan.
“Good evening, ladies and gentlemen. May we have everyone’s attention, please.”
Unti-unting tumahimik ang mga tao.
Nagtipon sila sa harap ng stage kung saan nakatayo si Don Alejandro, hawak ang mikropono, kasama si Don Rafael Zamora.
Biglang kinanta ng lahat ang Happy Birthday habang nakangiti si Lolo.
Pagkatapos, tumayo siya sa gitna ng entablado.
“Maraming salamat sa inyong pagdalo sa aking kaarawan,” panimula niya.
“Hindi ko inasahan na makukumpleto ang gabi na ito kung wala ang aking pamilya at mga kaibigan.”
Nagpalakpakan ang mga bisita.
“Ngunit ngayong gabi,” dagdag niya, “may isa pa akong mahalagang anunsyo.”
Napakunot-noo ako.
Importanteng anunsyo? Sa gitna ng birthday party?
“Don Rafael, kunpadre,” tawag niya.
Lumapit si Don Rafael at tumayo sa tabi niya.
“Ang pamilya Cruz at ang pamilya Zamora ay matagal nang magkaibigan,” patuloy ni Lolo.
“Ngunit simula ngayong gabi, hindi na lamang kami magkaibigan. Magiging isa na ang aming mga pamilya.”
Nagkagulo ang mga bulungan.
“Isa?”
“Anong ibig sabihin?”
“Business merger ba?”
Narinig ko ang mga tanong ng mga bisita.
Ngunit bago pa ako makapag-isip ng mas malalim, may biglang lumapit sa entablado.
Isang lalaki.
Matangkad.
Matikas ang tindig.
Naka-suit, eleganteng tignan, pero hindi mukhang tipikal na politiko.
Si Leon Ysmael Zamora.
Congressman ng kanilang probinsya.
At ang lalaking matagal ko nang hindi nakita.
Natigilan ako.
Biglang bumilis ang t***k ng puso ko.
Siya pa rin.
Wala pa ring pinagbago ang kagwapuhan niya—mas lalo pa ngang lumakas ang appeal.
Mas naging mature ang mukha niya, mas lalaking-lalaki ang aura, mas dominante ang tindig.
Parang bawat hakbang niya ay may bigat.
Lumapit siya sa dalawang matanda at tumayo sa tabi nila.
Ngumiti siya nang bahagya sa mga bisita, parang sanay na sanay sa spotlight.
Biglang tumama ang tingin niya sa akin.
Napahinto ako sa paghinga.
Bakit parang ako lang ang nakikita niya?
Hindi ko gustong lumapit.
Ayoko siyang makita.
Ayokong maalala ang nakaraan.
Pero wala akong nagawa.
“Katrina,” tawag ni Lolo.
“Apo, halika rito.”
Napalingon ang lahat sa akin.
Para akong binuhusan ng malamig na tubig.
Dahan-dahan akong lumapit sa entablado, kahit gusto kong maglaho sa gitna ng mga bisita.
Ramdam ko ang titig ni Leon.
Matalim.
Mapanuri.
At parang may kung anong emosyon sa mata niya na hindi ko mabasa.
Pagdating ko sa tabi nila, inilapit ako ni Lolo sa kanya.
“Kilala mo na siya,” sabi ni Lolo.
“Si Leon Ysmael Zamora.”
Hindi ako makapagsalita.
Parang bumalik ang lahat—ang mga alaala ng kabataan, ang mga titig niya noon, ang mga pangarap na hindi natupad.
“Katrina Alondra Cruz,” sabi niya, mahina pero malinaw.
Parang bumalik sa dati ang boses niya—malalim, kalmado, pero may awtoridad.
Tumango lang ako.
At saka dumating ang salitang hindi ko inaasahan.
“Magiging isa na ang pamilya Cruz at Zamora,” ulit ni Lolo.
“Dahil napagkasunduan naming ikakasal sina Katrina at Leon.”
Boom.
Parang sumabog ang buong mundo ko.
Nagkagulo ang mga bisita.
May palakpakan.
May bulungan.
May mga ngiting halatang may halong intriga.
Pero ako?
Natigilan.
Parang biglang nawala ang hangin sa paligid ko.
Ikakasal kami?
Paano nangyari iyon?
Kailan napag-usapan iyon?
Napatingin ako kay Leon.
Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman niya—pero hindi siya mukhang nagulat.
Parang alam na niya.
Parang matagal na niyang tanggap.
At ako lang ang walang alam.