kabanata 2

1867 Words
KATRINA POV “So ano plano mo?” tanong ni Christine nang magkita kami sa gilid ng gym matapos ang laro niya sa volleyball. Nakapulupot pa sa leeg niya ang tuwalya, pawis na pawis, pero mukhang fresh pa rin. Typical Christine—sporty, maingay, at walang preno kung magsalita. “Ewan. Wala pa akong plano,” sagot ko habang nakasandal sa bleachers, hawak ang bote ng tubig. “Okay naman yata sa’yo na itakwil ka ng mga magulang mo,” sarkastiko niyang sagot sabay irap. Masamang tingin ang ibinigay ko sa kanya. Kahit kailan talaga, wala akong makuhang matinong sagot sa babaeng ito. Sa isip ko, paputukan ko kaya ito ng baril? Pero syempre, joke lang. Medyo. “Alam mo, wala talagang makuhang sagot sa’yo!” gigil kong turan. “Mabuti pa yata si Lotus ang kausapin ko,” dagdag ko pa. “Luh, asa ka pang may matino kang makakausap doon. Swerte mo nga ako ang kasama mo. Kung si Butterfly ’yan, naku—” naiiling niyang tugon. Napabuntong-hininga ako. Sabagay, may punto siya. Kung si Butterfly o si Lotus ang kausap ko, baka mas masakit pa ang mga sasabihin nila. Pareho silang prangka at walang filter. “So ano nga ang plano mo?” balik niya. “Uuwi ka ba sa inyo para sa kaarawan ng lolo mo?” Napatingin ako sa sahig at marahang bumuntong-hininga. “Wala naman akong magagawa kundi umuwi,” sagot ko. “Saka… nami-miss ko na rin si Mama.” Napatingin si Christine sa akin, bahagyang napangiti. Hindi siya sanay na marinig akong ganito ka-prangka pagdating sa emosyon. “Wow, si Katrina Cruz marunong na umamin ng feelings,” biro niya. “Manahimik ka nga,” sabay bato ko ng tuwalya sa kanya. Tumawa lang siya at umupo sa tabi ko. “Pero seryoso, hindi ka ba natatakot? Alam mo naman pamilya mo. Cruz clan ’yan. Lahat ng kilos mo, may mata.” Napabuntong-hininga ako. Alam ko iyon. 3RD POV “Happy birthday, kunpadre!” masiglang bati ni Don Rafael Zamora, ang matalik na kaibigan ni Don Alejandro Cruz. Nakaangat ang baso nito habang nakangiti, halatang sanay sa ganitong mga sosyal na pagtitipon. Isa rin si Don Rafael sa mga prominenteng personalidad sa bansa—isang negosyante at dating politiko na may impluwensya sa iba’t ibang sektor. “Salamat, kunpadre,” sagot ni Don Alejandro Cruz habang tinatapik ang balikat ng kaibigan. Kahit pitumpu’t limang taong gulang na, matikas pa rin ang tindig nito at malinaw ang mga mata. Makikita sa mukha niya ang karanasan at karismang matagal nang kinikilala sa Padre Burgos at sa buong lalawigan. Punô ang hardin ng mansion ng mga bisita. Naroon ang mga business partners, mga pulitiko, mga prominenteng negosyante, at mga kilalang personalidad sa probinsya. Ang bawat sulok ay puno ng halakhakan, mahihinang bulungan ng mga usapan sa negosyo, at tunog ng live orchestra na tumutugtog ng klasikong musika. Naroon din ang lahat ng anak at apo ni Don Alejandro—nakasuot ng elegante at mamahaling kasuotan, halatang kabilang sa isang respetadong angkan. Sa mata ng publiko, ang pamilya Cruz ay simbolo ng kapangyarihan, impluwensya, at kabaitan. Ngunit sa likod ng mga ngiti at formalidad, may mga kasunduang mas malaki pa sa birthday celebration ang pinaplano. “Paano, kunpadre? Matutuloy na ba ang kasunduan natin?” tanong ni Don Rafael habang bahagyang inilayo ang baso at tumingin sa paligid, tila sinisiguro na walang ibang nakikinig. Bahagyang ngumiti si Don Alejandro—ngiting puno ng katiyakan at kumpiyansa. “Sure ako, matutuloy na ngayong gabi ang kasunduan natin,” sagot niya sa mababang tinig. Napangiti si Don Rafael, halatang nasiyahan sa sagot. “Maganda. Matagal na rin nating pinaghahandaan ito. Kapag natuloy ito, mas lalo pang titibay ang pangalan ng dalawang pamilya.” “Hindi lang pangalan,” dagdag ni Don Alejandro. “Ito ang magiging pundasyon ng mas matatag na hinaharap. Para sa mga anak at apo natin.” Saglit na napatingin si Don Rafael sa mga kabataang Cruz na nag-uusap sa gilid ng hardin. “May mga bagay talagang mas mabuting pagdesisyunan nang mas maaga,” sabi niya sabay mahinang tawa. “Lalo na kung tungkol sa pamilya.” Tumango si Don Alejandro. “Tama ka riyan, kunpadre.” Sa di kalayuan, patuloy ang pagdiriwang—walang kamalay-malay ang mga bisita sa kasunduang maaaring magbago ng kapalaran ng dalawang angkan. KATRINA POV Huminto ako saglit sa arko ng Padre Burgos, ang bayan kung saan ako lumaki at nagkaisip. “Hmm… namiss ko ang lugar na ito,” ani ko sa isipan. Sakay ako ng aking Ducati Ferrari, at inabot na ako ng gabi sa biyahe. Hindi biro ang bumiyahe nang mag-isa sa ganitong kalayo, lalo na’t halos walang pahinga ang katawan ko. Ngunit sanay na ako. Mas gusto ko ang ganitong paglalakbay—walang tanong, walang obligasyon, walang drama. Ilang sandali pa ang pinalipas ko bago muling pinaandar ang makina. Muli kong sinuot ang helmet at pinaandar ang motor patungo sa mansion ng aking lolo. Wala akong balak magtagal. Kailangan kong bumalik agad. May mission pa akong dapat tapusin. Habang binabagtas ko ang madilim na kalsada, biglang nag-ring ang cellphone ko. Naka-connect ito sa helmet ko kaya agad ko itong nasagot nang makita ang pangalan ni Mama sa screen. “Hello,” sagot ko. Ngunit hindi si Mama ang sumagot. “Apo.” Napapreno ako sa gilid ng kalsada nang marinig ang pamilyar na boses. “Lo,” iyon lang ang nasabi ko. “Nasaan ka na, Katrina?” seryosong tanong ni Lolo Alejandro. Kahit kailan, awtoridad ang nangingibabaw sa boses ng lolo ko. Hindi niya kailangang sumigaw—isang salita lang, susunod ka na. “Nasa biyahe na, Lo. Papunta na sa mansion mo,” seryoso ko ring sagot. Ang iba kong pinsan at pati ang dalawa kong kuya ay takot kay Lolo. Ang boses nito ay batas sa amin. Ngunit ako lang ang kayang suwayin ito o tapatan ang aura niya. “Good,” tugon niya. Wala na siyang ibang sinabi. Bigla na lang niyang pinatay ang tawag. “Tsk,” sambit ko habang napailing. Wala pa ring pagbabago. Direkta, malamig, walang emosyon napaka-bossy talaga kahit kailan. Napangisi ako sa naisip at pinaharurot ang motor. Binilisan ko pa ang takbo para matapos na ang paglalakbay na ito. Pagdating ko sa tapat ng mansion, tanaw ko agad ang engrandeng selebrasyon. Maliwanag ang buong lugar, puno ng ilaw ang hardin, at may mga bisitang naka-formal attire na nagkukumpulan sa loob. Pero imbes na huminto sa gate, diretso kong pinaandar ang motor papasok sa mismong entrance ng party. Bumukas ang malalaking gate ng mansion kaya hindi na ako nag-busina pa. Agad kong ipinasok ang motor sa loob ng ballroom. Lalo pa akong napangisi nang makita ang mga tao. Sa sandaling iyon, parang biglang huminto ang oras. Ang mga bisita ay tumigil sa pag-uusap. Ang mga waiter ay napahinto sa paglalakad. Ang mga baso ay nanatiling nakataas sa ere. At ang musika biglang tumahimik. Lahat ng mata ay napunta sa akin. Dahan-dahan kong pinatigil ang motor sa gitna ng dance floor. Bumaba ako at tinanggal ang helmet. Nakasuot ako ng itim na leather jacket, fitted na itim na pantalon na yumayakap sa aking balakang, at itim na sports bra na kita ang toned kong tiyan. Ang buhok ko’y kulay pula mahaba, diretso, at bumabagsak sa balikat ko. Sexy. Mapanganib. At walang pakialam sa opinyon ng iba. Ramdam ko ang mga bulungan sa paligid. “Si Katrina Cruz?” “Bumalik na siya?” “Iyan ba ang apo ni Don Alejandro?” Naglakad ako palapit sa gitna ng bulwagan, hindi inalintana ang mga titig nila. Para silang mga estatwang biglang nabuhay—hindi makapaniwala sa aking pagdating. Sa dulo ng ballroom, nakita ko si Lolo Alejandro. Nakatayo siya sa harap ng mesa ng mga VIP guests, hawak ang baso ng alak. Nang makita niya ako, bahagya siyang natigilan. Hindi siya ngumiti. Hindi rin siya nagsalita. Hinintay niya lang akong makalapit. Tinitigan niya ako nang matagal, parang sinusukat kung gaano na ako nagbago sa pitong taong pagkawala ko. Lumapit ako sa kanya, marahang tinanggal ang gloves ko, at tumayo sa harap niya. “Katrina,” tawag niya sa pangalan ko. “Happy birthday, Lo,” sabi ko, malamig pero malinaw ang boses. Ilang segundo siyang hindi nagsalita. Inilapag niya ang baso sa mesa bago muling tumingin sa akin. “Akala ko hindi ka darating,” sabi niya. Napangisi ako. “Sinabi ni Mama na kai—” Hindi ko natapos ang sasabihin ko nang mapa-aray. “Aray!” daing ko. Piningot lang naman ako ng magaling kong Ina. “Jusmeyo kang bata ka!” galit na turan ni Mama habang hawak-hawak ang tenga ko. “Bakit, ganyan ang suot mo? Para kang pupunta sa club?” sunod-sunod na sermon niya habang patuloy sa pag-pingot. “Mama, aray! Masakit!” sambit ko. “Amelia, bitawan mo muna ang tainga ni Katrina,” seryosong wika ni Lolo. Niyakap ako ni Mama nang mahigpit, parang ayaw na niya akong pakawalan pa. Ramdam ko ang init ng katawan niya, ang pamilyar na amoy ng pabango niya—isang amoy na matagal ko nang hindi nalalasahan. “Anak…” mahina niyang bulong sa tenga ko, nanginginig ang boses. Hindi ko napigilan ang sarili ko. Mas hinigpitan ko ang yakap ko sa kanya, parang sa yakap na iyon ko lang nailalabas ang lahat ng naipon kong lungkot at pangungulila. Sobra ko silang na-miss. Lumapit ang dalawa kong kuya at niyakap din ako. Si Adrian, ang panganay, mahigpit ang yakap, parang sinasabing na sa'yo pa rin kami. Si Andres naman, tahimik pero ramdam ko ang pag-aalala sa bawat tapik niya sa likod ko. “Ang tagal mong nawala,” sabi ni Adrian, bahagyang namamaos ang boses. “Akala namin hindi ka na babalik,” dagdag ni Andres. Ngumiti ako, pilit tinatakpan ang bigat sa dibdib ko. “Hindi ako mawawala,” sagot ko. “Kahit kailan. Lumayo lang,” Sa gilid, nakita ko si Papa. Nakatayo lang siya sa tabi ni Mama, naka-cross ang mga braso, seryoso ang mukha. Hindi siya lumapit. Hindi niya ako niyakap. Hindi man lang niya ako tinapik sa balikat. Ano ba ako sa kanya? tanong ko sa sarili ko. Isang anak? O isang problema na matagal niyang gustong kalimutan? Lumapit ang mga pinsan ko mga lalaki at babae nakangiti, may ilan pang humahalik sa pisngi ko. May mga nagbiro, may mga nagtanong kung saan ako galing, kung bakit biglaan ang pagdating ko, at kung kailan ako babalik sa Maynila. Pero may isang hindi lumapit. Si Clarita. Nakatayo lang siya sa di kalayuan, nakataas ang baba, matalim ang tingin sa akin. Parang may hindi matuwa sa pagbabalik ko. Hindi ko siya pinansin. Sanay na ako sa ganong tingin. Simula pa noon, hindi na kami magkasundo. Parang may kinikimkim na galit o inggit. At sa tabi niya, may isang bata. Isang batang lalaki, nasa pitong taong gulang, mahiyain ang tindig, hawak ang laylayan ng dress ni Clarita. Malaki ang mata, maputi ang balat, at may inosenteng titig na hindi bagay sa tensyon ng paligid. Napansin ko siyang nakatingin sa akin. Ngumiti siya nang bahagya, parang nag-aalinlangan kung lalapit ba o hindi. Biglang kumirot ang puso ko. Nagkaanak na pala sila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD