NAGULAT pa ang mommy ni Camille nang dumating sila kasama si Grace at si Izaiah.
“Anak, pasensya kana kung hindi kana namin nasundo, dapat sana ay pupunta ako ngayon sa hospital.”
“Mom, okay lang po. ‘Di ba sabi ko naman na ayos na ako, ‘tsaka kasama ko naman si Grace sa hospital, dumating din si Izaiah kanina s’ya na raw ang maghahatid sa akin.” Saglit na tumingin siya sa lalaki na magalang naman na bumati sa kanyang mommy.
Napatingin si Helen sa nakatayong si Izaiah. “Thank you, hijo, sa paghatid mo sa kanila. Teka, maupo muna kayo at magpapahanda lang ako ng makakain natin,” anang ginang.
“Naku! ‘wag na po kayong mag-abala, Ma’am, paalis na rin po ako,” tugon ni Izaiah.
“Ah! No, hijo, I insist dumito muna kayo nang makapag-usap naman tayo.”
Tumingin si Camille sa lalaki, “Oo nga naman, Izaiah, magmeryenda ka muna.”
Hinanap ni Camille ang kanyang daddy pero ayon sa ina ay maaga itong umalis may inasikaso raw ito tungkol sa negosyo na nakabase sa Laguna at doon muna raw ito mamamalagi. Nakaramdam siya ng lungkot. Ngayong may kasalanan siya, hindi niya alam kung papaanong pakikitungo ang mararamdaman niya sa kanyang daddy. Kilala niya kasi ito kapag nagalit. Napansin ni Helen ang paglungkot ng mukha ng anak.
Napabuntong-hininga ito, “Huwag mo na muna pansinin ang daddy mo, gano’n lang talaga ‘yon. Matatanggap din niya ang lahat.”
Lalo lang kasi itong nagalit noong ipagtapat niyang ikinasal na si Ivan sa ibang babae.
Halos magwala ito sa galit at gusto na nitong sugurin at hanapin si Ivan ng mga sandaling iyon. Hindi naman niya masisisi ang kanyang daddy kung ganoon man ang maramdaman. Tama lang siguro na maramdaman iyon ng mga magulang niya dahil mahal siya ng mga ito.
Sana lang ay hindi na nito pagtuunan ng pansin ang paghahanap sa lalaki. Kahit na abot langit ang galit niya sa dating nobyo ay mahal na mahal pa rin niya ito at ayaw niya itong mapahamak lalo na kung sa kamay mismo ng daddy niya.
“Mom, nag-aalala ako baka ipahanap ni Dad si Ivan. Please, Mom, kausapin mo si Dad hayaan na lang niya si Ivan.”
Napailing lang si Helen. Nakaupo na sila sa sala nang dumating ang meryenda na ipinahanda ni Helen sa maid.
“Izaiah, Grace, sige na magmeryenda na muna kayo,” anang ginang.
“Sure, thank you po,” anang lalaki. Bagama’t kitang-kita ang pagkailang nito sa mga pinag-uusapan ay tahimik lamang ito na uminom ng juice. Bigla nitong nilinga ang katabing si Grace. Muntik nang maibuga ni Grace ang iniinom na juice. Napangiti ito.
“Bakit?” nakangiting tanong nito sa dalaga.
“Ah, w-wala nakakagulat lang kasi,” tugon ni Grace. Kinikilig kasi sa lalaki. Hindi iyon napansin ni Camille dahil seryoso ito sa pakikipag-usap sa ina.
“Anak, hindi ko naman mapipigil ang daddy mo sa gusto niyang gawin. Kahit ako, gustong-gusto ko makaharap ang lalaking iyon at hindi ko gusto na pinagtatakpan mo siya. Ikaw na nga itong naagrabyado ikaw pa ‘tong maaawa sa kanya? What happened to you, Camille? Kung kami lang ng daddy mo ang masusunod gusto kong papanagutin ang lalaking ‘yon. At kung ayaw niyang panagutan, aba! eh, baka kailangan nating magkaharap-harap sa korte.”
“Mom, please…gusto ko nang matahimik ayoko na ng gulo.”
“Gulo ba kamo, Camille?! Siya itong unang nanggulo sa buhay mo!” nagtaas baba ang dibdib ng ginang. Nag-alala na naman si Camille baka kung ano'ng mangyari sa kanyang ina.
“I said I’m okay, Mom, I don’t need him. Kaya kong buhayin ang bata. Ayoko nang makita ang lalaking iyon. I swear. Kaya please lang huwag niyo na siyang hanapin pa.” Napayuko na lang si Camille. Iba ang sinasabi ng kanyang bibig sa sinasabi ng kanyang damdamin. Ang totoo’y gustong-gusto niyang makasama si Ivan. Gustong-gusto niya itong bumalik sa kanya. Ngunit iniisip niyang nasaktan siya at kailangan niyang magkaroon ng paninindigan hindi para sa kanyang sarili kundi para sa kanyang anak.
Samantalang si Izaiah at Grace ay muling nagkatinginan.
“Ah, Ma’am, mauna na po ako kasi pupunta pa po ako sa cafe,” paalam ni Grace.
Tumikhim si Izaiah, “Hindi naman po sa nanghihimasok ako pero dapat po talagang pag-usapan ng maayos ang mga nangyari. Aalis na po kami para makapag-usap po kayo ng maayos ni Camille.” Nagpaalam na si Izaiah dahil sa tingin nito ay kailangan magkasarilinan ang mag-ina para makapag-usap.
Napabuntong-hininga si Helen, “Pasensya na kayo, hindi ko lang talaga mapigilan ang magalit.” Hindi na umimik si Camille, marahil ay nahihiya ito dahil sa harap pa mismo nila pinagagalitan ang babae.
Dahil papunta si Izaiah sa opisina ay isinabay na rin niya si Grace, papasok pa rin kasi ito sa coffee shop.
“Kawawa talaga ang amo mo, ano? Kung ako ang daddy no'n malamang hinalughog ko na ang buong Pilipinas mahanap ko lang ang lokong lalaki na ‘yon na nakabuntis sa anak ko,” mayamaya na sabi niya habang binabagtas ang kahabaan ng kalsada.
“Sinabi mo pa, naawa talaga ako kay Ma’am Camille, pero naiinis din ako kasi sobrang mahal niya ‘yong lalaking ‘yon. Naku! Kung ako ‘yon dila lang walang latay sa kanya,” gigil na tugon ni Grace.
Naging mas seryoso ang mukha ni Izaiah ramdam din nito ang galit na nararamdaman ni Grace.
HALOS isang linggo ding nagpahinga si Camille sa kanilang bahay. Hindi na muna siya pumunta sa cafe. Pero habang nasa bahay siya ay lalo lamang siyang nalulungkot. Lalo lamang niya naiisip si Ivan at ang kalagayan niya. Nahihirapan siyang mag-move on. Ang hirap magkunwaring ayos lang siya sa harap ng kanyang mommy pero deep inside ay nalulunod na siya sa kalungkutan.
“Oh! Saan ka pupunta?” tanong ng kanyang mommy.
“Sa coffee shop po.”
“Teka, ‘di ba dapat nagpapahinga ka rito sa bahay? Sabi ng doktor maselan daw ang pagbubuntis mo,” anang ginang.
“Mom, ang sabi po ng doktor bawal akong ma-stress. Kung dito lang po ako sa bahay at walang ginagawa aba’y lalo yata akong mai-stress. Sige na, Mom, payagan mo na ako. Wala naman akong mabigat na trabaho na gagawin sa cafe, magbabantay lang naman ako.”
Tila nakumbinse naman ang ina at napatango na lang ito.
“O siya sige, kung ‘yan ang gusto mo. Basta tawagan mo ako kapag sumama ang pakiramdam mo. Teka, isama mo kaya si Marya.” Ang tinutukoy nito ay ang isa nilang kasambahay.
“Mom, ‘wag na po, naroon naman si Grace kaya ‘wag na po kayong mag-alala.”
Panatag naman ang ginang dahil kilala naman nito si Grace, hindi lang isang matapat na empleyado kundi isang mabuting kaibigan.
“Sige, mag-iingat ka, anak.”
Nagpapasalamat si Camille dahil hindi naman siya nakararanas ng morning sickness. Maliban lang sa food craving. Hinahanap-hanap niya ang mangga kahit hindi naman season ng mangga. Kung saan-saan siya nagpapahanap ng gusto niyang prutas at kapag hindi siya nabibilhan ay parang ang sama-sama ng loob niya. Ganoon talaga siguro ang pakiramdam kapag naglilihi. Kaya kadalasan, siya na lang ang lumalabas para maghanap. Mabuti na lang at panahon ngayon ng lansones, isa rin yata ito sa mga pinaglilihian niya. Naalala niyang minsan ay may naglalako ng lansones malapit doon sa parke na malapit sa coffee shop.
Kaya nang maiparada niya ang sasakyan sa parking area ay agad niyang tinungo ang ‘di kalayuang parke. Umupo siya sa bench sa ilalim ng malaking puno. Dito ang madalas niyang tambayan upang maglanghap ng sariwang hangin at magbasa ng pocketbook. Maganda ang panahon, pero tila makulimlim at parang nagbabadya ang ulan. Hindi niya iyon pinansin, hinihintay kasi niyang dumaan ang nagtitinda ng lansones.
Ilang minuto pa ang lumipas tila naiinip na siya dahil wala namang dumadaan na nagtitinda ng lansones. Takam na takam na siyang kumain no'n. Nag-umpisa na siyang makaramdam ng inis. Unti-unting pumatak ang maliliit na ulan pero hindi pa rin siya tumatayo sa kinauupuan, hanggang sa naging mas malalaki ang patak nito at lalong lumakas. Napatayo na siya upang bumalik na lamang sa coffee shop ngunit sobrang lakas na ng ulan at pihadong mababasa na siya. Nag-uumpisa na siyang mabasa dahil hindi naman sapat ang mga dahon ng malaking puno upang siya’y protektahan sa ulan.
“Camille, anong ginagawa mo rito?!”
Napalingon siya sa lalaking may dala-dalang payong, “Izaiah?!”
Agad itong lumapit sa kanya at pinayungan siya.
“Ano bang ginagawa mo rito?” tanong niya.
“Ako ang dapat magtanong niyan. Ba’t nandito ka? Sinong kasama mo?” bakas ang pag-aalala sa mukha ng lalaki.
Umiling siya, “Wala akong kasama. Inaabangan ko lang kasi ‘yong nagtitinda ng lansones at bibili ako pero hindi dumaan, ‘tska namang bumuhos ang ulan kung kailan pabalik na ako sa cafe.”
“Haisst! ‘Yon lang ba sinadya mo rito? Eh, di sana nagpabili ka na lang, marami ka namang p’wedeng utusan, ah.”
Napataas kilay siya pakiramdam niya ay sinisermunan siya ng lalaki.
“Hindi pa ako nakapapasok sa cafe dito talaga ako dumeretso nung dumating ako. Eh, ikaw ba’t nandito ka? ‘Wag mong sabihing stalker ka?” pagbibiro niya.
“Natanaw lang kita nang maiparada ko ang kotse. Kahit malayo parang pamilyar ka, at hindi nga ako nagkamali.” Saglit na katahimikan ang namagitan sa kanila.
“Umm… Gusto mo ba talaga ng lansones? Ibibili na lang kita. Sabi ng mga matatanda mahirap daw kasi pigilan ang babaeng naglilihi dahil kapag hindi nakain ang gusto ay pumapangit ang baby,” napangiti ito.
“Huh? Totoo?!”
“Oo, totoo raw ‘yon lalo na kapag laging nakasimangot ang mommy,” humagikhik ito.
“Ah! Ikaw, ha, niloloko mo na ako. Sige nga, may alam ka bang bilihan ng mga prutas malapit dito?” tanong niya.
“Oo naman,” pagbibida ng lalaki.
“Tara, puntahan natin!” yaya niya.
“You sure, sasama ka?” napataas pa ang mga kilay nito.
“Oo naman, gusto ko kasi ako pipili.”
‘Okay sige, tara na sa kotse,” yaya ng lalaki. Tila nag-alangan siyang sumama. Ibig sabihin pala ay malayo.
“Akala ko walking distance lang.”
Natawa ito, “Saan ka naman makakakita dito ng prutasan, eh, puro mga matataas lang na mga buildings ang nandito sa paligid. For sure sa grocery o kaya sa palengke meron no’n.”
Natigilan si Camille bigla siyang nag-alangan.
“Hulaan ko, hindi ka siguro namamalengke sa inyo. Tama ba?” Tama nga ang lalaki, wala siyang alam sa palengke. 'Ni hindi nga siya mahilig pumunta sa grocery dahil ang mommy lang niya kasama ang kasambahay ang gumagawa no’n sa kanila. Kung pupunta man siya sa mall ay para mag-shopping ng mga bagay na gusto lang niya.
“Oo. Tama ka,” pag-amin niya.
Inalalayan siya ng lalaki habang naglalakad at sinisiguro nitong hindi siya nababasa sa pagkakapayong nito sa kanya. Nakita niyang medyo nabasa ang kalahati ng jacket nito kung kaya’t nang makapasok sila sa loob ng kotse ay hinubad nito ang jacket.
Nagpunas din siya ng tissue. Naalala na naman niya ang tissue na naubos niya sa kaiiyak noong sumakay siya sa kotse ni Izaiah noon.
Tila gininaw siya dahil medyo nabasa ang kanyang blouse ng ulan kaninang hindi pa dumarating ang lalaki. Pakiramdam niya ay kinikilabutan siya sa lamig lalo na nang maramdaman niya ang pagbuga ng aircon sa loob ng kotse.
Saglit na nilinga siya ni Izaiah, “Nabasa ka pala?”
“Ah, wala ‘to kaunti lang naman.”
Hindi muna nito itinuloy ang pagmamaneobra bagkus ay inabot nito ang extra jacket na nasa backseat at ibinigay sa kanya.
“Heto, isuot mo muna. Kung ayaw mo naman p’wedeng ilagay mo lang sa balikat mo para hindi ka ginawin.”
“Naku, nakakahiya naman sa'yo.”
Ngumiti ang lalaki, “Okay lang ‘yon. Ganito na lang, para hindi ka mahiya isipin mo na lang na ginagawa ko ‘to para sa baby mo. Kukunin mo akong ninong, 'di ba?”
Ngumiti na rin siya at nakaramdam ng kapanatagan.
“Oo ba.”
“Hmm...Ano kaya ‘yan, sana lalaki, ano? What do you prefer?” nilinga siya nito.
“Gusto ko babae,” nakangiting tugon niya.
“Hindi, gusto ko lalaki.”
“Girl!”
“Boy!”
“Girl nga, eh!”
Natigilan siya nang mapatingin sa kanya ang lalaki. Nawala ang kanyang mga ngiti at tila nahiya sa inasal. Bakit ba nila pinag-uusapan ang ganoong bagay. Kung may isang lalaki na excited para sa anak niya iyon ay si Ivan lang dapat.
“Basta baby boy ‘yan,” hirit ng lalaki na tila inaasar siya sabay napangiti lalo. Nasakyan na rin niya ang pagbibiro nito at ngumiti na rin siya.
Mayamaya pa ay nakarating na sila sa isang palengke. Nakita niya agad ang napakaraming tindahan ng mga prutas. Paikot-ikot sila para maghanap ng mapaparadahan ng sasakyan. Sa wakas ay may nakita na silang bakante. Umuulan pa rin ngunit mas mahina na ito kumpara kanina. Nahiya naman siyang isuot ang jacket ni Izaiah kung kaya’t ipinatong na lang niya ito sa magkabilang balikat giniginaw na rin kasi siya. Inalalayan siya nitong bumaba sa passenger seat at sabay silang naglakad habang si Izaiah ang may hawak ng payong.
“Tara, doon tayo!” turo niya sa mga nakahilirang lansones. Itiniklop na ni Izaiah ang payong nang makapasok sila sa tent ng fruit stand. Agad na pumili si Camille ng lansones. Samantalang si Izaiah ay katabi lang niya at nakikipagtawaran sa tindera.
“Okay lang ‘wag ka nang tumawad ang mura na nga, eh,” siniko niya ang lalaki.
“Anong mura? Ang mahal kaya halos doble ang presyo dito kesa doon sa binibilhan ko,” bulong nito sa kanya. Napatingin siya sa lalaki at napangiti pagkuwa’y bumaling ang lalaki sa tindera.
“Wala na ho bang bawas? Pagbigyan niyo naman ‘tong kasama kong buntis. Sabi nila kapag nabilhan ka raw ng buntis, eh, susuwertehin daw ang paninda n’yo,” hirit nito. Natatawa na lang siya habang pinagmamasdan ang lalaki nagawa pa nitong bolahin ang tindera.
“Ay, talaga?! Sige na nga bibigyan ko kayo ng discount. First baby niyo ba, Sir?”
Nagulat siya at napatingin sa ginang.
“Ah, oo, eh. Sige ho, pakihiwalay na lang ng plastik ang lansones ‘tska ‘yang manggang hilaw mga tatlong kilo,” maagap na sagot ni Izaiah. Napanganga na lamang siya at napailing dahil napakarami nitong binili na mga prutas.
“Andami na niyan, hindi ko na mauubos ‘yan,” reklamo niya.
“Bakit ikaw lang ba ang kakain? Dalawa kayo ng baby, siyempre. ‘Tsaka mamigay ka ro’n sa bahay niyo.”
Hindi na siya nakatanggi pa nang ito na ang magbayad ng kanilang pinamili.
“Ba’t mo sinabi ‘yon,” sita niya nang makalayo na sila sa tindera.
“Ang alin ba?” napatingin ito sa kanya at napakamot sa ulo nang mapagtanto ang ibig sabihin. Inakala kasi ng tindera na mag-asawa sila.
“’Yaan mo na, ayaw mo no’n may discount ka. ‘Tsaka alangan namang magpaliwanag ka pa doon na hindi ko anak ‘yang dinadala mo, baka isipin pa no’n na kabit mo ako.” Natawa na lang sila pareho.
“Sabagay hindi naman nila tayo kilala. In fairness, ang galing mong tumawad. Teka, magkano nga utang ko sa'yo?” tanong niya.
“Never mind,” tugon nito.
“Ha? Ano ka ba? Nakakahiya na talaga.”
“As I’ve said hindi ko ‘to ginagawa para sa'yo kundi para sa baby mo, remember I’m his ninong, right?”
“His? Sure na sure ka talagang lalaki, ah.”
“Yah, for sure.” Tumawa pa ito habang nilalagay sa likuran ng sasakyan ang kanilang mga pinamili. Binilhan din siya nito ng mangga na may kasamang bagoong.
“P’wede mo nang kainin ‘yan,” anang lalaki sabay napatingin sa hawak niyang mangga.
“Sa cafe na lang, baka mangamoy bagoong ‘tong sasakyan mo,” aniya nang maikabit ang seatbelt.
“It’s okay, sige na kainin mo na. Alam ko namang takam na takam ka na riyan kanina pa.”
Bakit ba ang galing maghula ng lalaking ‘to? Sa loob-loob niya. Hindi na siya nag atubili pa, binuksan niya ang napakasarap na nakabalot sa plastik na mangga na kulay yellow at berde. May kasama pa itong bagoong na lalong nagpalaway sa kanya. Agad niya itong kinagat pakiramdam niya ay na-satisfied na siya nang malasahan niya iyon. Halos nangangalahati na siya nang mapagtanto niyang alukin ang lalaki.
“Kain ka rin tig-isa tayo.”
Nilinga siya ng lalaki at ngumiti.
“No, thanks, masaya na ako na makita kang matakaw,” pagbibiro nito.
“Grabe, ka naman! Sige na, sa’yo na ‘tong isa. Okay na ako dito sa isa.”
“Thank you. Just keep it para mamaya. Baka magalit sa’kin si baby,” anang lalaki.
Ganito rin ba siya kaalaga sa misis niya dati? ang biglang sumagi sa isipan niya. “Napakasuwerte siguro ng misis mo kung nabubuhay pa siya sa ngayon. I-I mean…knowing that you’re such a kind husband at maalaga..”
Napansin niyang biglang naging seryoso ang mukha ng lalaki.
“P-pasensya na..’wag ka sanang magalit, naisip ko lang,” dugtong pa niya.
Napawi ang kanyang takot nang bahagyang ngumiti ang lalaki.
“That’s alright. Tama ka suwerte niya talaga sa’kin. Pero mas suwerte ako sa kanya….kaya lang…wala na siya…I mean wala na sila…” tila dumilim ang mukha nito.
“Sorry…” mahinang sabi niya. Tila naungkat na naman ang malungkot na nakaraan ng lalaki. Gustuhin man niyang tanungin ito pero wala siyang lakas ng loob. Kagaya niya ayaw rin niya kasi na tinatanong siya tungkol sa mga bagay na personal. Lalo na kung tungkol kay Ivan. Ayaw na niyang umiyak, malamang ganoon din siguro ang nararamdaman ng lalaki o maaaring mas malala pa.