IMINULAT ni Camile ang kanyang mga mata nakita agad niya ang kanyang mommy na nakaupo sa tabi niya. Ang daddy naman niya ay nakaupo sa maliiit na sofa at nanonood ng telebisyon. Sa pinakamahal na private room siya inilipat para malaki ang space sakaling may bumisita sa kanya. “Kumusta na ang pakiramdam mo, anak?” tanong ni Helen. “Maayos na po, Mom. Ang baby nakita niyo na po ba?” Hindi na niya namalayan pa ang paglabas ng baby. Hindi niya alam kung dahil ba iyon sa itinurok na gamot sa kanya o dahil sa hindi na niya kinaya ang sakit kaya nawalan siya ng malay. “Nasa nursery pa raw sabi ng nurse. Pero mayamaya ay dadalhin na siya rito,” anang ina na hindi mawari ang tuwa sa mukha nito. Naulinigan ng kanyang daddy na kinakausap siya ng mommy niya kung kaya’t lumingon ito sa dako nila.

