"Pasinsya na po. Pero kailangan ko na talagang umalis kasi naghihintay ang kapatid ko sa school. Pangako babalik ako rito bukas na bukas din." Saad pa muli ng dalaga na nagsasabi ng totoo.
Ngunit laking gulat ni Fiona nang bigla siyang lapitan ng dalawang lalaki mula sa pintuan at hinawakan pa nila ang kaniyang magkabilaang kamay.
"Maniwala po kayo. Babalik ako bukas na bukas din. Kasi kailangang-kailangan ko ng trabaho." Muling saad ng dalaga.
Nag senyas ang manager sa dalawang lalaking humarang sa dalaga. Na para bang sinasabi nitong pabayaan ang babae. Kung kaya agad na sumunod ang dalawang lalaki. Binitiwan nila 'to at bumalik sila sa kanilang puwesto.
"Oh sige. Pumapayag na ako. Pero may kundisyon." Makahulugang wika naman ng manager.
"Ano po 'yon?" Takang tanong ni Fiona.
"Ihahatid na kita, kahit hanggang sa school lang ng kapatid mo. Puwede ba 'yon? Kasi aalis na rin ako ngayon at may pupuntahan din. Kaya sumabay ka na sa akin. Baka naghihintay na ang kapatid mo sa 'yo." Sagot pa nito.
"Nakakahiya naman po sa inyo."
"Huwag ka ng mahiya. At saka ako ang boss mo sa trabaho. Kaya dapat nagkakasundo tayo. Ang mabuti ay umalis na tayo. Kasi, oh. Ano'ng oras na labasan na ng mga estudyante."
"Sige po," nahihiyang saad na lang ni Fiona.
Sa paglabas nila ng Bar ay nagmamadali si Fiona na maglakad. Ngunit laking gulat niya nang hawakan siya ng babae sa kanyang isang kamay.
"Dito, sakay na." Saad pa nito sa kanya.
"Po-Po?" Hindi naman makapaniwala si Fiona dahil first time nitong sasakay sa sasakyan.
"Halikana, hatid na kita sa school ng kapatid mo." Aniya pa nito sa kanya at binuksan ang pintuan ng sasakyan.
Hanggang sa hinila siya nito sa loob. Kung kaya wala siyang nagawa kung hindi ang sumunod na lang.
"Huwag mong sabihing first time mong sumakay ng sasakyan?" tanong pa ng manager kay Fiona dahil nakikita nitong palingon-lingon ang dalaga sa loob habang nakaupo 'to.
"Opo," pagsasabi naman nito ng totoo at kita rin sa mukha nitong nahihiya.
"Huwag kang mag-alala. Dahil kapag nagtrabaho ka na sa akin. At pinagbuti mo ang trabaho mo. Lalo na kung susundin mo ang lahat ng pinag-uutos ko. Araw-araw kang makakasakay ng sasakyan at makakaipon ka ng maraming pera. Malay mo isang araw magkaroon ka na rin ng ganitong sasakyan." Wika pa ng manager sa dalaga.
"Sana nga po, para sa pamilya ko." Agad naman na saad ni Fiona.
Hindi naman nagtagal ay nakarating na sila sa school kung saan nag-aaral ang nakababatang kapatid ng dalaga.
"Dito na po ako." Aniya pa ng dalaga.
Ngunit bago 'to bumaba ay muling nagsalita ang manager.
"Fiona, hatid ka na namin sa bahay ninyo. Hintayin na namin kayo rito."
"Pero, Nakakahiya po sa inyo. Baka naaabala ko na po kayo."
"Hindi, okay lang. Saka tingnan mo ano'ng oras na." Wika pa nito.
Dahil naisip ni Fiona na baka mapagalitan siya ng nanay niya ay pumayag na lamang siya.
"Sige po, saglit lang." Saad na lamang ng dalaga at agad na 'tong bumaba ng sasakyan upang sunduin ang kapatid nito.
"Ma'am, mukhang interesado po kayo sa kanya, ah?" Tanong naman ng driver sa manager.
"Malaking pera ang kikitain ko sa kanya. Kaya kailangan kong makuha ang loob niya at higit sa lahat kailangan kong malaman ang bahay nila." Sagot naman ng manager.
"Ate, kanino pong sasakyan 'yan?" takang tanong ni Ana.
"Sa amo ko. Halikana bilis." Sagot naman ni Fiona.
Agad namang bumukas ang pintuan ng sasakyan.
"Andyan na pala kayo. Tara sakay na," nakangiting saad naman ng manager na bumungad sa magkapatid. Agad namang sumakay sila.
"Wow ate! Ang lamig dito at para na tayong mayaman." Nakangiting saad ni Ana.
"Sssshhhhh.... Ikaw talaga," saway naman ni Fiona sa kapatid nito.
"Alam mo, hindi malayong magkaroon ka ng ganito. Basta sipagan mo lang sa trabaho at sundin mo lang ako." Saad pa ng manager sa dalaga.
"Ate, galingan mo po sa trabaho mo. Para magkaroon din po tayo ng ganito. Sigurado akong matutuwa si Inay." Aniya pa ni Ana.
"Sana nga matuwa si Inay. Kasi pakiramdam ko. Wala na akong nagawang tama." Aniya naman ni Fiona sa kanyang isipan.
Nagmaneho naman agad ang driver at hindi nagtagal ay nakarating na sila.
"Aba! Kaninong sasakyan 'yan?" tanong naman ng kapit bahay nilang si Josephine nang makita ang sasakyan.
Hanggang sa bumaba nga roon sila Fiona at ang kapatid nito.
"Si Fiona at Ana 'yon, ah." Saad pa nito.
"Ang mabuti pa po ay bumaba na muna kayo. Pagtitimpla ko po kayo ng kape." Agad naman na saad ng dalaga.
Tumingin naman ang manager sa kapaligiran at nagtanong 'to.
"Ayan ba ang bahay ninyo?"
"Opo, pasok po kayo." Agad na sagot ni Fiona.
"Oh, sige."
"Tuloy po kayo ." Aniya pa ni Fiona sa bisita nito.
Agad na pumasok sa loob ang kanilang bisita na nagmamatyag sa paligid.
"Pagpasinsyahan niyo na po ang bahay namin maliit lang." Nahihiyang saad pa ng dalaga.
"Naku! Okay lang, ganito rin ang bahay ko dati. Nagsumikap at nagsipag lang din ako sa trabaho. Kaya 'yon simentado na rin ang bahay ko at may nabili na rin akong sariling sasakyan." Nakangiting saad pa nito.
"Ito po ang kape humigop po muna kayo."
"Nasaan ang Inay mo?" Tanong pa nito.
"Ah, baka po nasa kapitbahay po." Magalang na sagot ng dalaga.
"Oh, sige. Mauna na kami, basta bukas na bukas, ha? Pumasok ka at maghihintay ako."
"Opo, huwag po kayong mag-alala. Dahil ipinapangako ko po. Darating po ako at salamat po sa paghatid sa amin." Pangako naman ng dalaga.
"Walang anuman." Saad naman agad ng babae at sumakay na 'to ng sasakyan paalis.
"Uy, Fiona. Sino 'yong naghatid sa inyo? Mukhang yayamanin, ah." Tanong ni Aling Josephine.
"Ah, 'yon po ba? Siya po ang amo ko." Sagot naman agad ng dalaga.
"Gano'n ba? Mukhang ang swerte mo, ah. Kasi mabait ang amo mo. Ano nga pa lang trabaho mo?"
"Waitress po," agad na sagot ni Fiona.
"Ha? Waitress ba kamo?" muling tanong ni Aling Josephine.
"Opo." Mabilis na sagot ng dalaga.
"Naku, hija. Mag-iingat ka roon, ha?"
"Po? Bakit naman po? Inosenteng tanong ng dalaga.
"Kasi kapag sinabing waitress maaring nag se- serve sila ng alak doon sa trabaho mo. Kaya pinapaalalahanan kita. Mahirap na." Muling saad pa ng ginang na nag-aalala.
"Naku! Huwag po kayong mag-alala. Kasi mukha naman pong mababait ang mga tao roon. Sige po at magluluto na po ako ng hapunan. Baka po biglang dumating si Inay." Naka ngiting saad ng dalaga at dali-dali na 'tong pumasok sa loob ng bahay.
Maya maya pa ay dumating ng tyahin nito.
"Oh, dumating na pala kayo. Kumusta sa school?"
"Kayo po pala, Tiya Nida. Mano po," magalang na saad ng dalaga. At agad 'tong nagmano.
"Wala pa ba ang Inay ninyo?" Muling tanong nito.
"Ah, wala po nga po eh."
"Baka uminom na naman siya ng alak. Ang mabuti pa ay tapusin mo na agad 'yang niluluto mo. Pagkatapos ay tulungan mo ng gumawa ng assignment ang kapatid at pagkatapos ay mauna ka ng umuwi sa bahay."
"Po? Bakit po?" takang tanong ni Fiona.
"Sa bahay ka na muna matulog ngayon at sigurado akong uuwi ng lasing ang Inay mo. Baka pag-initan ka naman niya."
"Sige po," agad na lamang na saad ng dalaga. Dahil totoo ang sinasabi ng tyahin nito na kapag nalalasing ang kanyang ina ay pinag-iinitan siya nito.
Mabilis na nagluto si Fiona at pagkatapos ay tinulungan ang kapatid nito sa paggawa ng takdang aralin.
"Oh sige na umalis ka na at hihintayin kong dumating ang Inay mo." Aniya pa ng tyahin nito.
Agad naman na sumunod ang dalaga at umalis na nga 'to ng bahay.
Ilang sandali naman ang nakakalipas mula nang umalis ang dalaga ay dumating na rin ang ina nito.
"Fiona! Ikuha mo ako ng maiinom na tubig!" Pa sigaw na utos ni Delia na kapapasok pa lang ng bahay nila.
Ngunit wala siyang narinig na sagot at walang sumalubong na Fiona sa kanya. Kung kaya kumunot agad ang noo nito.
"Nasaan na kaya ang babae na 'yon? FIONA! Nasaan ka ba? Naririnig mo ba ako? Or baka gusto mong hilain ko 'yong buhok mo kapag nakita kita?" Galit na sigaw ng ina nito.
"Talagang hindi ka na naawa sa bata. Wala siya rito ngayon." Saad naman ni Nida ang nakababatang kapatid nito.
"Nadyan ka pala. Ano'ng ginagawa mo rito at nasaan si Fiona?" Muling tanong ni Delia.
"Pinauwi ko siya sa bahay ko. Kasi alam kong lasing ka na naman at kapag lasing ka minamaltrato mo 'yong bata."
"Alam mo ikaw, pakialamera ka talaga. Kaya lumalaking matigas ang ulo ng bata na 'yon, eh. Dahil sa 'yo!"
Hindi na lamang pinatulan ni Nida ang nakakatandang kapatid nito dahil alam niyang kahit na ano ang sabihin niya ay hindi siya pakikinggan.
"Tutal andito ka naman na. Aalis na ako."
"Hoy! Nida. Hindi pa ako tapos magsalita. Pakialamera ka talaga!"
Sa pagdating ni Nida sa bahay nito ay nakita niyang mahimbing na natutulog si Fiona.
Kung kaya nilapitan niya 'to at hinaplos ang mukha.
"Pasinsya ka na, kung gano'n ang ate sa 'yo. Huwag kang mag-alala, hindi ko hahayang pagbuhatan ka pa niya ng kamay." Saad pa nito at humiga na rin sa tabi ni Fiona.
KINABUKASAN ay maagang nagising si Fiona. At muli itong umuwi sa kanilang bahay upang magluto ng kanilang almusal.
Nadatnan niya ang kanyang ina na tulog pa. Kung kaya dali-dali siyang kumilos at pagkatapos makaluto ay ginising na nito ang kanyang nakababatang kapatid na si Ana.
"Gumising ka na at nakaluto na ako." Wika pa ni Fiona.
"Ate, papasok ka rin po ba sa work mo ngayon?"
"Oo, pero magpapaalam mo na ako kay Inay at kay Tiya Nida." Sagot nito.
"Paano po kapag hindi sila pumayag?"
"Kahit hindi sila papayag. Papasok pa rin ako. Para naman makapag ipon ako ng pera at makatulog sa kanila."
"Huwag ka po mag-alala, 'te. Ipagdarasal ko pong pumayag si Inay." Nakangiting saad ni Ana.
"Oh, sige. Kumain ka na at ihahatid pa kita sa school." Saad naman ni Fiona habang nagluluto 'to ng mga putahi na ititinda nilang mag-ina.
PAGKATAPOS makaluto at maihatid sa school si Ana. Ay muli 'tong umuwi ng kanilang bahay.
"Good morning po, Inay." Wika ni Fiona sa kanyang ina na nakayuko.
"Nakapagluto ka na ba?" tanong ng kanyang Ina.
"Opo, Inay."
"Oh! Ano pang ginagawa mo dyan?"
"Inay, gusto ko pong sabihin na may trabaho na po ako at mamayang hapon po ako magsisimula."
"At sinong may sabing magtrabaho ka, ha?!"
"Inay, gusto ko lang pong makatulong at kumita po ng sarili kong pera. Para makaipon po ako."
"Bakit, ha? Hindi ba kita pinapalamon?"
"Hindi po sa gano'n, Inay. Gusto ko po talagang magkaipon para sa pag-aaral ko po."
"Sumasagot-sagot ka na, ha?" Galit na saad ni Delia at akmang hihilain na sana nito ang buhok ng dalaga.
"Delia! Tumigil ka!" Sigaw naman ni Nida at agad itong lumapit.
"Andito ka na naman! At mangingialam!"
"Talaga! Ako, Fiona. Pinapayagan kitang magtrabaho. Kung yan talaga ang gusto mo. Hayaan mo 'yang Inay mo. Basta ipangako mong iingatan mo ang sarili mo."
"Opo at salamat po." Nakangiting saad ng dalaga.
Wala namang nagawa si Delia. Ngunit may inuutos 'to.
"Bago ka magtrabaho dalhin mo muli 'tong basket at ihatid mo sa mansyon ng mga Salvacion. Naintindihan mo?"
"Opo, Inay at salamat po." Agad naman na saad ng dalaga.
"Huwag kang magpasalamat dahil hindi ako natutuwa sa ginagawa mo. Dali, umalis ka na." Taboy pa nito.
Kung kaya dali-daling binibit ni Fiona ang basket palabas ng bahay nila.
Doon nga ay nakahinga ng maluwag ang dalaga habang naglalakad 'to. Kahit pa tutol ang kanyang ina.
Malayo naman ang nilakad ni Fiona patungo sa Mansyon ng mga Salvacion. Ngunit gano'n pa man ay nag-e-enjoy 'to sa paglalakad at hindi niya alintana ang layo dahil masaya siyang makakapagtrabaho na.
Hanggang sa makarating na nga siya.
"Tao po!"
"Ikaw pala, hija. Pasok ka," nakangiting saad ng may edad na babae.
"Magandang araw po. Ihahatid ko lamang po 'tong ulam po." Magalang naman na saad ng dalaga.
"Naku! Gustong-gusto 'to ni Señorito." Nakangiting saad pa ng ginang.
"Andyan po ba 'yong lalaking nakasuot po ng maskara?" tanong pa ni Fiona.
"Bakit mo siya hinahanap?" balik na tanong naman ng ginang.
"Ka-kasi po, hindi po ako nakapagpasalamat sa kanya."
"Para saan naman?" muling tanong ng ginang.
"Basta po pakisabi na lang sa kanya salamat po."
"Tumuloy ka kaya muna rito sa loob,"
"Hindi na po. Kasi medyo malayo pa po ang lalakarin ko at ngayon po ako magsisimula kaya kailangan ko na pong umalis."
"Ano nga pa lang tr@baho mo at saan ka magtatrabaho?" Pahabol pa na tanong ng ginang.
"Sa bayan po at waitress po. Sige po alis na po ako." Nagmamadali pang saad ni Fiona at naglakad na 'to palayo.
Samantalang agad na kinausap ni Lorenzo ang ginang.
"Waitress, sa bayan?"
"Opo, Señorito. Iyon po ang sabi niya."
Nagtataka na napapa-isip naman ang binata sa sinabi ng kanyang serbidora.