Chapter 2

1477 Words
SATAN'S LITTLE TUMOR. Napapaisip ako kung ano ang kahulugan ng mga salitang iyon. Hindi ko alam kung bakit iyon ang tawag niya sa akin. Gusto ko siyang tanungin pero sa isang iglap ay nawala siyang parang bula. Mula sa posteng kinasasandalan niya kanina, ay inilibot ko ang aking paningin at pinagmasdan ang dagat ng tao na ngayon ay abala sa pagtawid sa magkabilang panig ng highway. Tama nga ang lalaking nakaitim. Hindi nila ako nakikita. Tumatagos ako sa katawan ng bawat taong dumadaan. Napapailing na lang ako habang pinagmamasdan ang nangyayari. May isang ale na tumigil mismo kung saan ako nakatayo dahil nalaglag ang bitbit niyang grocery bag dahilan para kumalat ang laman niyon. Yumuko siya para pulutin ang mga prutas na nalaglag. Sa ilang segundong pananatili niya sa kinatatayuan ko ay kakaibang pakiramdam ang namayani sa puso't isipan ko. Parang nararamdaman ko ang nararamdaman niya. Naroon ang saya sa dibdib ko- saya na may halong pananabik at pagmamadaling makauwi sa naghihintay kong mga anak. Yuyuko na sana ako para tulungan siya nang maramdaman kong tila may tumulak sa akin mula sa likuran. Sa lakas niyon ay napasubsob ako sa semento. Ilang segundo rin akong namilipit sa sakit dahil doon. Nang lingunin ko ang ale ay tila takot na takot siya dahil nagmamadali niyang dinampot ang mga nalaglag at mabilis na nilisan ang lugar na iyon. Ang mga tao namang naroroon ay patuloy lang sa paglalakad at tila hindi pansin ang nangyari sa ale. "Huwag na huwag mo na ulit gagawin iyon sa kaniya," wika ng isang lalaki. "Mapanganib ang ginawa mo!" Nakatayo siya sa harap ko, nakapamulsa at titig na titig sa akin na wari bang ako na ang pinakamasamang tao sa mundo. Napapangiwi pa siya saka umiling-iling. Napansin ko rin ang galit sa mukha niya dahil bahagyang gumalaw ang magkabila niyang panga. "Sino ka?" Wala akong natanggap na sagot mula sa kaniya. Hanggang sa makatayo na ako ay nakatitig pa rin siya sa akin. Nakasuot siya ng kulay kremang damit, may mahabang manggas at abot hanggang binti ang laylayan niyon. Natatabingan niyon ang suot niyang pantalon na kulay krema rin. Maging ang sapatos niya ay terno rin sa kulay ng kanyang damit. "Ang kwintas na 'yan," usal niya nang mapadako ang paningin sa dibdib ko. "Kwintas?" ulit ko. "Ang kwintas na 'yan," turo niya sa dibdib ko. "Ang nilalang na nagsusuot ng kwintas na 'yan ay nagdadala ng unos sa sangkatauhan." "Unos?" "Oo," galit niyang tugon. "Kaya layuan mo ang mga tao. Walang puwang sa mundo nila ang isang kagaya mong demonyo." Tumalikod na siya at naglakad palayo sa lugar na iyon. Tila naumid ang dila ko, dama ko rin ang paninikip ng aking dibdib. Waring isang punyal ang mga salita niya na diretsong tumarak sa aking puso. Masakit, wala iyong kasing sakit. Demonyo. Ewan ko, pero masakit talaga ang salitang iyon. Ngunit hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin niyon. Iisa lang ang alam ko- hindi maganda ang salitang iyon. Ramdam ko pa rin ang sakit sa aking dibdib. Simula nang magising ako kanina sa waiting shed ay puro na lang sakit ng katawan ang iniinda ko. Nakaramdam lang ako ng kaginhawahan nang manatili sa kinatatayuan ko kanina ang isang ale. Segundo lamang iyon, pero walang kasing sarap sa pakiramdam. Kasiyahan at kapayapaan na nais kong muling maramdaman. Patuloy pa rin ang pananakit ng dibdib ko kaya diniinan ko iyon gamit ang aking kanang kamay sa pag-asang mabawasan ang sakit, subalit hindi ko nagawa dahil napaso ang kamay ko nang madantayan ang pendant ng suot kong kwintas. Parang sinusunog ang kamay ko, unti-unti iyong dumadaloy sa aking braso patungo sa buong katawan ko. Sumigaw ako at napaluhod sa sobrang sakit, ngunit tila wala man lang nakakarinig sa aking panaghoy. Gusto kong bitiwan ang pendant ng suot kong kwintas pero tila isa iyong batu-balani at waring isang bakal naman ang aking kamay na ayaw mawalay sa bagay na iyon. Hindi ko maipaliwanag ang sakit, para akong nasa gitna ng walang katapusang naglalagablab na apoy. Gusto kong tumakas pero hindi ko magawa. Ilang minuto ko ring ininda ang walang katapusang sakit na iyon. Hanggang sa mamalayan ko na lang na nabitiwan ko na ang pendant ng suot kong kwintas. Sa isang iglap ay naging payapa ang pakiramdam ko. Naramdaman ko na naman ang di maipaliwanag na kasiyahan. 'Yong pakiramdam na nakatapos ka ng kolehiyo at sa wakas ay natanggap ka sa isang pamosong kompanya kung saan mo pangarap na makapagtrabaho. Saka ko lang napansin na may isang lalaking nakatayo sa mismong kinaluluhuran ko. Nakasuot siya ng kulay bughaw na damit, nakatupi ang manggas niyon hanggang siko niya. Hawak niya sa kaliwang kamay ang isang malaking brown envelope. Segundo lang ang dumaan nang bigla siyang mapasubsob sa gilid ng sementadong highway na iyon. Napalingon ako para makita kung sino ang tumulak sa kaniya, subalit kaming dalawa lang ang naroon. Pilit ko siyang itinatayo pero hindi ko siya mahawakan dahil tumatagos ako sa katawan niya. Maya-maya ay nagsidatingan ang mga tao. Tinulungan nila ang lalaking nakahandusay at isinakay sa isang ambulansiya. Ni isa ay wala man lang nakapansin na naroon ako. Na tinangka kong tulungan ang lalaking iyon. Tatalikod na sana ako para lisanin ang lugar na iyon nang mahagip ng paningin ko ang lalaking nakasuot ng kulay kremang damit na siya ring kausap ko kani-kanina lang. Naroon na naman ang galit sa mukha niya na para bang may ginawa akong masama sa kaniya. "Ngayon alam mo na ang ibig kong sabihin," galit niyang saad at dinuro ako. "Layuan mo ang mga tao. Mamamatay sila kung patuloy kang sasanib sa katawan ng bawat taong makakasalamuha mo." "Hindi ko sinasadya," usal ko dahil nakonsensiya ako sa nangyari sa lalaking isinakay sa ambulansiya. "Hindi sinasadya? At iyon talaga ang rason mo? Hindi sinasadya." Ngumisi siya pero mababanaag pa rin ang galit sa mukha niya. "Hindi mo sinadya na maging irresponsible! Hindi mo sinasadya nang pabagsakin mo ang kompanyang pinaghirapan ng ibang tao at lalong hindi mo sinasadya nang sinaktan mo nang paulit-ulit ang mga babaing walang ibang alam kung hindi mahalin ka. Gano'n na lang ba parati ang rason mo? Palagi na lang 'hindi sinasadya', ha?" Napaawang na lang ang bibig ko. Wala akong maalala sa nakaraan ko. At kung nagsasabi nga siya ng totoo, ay hindi ko lubos maisip na nagawa ko ang mga bagay na iyon. "Tama nga sila. Kampon ka ng demonyo at patunay 'yan ng suot-suot mong kwintas. Wala kang respeto sa mga taong nasa paligid mo. Pati ang Diyos ay hindi mo na nirespeto kaya hindi na ako magtataka kung bakit nangyayari sa 'yo ang mga bagay na nararamdaman mo sa kasalukuyan." Tumalikod na siya at iniwan ako. Hindi ako makahuma sa sinabi niya. Muli ay naramdaman ko na naman ang pananakit ng dibdib ko dahil narinig ko na naman ang salitang iyon. Gano'n ba talaga ako kasama para tawagin niya sa ganoong pangalan? Mas lalo pang nanakit ang dibdib ko, sakit na hindi ko alam kung saan nanggagaling dahil narinig ko ang salitang Diyos. Diyos? Bakit ramdam na ramdam ko ang takot dahil lang sa pangalang iyon? Diyos? Sino ba ang Diyos? Sino ba Siya? Bakit nanginginig ang buong kalamnan ko sa takot dahil sa simpleng pagbanggit lang ng pangalang iyon? Natatakot ako at nanghihina kapag naririnig ang salitang iyon. Hindi ko alam kung ilang oras ako sa ganoong ayos. Nanginginig ako sa sobrang takot habang iniinda ang pananakit ng dibdib ko. Nang medyo makabawi ako ng lakas ay tiningnan ko ang pendant ng suot kong kwintas at sa pagkakataong ito ay iniwasan kong masagi iyon ng aking mga kamay. Kulay puti ang pendant na iyon na may mga nakasulat na linya na hindi ko maintindihan. Kahugis niyon ang prutas na balimbing at sa tingin ko ay may habang isa't kalahating pulgada. Gabi na nang lisanin ko ang lugar na iyon. At dahil hindi ko alam kung saan ako pupunta, ay tinunton ko na lang ang kalsada kung saan may liwanag akong namamataan. Hanggang sa dalhin ako ng mga paa ko sa lugar kung saan patay-sindi ang mga ilaw. Mangilan-ngilang tao ang bumungad sa akin nang makapasok ako. Maingay sa loob niyon, malikot ang patay-sinding mga ilaw habang abala ang ilang unipormadong lalaki sa pagsisilbi sa iilang parokyano. Nanatili akong nakatayo sa bakanteng espasyo sa gilid ng malawak na kuwartong iyon. Abala sa pag-inom ng mamahaling alak ang iilang parokyano habang komportableng nakaupo sa leather sofa na naroon. Sa tabi nila ay naroon ang ilang kababaihan na hindi ko malaman kung nagtitipid ba o sadyang walang perang pambili ng medyo maayos-ayos na damit dahil halos lumuwa na ang maseselang parte ng kanilang katawan. Ngiting-ngiti naman ang mga lalaking animo'y ngayon nakakita ng babaing halos wala ng saplot sa katawan. May pahawak-hawak pa sa kung saan-saang parte ng katawan na hindi naman tinututulan ng mga babae, bagkus ay tawa o kaya halinghing ang itinutugon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD