Ang liwanag ng umaga na sumisilip sa pagitan ng mga makakapal na kurtina ay tila isang mapangahas na bisita. Hindi ito ang mainit at nakakaaliw na sikat ng araw; ito ay isang maputlang sinag na naglalantad sa bawat dumi at lihim na pilit naming ikinubli sa ilalim ng mga kumot kagabi.
Nagising ako hindi sa isang halik, kundi sa tunog ng basag na kristal. Isang matalas at malutong na pagtunog na nagmula sa banyo.
Agad akong bumangon. Ramdam ko pa rin ang bahagyang panghihina ng aking mga binti at ang pamilyar na bigat sa aking balakang mga bakas ng bawat marahas at madamdaming pagsasama namin ni Karius kagabi. Ibinalot ko ang aking sarili sa isang robe at mabilis na naglakad patungo sa banyo. Pagbukas ko ng pinto, ang amoy ng antiseptic na humalo sa malansang amoy ng sariwang dugo ang sumalubong sa akin.
Doon, sa harap ng malaking salamin, nakatayo si Karius. Ang kanyang mga kamay ay nakadiin sa sink, ang kanyang mga balikat ay nanginginig sa bawat mabigat niyang paghinga. Ang salamin sa kanyang harap ay may malaking lamat, tila sinuntok ng buong lakas. Ngunit hindi ang basag na salamin ang nagpapatigil sa t***k ng puso ko.
Ito ay ang kanyang likod.
Ang matitigas na muscle na hinaplos ko kagabi sa dilim ay punung-puno na ngayon ng mga mapupulang pantal na tila inukit ng apoy. Ang iba ay pumutok na, naglalabas ng bahagyang dugo na dumadaloy pababa sa kanyang bewang. Ang kanyang mga kamay ay puno rin ng dugo—hindi dahil sa basag na salamin, kundi dahil sa sarili niyang mga kuko na ibinaon niya sa sariling balat para lamang maibsan ang hapdi na tila hindi niya na matiis.
“Karius...” ang tawag ko ay halos isang bulong lang, puno ng kaba.
Mabilis siyang lumingon. Ang kanyang mga mata ay nanlilisik, puno ng galit na tila isang hayop na nasugatan. “Stay in bed, Sebrina! Get out!”
Hindi ako natinag. Sa halip, humakbang ako palapit. “Anong nangyayari sa 'yo? Karius, ang likod mo—”
“It's nothing! Isang allergic reaction lang ito sa kung anong kinain ko kagabi!” bulyaw niya, sabay talikod sa akin para itago ang kanyang katawan. Pero nakita ko ang pag-igting ng kanyang panga. Ang kanyang kayabangan ay naroon pa rin, pilit na itinatago ang katotohanang hirap na siyang tumayo nang diretso. “Lumabas ka na bago ko pa makalimutan na fiancé kita.”
“Allergic reaction?” ang pangungutya ng isip ko. “Sino ang niloloko mo, Karius? Ang galit sa mga mata mo ay hindi galing sa pagkain. Galing ito sa takot na makita kitang ganito.”
Lumapit ako nang sapat para maabot ang kanyang braso. Nang hawakan ko siya, naramdaman ko ang matinding init ng kanyang balat na tila may nagbabagang uling sa ilalim ng kanyang kalamnan.
“Hindi ako aalis. Kagabi, binigay ko ang lahat sa 'yo. Ngayong umaga, hayaan mong gawin ko ang trabaho ko.”
Napatigil siya. Dahan-dahan siyang humarap sa akin, ang kanyang mga labi ay nanginginig, at ang kanyang mga mata ay tila nagmamakaawa na huwag ko siyang tingnan nang may awa. Pero sa halip na sumuko, isang mapait na ngiti ang sumilay sa kanyang labi.
“You really want to see this, don't you? You want to see the great Karius Montero broken? Well, look all you want, Sebrina. Isang simpleng iritasyon lang ito. Mawawala rin ito mamaya.”
Pinaupo ko siya sa gilid ng bathtub. Sa simula, gusto niyang lumaban, gusto niyang manatiling matikas. Pero nang idampi ko ang basang bimpo sa kanyang mga sugat, narinig ko ang kanyang mahinang pag-daing—isang tunog ng sakit na tila tinusok ang puso ko.
Ang sandaling iyon ay tila nakaukit sa isip ko: ang malambot na tela ng bimpo na sumisipsip sa init ng kanyang balat, ang singaw ng tubig na humahalo sa amoy ng kanyang dugo, at ang paraan ng pagkapit niya sa gilid ng bathtub hanggang sa pumuti ang kanyang mga knuckles.
“Kagabi, ang likod na ito ang naging sandigan ko sa gitna ng aming pagwawala,” naisip ko habang pinagmamasdan ang bawat pinsala sa kanyang balat. “Ang mga kamay na ito ang nagparamdam sa akin ng langit, pero ngayon, heto sila, punung-puno ng sariling dugo dahil sa hapdi.”
“Bakit mo ito itinatago, Karius?” tanong ko nang hindi tumitigil sa ginagawa ko. “Bakit kailangang magpanggap ka na perpekto ka sa harap ng lahat, pero dito sa loob ay nagdurusa ka?”
“Dahil ang mundong ito ay walang puwang para sa mahina,” sagot niya, ang kanyang boses ay bumabalik sa dating lamig, pilit na binabawi ang kontrol. “The moment the Board sees me even flinch, they will tear me apart. The moment Liam Choi finds out I'm not the god they think I am... everything falls.”
“At si Sofia? Alam ba niya?”
Naramdaman ko ang pag-igting ng kanyang balat sa pagbanggit ng pangalan ni Sofia. “No one knows. Only my private doctor... and now, you. And if you ever speak a word of this to anyone, Sebrina, I will personally see to it that you vanish.”
Tiningnan ko siya nang diretso sa mga mata.
“Hindi ako natatakot sa banta mo, Karius. Mas natatakot ako na baka isang araw ay hindi mo na kayang dalhin ang lahat ng 'to mag-isa.”
Hinawakan niya ang aking panga, ang kanyang mga daliri ay may bahid pa rin ng tuyong dugo.
“Don't get too attached, Sebrina. Pinayagan lang kitang gamutin ako dahil ayaw kong makita ng mga maid ang kalagayan ko. It doesn't mean anything.”
“Wala kang puso,” ang bulong ng isip ko.
Sa sandaling iyon alam kong kailangan niya ako, pero hinding-hindi niya iyon aaminin dahil para sa kanya, ang kailangan ay isang kahinaan.
Matapos kong malagyan ng gamot ang kanyang mga sugat at mabendahan ang kanyang mga kamay, tinulungan ko siyang magsuot ng isang malambot na silk shirt. Ang kanyang bawat galaw ay may kasamang ingat, tila bawat pag-unat ng balat ay isang parusa.
“Magpahinga ka na muna,” bilin ko sa kanya. “Ipapa-cancel ko ang mga appointment mo.”
“No!” mariin niyang sabi, sabay tayo at pag-aayos ng kanyang buhok sa harap ng basag na salamin. “May meeting ako sa Board sa loob ng dalawang oras. Kailangan nilang makita ang Karius Montero na walang kapintasan. Kailangan nilang makita ang lalaking kayang kontrolin ang lahat.”
“Pero Karius, nanghihina ka—”
“I am fine!” putol niya, ang kanyang cocky na aura ay muling bumabalot sa kanya tila isang baluti. “Sebrina, make sure no one enters this room. Linisin mo ang lahat ng bakas ng dugo. If anyone asks, the glass broke because of an... accident.”
Tumingin siya sa akin sa huling pagkakataon bago lumabas ng banyo, ang kanyang mapang-asar na ngiti ay bumalik, pero hindi na ito umabot sa kanyang mga mata. “And Sebrina? You did a good job. But don't expect me to be this soft again. We're still playing the game.”
Naiwan akong nag-iisa sa banyo, hawak ang maduming bimpo. Tumingin ako sa basag na salamin at doon ko napansin ang isang bagay na nakasuksok sa gilid ng frame. Isang maliit na micro-camera na nakatago sa likod ng lamat.
Ang puso ko ay tila tumigil sa pagtibok.
“Napanood nila ang lahat.”
Mabilis kong kinuha ang camera at itinago ito sa bulsa ng aking robe.
Sino ang naglagay nito? Si Liam Choi ba? O ang sariling pamilya ni Karius na nagnanais na mapabagsak siya?
Bago pa ako makaisip ng susunod na hakbang, narinig ko ang mahinang katok sa pinto ng kwarto. Pagbukas ko, nakita ko si Elena, ang head maid, na may dalang tray ng pagkain. Pero hindi ang pagkain ang kumuha ng atensyon ko, kundi ang kanyang maputlang mukha.
“Ma'am, may sulat po na dumating para sa inyo,” bulong ni Elena, ang kanyang boses ay nanginginig. “Sabi ng naghatid, huwag ko raw pong ipakita kay Sir Karius.”
Kinuha ko ang sulat at binuksan ito. Sa loob ay may isang litrato naming dalawa ni Karius sa terrace kagabi, buhat niya ako patungo sa loob, at sa likod nito ay may nakasulat na:
“The medicine is poison. Ask him about Sarah.”